Share

Chapter 1

Napabalikwas ng bangon si Calista matapos mapanaginipan si Prinsipe Joven, ang pinagmulan ng kanilang angkan. Sa hindi malamang dahilan ay napapadalas ang mga gabing napapanaginipan niya ito. Napalingon siya sa kanyang katabing kama nang marinig ang pagbulong-bulong ng matalik na kaibigan na si Hera. Nagsasalita na naman ito nang tulog.

Naiiling siyang napangiti, saka dumako ang tingin sa kama ng pinsan niyang si Althaia. Nagtaka siya nang makitang wala ito roon.

Bagamat malalim na ang gabi ay hindi siya nakaramdam ng pag-aalala para sa pinsan sapagkat normal na sa kanilang mga taong-lobo ang gumala nang gano'ng oras, lalo na kapag kabilugan ng buwan.

Babalik na sana siya sa pagtulog nang mapansin ang makinang na bagay na nakapatong sa mesa, sa ibabaw ng isang unan. Ang kan'yang korona. Napabuntong-hininga siya nang maisip ang mga obligasyong kanyang kahaharapin simula bukas bilang bagong Reyna ng kanilang tribo.

(flashback)

Masayang nagsasalo-salo ang mga taong-lobo sa malawak na bakuran ng tahanan ng Inang reyna upang ipinagdiwang ang ika-108 na kaarawan nito, sa gitna ng kagubatan ng Montgomery. Bukod sa liwanag na nagmumula sa buwan, nagbigay rin ng liwanag sa madilim na kapaligiran ang mga pailaw na nakasabit sa mga puno, poste, at sa mga bandiritas.

Sa isang tabi, matatagpuan sina Calista, Hera, at Althaia na masayang nagkukwentuhan habang pinagsasaluhan ang mga nakahandang pagkain sa kanilang mesa. Sa gitna ng kanilang pagkukwentuhan, napadako ang mga mata ni Calista sa kanilang Inang Reyna na nakaupo sa malaki at mataas na silya na inihanda nila para rito. Nakangiti nitong pinagmamasdan ang kanyang regalo na koronang gawa sa iba't ibang klase ng mga bulaklak na pinitas niya pa sa hardin ng kanilang paaralan.

Bagamat may edad na, hindi kababakasan ng panghihina ang reyna. Bata itong tingnan para sa edad nito at maganda pa rin ang tindig ng pangangatawan. Ilang sandali pa, tumayo na ito at nagtungo sa maliit na entablado, sa gitna ng bakuran. She roamed her sight and caught a glimpse of her two grandchildren, Calista and Althaia.

"Magandang gabi," panimula niyang bati. "Bago ang lahat, taos puso akong nagpapasalamat sa inyo. Talagang napakaganda ng inyong mga inihanda..." she paused and stared at all of her people. "Alam kong ang layunin ng pagtitipong ito ay ang ipagdiwang ang aking kaarawan... Subalit gusto ko rin gamitin ang pagkakataong ito upang ipagbigay alam sa inyo na plano ko nang bumaba sa aking trono."

Pansamantalang natahimik ang lahat sa sinabi ng reyna. Ilang saglit lang ay nagkaroon na ng mga bulung-bulungan.

Puno ng pagtatakang nagkatinginan sina Calista at Hera. Hindi nila inaasahan na gano'n kaaga bababa sa pwesto ang kanilang Inang Reyna. Kahit kasi matanda na, malakas pa rin ito at alam nilang kayang-kaya pa rin silang pamunuan nito.

"Calista, pumarito ka," ma-awtoridad na sabi ng Reyna.

Nagulat si Calista at buong pagtatakang nilingon sina Hera at Althaia. Lahat din ng mga nasa pagtitipong iyon ay sa kanya na rin nakatingin.

"Sige na, Calista." Abot tainga ang ngiti ni Hera.

Nag-aalangan namang sumunod si Calista at sinamahan ang reyna sa entablado. Hinawakan ng reyna ang kanyang kamay bago nakangiting humarap sa lahat. "Malugod kong ipinapaalam sa inyo na ang aking apo na si Calista ang napili kong tagapagmana ng aking trono."

Agad na namilog ang mga mata ni Calista at buong pagtatakang tiningnan ang Inang Reyna na abot tainga ang ngiti na pinapalakpakan siya.

Tila unti-unting kumukupas sa pandinig ni Calista ang mga palakpakan ng kanyang mga ka-tribo habang tinitingnan niya ang mga ito. Hindi pa rin siya makapaniwala sa isiniwalat ng reyna. Huminto ang kanyang mga mata sa kanilang mesa upang tingnan ang mga kasama subalit tanging si Hera na lamang ang naroroon na nakatayo na rin at pinapalakpakan siya. Hinanap niya ang pinsang si Althaia subalit bigo siyang makita ito.

(end of flashback)

Ni minsan, hindi sumagi sa isip ni Calista na balang araw ay magiging reyna siya ng kanilang tribo. Alam niyang isang malaking pribiliheyo na mapili siya ng kanilang Inang Reyna na maging tagapagmana nito subalit hindi rin lingid sa kanyang kaalaman ang kaakibat na mga reponsibiladad oras na maupo na siya sa trono. At isa pa sa inaalala niya, kapalit din ng pagtanggap niya sa tungkuling ito ang pagbitaw sa kanyang pangarap na magkaroon ng isang normal na buhay katulad ng sa mga normal na tao.

Napahinto sa pagmumuni-muni si Calista nang may marinig na ingay sa labas. Dahil likas na sa kanilang mga taong-lobo ang pagkakaroon ng matalas at sensitibong pandinig ay rinig niya halos lahat ng bagay kahit malayo ito sa kanya.

Napakunot siya nang may narinig na humahangos.

Kinuha niya ang itim na balabal na nakasabit sa kanyang upuan at nagpasyang lumabas.

Sinalubong siya ng malakas at malamig na ihip ng hangin nang tumungtong siya sa labas ng kanilang bahay. Iginala niya ang kan'yang tingin, wala siyang ibang nakita kundi ang naglalakihang mga puno at ang mga bahay ng kanyang kapit-bahay na pawang nakasara na ang mga ilaw.

Isinuklob niya ang hood ng suot na balabal at saka naglakad-lakad. Napahinto siya nang may narinig na sumisinghap. Napalingon siya sa direksyon ng bahay ng kanilang Inang Reyna. Sa 'di malamang dahilan, bigla na lang may gumapang na matinding kilabot sa kanyang buong katawan.

Habang binabagtas ang daan patungo sa tahanan ng kanilang Inang Reyna ay pahina rin nang pahina ang singhap hanggang sa tuluyan na iyong kumupas sa kan'yang pandinig .

Bagamat nangangatog na ang mga tuhod dahil sa labis na kaba, nagpatuloy pa rin siya sa paglalakad. Mas lalong tumindi ang kanyang nerbiyos na nararamdaman nang natanaw niya na ang malaking bahay ng reyna. Natanaw niya sa mga bintana ng bahay na nakabukas pa rin ang mga ilaw nito.

Magpapatuloy na sana siya sa paglalakad nang mapansin niya ang isang bulto ng tao na kumakaripas ng takbo patungo sa kakahuyan, palayo sa bahay ng reyna.

Nakakunot niya itong sinundan ng tingin. "Althaia?" Nakilala niya ang suot nitong pulang balabal na iniregalo niya rito noong kaarawan nito.

Susundan niya sana ito nang may mapansin siyang kakaiba sa bakuran ng Inang Reyna. Mula sa gilid ng kanyang mga mata, unti-unti siyang lumingon doon. Namilog ang kanyang mga mata at nanghihinang bumagsak sa kanyang kinatatayuan. Bumungad sa kanya ang nakabulagta na Inang Reyna. Nakatusok ang katawan nito sa mga patusok na bakal sa tarangkahan ng bakuran nito. Nakadilat man ay tiyak niyang wala na itong buhay.

"Hindi!"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status