Share

XVI

AFTER TWO YEARS...

“SORRY kung ito lang ang regalo ko sa birthday mo. Nag-iipon kasi ako,” ani Serenity sa kapatid habang hawak ang cake na siya mismo ang may gawa.”

“Sapat na sa `kin `to, Ate. Maraming salamat,” hinipan na ng kapatid ang kandila. “Thank you uli, Ate.”

“Walang ano man para sa gwapo kong kapatid.”

Tumingin sa paligid ang kapatid. Mukhang alam na niya ang hinahanap nito.

“Hindi pa siya dumarating. Malay mo, may surprise din siya sa `yo.”

“I doubt. Mula nang mawala si Papa, nakalimutan na niya ang maraming bagay. Nakalimutan na nga ata niya na nandito pa tayo.”

Dalawang taon na mula nang dumating sila sa Singapore. Ganoon na rin katagal mula nang isubsob ng ina ang sarili sa trabaho. Madalas, wala ito sa bahay. Minsan nga feeling nila hindi lang ama ang nawala sa kanila.

Hindi tuloy niya maiwasang isipin na may inililihim nga sa kanila ang ina. May hindi tama sa mga nangyayari. Ano nga kaya kung may itinatago sa kanya ang ina?

Matapos nilang kumain, naghugas na siya ng pinggan. Pumasok na rin sa kwarto nito si Dean. Samantalang pinagtirhan na lang nila ng pagkain ang Mama nila.

Patungo na siya sa kanyang kwarto nang mapatingin siya sa room ng Mama niya. Kahit minsan, hindi pa siya nakapasok doon. May isang beses na sinubukan niya pero naka-lock iyon. Kaya nga mas lalong lumakas ang kutob niya na may itinatago ito.

Sa pangalawang pagkakataon, sinubukan niya iyong buksan. Nagulat siya nang magawang mapihit ang door knob. Nakabukas ang pinto. Bumilis ang tibok ng puso niya. Sisilip lang naman siya pero bakit parang ang laking kasalanan ng gagawin niya? Pero kapag hindi siya pumasok, baka hindi na siya magkaroon ng ibang pagkakataon. Wala naman siyang kukunin. Sisilip lang siya.

Sa pagpasok niya, nagulat siya nang makita kung gaano kagulo ang kwarto ng ina. Sobrang layo sa dating kwarto ng magulang. Mukhang maging ang sarili nitong kwarto, napapabayaan na rin nito. Kung totoo nga na namatay sa isang car accident ang ama, baka nahihirapan talaga itong maka-move on.

Sa loob ng dalawang taon, iyon lang ang nadagdag sa alam niyang detalye tungkol sa pagkamatay ng ama, na naaksidente ang sinasakyan nitong kotse. Na sa totoo lang ay hindi pa rin siya kuntento.

Sinusubukan naman niyang kausapin ang Mama niya. Sila lang ang meron ito sa Singapore. Kaso, umiiwas lang ito.

Napahinga siya nang malalim. Hindi naman siguro magagalit sa kanya ang ina kung lilinisin niya ang kwarto nito. Pinulot niya ang mga nagkalat na damit sa sahig. Mukhang wala na atang laman ang closet ng ina dahil nagkalat na lang doon ang mga damit nito.

Lumapit siya sa closet at nanlaki ang mga mata nang makita ang nilalaman niyon. Sa halip kasi mga damit, puro pera ang laman. Paano nagkaroon ng ganoon kadaming pera ang Mama niya? Bundle-bundle ang nakalagay na Singapore Dollar sa closet nito.

Tatawagan sana niya ang ina pero natigilan siya. Sigurado kasing wala rin siyang makukuhang sagot dito. Iiwasan lang din siya nito.

Bigla siyang kinabahan. May kinalaman kaya ang mga perang iyon sa pagkamatay ng Papa niya? Kailangan niyang malaman ang totoo. Hindi siya mapapakali hangga’t hindi nalalaman ang totoong dahilan ng pagkawala nito. Kung hindi man niya iyon makukuha sa ina, siya mismo ang maghahanap ng kasagutan.

Nagpunta siya sa kanyang kwarto at kumuha ng bag.

“Patawarin mo `ko sa gagawin ko, Ma. Pero ito lang ang paraan para magkaroon ng kasagutan ang mga tanong ko.”

Bumalik siya sa kwarto ng ina at kumuha ng pera sa closet nito. Gagamitin niya iyon para sa paglipad niya pabalik ng Pilipinas. Kung ang ipon lang kasi niya ang kanyang aasahan, dalawang taon na pero matagal pa bago siya makakabalik ng Pilipinas. Hindi lang din naman kasi pamasahe ang kailangan niya. Syimpre, kailangan niya rin ng panggastos. Sapat lang din ang ibinibigay na allowance sa kanya ng ina. Ayaw naman nito na magtrabaho siya. Minsan na niyang sinubukan pero nagtampo lang ito at lalo siyang hindi kinibo.

Hindi na siya gaanong nagdala ng gamit. May mga naiwan pa naman siyang gamit sa bahay nila sa Pilipinas. Mabuti na lang at nadala niya ang kanyang spare key. Sana lang ay hindi pa iyon ibinibenta ng Mama niya.

Bago siya umalis ng bahay, sumilip muna siya sa kwarto ng kapatid. Masakit man sa kanyang kalooban na sa ganoong paraan niya iiwan ang kapatid, hindi niya pwedeng sabihin dito ang kanyang balak gawin. Baka kasi ikapahamak lang nito iyon.

Sa dami ng pera meron ang Mama niya, malamang may kinalaman iyon kung bakit kinailangan nilang makaalis agad ng bansa. At kahit ba may nararamdaman siyang matinding takot, mas nanaig ang kagustuhan niyang malaman ang katotohanan.

Matagal na niyang iniisip kung ano nga ba ang dahilan ng ama kung bakit sila nito tinuruan kung paano lumaban. At sa tingin niya, para iyon sa pagkakataon na iyon.

“Pangako, babalik ako nang buhay.”

Muli siyang bumalik sa kwarto ng ina para mag-iwan ng liham. Ilalagay na niya iyon sa drawer sa tabi ng higaan nang may mapansin siyang letter doon. Nang buklatin niya, agad niyang nakilala ang sulat kamay ng ama.

Sa oras na buksan mo ito, malamang ay wala na ako.

Iyon lang muna ang nabasa niya. Inilagay niya muna iyon sa bag at agad nang umalis ng bahay. Baka kasi kapag tinapos pa niya iyon doon, maabutan siya ng ina. Baka hindi niya maituloy ang binabalak. At sa halip na mag-iwan ng liham, dinala rin niya ang kanyang sulat. Mukhang mas makakabuti siguro kung wala munang alam ang Mama niya kung saan siya nagpunta.

Nagmadali na siyang umalis ng bahay. Mabilis ang tibok ng kanyang puso habang patungo sa airport. Para naman itinakda ang kanyang pag-alis. Pagdating kasi niya ng airport, nakahanap siya agad ng ticket patungo sa Pilipinas. Hindi siya naghintay ng matagal at agad na nakalipad.

Habang nasa loon ng eroplano, doon niya itinuloy ang pagbabasa sa liham ng kanyang ama.

Sa oras na buksan mo ito, malamang ay wala na ako. Sana ay mapatawad mo ako kung hindi man kita masamahan gabayan ang mga bata sa kanilang pagtanda. Ganoon pa man, sinigurado ko na kaya na nilang protektahan ang kanilang sarili sakaling matunton sila ng aking mga naging kalaban.

Hindi ko masisiguro na mapro-protektahan sila ng grupo. Kaya naman mas makakabuti kung umalis na lang kayo sa Pilipinas sa oras na bigyan kita ng warning o kung sakaling hindi na ako makauwi nang buhay.

May inihanda akong bahay sa Singapore. Doon kayo magpunta at magpatuloy mabuhay kahit wala na ako. Buksan mo ang luggage sa cabinet ko. Naroon ang mga papeles at perang magagamit niyo sa pag-alis niyo maliban pa sa pera na nasa account natin.

Sana mapatawad mo ako sa lahat ng pagkukulang ko bilang asawa mo. Salamat din sa pagtanggap sa akin kahit alam mo ang uri ng trabaho na meron ako.

Mahal na mahal ko kayo ng mga bata. Paalam mahal ko.

Unti-unting nabasa ang liham dahil sa pagpatak ng kanyang mga luha. Pinagdudahan niya ang kanyang ama na may ibang pamilya. Hindi rin siya naniwala na wala na nga ito. Pero sa nabasa niya, walang dudang wala na nga ang ama.

Sa huling hininga nito, mukhang ang trabaho pa rin nito ang naging kaagaw nila. At malamang iyon din ang dahilan ng pagkamatay nito.

Ano nga ba talaga ang trabaho ng ama? Bakit may mga kalaban ito? At ano ang tinutukoy nitong grupo na proprotekta sa kanila? Kung ang Mama lang niya ang kanyang tatanungin, siguradong wala siyang makukuhang kasagutan. Kaya mabuti na rin siguro talaga na lumipas siya pabalik ng Pilipinas. At sana sa pagbabalik niya, malaman niya ang buong katotohanan sa pagkawala ng kanyang ama.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status