Share

XIII

MALAKI ang ibinabayad sa kanila sa bawat misyon. At simula nang magkaroon na ang anak ng mga sarili nitong kita, hindi niya iyon pinapakialaman. Kaya naman madali lang para sa anak ang makakuha ng isang condominium unit.

Ganoon pa man, hindi mapigilan ni Agatha na huwag magduda sa biglaang pagbili ni Oliver ng condo nang hindi man lang nagsasabi sa kanila. May nararamdaman siyang hindi tama tungkol doon.

Nang araw na `yon, gabi pa ang misyon ni Agatha. Kaya naman ginamit niya ang pagkakataong `yon para masilip ang condo ng anak. Gusto lang niyang masiguro na wala itong ginagawang hindi niya magugustuhan.

Mabuti na lang at kilala niya ang nagmamay-ari ng building. Naging madali lang para sa kanya ang makakuha ng spare key. Sa pagpasok niya sa unit ni Oliver, mukhang wala naman nakakapagduda doon. Mga gamit lang ng anak ang nasa kwarto. Malamang gusto lang talaga nito magkaroon ng sariling space.

Paalis na siya nang makarinig ng katok. Could it be her son? Pero ang alam niya, nasa isang misyon ito. Baka staff ng hotel. Sa pagbukas niya ng pinto, nagulat siya nang makita ang isang babae na may hawak na cake at ilang paper bag. Ang mas nakapagpagulat pa sa kanya ay nang ipakilala nito ang sarili bilang girlfriend ni Oliver. Ito na nga ba ang inaalala niya.

May usapan sila ng anak. Hindi ito maaaring magkaroon ng kasintahan dahil magiging hadlang lang ito para sa pangarap niya para kay Oliver. Magalit na si Oliver sa kanyang gagawin pero hindi siya makakapayag na masira ang mga plano niya dahil lang sa babaeng ito.

“I don’t know how long you’ve been together with my son but from now on, I want you to stay away from him. Do you understand?”

Napakunot ang noo nito.

“Sandali naman po. Ni hindi niyo pa nga po ako nakikilala. Hayaan niyo na po muna akong-.”

“Look,” pinutol niya ang sinasabi nito. “Wala akong pakialam kung sino ka. Kahit anak ka pa ng pinakayamang tao sa Pilipinas, I don’t care. Ang gusto ko ay layuan mo ang anak ko. And I’m warning you. Kapag nalaman ko na bumalik ka pa dito, sisiguraduhin ko na pagsisisihan mo.”

Hindi na niya hinantay pa na magsalita ito at mabilis nang umalis. Bago ang kanyang misyon, magkakaroon pa siya ng pagkakataon na makausap ang anak. Hindi na siya makakapaghintay ng bukas bago ito makausap tungkol sa girlfriend nito. At sisiguraduhin niyang hindi pa sumisikat ang araw kinabukasan ay maghihiwalay na ang dalawa.

GUSTO sanang habulin ni Serenity ang Mama ni Oliver pero baka lalo lang itong ma-bad trip sa kanya.

“Paano na `to?”

Unang beses pa lang nilang pagkikita pero hindi na agad siya nito gusto. Malamang ganoon din ang magiging reaksiyon ng Papa niya kapag nakita nito si Oliver.

Napabuntong-hininga siya.

Bago pa lang ang relasyon nila ni Oliver pero parang nai-stress na siya. Simula pa lang kasi, marami na ang ang kontra. Bakit nga ba gano’n ang mga magulang? Mahirap ba sa kanila na maging masaya na lang para sa kanila? Sana kahit kaonti, pagkatiwalaan sila nito. Para naman hindi sila dumaan sa ganoong stage.

Muli siyang kumatok sa unit ni Oliver. Nasaan na ba kasi ito? Akala ba niya nasa condo lang ito nang oras na `yon? Sinubukan niya itong tawagan pero hindi man lang ma-contact.

“Nasaan ka na ba, Oliver?”

“YOU promised me, Oliver. Wala kang ibang magiging priority kundi ang Merciless. Paano mo ako nagawang suwayin?”

Iyon agad ang bungad sa kanya ng ina nang dumating ito sa headquarters. Sa lakas ng boses nito, lahat sila ay natigilan. Kararating lang kasi ng team niya galing sa misyon. Pero mabilis din naman umalis ang mga ito para bigyan sila ng privacy.

“Ma. I don’t know what you’re talking about.”

Kahit ba sanay na siya sa trabaho, may mga pagkakataon pa rin na kinakabahan siya. Pero mas kabado pa yata siya nang oras na iyon kaysa sa lahat ng naging misyon niya.

“Akala mo ba hindi ko malalaman ang tungkol sa condo unit mo?”

“Hindi naman bawal `yon sa grupo, hindi ba?”

“Paano kung sabihin ko sa `yo na may nakita akong babae na naghihintay sa `yo sa unit mo? Hindi mo na maikakaila dahil siya mismo ang nagpakilala sa akin bilang girlfriend mo. Binabalaan kita, Oliver. Hiwalayan mo siya kung ayaw mong mapahamak ang babaeng `yon.”

Ito na nga ba ang inaalala niya, na malaman ng ina na kumuha siya ng sariling tirahan. Sigurado kasing magtataka ito at mag-iimbistiga.

Napasubo na rin siya nang magyaya si Serenity magtungo sa tinitirhan niya. Hindi rin naman niya ito pwedeng dalhin sa headquarters kaya kumuha na lang siya ng sarili niyang condo.

Ang hindi niya inaasahan ay gano’n kabilis mahuhuli ng ina ang relasyon nila ni Serenity. Ano ba kasi ang ginagawa ni Serenity sa condo niya? Wala naman itong nabanggit na pupunta ito doon.

“Natahimik ka. Hindi mo ba inaasahan na malalaman ko ang tungkol sa inyo? Hindi ako kahapon lang ipinanganak, Oliver. Kaya huwag mo akong minamaliit.”

“Anong ginawa niyo kay Serenity?”

“Wala pa. Pero hindi ko nasisiguro na wala pa rin mangyayari sa susunod na makita ko siya.”

“Ma, gagawin ko pa rin naman ang ipinangako ko sa `yo. Hindi magiging hadlang si Serenity sa trabaho ko.”

“Paano ka nakakasiguro? At gaano mo na ba kakilala ang babaeng `yon para ipagtanggol mo siya sa akin? Matagal mo na bang itinatago sa akin ang relasyon niyo?”

“Ma, please, pagkatiwalaan niyo na lang po sana ako. Ipaubaya niyo na sa akin `to.”

“Pagkatiwalaan? Bago ka pa nga lang nagsisimula bilang isang Merciless pero sinira mo na ang tiwala ko. Paano pa kung hahayaan kita sa gusto mo?

“Marami ka pang pagdaraanan, Oliver. Alam mo rin kung gaano kadelikado ang trabaho natin. At sigurado ako, sa oras na malaman ng babaeng `yon kung ano ang trabaho mo, siguradong hindi rin siya mananatili sa buhay mo. Kaya habang maaga pa, alisin mo na sa buhay mo ang mga magiging sagabal lang para sa pangarap natin.”

“Pangarap mo lang, Ma.”

“Anong sabi mo?”

Kahit minsan, hindi siya nagkaroon ng lakas na loob na sabihin sa ina ang totoong nararamdaman. Alam kasi niya na masasaktan ito. Pero nang oras na iyon, bigla siyang nagkaroon ng lakas ng loob.

“Hindi ko pangarap ang maging leader ng grupo na `to, Ma. At kung may pagkakataon lang ako, gusto ko ng normal na buhay. Hindi ito ang mundong gusto ko para sa-,” natigilan siya nang sampalin ng ina.

“Iyan na ba ang naidulot sa `yo ng babaeng `yon? Bago mo pa lang siya nakilala pero kaya mo na kaming talikuran?”

“Walang kasalanan si Serenity sa kung ano man ang-.”

“Enough.”

“Kung hindi ko sasabihin sa inyo ang lahat ng-.”

“I said enough! May misyon pa `ko. Kapag nalaman ko na hindi mo pa hinihiwalayan ang babaeng `yon sa pagbabalik ko, hindi ko alam kung anong magagawa ko sa kanya.”

Tuluyan na siyang tinalikuran ng ina. Napabuntong hininga na lang si Oliver. Alam niya na kapag nakapag-desisyon na ang ina, hindi na nagbabago ang isip nito. Kaya sigurado siyang kahit kailan, hindi nito matatanggap si Serenity. Siguradong gagawin nito ang lahat mapaghiwalay lang silang dalawa.

“EXCUSE ME. Ma’am, hindi pa rin ba bumabalik si Sir?”

“Hindi pa nga, Romeo. Huwag kang mag-alala, kapag hindi pa rin siya nakabalik sa loob ng isang oras, uuwi na rin ako.”

Kanina pa niya tinatawagan si Oliver pero hindi talaga ito sumasagot. Ayaw din naman niyang umuwi dahil baka nandoon ang Papa niya. Kaya nagtiis na lang siya na maghintay na lang muna sa labas ng unit ni Oliver. Mabuti na lang at mabait si Romeo, staff sa condo. Nang makita siya nito doon, binigyan pa siya ng upuan.

Napatingin siya sa kanyang phone nang tumunog iyon. Agad niyang sinagot ang tawag nang makitang si Oliver ang tumatawag.

“Hello, Oliver? Nasaan ka na ba? Kanina pa kita hinihintay. Nandito ako sa-.”

“Let’s elope, Serenity.”

Natigilan siya sa sinabi nito. Nagkamali lang ba siya ng dinig?

“A-ano nga ulit ang sinabi mo?”

“Ang sabi ko magtanan na tayo. Sasama ka ba sa `kin?”

Hindi siya nakaimik. Nagkausap na kaya ito at ang Mama nito? Para masabi iyon ni Oliver, mukhang tutol talaga ito sa relasyon nila. Ganoon din naman ang Papa niya. Pero kailangan ba talagang humantong sila sa pagtatanan?

Mabuti na lang at pumayag si Oliver na pag-isipan na muna niya iyon. Kaya lang kailangan daw niyang magbigay agad ng sagot sa oras na makarating na ito sa condo. Ano na ang gagawin niya?

Napatingin siya sa kanyang cellphone nang muli iyong tumunog. Sa pagkakataong iyon, ang Mama na niya ang tumatawag. Nagdalawang-isip pa siyang sagutin pero sa huli, sinagot na rin niya.

Nag-alala siya nang marinig na umiiyak ito.

“Ma? Umiiyak ka ba? Anong nangyari?”

“U-umuwi ka na anak. Kailangan nating umalis.”

“Umalis? Bakit?”

“Ang Papa mo.”

Napatayo siya. “Anong nangyari kay Papa?”

“W-wala na ang Papa mo, Serenity.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status