Share

XVIII

KAHIT madilim, hindi nakaramdam ng takot si Serenity nang makapasok na siya sa bahay. Ni hindi siya nagbukas ng kandila. Ayaw niya kasing makuha ang atensiyon ng ibang tao. Baka akalain pa na may multo sa bahay nila. Sapat na rin sa kanya ang ilaw sa poste at ng buwan

Kahit maalikabok, naupo siya sa paborito niyang upuan sa hapag kainan.

Napahinga siya nang malalim.

Akala niya si Oliver na ang tinutukoy ni Aling Tasing pero mukhang mali siya. Tingin daw kasi nito, kaedad ng Papa niya ang dalawang lalaki na nagpupunta doon.

Kahit ba curious siya kung sino ang mga iyon, lamang pa rin ang lungkot niya dahil kahit minsan, hindi man lang nagtungo doon si Oliver. Mukhang naka-move on na talaga ito habang hindi pa rin ito mawala sa isip niya.

“Nakakainis!” aniya sabay hagis ng nahawakan niyang picture frame sa sahig.

“Ano bang problema mo, Serenity? Bakit ba sinasayang mo ang luha mo sa isang lalaking hindi ka naman panindigan? Tama na `yang kabaliwan mo. It’s been two years. Mag-move ka na,” aniya sabay pahid sa luha. “Dinamay mo pa pati picture frame ng family mo,” wika niya sa sarili sabay pulot sa picture frame na inihagis niya.

Medyo madilim man, nagawa pa rin niyang makita ang mga taong nasa larawan. Kaya naman napakunot ang noo niya nang makita ang hindi pamilyar na lalaki kasama ang Papa niya.

Ngayon lang niya napansin ang picture na iyon. At kahit kailan, hindi pa ata niya nakikita ang kasama nito sa larawan na iyon nang personal. Bigla siyang napatingin sa paligid. May nagsadya kayang maglagay niyon sa bahay nila habang wala sila?

Bigla niyang naalala ang sinabi ni Aling Tasing. Baka isa sa mga lalaking nagpupunta doon ang lalaking iyon. Pero bakit naman nito iiwan ang litratong iyon sa bahay nila?

Binaliktad niya ang picture. Nagsitayuan ang balahibo niya nang may makitang nakasulat doon. Inilawan niya iyon gamit ang kanyang cellphone.

“Kung gusto mong malaman ang totoong nangyari sa pagkawala ng iyong ama, magpunta ka sa ospital na ito at hanapin mo ako.”

Nakasulat sa likod ng larawan ang pangalan ng isang pribadong ospital at pangalan ng isang Dr. Richard Kim.

Hindi kaya siya mapahamak kapag nagtungo siya sa lugar na iyon at puntahan ito? Pero iyon naman talaga ang dahilan kaya bumalik siya sa Manila, hindi ba? Ang makahanap ng clue sa totoong nangyari sa kanyari kanyang ama.

Para mag-iwan ito ng address nito at totoong pangalan, hindi naman siguro ito masamang tao.

Muli siyang tumingin sa paligid. May iniwan pa kaya itong ibang clue sa bahay nila?

Bigla niyang naalala ang lihim na pinto kung saan madalas manatili ang Papa niya noon. Kahit minsan, hindi pa siya nakapasok sa lugar na iyon. Maging ang Mama nga niya mukhang walang alam tungkol sa kwartong iyon. Baka may mahanap siyang clue doon.

Mga twelve years old siya nang pumasok siya sa kwarto ng magulang kahit bawal. Nang malaman niya na may paparating, agad siyang nagtago doon. Noon niya nalaman na may secret door pala sa likod ng salamin sa room ng parents niya. Pumasok kasi ang Papa niya doon.

At ngayon, pagkalipas ng nine years ay nagawi uli siya sa kwartong iyon.

“Wow,” aniya nang maitulak ang salamin. Wala siyang pinipindot pero kusang bumukas ang mga ilaw sa loob ng kwarto.

Sa kabila ng kanyang paghanga, natakot siya nang makita ang klase-klaseng armas na naka-display sa kwartong iyon. Alam niyang may baril ang ama pero hindi niya akalain na ganoon kadami ang mga iyon.

Pero ang mas nakakuha ng atensiyon niya ay ang pulang mask na nakadikit sa dingding.

Kahit ba wala pang nahuhuli na miyembro ng Merciless ang pulisya, madalas mai-report sa TV ang mga ito kapag may namamatay na leader ng sindikato.

Kaya naman hindi siya maaaring magkamali. Ganoon na ganoon ang itsura ng mask ng mga miyembro Merciless na nakukunan ng CCTV.

Ibig sabihin ba no’n miyembro ng Merciless ang kanyang ama? Kung ganoon, iyon pala ang tinutukoy ng Papa niya na grupo.

Ngayon alam na niya kung bakit ganoon na lang ang takot ng kanyang ina nang malaman na patay na ang kanyang ama. Malamang may ideya na ito kung anong klase ng tao ang maaaring pumatay sa asawa nito.

Naiintindihan na rin niya kung para saan ang lahat ng itinuro ng ama sa kanila. Paghahanda iyon para sa oras na maging miyembro din sila ng Merciless at kung sakaling balikan sila ng mga naging kalaban nito.

“Iyan nga!” ani Aling Tasing nang ipakita niya dito kinabukasan ang larawan ng ama kasama si Dr. Kim. “Iyan nga iyong lalaki na ilang beses nagpunta dito.”

Dalawang lalaki ang nasabi ni Aling Tasing na nagpunta doon habang wala sila. Malamang miyembro din ng Merciless ang isa pang nagtungo doon.

“Kamag-anak niyo ba iyan?”

“Opo. Sige po, Aling Tasing. Salamat sa pagkumpirma. Aalis na po ako.”

“Aalis ka na agad? Babalik ka pa ba dito?”

“Hindi ko pa po alam. Sige po.”

Sa natuklasan niya, mas mabuting wala na lang alam si Aling Tasing.

Agad na siyang nagtungo sa ospital na nakasulat sa likod ng larawan at hinanap si Dr. Kim.

Nang una, tinanong siya ng babae sa information area kung may appointment ba siya kay Dr. Richard Kim. Nang sabihin niyang wala, sinabihan siya na mag-iwan na lang ng pangalan at telephone number. Tatawagan na lang siya para sa schedule niya.

Na ginawa niya.

Pero nang papalabas na siya ng ospital, nagulat na lang siya nang habulin siya ng babae doon.

“Bakit, Miss? May problema ba?” aniya.

“Sorry Mam kung hindi ko agad nabasa ang pangalan niyo. Sumama po kayo sa akin. Sasamahan ko kayo sa office ni Dr. Kim.”

Napakunot naman ang noo niya. Ganoon lang pala kabilis maghintay para sa schedule niya. Hinayaan pa siyang makaalis.

“Dito po muna kayo, Mam. May tinatapos lang na meeting si Dr. Kim pero nasabi ko na sa kanya ang pagdating niyo. Siguradong magtutungo na iyon dito. Sige po.”

At hindi nga tumagal ay dumating na si Dr. Richard Kim.

“You finally came,” wika nito na para bang inaasahan na nito ang pagdating niya.

Kabado man, hinarap niya ito. “Anong alam mo sa pagkamatay ng Papa ko? At anong koneksiyon niyo sa Merciless?”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status