Share

Chapter 4

PAGKAMUHI ang nararamdaman ni Hera habang nakatitig kay Althaia mula sa malayo. Nakatayo ito sa gitna ng maliit na entablado habang suot ang korona na dapat sana ay si Calista ang nagmamay-ari ngayon. Ngayon ang araw ng pag-upo nito sa trono dahil inanunsyo ng kasintahan nitong si Henry na si Calista at ang mga magulang nito ay nagpakalayo-layo dahil wala itong kakayahang pamunuan ang kanilang tribo at nahihiya rin ang mga itong harapin sila. Alam ni Hera na malaking kasinungalingan iyon.

Hindi makapaniwala si Hera na nagagawa pa ring ngumiti ni Althaia sa harap ng mga katribo matapos ang ginawang pagtataksil nito sa pamilyang kumupkop sa kan'ya.

Ilang araw na sinuyod ni Hera ang kagubatan kasama si Marcus subalit tanging ang katawan lamang ng ama ni Calista ang kanilang natagpuan. Halos nalibot na nila ang buong kagubatan subalit hindi niya maramdaman o maamoy ang presensya ng kaibigan. Dahil dito, nabigyan siya ng pag-asa na baka buhay pa si Calista.

"Bakit hindi mo na lang ipaalam sa kanila kung ano ang totoong nangyari?" ani Marcus, na kasama niyang pinanonood ang seremonyas sa pag-upo ni Althaia sa trono.

Dumako ang tingin ni Hera sa kan'yang ama na nakaupo sa wheelchair, katabi ang kan'yang tiyahin. Katulad ng iba, nakangiti rin ang mga ito at buong galak na pinapalakpakan ang kanilang bagong reyna.

Agad na nanubig ang kan'yang mga mata nang nanumbalik sa kan'yang alaala ang mga pagbabantang ginawa sa kan'ya ni Althaia at Henry.

(flashback)

Nagpupuyos sa galit na tinungo ni Hera ang kuta nina Althaia at ng pack nito. Mas lalo pang uminit ang kan'yang ulo nang madatnang nagkakasiyahan ang mga ito na tila ba ipinagbubunyi ang karumaldumal na ginawa ng mga ito sa pamilya ni Calista.

Nang makita si Althaia, agad niya itong nilapitan at kinaladkad palayo sa grupo nito.

Marahas na binawi ni Althaia ang braso kay Hera. "Ano ba'ng problema mo?!"

"Problema ko?" Nakangising tiningnan ni Hera ang kausap mula ulo hanggang paa. "I know what you did, Althaia!" Nanlilisik ang mga matang ipinukol niya kay Althaia.

Sandaling hindi nakaimik si Althaia sa sinabi ni Hera subalit hindi siya nagpatinag sa bagsik na ipinapakita nito ngayon sa kan'ya. "Calista, deserves what happened to her! She stole everything from me! Binawi ko lang naman ang dapat ay sa akin."

"You monster!" Isang malutong na sapak ang iginawad ni Hera sa pisngi ng dating kaibigan.

Naluluhang idinampi ni Althaia sa namumula niyang pisngi pagkatapos, ngumiti ng mapait. "Call me whatever you want, Hera. Kahit ano pa'ng gawin mo, hindi na babalik si Calista."

"Sisiguraduhin kong malalaman ng lahat ang ginawa mo, Althaia. Pagbabayaran mo at ng pack mo ang ginawa niyo kina Calista! Oras na malaman nila ang ginawa niyo, tiyak na itatakwil nila kayo!"

"Go ahead." Gulat na nilingon ni Hera si Henry na biglang sumulpot sa kan'yang likuran. Inilapit nito ang bibig sa kan'yang tainga at bumulong, "Do you honestly think that we'd just stay still? If you want your family to end up like Calista... Sige lang."

Nangilid ang mga luha sa mata ni Hera at nagpalipat-lipat ang tingin kina Althaia at Henry.

Matanda na ang tiyahin ni Hera at may kapansanan din ang kan'yang ama. Walang kalaban-laban ang mga ito sa pack ni Althaia.

"Huwag ka ng magmatigas, Hera. Sa ayaw at sa gusto mo luluhod ka rin kay Althaia," ani Henry.

Marahas na pinahid ni Hera ang tumakas na luha sa kan'yang mata. "Kahit kailan hinding-hindi ako luluhod sa traydor na katulad mo!"

(end of flashback)

"Hera? Okay ka lang?" Hindi namalayan ni Hera na nasa harapan niya na si Marcus. Pinahid nito ang mga luha sa kan'yang pisngi. "Namumutla ka."

Hinawakan ni Hera ang kamay ni Marcus na nagpupunas sa kan'yang pisngi. "Marcus, let me go with you."

"Ha?" naguguluhang sabi ni Marcus.

"Kailangan kong hanapin si Calista. Hindi ko iyon magagawa kung mananatili pa ako rito."

*****

"HINTAYIN mo muna kami rito, ha?" masuyong sabi ni Mercy kay Calista bago ito iwanan sa lobby ng ospital.

Inilapag ni Calista ang bitbit na duffle bag at naupo sa isang mahabang sofa. Napansin niya na pinagtitinginan siya ng ilan sa mga staff ng ospital at alam niya ang dahilan nang nakakailang na mga titig na iyon. Sino ba namang hindi magugulat sa mga nangyari sa kan'ya? Ayon sa doktor na tumingin sa kan'ya, himala raw kung mabubuhay pa siya dahil sobrang napinsala na ang kan'yang katawan, buto, at maging ang ilan sa kan'yang mga laman-loob. Kung mabubuhay man daw siya ay paniguradong tila isang lantang gulay na lamang siya. Pero mukhang napahiya ang doktor dahil ni isa sa mga sinabi nito, hindi nagkatotoo. Heto siya ngayon, buhay na buhay, nakalalakad, at mukhang mas malakas pa sa kalabaw.

"Bitiwan niyo ako!"

Napalingon si Calista sa binatang nagsisisigaw habang bitbit sa magkabilang braso ng dalawang malalaking guwardiya. Pilit itong nagpupumiglas subalit balewala lamang iyon sa mga may bitbit sa kan'ya.

Lumapit ang isang medyo may edad na babae sa kanila at kinurot sa tagiliran ang binata. "Naku, bata ka! Bakit ba takas ka nang takas? Kita mo nang hindi pa magaling 'yang mga sugat mo!" Muli kinurot ng Ginang ang lalaki dahilan para mapahiyaw ito.

Hindi napigilan ni Calista ang matawa nang kaunti dahil sa hitsura ng lalaki. Naaalala niya kung sino ito. Ito iyong lalaking may black eye na basta-basta na lang pumasok sa kan'yang silid. Ngayon, higit na mas naging maitim na ang itim sa palibot ng mata nito.

"Clyde..." mahina niyang banggit sa pangalan ng lalaki subalit tila umabot iyon sa pandinig nito dahil huminto ito sa pagpupumiglas at nagpalinga-linga ng tingin na tila ba may hinahanap.

Agad na iniiwas ni Calista ang mukha subalit hindi pa rin maalis ang ngiti sa kan'yang labi. Natatawa talaga siya sa hitsura ng lalaki.

"Sana madalas ko nang makita ang ngiting 'yan," wika ni Mercy na nakabalik na pala mula sa opisina ng doktor ni Calista.

Nahihiya namang yumuko si Calista at tipid na ngumiti.

"Ummm... Calista, mayroon sana kaming gustong ipakiusap sa'yo."

Agad na naglaho ang ngiti ni Calista at naiilang na sinalubong ang tingin ni Mercy. "Ano po iyon?"

"Ngayong titira ka na kasama namin, kailangan nating mag-doble ingat. Kailangan nating ilihim sa lahat ang pagiging 'taong-lobo' mo." Sinadyang hininaan ni Mercy ang katagang taong-lobo. "Higit na marami ang mga tao rito sa siyudad at hindi rin lahat ay katulad namin ni Simeon na maiintindihan_."

"Naiintindihan ko po ang ibig niyong sabihin, Ma'am. Hindi po ako pwedeng mag-transform bilang isang lobo." Matipid na nginitian ni Calista si Mercy.

Ngumiti naman si Mercy at iniipit ang mga hibla ng buhok ni Calista sa tainga nito. "Mama Mercy... Yan na ang itatawag mo sa akin."

Nalungkot si Calista sa ideyang mayroon na siyang ibang tatawaging Mama. Nanumbalik sa kan'yang alaala ang nakangiting mukha ng kan'yang ina.

Bagamat nalulungkot, hindi ipinahalata ni Calista ang nararamdaman kay Mercy. Nahihiya siyang tumangu-tango. "Mama Mercy."

"Isa pa pala, gusto ko sanang palitan ang pangalan mo para na rin sa kaligtasan mo."

Mas lalong bumigat ang nararamdamang lungkot ni Calista sa sinabi ni Mercy subalit kailangan niyang respetuhin ang gusto nito ngayong ito na ang kukupkop sa kan'ya. "Ano pong pangalan ang gusto niyong itawag sa akin?"

Hinaplos ni Mercy ang pisngi niya. "Callie... Mula sa araw na ito ikaw na si Callie. Hindi rin naman nalalayo sa tunay mong pangalan, 'di ba?"

Pilit na ngumiti si Calista at tumango. "Opo, Mama Mercy."

Niyakap nang buong higpit ni Mercy si Calista at tumingin sa malaking bintana. Hindi nito napigilang maluha habang nakatingin sa asul na kalangitan. Nanumbalik sa kan'yang alaala ang pinakaimportanteng tao sa buhay niya; ang namayapa niyang anak. "Callie, anak ko."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status