Share

XIX

“AKALA ko ay mahihirapan akong ipaliwanag sa iyo ang Merciless. Pero mukhang may ideya ka na pala sa grupo namin,” wika ni Dr. Kim.

Hindi siya nagkamali. Miyembro nga ng Merciless ang kanyang ama.

“Sa panahon ngayon, sino ba naman ang hindi nakakakilala sa Merciless,” aniya.

Kahit nga mga bata ay bukambibig ang Merciless. Sa katunayan, marami sa mga kabataan ngayon ang humahanga sa grupo. At sa totoo lang, isa siya sa humahanga sa mga ito. Minsan mas matinik pa kasi ang mga ito kaysa sa mga pulis na makahuli ng mga druglord at leader ng mga sindikato.

Pero sa totoo lang, habang nakatingin siya kay Dr. Kim, hindi niya maisip na miyembro ito ng ganoong grupo. Napakaamo kasi ng mukha nito.

“Ang gusto kong malaman ay kung paano napabilang sa grupo niyo ang Papa ko, at kung ano nga ba ang nangyari sa kanya.”

“Isa ang iyong ama sa mga pinakaunang miyembro ng Merciless. Hindi pa man niya nakikilala ang iyong ina ay kasapi na siya ng grupo.”

Kaya naman pala ganoon na lang ang pagmamahal ng ama sa trabaho nito.

“Sa kasamaang palad, isa si Simon sa mga nasawi dalawang taon na ang nakakaraan. Natunugan ng mga kalaban ang mga huli naming mga misyon. Na-ambush sila at marami sa aming mga kasamahan ang namatay. Kasama na roon ang aking asawa. At hanggang ngayon, hindi pa rin namin nabibigyan ng hustisya ang pagkawala nila.”

Kahit ba dalawang taon na ang nakakalipas, kitang-kita pa rin niya sa mga mata ni Dr. Kim ang sakit sa pagkawala ng asawa nito.

“Sa dami ng nawalang miyembro ng grupo, kinailangan muna namin magpalamig sa mata ng mga kalaban. At sa kasalukuyan, patuloy pa rin kaming naghahanap ng mga maaaring maging kabilang sa grupo upang mapalakas ang aming pwersa at maipagpatuloy ang aming misyon.”

“Kaya ba nag-iwan ka ng clue sa bahay namin? Para matunton kita at sumapi ako sa grupo niyo?”

“I’d be honest. I want you to be part of the team.”

Hindi siya nakaimik. Kahit ba hinasa siya ng ama mula pa man noong bata pa siya, hindi yata niya kayang pumatay ng tao kahit masasama pa ang mga ito.

“But so you know, hindi ito sapilitan. Pwede kang humindi. Ganoon pa man, bago ka mag-desisyon ay hayaan mo na muna akong ipakilala sa iyo ang mundong ginagalawan ng iyong ama.”

Ibig kayang sabihin ay isasama siya nito sa lugar kung saan nagtatago ang mga ito at kung saan naroon ang iba pang miyembro ng Merciless?

“Hindi ka ba natatakot na sa halip sumanib ako sa grupo niyo, isumbong ko kayo sa pulis? Alam mo naman siguro na makakakuha ng pabuya ang sino man makakapagturo kung nasaan ang lungga niyo.”

Natawa ito. “Hindi naman sa pagmamayabang pero kung pera lang ang pag-uusapan, higit pa sa pabuya ang makukuha mong pera kapag sumanib ka sa grupo.”

Bigla niyang naalala ang pera na nakita niya sa closet ng Mama niya. Ibig sabihin nagmula ang mga iyon sa kita ng ama niya bilang miyembro ng Merciless?

“And I also know you wouldn’t sabotage the group for a small cash,” dagdag pa nito.

“At paano mo naman nasabi `yan? Hindi mo pa ako kilala.”

“But I know your father. At sa tingin ko, hindi mo ipapahamak ang grupo na pinahalagahan ng iyon ama sa loob ng mahabang panahon.”

Kaya nga ba niyang isuplong sa pulis ang Merciless? Totoong naging loyal ang kanyang ama sa grupo sa mahabang panahon. Pero sa kabilang banda, iyon din ang naging dahilan ng ilang beses na pag-iyak ng kanyang ina.

“Welcome to the group, brother,” ani Kristoff kay Brylle. “Mukhang mas tumangkad ka pa yata kumpara noong huli kitang nakita, ah.”

Dati pa man, mas matangkad na sa kanila si Brylle. Six footer ito habang siya at si Kristoff ay mga 5’7”.

“Sorry kung hindi ako nakarating kahapon. May kinailangan lang akong asikasuhin,” ani Brylle.

“It’s fine,” wika ni Marigold habang nakayakap sa kapatid. “Ang mahalaga ay nandito ka na. Pero kung gusto mo pang umatras, may chance ka pa.”

“Hinding-hindi mangyayari `yon. Buo na ang desisyon ko, Marigold.

Kahit hindi totoong magkapatid si Brylle at Marigold, malapit ang dalawa sa isa’t-isa. Nang mamatay kasi ang kanilang magulang, si Marigold na ang tumayong magulang para kay Brylle.

Minsan na rin nabanggit ni Marigold sa kanya na kung ito ang pipiliin, ayaw sana nitong maging miyembro ng Merciless ang mga kapatid. Kaso, bata pa lang si Brylle ay inihanda na ito ng kanilang magulang. In the first place, iyon naman talaga ang dahilan kung bakit inampon ng mag-asawang Kim si Brylle, dahil bata pa lang nakitaan na nila ito ng potensiyal maging Merciless.

Kaya hindi man naprotektahan ni Marigold si Brylle sa grupo, pinipilit nitong ilayo sa mundong iyon ang totoo nitong nakababatang kapatid. Sa katunayan, umabot pa ito sa pag-hire ng mga fake na magulang ng kapatid para hindi ito magtanong tungkol sa totoo nilang mga magulang.

Medyo extreme man ang nagawa nito, hindi niya hinuhusgahan si Marigold sa naging desisyon nito. Kung pwede nga lang niya iyong gawin para sa sariling kapatid, ginawa na niya maprotektahan lang ito.

Sa pagdating ni Brylle at Bullet, unti-unti na silang dumarami.

“Sandali. Akala ko ba sa maliban kay Brylle at Bullet, wala ng ibang madadagdag na miyembro sa grupo natin ngayong taon?” ani Kristoff habang nakatingin sa mga CCTV monitors.

Iyon din ang alam niya

“Kung ganoon, sino `yang kasama niyang bumababa sa kotse?”

Nasa loob lang sila pero nasa harapan nila ang mga monitors connected sa mga CCTV na nakapalibot sa HQ.

At doon, kitang-kita nila ang kanyang ama na lumabas ng kotse nito kasama ang isang babae.

Hindi nagtagal, pumasok na ang mga ito sa main door. Nanlaki ang mga mata niya nang mamukhaan ang babaeng kasama nito. At tulad niya, mukhang nagulat din ito sa muli nilang pagkikita pagkalipas ng dalawang taon.

“Everyone meet Serenity Oh, Simon Oh’s daughter,” wika ng kanyang ama.

Lalo siyang nagulat sa natuklasan. Ngayon naiintindihan na niya kung bakit gusto siyang kausapin ni Sir Lendon tungkol sa anak nito. Bago ito mamatay, mukhang natuklasan na nito ang relasyon nila.

Pero sandali. Anong ginagawa ni Serenity sa HQ kasama ang Dad niya? Ibig sabihin ba magiging miyembro na rin nila ito?

Hindi maaari `yon.

Kailangan niyang makagawa ng paraan para hindi ito tumuloy. Hindi ito nababagay sa mundo nila. Hindi niya isinakripisyo ang relasyon nila para mapahamak lang ito sa huli. Kailangan niyang mailayo si Serenity sa Merciless at gagawin niya ang lahat ng paraan maisagawa lang iyon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status