Share

Chapter 3

KASABAY nang matulin na pagtakbo ni Calista ang walang humpay na pag-agos ng kanyang mga luha sa takot at sakit na nararamdaman. Hindi maalis sa kanyang isipan ang takot na takot na mukha ng kanyang ama nang walang awa itong sinakmal ni Henry at pinilipit ang leeg hanggang sa humiwalay ang ulo nito sa katawan.

Kahit sugatan at pagod na sa pagtakbo, hindi niya magawang tumigil sa pangambang maabutan siya ni Henry at ng mga kasamahan nito. Bagama't medyo malayo na ang kan'yang narating, naririnig at ramdam niya pa rin ang mga presensya nito.

Napahinto siya nang sa isang iglap, bigla na lamang may sumunggab sa kanya dahilan para sumubsob siya sa lupa. Napahiyaw siya nang maramdamang kinagat siya sa balikat nang sinumang nakadagan sa kanya. Nang lingunin niya ito, saka niya lang nalaman na si Henry pala iyon na ngayon ay nasa anyong lobo.

"Grrr!" ungol nito.

Gamit ang mga kamay at binti, itinulak ni Calista si Henry nang buong lakas dahilan para tumilapon ito sa malaking puno. Tumayo siyang muli at kumaripas na naman ng takbo.

Napaigik si Henry dahil bahagya siyang nasaktan. Napalingon siya sa kanyang likuran nang marinig ang paparating na mga kasamahan. "Find her!" wika nito gamit ang lengguwahe nilang mga lobo.

*****

"HINDI ka kasi marunong makinig Simeon, eh! Tingnan mo, inabutan na tayo ng dilim!" reklamo ni Mercy sa asawang si Simeon habang inaayos ang mga gamit sa loob ng bag. Panay ang pagtingin nito sa paligid sa tuwing may maririnig na mga kaluskos. Dahil sa isang lampara at flashlight lamang ang dala nila, hindi niya gaanong makita ang buong paligid.

Taga-siyudad ang mag-asawang Gomez at nagpasyang mamasyal sa kagubatan ng Montgomery upang maiba-iba naman ang kanilang paligid.

"Pwede naman kasing magpalipas na lang tayo ng gabi rito sa gubat," wika ni Simeon na hindi pa rin lumalabas ng tent.

"Paano kung bigla na lang may sumulpot na mabangis_. Aii!" Napatili ang Ginang nang bigla na lang sumulpot ang isang sugatang dalagita.

"T-tulong..." Nanghihinang sabi nito bago tuluyang bumagsak sa kinatatayuan.

Lumabas ng tent si Simeon subalit agad ding natigilan nang makita ang babae. "Sino 'yan?"

Imbes na sagutin ang asawa, mabilis na nilapitan ni Mercy ang dalagita. "Diyos ko! Ano'ng nangyari sa'yo bata ka?!" bulalas nito habang tinititigan ang sugatang katawan nito at ang punit-punit nitong damit. "Sino'ng may gawa sa'yo nito?" usisa niya, saka pinainom ito ng tubig upang mahimasmasan.

*****

Tila nakaramdam ng pag-asa si Calista nang masalubong niya ang mag-asawang Gomez. Subalit sandali lamang iyon. Namilog ang kan'yang mga mata nang maramdamang malapit na sina Henry.

"Run..." Nanginginig ang mga kamay na itinulak niya ang Ginang.

Naguguluhang tiningnan ni Mercy si Calista. "A-ano?"

"Nandito na sila, umalis na kayo!"

Mabilis na lumapit si Simeon at hinila ang asawa palayo kay Calista.

Nagpumiglas si Mercy. "We can't just leave her!" she screamed. Lalapitan niya sana ulit si Calista nang bigla na lamang may sumulpot na malaking itim na lobo sa likuran nito at agad itong sinunggaban.

Laking gulat ng mag-asawa nang ibinalibag ni Calista ang lobo na tila triple pa ang laki sa kanya. Sa isang iglap, unti-unting lumitaw mula sa karimlan ang marami pang naglalakihang lobo. Nakapangingilabot ang mga matatalim nitong titig at ang malaking bibig na may matutulis na ngipin. Tila kating-kati na angmga ito na lapain si Calista.

Nagimbal ang mag-asawa nang dumako ang tingin ng isa sa mga lobo sa kanila. Mabilis na nagtago si Mercy sa likod ni Simeon. "Simeon!"

Agad na napalingon si Calista nang marinig ang sigaw ni Mercy. Tila nagising ang kan'yang natutulog na lobo sa kanyang pagkatao nang makitang sasagpangin ng isa sa mga taong-lobo ang mag-asawa. Agad siyang tumakbo sa direksyon ng mga ito at sa kanyang paglundag upang sunggaban ang kalaban, mabilis siyang nagbago ng anyo bilang isang puting lobo.

Noon, nahihirapan at nasasaktan pa siya sa pagpapalit ng anyo bilang lobo, subalit dahil sa pagkakataong ito ay mabilis at walang hirap niyang nagawa iyon.

Nanginginig na napaluhod si Mercy sa mga nasaksihan. Ang kanina lang na maamong dalagang kanilang tinutulungan ay tila naging isang mabangis na halimaw na ngayon sa kanilang harapan. Napasinghap siya nang titigan nito bago sinakmal ang malaking lobo na sana'y aatake sa kanila.

Tanging ang mga ungol ng mga lobong naglalaban-laban ang maririnig sa kagubatan.

Nakakita ng pagkakataon si Simeon upang makatakas nang mapansing nakatuon ang pansin ng lahat ng lobo kay Calista. Agad niyang hinablot ang braso ng nakatulalang asawa at kumaripas nang takbo.

*****

NANGINGINIG at nanghihinang tiningnan ni Calista ang mga umatake sa kanya habang nakahandusay sa lupa nang wala ni isang saplot sa katawan. Nagtatawanan na ang mga ito na tila ba tuwang-tuwa sa kalagayan niya.

Mariing ipinikit ni Calista ang mga mata, tiyak niyang ang gabing iyon na ang kanyang katapusan. Napasinghap siya nang bigla na lang may dumakma sa kanyang ulo at mahigpit na hinawakan ang kanyang buhok. Nakapikit man, alam niyang si Henry iyon dahil sa amoy nito. Sa isang iglap bigla siyang napadilat nang maamoy ang isang pamilyar na amoy. Si Althaia.

"Ano, Althaia? Ako na ba ang tatapos dito o gusto mo ring subukang paglaruan itong pinsan mo?" Tila nanunuyang tanong ni Henry.

Umaasa si Calista na tutulungan siya ng pinsan subalit tila pinagpira-piraso ang puso niya sa naging tugon nito.

"Umalis na tayo," walang kaemo-emosyong wika nito.

Naguguluhan namang nilingon ni Henry si Althaia habang nakasabunot pa rin kay Calista. "Pero buhay pa siya_."

"Let's go, Henry!" Sinulyapan ni Althaia si Calista. "She will die eventually," malamig na wika nito bago naglakad palayo.

Nakangising umiling-iling si Henry. "Kill joy." Marahas nitong binitawan si Calista at sinenyasan ang mga kasamang umalis na. "Paalam, mahal na Reyna!"

Dahil sa mga bugbog at sakmal na mga tinamo, hindi na magawang igalaw ni Calista ang alin man sa parte ng kan'yang katawan. Wala na siyang maramdaman kundi ang labis na pagkamanhid. Lumuluha siyang napatingin sa madilim na kalangitan. "Ina... Bakit mo hinayaang mangyari 'to?"

Lingid sa kaalaman nina Calista at ng mga umatake sa kanya, nagtatago ang mag-asawang Gomez sa likod ng isang malaking puno. Nasaksihan ng mga ito kung paano siya walang awang pinagtulung-tulungang atakihen ng mga lobo.

"Nababaliw ka na ba?!" Inis na hinila pabalik ni Simeon ang asawang si Mercy na planong balikan si Calista nang makumpirmang nakaalis na ang masasamang taong-lobo.

"Hindi ka ba naaawa sa bata?" Marahas na iwinakli ni Mercy ang kamay ni Simeon.

"Bata?! Naririnig mo ba ang sinasabi mo?! Halimaw 'yan, Mercy!"

Imbes na pakinggan ang asawa, nagmamadaling lumabas sa pinagtataguan si Mercy at nilapitan ang wala ng malay na si Calista. Dinama niya ang palapulsuhan nito. Tila nabunutan siya ng tinik nang makumpirmang buhay pa ito.

*****

"SINASABI ko sa'yo, Mercy! Mali ito!"

"Ano'ng gusto mo? Iwanan na lang natin siya roon? Masahol ka pa doon sa mga halimaw na 'yon kung gano'n."

"Halimaw din ang babaeng 'yan. Paano kung bigla tayong atakihen n'yan?"

Dinig ni Calista ang pagtatalo ng mag-asawa. Tila may bahagi sa kanyang isipan na nagdidiktang magpanggap siya na wala pa ring malay. Hindi tiyak kung dahil ba iyon sa takot o hiya.

Pinakirdaman niyang maigi ang paligid. Napagtanto niyang wala na siya sa kagubatan. Ramdam niya ang malambot na kutson na kanyang kinahihigaan at sumusuot din sa kanyang ilong ang umaalingasaw na amoy ng disinfectant sa buong paligid.

"Hindi niya gagawin 'yan, Simeon," mariing sabi ni Mercy. "She saved us back there."

Naramdaman ni Calista ang papalapit na presensya ng Ginang at ang marahang paghaplos nito sa kan'yang pisngi.

"She can't hurt us. Narinig mo ang sinabi ni Doc kanina, it will took months bago gumaling ang mga nabali niyang buto_."

Narinig ni Calista ang pag-ingit ng pinto dahilan para matahimik ang dalawang nag-uusap. Sunod niyang narinig ang boses ng isang babae. Sinabihan nito ang mag-asawa na gusto itong makausap ng doktor. Nang marinig ang paglabas ng mga ito, saka lamang siya nagdilat ng mga mata.

Nasa loob siya ngayon ng isang maliit at kulay puting silid. Nilibot niya ng tingin ang buong paligid; tanging ang mahabang sofa sa gilid, ang kan'yang kama at ang dextrose na nakakabit sa kan'ya lamang ang kasangkapang naroon sa loob.

Naupo siya at tiningnan ang mga benda sa kan'yang braso. Dahil sa nakasemento ang isang binti, nahirapan siyang tumayo.

Isa sa pambihirang katangian ng mga taong-lobo ang mabilis na paggaling ng kanilang mga sugat. Sinubukan niyang ihakbang ang mga paa subalit malaking sagabal sa kan'ya ang semento sa kan'yang binti. Dahil sa frustration, paulit-ulit niyang inihampas sa dingding ang nakasementong binti subalit huminto rin siya agad nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang isang binatilyong may malaking black eye. Tiyak niyang isa rin itong pasyente tulad niya dahil pareho sila ng suot na damit.

Nakaawang ang bibig ng binata habang nakatingin sa kanyang binti at sa mga tipak ng semento sa sahig. Sunod namang pumasok ang mag-asawang Gomez na gulat na gulat din sa nadatnan.

"N-nakakalakad ka na?" nauutal na wika ni Mercy.

Muling napatingin sa pintuan si Calista nang bigla na lang may sumulpot doon na lalaki.

"Clyde, stop running away from us!" Humahangos at tila galit na wika nito bago hinila palabas ang binatilyong nakatulala sa kan'ya.

Saglit pang nagkatitigan sina Calista at ang binatang tinawag ng lalaki sa pangalang Clyde bago ito tuluyang umalis. Muling ibinalik ni Calista ang tingin sa mag-asawa na tila hindi pa rin nakakabawi sa mga nangyari.

"Can... Can you help me with these?" Nahihiya niyang itinuro ang mga tipak ng semento sa sahig.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status