Share

XVII

“HE’S Bullet Do, bago nating miyembro. Anak siya ni Russell,” wika ng ama. “Bullet, meet my son, Oliver Kim,” turo nito sa kanya.

Tumingin sa kanya si Bullet. Tumango ito at ganoon rin ang naging tugon niya dito. Ipinakilala rin ng ama dito si Kristoff at Marigold.

Ang totoo niyan ay matagal na niyang kilala si Bullet. Madalas kasing ipagyabang ni Sir Russell sa kanila ang galing nito. Kahit eighteen pa lang ito, tulad ng ama, eksperto na ito pagdating sa paggawa ng mga bomba, mga armas at iba pang inventions na maari nilang magamit sa kanilang mga misyon.

Minsan nga ay may dinala si Sir Russell na parang mga simpleng candies lang pero kapag ihinahagis, sumasabog pala. At ayon dito, si Bullet ang may gawa no’n. Ganoon ito ka genius.

“Siya nga pala. Akala ko ba darating din ngayon ang kapatid mo?” ani Kristoff kay Marigold.

“Iyon ang sabi niya sa `kin. Baka may dinaanan lang.”

“O baka naman nagbago na ang isip? Baka natakot na.”

“Kung nagbago man ang isip niya, hindi ako makikialam sa desisyon niya.”

Ang alam niya, may nakababata pang kapatid si Marigold. Pero ang inaasahan nilang darating ay ang stepbrother nito. Inampon ito ng magulang ni Marigold dahil nakitaan nila ito ng potensiyal. Tulad niya, bata pa lang ay inihanda na itong mapabilang sa Merciless.

Minsan na rin nilang nakasalamuha si Brylle at mukhang may potensiyal nga ito. Pero kung mangyari man na magbago ang mga isip ng mga ito lalo na ngayong wala na ang kinikilala nitong mga magulang, hindi niya ito masisisi.

Sa katunayan, dapat ay sasali na ito sa kanila noong nakaraang taon. Pero mula nang ang ama na ang siyang naging pinaka-head member ng Merciless, pumapayag lang itong magpapasok ng miyembro kapag nasa tama na itong edad. Ayon dito, kahit sandali man lang, gusto nitong pahabain ang pagkakataon ng mga itong mamuhay ng normal at makapag-isip nang mabuti. Dahil kapag nagsimula na silang pumatay, wa na iyong atrasan.

Ang kanyang ama, ang kanyang Tito Andrew at si Sir Lendon na lamang ang natitirang senior members ng Merciless. Kung ituloy man ng anak ng mga nasawing miyembro na mapabilang sa Merciless tulad ni Bullet, desisyon na nila iyon. Kung piliin man ng mga ito ang normal na buhay, maiintindihan niya. Iyon din kasi ang pangarap niya. Dati.

Iyon nga lang, mas mahihirapan silang mag-train ng mga bagong miyembro. Hindi rin magiging madali ang paghahanap ng mga taong nararapat na mapabilang sa grupo. Maliban sa delikado, umiiwas din silang mapasukan ng mga hindi mapagkakatiwalaan.

“Hindi ko akalain na nakaka-miss din pala ang magka-misyon,” ani Kristoff. “Kailan kaya nila tayo bibigyan uli ng assignment?”

Mula nang mamatay ang Mama niya at ang ibang miyembro, nag lay low na muna sila sa pagtanggap ng mga misyon. Lumipat na rin sila ng ibang Headquarter para na rin sa kaligtasan nila.

“Namnamin mo na lang muna na nandito lang tayo. Dahil baka kapag nagkaroon na uli tayo ng misyon, ikaw na ang sumunod,” ani Marigold.

“Grabe ka naman kung makapag-biro.”

“Nagsasabi lang ako ng totoo. Hindi ba, Oliver?”

Napatango na lang siya kay Marigold. May punto naman kasi ito.

“Saka bago ka ma-excite na magka-misyon, isipin mo na muna iyong iniutos sa atin ni Sir Richard. Simula

“Siya nga pala. Hindi ko yata nakita si Sir Lendon na nagpunta dito simula noong lumipat tayo.”

“Hindi naman bago `yan. Kahit noong nasa kabilang HQ pa tayo, minsan lang naman iyon magpunta doon.”

“Sa bagay.”

“Umalis na sa grupo si Sir Lendon.”

“Ano?” Halos sabay na tanong ni Kristoff at Marigold.

“Hindi ba’t bawal `yon? Kamatayan ang magiging kaparusahan sa sino man aalis sa grupo.”

Naalala niya ang pinag-usapan nila ng kanyang ama noong isang araw.

“Dad, may nangyari ba kay Sir Lendon? Mula nang lumipat tayo dito, hindi ko na siya nakita.”

“Tumiwalag na siya sa grupo.”

“Tumiwalag? Akala ko ba walang pwedeng umalis ng grupo?”

“Noon iyon. Nang hindi pa ako ang namumuno sa Merciless. Mula ngayon, hindi ko pipigilan ang sino man umalis ng grupo. Pero sa oras na trinaydor niya ang Merciless, buhay niya ang magiging kapalit.”

Ang dad na niya ang mamumuno ng Merciless?

Dati, pantay-pantay ang karapatan ng mga payoneering members ng Merciless pagdating sa pagde-desisyon sa loob ng grupo. At isa sa mga napagkasunduan nila ang pagbibigay ng kaparusahang kamatayan sa sino man ang aalis sa grupo. Nangangahulugan lang kasi iyon na wala itong loyalty sa samahan nila.

“Paano si Tito Andrew?”

Muntik na siyang matawa sa pagsimangot ng ama. “Ang totoo, siya ang dapat na nasa posisyon ko ngayon dahil kabilang siya sa mga pinakaunang miyembro. Kaso, ayaw niya. Kaya hindi na `ko nakatanggi matapos akong italaga sa posisyon na `to. Wala na rin ibang option.”

Hindi man niya alam kung sino ang tao sa likod ng kanilang grupo, ang siyang nagbibigay sa pangalan ng kanilang target at ang siyang nagbabayad sa kanila ng milyon-milyon sa bawat misyon nila, alam niyang mataas ang ang posisyon nito sa gobyerno. At malamang, iyon ang tinutukoy ng kanyang ama na nagtalaga dito.

Malamang ay hindi rin interesado si Sir Lendon sa posisyon na iyon. Sa bagay, sa ugali nito ay halatang mas gusto nito ng simpleng buhay.

Pero siguro nga panahon na rin ng pagbabago. Malas nga lang dahil sa kabila ng bagong regulasyon, hindi na siya pwedeng umatras pa. Ipinangako na niya na magiging kasapi siya ng grupo hanggang sa huli niyang hininga. Isa pa, ngayon na ang ama na niya ang leader, mas dapat na nasa tabi siya nito.

HINDI napigilan ni Serenity ang mapaiyak nang muli niyang makita ang dati nilang bahay. Muli din kasing bumalik ang mga alaala niya sa bahay na iyon kasama ang pamilya. Mula nang ipanganak siya, doon na sila nakatira. Sinong mag-aakala na sa isang iglap, kailangan nila iyong lisanin.

Kahit walang ilaw ang bahay nila at gabi na, maliwanag naman ang paligid dahil sa ilaw sa mga poste. Nagmistulang haunted house ang kanilang bahay dahil sa mga tanim na tumubo sa mga pader. Maging ang kadena at lock na nakasabit sa gate ay kinalawang na. Kaya naman nahirapan siyang mabuksan iyon gamit ang dalang susi. Mabuti na lang at sa huli, gumana pa rin iyon.

“Serenity? Ikaw ba `yan?”

Napalingon siya. Si Aling Tasing pala iyon, ang kapitbahay nila.

Isa sana sa mga iniiwasan niya ay ang may makakita sa kanya. Nagpasalamat nga siya dahil gabi na siyang nakarating doon. Iyon pala may makakapansin pa rin pala sa kanya.

“Magandang gabi, ho.”

“Ikaw nga! Naku, ang tagal niyo rin nawala. Nasaan na nga pala ang magulang mo? Ang kapatid mo? Saan na kayo nakatira? Saka bakit ba bigla na lang kayong umalis?”

Pilit ang naging ngiti niya sa matanda. “Mahabang estorya po, Aling Tasing.”

Mabuti na lang at mukhang nakaramdam ito na ayaw niyang magkwento. Hindi na rin kasi ito nagpumilit.

“Sige, Serenity. Uuwi na ako sa bahay. Kumatok ka lang kung may kailangan ka.”

Muli niya itong nginitian. “Salamat po.”

Paalis na ito nang muli itong bumalik. “Siya nga pala. Bigla kong naalala. Nagkita na ba kayo no’ng lalaking pabalik-balik dito noon? Nakalimutan ko nga lang ang pangalan pero mukhang Koryano din. Malamang kamag-anak `yon ng Papa mo.”

Napakunot noo siya. Koryano? Kahit kailan, wala naman pinakilalang kamag-anak sa kanila ang Papa niya.

Biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso. Hindi kaya si Oliver ang tinutukoy nito?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status