Share

Chapter 2.1

"HINDI ko sinasadya."

Umiiyak at nanginginig na nakasiksik si Althaia sa sulok ng bahay ng kanyang kasintahang si Henry.

Bagamat ilang araw na ang nakalipas, sariwa pa rin sa kanyang alaala ang mga nangyari nang gabing iyon.

(flashback)

Umiiyak at galit na ibinalibag ni Althaia sa puno ang isang usa na nasalubong niya sa kagubatan. Ibinunton niya sa kawawang hayop ang kanyang sakit na nararamdaman. Paulit-ulit niyang tinadyakan ang wala nang buhay na usa habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Labis-labis ang sama ng loob na kanyang nararamdaman dahil sa naging desisyon ng kanilang Inang Reyna na ang pinsan niyang si Calista ang dapat na maging susunod na reyna .

"Bakit?! Bakit?! Bakit?!" Humagulgol siya at napaluhod sa lupa.

Magmula nang magkaisip, pinangarap niya na ang maging pinuno ng kanilang tribo. Buong pagsisikap niyang ginawa ang lahat upang mapansin siya ng reyna. Nag-aral siya nang mabuti, nagsanay upang maging bihasa sa pakikipaglaban, at naging responsableng alpha ng kanyang pack. Halos ginugol niya na ang kanyang buong buhay upang ihanda ang sarili sa trono.

Naniniwala siyang taglay niya na ang mga katangian ng isang huwarang pinuno kaya naging kampante siya na siya ang pipiliin na maging susunod na reyna. Subalit nagkamali siya. Ni minsan hindi sumagi sa kanyang isipan na ang kanyang paboritong pinsan na si Calista ang magiging karibal niya sa tronong matagal niya nang inaasam. Hindi niya mawari kung bakit ito ang pinili ng kanilang reyna dahil sa kanyang paningin ay mahina ito at higit sa lahat, wala itong interes sa kapangyarihan.

Nakaramdam siya nang matinding inggit at tila unti-unting lumayo na ang kanyang loob sa kanyang pinsan.

Napalingon siya sa bahay ng kanilang Inang Reyna. Nakita niya ang matanda na nakatayo sa harapan ng nakabukas na malaking bintana. Nakatingala ito sa malaking buwan. Dahil sa hinanakit na nararamdaman, nagpasya siyang komprontahin ito.

Mabilis niyang narating ang bahay ng reyna. Hindi na siya nag-abala pang kumatok at basta na lang pumasok sa loob. Natagpuan niya ang reyna sa ikalawang palapag ng bahay, nakatayo pa rin ito sa tapat ng bintana.

"Natutulog na ang lahat, bakit gising ka pa, Althaia?" kalmadong tanong ng reyna sa kan'ya nang hindi inaalis ang tingin sa malaking buwan. Tila ba inaasahan na nito ang pagdating niya.

Marahas na pinahid ni Althaia ang kanyang luha. "B-bakit si Calista?"

Matamlay na ngumiti ang reyna bago siya nilingon. "Bakit? Sa tingin mo ba ay nagkamali ako ng pinili?"

Muling namuo ang mga luha sa mata ni Althaia. "Alam kong alam mo na gusto kong ako ang maging susunod na pinuno. Alam mong masasaktan ako oras na hindi ako ang piliin mo! Bakit? Bakit hindi ako?!" hinanakit niya sa matanda. "Ginawa ko naman ang lahat para mapansin mo! Nagsanay ako nang mabuti! Pinangunahan ko nang maayos ang pack ko! Ano pa ba ang kulang?!" Sa labis na galit, ibinalibag niya ang malaking vase sa kanyang tabi dahilan para umalingawngaw sa paligid ang pagkabasag nito. "Bakit si Calista? Walang siyang alam sa pamumuno! She doesn't even want the throne!"

"Masyado kang uhaw sa kapangyarihan, apo." Humakbang palapit sa kanya ang reyna. "Ang labis mong paghahangad sa kapangyarihan ang magpapahamak sa'yo..." Sinubukan nitong pahirin ang kanyang luha sa pisngi subalit iniiwas niya ang kan'yang mukha. " Ayokong mapahamak ka, Althaia... Ayokong mapahamak ang sino man sa inyong dalawa. Huwag sanang lalayo ang loob mo sa'min ng pinsan mo. Huwag mo sanang hayaan apo ko na lamunin ka ng galit at inggit."

Hindi nagustuhan ni Althaia ang mga sinabi ng reyna. Umiyak siya nang umiyak at galit na ipinagbabato ang anumang gamit na mahagip ng kanyang mga mata. Sinubukan siyang awatin ng reyna subalit marahas niya itong itinulak.

"Althaia_."

Napaluhod siya at nagsisisigaw.

Ilang sandali ang lumipas bago tuluyang napakalma ni Althaia ang sarili. Pinahid niya ang kanyang mga luha, saka tumayo at iginala ang tingin. Nagtaka siya nang hindi niya na nakita ang Reyna. Tanging ang mga basag na kasangkapan at ang nakabukas na malaking bintana na lamang ang naroroon sa silid. Muli na naman siyang nakaramdam ng hinanakit sa matanda at naisip na wala talaga itong pakialam sa kanya.

Dala-dala niya pa rin ang sama ng loob hanggang sa nakalabas na siya ng bahay. Palabas na siya ng gate nang may naulinigan siyang tinig. Nilingon niya ang direksiyon kung saan nagmumula iyon at nagimbal siya sa nasaksihan. Nakita niya ang Inang Reyna na nakatihaya sa mga patusok na bakal ng tarangkahan. Nakahawak ang isa nitong kamay sa bakal na nakatusok sa tiyan.

Napatingin siya sa nanginginig niya na ngayong mga kamay nang maalala ang sandaling tinulak niya ito. Siya ba ang may gawa no'n?

Ilang ulit na umiling-iling si Althaia at itinatanggi sa sarili ang krimeng nagawa. "H-hindi... I didn't do it."

(end of flashback)

Nabalik sa reyalidad si Althaia nang biglang bumukas ang pinto sa sala. Mas lalo pa siyang sumiksik sa sukok upang ikubli ang sarili.

Napamura si Henry sa gulat nang makita si Althaia sa loob ng kanyang bahay. "Ano'ng ginagawa mo rito? Bakit wala ka sa libing ng Inang Reyna? Alam mo bang hinahanap ka nila roon?"

Kinagat ni Althaia ang mga kuko sa kamay at 'di na mapakali sa kanyang kinauupuan. "Bakit nila ako hinahanap? Ako ba ang sinisisi nila sa pagkamatay ng matandang 'yon?"

Naguguluhan siyang tinitigan ni Henry. "A-ano bang pinagsasasabi mo? Bakit ka nila sisisihin?"

Tinutop ni Althaia ang bibig nang may narinig na mga tao sa labas ng bahay. Isinara ni Henry ang pintuan at naguguluhang binalikan si Althaia. Pabalik-balik na itong naglalakad habang kinakagat pa rin ang mga kuko. He stopped her by grabbing her arm. "What did you do?"

Marahas na binawi ni Althaia ang braso. "I didn't kill her!"

Natahimik si Henry dahil sa sinabi ng kasintahan. Hindi ba aksidente ang pagkamatay ng kanilang reyna?

Muli, tinanong niya ito upang linawin ang kanyang hinala subalit sumalampak lamang ito sa sahig at umiyak nang umiyak. "Kasalanan niya..."

*****

PAGKATAPOS bumuga ng usok, iwinitik ni Henry sa labas ng kanyang maliit na bintana ang hawak na nauupos na sigarilyo. Mula sa kanyang silid, tahimik niyang pinagmamasdan ang kanyang mga kapwa taong-lobo na naglalakad at abala na sa kani-kanilang gawain. Nakaitim ang lahat ng mga ito, simbolo ng kanilang pagluluksa sa pagkamatay ng kanilang Inang Reyna.

Pinulot niya sa sahig ang kanyang itim na t-shirt at isinampay iyon sa kanyang balikat. Nilingon niya si Althaia na patagilid na nakahiga sa kanyang kama habang natatakpan ng pulang kumot ang hubo't hubad nitong katawan. Malayo ang tingin at wala pa ring tigil sa pag-agos ang mga luha nito.

Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga inamin sa kanya ng kasintahan. Alam niyang posibleng magkaroon ng masamang bunga ang pagiging mabagsik at bayolente nito ngunit hindi niya akalain na sa ganitong paraan ito mangyayari. Muli siyang napatingin sa labas nang may narinig siyang dalawang ale na nag-uusap.

"Ngayong wala na si Ina, ibig bang sabihin si Calista na ang mamumuno sa'tin?" tanong ng isa sa nag-uusap.

"Malamang!" tugon naman ng kausap nito.

"Pero handa na kaya ang batang iyon? Biglaan ang pagkamatay ng Inang Reyna, ni hindi man lang siya naturuan nito kung paano tayo pamumunuan."

"Yan nga rin ang inaalala ko. Buong akala ko nga eh si Althaia ang susunod na magiging reyna. Bukod sa matalino at matapang ang batang 'yon, tingin ko mas mapoprotektahan tayo nito kung sakali man na may umatakeng mga kalaban."

"Matalino rin naman si Calista. At isa pa mabait din siya. Nagkataon lang talaga na hindi siya kasintapang ng pinsan niya."

"Kung wala si Calista, marahil ay si Althaia ang reyna natin ngayon."

Napalingon si Henry kay Althaia matapos marinig ang usapan ng matatanda. Isang ideya ang biglang pumasok sa kanyang isipan.

Nilapitan niya si Althaia at inalalayan na maupo. Tulala pa rin ito at hindi umiimik. Ikinulong niya ang mukha nito sa kanyang mga palad at tinitigan sa mga mata. "Do you really want that throne?"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status