Share

XIV

NANG makarating si Oliver sa apartment niya, may nadatnan siyang paper bag at isang box sa labas ng pinto pero wala na doon si Serenity. Malamang ay hindi pa nito kayang sagutin ang tanong niya kaya naisipan nitong umalis na lang.

Pero kung umayaw man ito, hindi rin naman niya pipilitin si Serenity. Kahit ba mahal nila ang isa’t-isa, alam niyang mahirap kay Serenity ang mag-desisyon. Syimpre, nag-aaral pa sila. Hindi rin nito alam na kaya na niya itong buhayin sa laki ng pera na meron siya.

“Sir. Andito na pala kayo. Sayang, kaaalis lang ni Mam.”

Napatingin siya sa lalaking nakipag-usap sa kanya. Kapag may nakakasalubong siyang staff, minumukhaan niya at binabasa ang nameplate. Kaya naman agad niyang nakilala si Romeo. At mukhang kilala na rin ito ni Serenity.

“Sayang. Dinalhan pa naman kayo ni Mam ng cake at pagkain. Saan ba kasi kayo galing, Sir?”

Tahimik lang siya pero hindi niya ata nagugustuhan ang pakikialam nito. At mukhang ayaw pa talaga nitong tumigil.

“Sa susunod, Sir, kung hindi niyo naman gusto, huwag niyo ng paasahin. Kawawa naman si Mam. Umiiyak na umalis,” wika nito na may pailing-iling pa habang paalis. “Hindi niyo tuloy nai-celebrate ang birthday niyo nang magkasama.”

Napakunot-noo siya. Birthday? Niya?

Dahil madalas nasa panganib ang buhay nila, iba na ang gamit niyang pangalan. Mas nakasanayan na nga niya ang Oliver kaysa sa totoo niyang pangalan, Michaelangelo Kim. At maging birthday niya, binago rin. Gano’n pa man, hindi niya iyon nakasanayan. Hindi naman kasi siya nagce-celebrate ng birthday.

Naalala niyang itinanong nga pala ni Serenity kung nasa bahay lang ba siya nang araw na `yon. Hindi niya akalain na may balak pala itong i-surpresa siya. Nawala din kasi sa loob niya na iyon ang araw ng birthday niya.

Sinubukan niyang tawagan si Serenity pero hindi nito sinasagot ang kanyang tawag. Mabilis na siyang nagtungo sa parking lot. Pupuntahan niya si Serenity.

Pero hindi pa man niya napapaandar ang sasakyan, nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang ama. Napapiksi siya. Bakit ba nagkasabay pa. Sa huli, inuna na lang muna niyang sagutin ang tawag ng ama.

“What’s wrong Dad?”

“Pumunta ka dito sa headquarters. Ngayon na.”

“I’m sorry, Dad, pero may importante pa akong dapat puntahan.”

“Mas importante ito, anak. Na-ambush ang Team ng Mama mo. I-I hate to say this but we might have lost her. So please, pumunta ka na dito.”

Ilang segundo rin siyang natigilan. Parang ayaw tanggapin ng utak niya ang sinabi ng ama.

“Oliver? Can you still hear me?”

“Y-yes, Dad. I’m on my way.”

Mahalaga sa kanya si Serenity pero mas mahalaga sa kanya nang oras na `yon ang ina.

“Please be safe. Please be safe.”

Hindi siya madalas magdasal pero nang oras na `yon, ginawa niya. Hindi man siya sang-ayon sa mga bagay na gusto ng ina para sa kanya, mas gugustuhin pa niyang kulitin siya nito kaysa mawala ito sa kanila.

NANG makarating si Serenity sa kanila, tamang-tama rin na dumating ang nakababata niyang kapatid na si Dean. Nakasuot pa ito ng basketball jersey. Eleven years old lang ito pero halos magkasingtangkad na sila.

Kahit ba istrikto ang Papa nila pagdating sa kanilang training, pumapayag naman ito na may mga sinasalihan silang extra-curricular activities. Basta ba hindi lang iyon nakakasagabal sa pag-aaral at training nila.

“Ate, anong nangyayari? Bakit pinagmadali akong pauwiin ni Mama? Hindi ko man lang natapos `yong laro namin.”

Hindi siya nakaimik. Hindi niya magawang sabihin sa kapatid ang sinabi sa kanya ng ina. Mukhang sa kanya lang pala nito sinabi ang nangyari.

“H-hindi ko rin alam. Si Mama na lang ang tanungin mo. Pumasok na tayo. Bilis.”

Naabutan nilang nagbabalot ng mga gamit ang ina habang walang tigil sa pagpatak ang mga luha nito.

“Ma, anong ginagawa niyo? Bakit kayo nag-iimpake? Sa ibang lugar ba naroon si Papa?”

“Mamaya na tayo mag-usap, Serenity. Basta magligpit ka na ng gamit mo. Ikaw rin Dean. Dalhin niyo ang kung ano lang ang mahalaga sa inyo. Kailangan natin makaalis agad sa lugar na `to.”

Nalilito man siya sa mga nangyayari, sumunod na lang din siya. Ni hindi na nga siya nag-isip masyado sa kung anong ilalagay niya sa bag. Kung ano na lang ang madampot niya.

Nang makaalis sila ng bahay, nagulat na lang siya nang sabihin ng ina na pupunta sila sa airport. At hindi lang kung saan sa Pilipinas sila magpupunta kundi sa Singapore. Nakakagulat nga dahil kompleto na agad ang lahat ng papeles na kailangan nila.

“Tayo na, anak. Kailangan na nating makasakay sa eroplano.”

“Ma, ano ba talaga ang nangyayari? Bakit bigla-biglaan, sa Singapore tayo magpupunta? Nasaan ba talaga si Papa? Ano ba talagang nangyari sa kanya?”

“Saka ko na lang ipapaliwang. Please, anak, pagkatiwalaan mo na lang ako. Kailangan na natin umalis.”

Kitang-kita niya ang frustration at takot sa mukha ng ina. Ayaw man niyang umalis ay wala na rin siyang magagawa. Pero bago pa man sila lumipad, may gusto muna siyang makausap.

“Pero, anak.”

“Please, Ma, kahit ilang minuto lang. May kailangan lang talaga akong tawagan.”

Napahinga nang malalim ang Mama niya. “O sige, pero bilisan mo lang. Hindi tayo pwedeng mahuli sa flight natin.”

Mabilis na niyang tinawagan ang number ni Oliver pero hindi nito iyon sinasagot. Panay lang ang pag-ring. Galit ba ito dahil hindi na siya nakapag-hintay sa apartment nito?

Mabilis siyang nag-type ng message.

-Sorry kung hindi ako nakapaghintay. May emergency lang. Please, sagutin mo ang tawag ko.-

Sinubukan muli niyang tawagan si Oliver pero wala pa rin, hindi pa rin ito sumasagot.

“Anak, kailangan na nating pumasok ng eroplano.”

Sumubok pa siya ng isang pagkakataon pero wala pa rin.

“Last na, Ma.”

Mabilis na siyang nag-type ng message.

-Hindi ko maipapaliwanag sa iyo ang nangyari pero kinailangan namin umalis. Kapag nagkaroon ako ng pagkakataon, tatawagan kita.-

Pagkatapos niya iyong i-send, patakbo na siyang nagtungo sa Mama niya. Pero bago pa man sila makapasok ng eroplano, nakatanggap siya ng text galing kay Oliver.

-I’m sorry, too, Serenity but I think it’s better if we break up and concentrate with our priorities.-

Hiwalay? Agad-agad? Sandali. Bakit para bang siya pa ang may kasalanan? Sa huling pagkakataon, sinubukan pa niyang tawagan si Oliver pero nakapatay na ang phone nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status