Share

XV

MATAPOS niyang maipadala ang message na iyon kay Serenity, pinatay na niya ang kanyang cellphone. Papalitan na rin niya iyon ng bagong simcard para tuluyan nang maputol ang ugnayan nila.

Masakit man para kay Oliver ang pakikipaghiwalay kay Serenity, iyon ang naisip niyang pinakamabuting gawin sa lahat ng nangyayari. Mapapahamak lang ito kapag pinahaba pa nila ang kanilang relasyon.

Gustong umiyak ni Oliver nang malaman na wala na nga ang Mama niya. Pero ni isang patak, walang tumulo mula sa kanyang mga mata. Puno ng galit ang puso niya. Gusto niyang maghiganti sa may kagagawan no’n sa kanyang ina at sa iba pang mga kasamahan.

At maliban sa galit, ramdam din niya ang guilt. Guilt dahil sa huling hininga ng ina, dala-dala nito ang galit sa kanya dahil sinuway niya ito. Ayaw man niyang isipin pero sa galing ng Mama niya, paano kung naging dahilan iyon kaya hindi ito nakapag-concentrate at namatay?

Hindi pa man naiuuwi sa HQ ang bangkay ng ina, naitawag na sa kanila ang nangyari. At kompirmado nga na wala na ang lahat ng umalis patungo sa misyon na iyon.

Ngayon, ang hiling na lang niya ay makauwi nang ligtas ang ama, ang kanyang Tito Andrew, at si Sir Lendon.

Gusto man niyang sumama, pinanatili siya ng kanyang ama sa HQ, at maging lahat ng bagong miyembro ng Merciless. Pero duda niya, alam na ng kalaban ang tungkol sa kanilang lahat.

“I’m sorry, Oliver,” wika ng pinsan niyang si Kristoff sabay tapik sa kanyang balikat. “Sa uri ng trabaho na meron tayo, mahirap talagang iwasan ang ganitong pangyayari. Sa simula pa lang, hinanda na rin natin ang ating mga sarili sa posibilidad na maaari tayong masawi sa kalagitnaan ng misyon. Ang nakakapagtaka lang, bakit parang alam ng mga kalaban ang kilos natin? Pangalawang beses nang nangyari `to.”

“Hindi kaya may sumasabotahe sa mga misyon natin? Isang taong alam bawat kilos natin.”

“Anong ibig mong sabihin, Marigold? Na may traydor sa grupo natin?” ani Kristoff.

“Hindi imposible `yon.”

“At sino naman ang nasa isip mo? Maliban sa Dad ko at Dad ni Oliver, wala ng natitira na senior member ng Merciless. Si Sir Lendon pa pala. Pero imposible rin na si Sir Lendon `yon. Masyado siyang mabait para maging kalaban. Mukhang kahit minsan nga hindi iyon humawak ng baril. At maliban sa ating tatlo, wala ng ibang miyembro ang grupo.”

Kung sumasama man sa mga misyon si Sir Lendon, naiiwan lang ito sa sasakyan. Ito kasi ang nagmo-monitor sa mga CCTV kapag may pinasok silang building. Pero madalas naiiwan lang din ito. Computer lang naman kasi ang sandata na kaya nitong hawakan.

“Ano na ang gagawin natin ngayon? Tayo na lang ang nandito. Mabubuwag na kay ang Merciless?”

“Mabuwag man ang Merciless, itutuloy ko pa rin ang misyon ko,” ani Marigold. “Hahanapin ko pa rin ang pumatay sa magulang ko at ako mismo ang papatay sa kanila.”

Bago pa man nagsimula ang mga pag-ambush sa mga misyon nila, una ng naging biktima no’n ang magulang ni Marigold. Sa katunayan, ang pagkawala ng mga ito ay isa sa mga nagtulak kay Marigold upang sumapi sa grupo.

“Hindi mawawala ang Merciless,” aniya. “Kailangan lang siguro natin mag lay low sa ngayon. Pero hindi magtatagal, madadagdagan rin tayo at muling makakakilos.”

May iba pang nakatakdang maging miyembro ng Merciless. Mga anak ng mga senior member na bukas rin sa ideyang maging bahagi ng Merciless ang anak ng mga ito. Pero sa pagkakataong iyon, sila pa lang tatlo ang nasa tamang edad.

Hindi man iyon ang pangarap niya noon maging ngayon, isasakatuparan niya ang pangarap ng ina. Tutulong siya upang mapanatiling matatag ang Merciless. Gagawin niya ang lahat upang balang-araw ay maging karapatdapat siyang maging Leader ng bagong henerasyon ng Merciless.

“Bakit parang inuunti-unti na nila tayong ubusin? Kilala na kaya ng kalaban ang lahat sa atin?” ani Marigold. “Kilala rin kaya nila ang pamilya natin sa labas ng Merciless?”

“Hindi imposible `yon. Pero maari rin hindi. Kaya nga siguro pinaiwan nila tayo dito,” ani Kristoff.

Sa usapang iyon ng mga kasama, bigla siyang napatawag sa kanyang lola. Pero mukhang nasa maayos naman itong kalagayan dahil walang bakas ng takot ang boses nito.

“Bakit bigla kang napatawag? Hinahanap mo ba si Grant? Hindi pa nakakauwi, eh. Malamang nasa school pa `yon. Sasabihan ko na lang na tawagan ka pagdating.”

“Hindi na, Mamita. Medyo busy din kasi ako. Ang mahalaga, alam kong ayos lang kayo. Saka na lang ako tatawag sa kanya.”

Wala siyang balak sabihin sa kanyang Mamita ang nangyari sa ina. Baka kasi hindi nito kayanin. Hahayaan na lang niya na ang ama ang mag-desisyon kung kailan nito ipapaalam sa kanyang lola ang nangyari. Ganoon din kay Grant.

Kung siya lang ang magde-desisyon, sana nga hindi na mapabilang sa mundong ginagalawan niya ang mga ito. Lalo na ang nakababata niyang kapatid. Kahit ba malaki na ang naging improvement sa health nito kumpara noon, mas mabuting mabuhay na lang ito tulad ng mga ka-edad nito.

-HINDI pa rin siya pumapasok.-

Iyon ang message na natanggap niya galing kay Maricris. Mabuti na lang at friends sila sa social media account nito. Pero iyon nga, bad news pa rin ang dala nito sa ikatlong araw niya sa Singapore.

Ayon kay Maricris, hindi na raw pumasok si Oliver mula noong araw na hindi na rin siya nakapasok. Kinapalan na nga niya ang mukha at ipinatanong sa kaibigan kung may alam ba ang mga kaklase ni Oliver kung nasaan ito. Kaso wala daw. Maging ang close friend nga daw nito na Kristoff ang pangalan ay hindi na rin pumasok.

-Sigurado ka ba talaga na hindi kayo magkasama? Baka umaarte ka lang para hindi ko kayo pagdudahan tapos nagtanan lang pala kayo.-

Iyon ang original plan ni Oliver. Paano nga kaya kung pumayag siya sa gusto nito? Pero kahit naman pumayag siya, mapapauwi rin siya agad dahil sa pagkamatay ng Papa niya.

Ang weird nga dahil hindi niya iyon maramdaman. Para bang hindi pa rin siya makapaniwala na wala na nga ang ama. Wala naman kasi silang nakita na bangkay nito. Minsan nga napapaisip na lang siya na paano kung nagsisinungaling lang pala ang Mama niya? Sinabi lang nito na wala na ang ama pero ang totoo, natuklasan lang pala nito na may ibang pamilya ang Papa niya. Pero napaka-sosyal naman ata ng Mama niya at sa Singapore pa nito naisipan magtungo, at hindi sa mga kamag-anak nila sa probinsiya.

-Hanggang kailan ba kayo diyan sa Singapore? Babalik pa ba kayo dito?-

-Kapag nakaipon ako, babalik ako diyan.-

Kapag tinatanong naman niya ang ina kung ano nga ba ang nangyari, umiiyak lang ito. Wala rin itong nabanggit na babalik pa sila ng Pilipinas. Kaya kung may pagkakataon, babalik siya ng Pilipinas. Hindi man masabi sa kanya ng ina ang dahilan, siya mismo ang mag-iimbistiga sa pagkamatay ng ama o kung talagang namatay nga ito. Aalamin niya ang totoo.

At maliban doon, may tao rin siyang gustong makausap. Hindi siya makakapayag na ganoon na lang matatapos ang lahat sa kanila ni Oliver. Kailangan niyang marinig ang dahilan nito.

Ang totoo niyan, pagkarating niya ng Singapore ay agad siyang naghanap ng paraan para matawagan si Oliver pero hindi na talaga ma-contact ang number nito. Grabe naman kung tumigil itong pumasok sa University dahil sa paghindi niyang makipagtanan dito. O baka naman ang Mama nito ang may kagagawan no’n dahil ayaw nitong magkita pa sila?

Pagkatapos nitong sabihin sa kanya na magtanan sila, ang bilis naman yata nitong sumuko.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status