Share

VII

HIRAP makatulog si Serenity kagabi. At dahil sa tawag ni Oliver, lalo tuloy nawala ang antok niya. Hanggang nga sa inumaga na lang siya kakaikot sa kama pero ni isang minuto ay hindi man lang niya nagawang makaidlip.

Ngayon naiintindihan na niya kung bakit ayaw ng Papa niya na magkaroon siya ng karelasyon habang nag-aaral. Hindi pa nga niya boyfriend si Oliver pero nagkakagano’n na siya. Hindi niya ma-explain ang nararamdaman. Basta, ito lang ang nasa isip niya magdamag. Paulit-ulit din bumabalik sa isipan niya ang napag-usapan nila kagabi tungkol sa yakap na aasahan daw nito sa araw na `yon.

Wala man tulog, energetic siyang nagtungo sa University. Pero ang excitement niya ay nauwi sa disappointment nang mag-text si Oliver at sinabing hindi ito makakapasok. Naiintindihan naman niya iyon dahil sa kondisyon ng Dad nito. Gayun pa man, hindi pa rin niya maiwasang malungkot.

“Bakit ganyan `yang istura mo? May sakit ka ba?” tanong ni Maricris nang makarating siya sa classroom nila. “Akala ko pa naman masaya kang papasok pagkatapos ng date niyo ni Oliver kahapon. Ano na nga ba ang score niyo ni Oliver? Nanliligaw ba siya sa `yo? O baka naman boyfriend mo na siya? Wait. Don’t tell me naghiwalay na kayo kaya ganyan ang itsura mo?”

Ayaw nitong humiwalay sa kanya kahapon kaya nasundan siya hanggang sa parking area. Umalis lang ito nang makitang si Oliver ang kasama niya. Kung sinabi lang daw niya agad na may date sila, hindi na siya nito kinulit.

At heto na nga. Wala pa man siyang naii-kwento kay Maricris, advance na ito mag-isip. Kahit mag-deny pa siya, hindi rin naman ito maniniwalang hindi sila nag-date. Nahuli na nga sila, `di ba? Siguro naman hindi rin makakasama kung may isang taong may alam sa nangyayari sa kanila ni Oliver. Hindi rin kilala ng magulang si Maricris kaya malabong ito ang maging dahilan para umabot iyon sa kanila.

Napatingin siya kay Maricris. “Hiwalay agad?”

“Eh, bakit nga ba kasi ganyan `yang itsura mo? Anong meron?”

Huminga siya nang malalim.

“Absent kasi si Oliver.”

“Iyon lang ang dahilan kaya ganyan ang itsura mo? Wow, ha. Grabe naman `yan. Mukhang in love na in love ka na ata kay Oliver. Akala ko ba bago niyo pa lang kinikilala ang isa’t-isa? Hindi kaya ginayuma ka na ng lalaking `yon?”

Bakit nga ba ganoon ang pakiramdam niya? Ginayuma nga kaya siya ni Oliver at ganoon na lang siya ka-affected? Ni hindi pa nga masyadong matagal mula nang iligtas siya nito mula kay Jason. Kahapon lang din sila nagkausap ng personal pero heto, parang hindi na siya mapakali na hindi ito makita.

“H-hindi, ah. Concern lang ako sa tao. Nabanggit kasi niya na may sakit ang Dad niya. Baka kung ano na ang nangyari.”

Nang sabihin ni Oliver na hindi ito makakapasok, nag-text siya at nagtanong kung ano ang nangyari. Kaso, hindi na ito sumagot.

“Tawagan mo kaya. Kamustahin mo. Baka may nangyari na pala sa Dad no’n. Nerd pa naman `yon. Baka hindi sanay mag-share sa feelings sa iba tapos hindi kayanin. Biglang magpakamatay.”

Kahit ba bago pa lang nila kinikilala ang isa’t-isa nang mas mabuti, feeling ni Serenity mali ang impression nila kay Oliver mula sa totoo nitong pagkatao. Oo, medyo tahimik ito pero hindi naman ito iyong naiilang sa ibang tao. Isa pa, sa galing nitong makipaglaban, parang hindi lang naman mga libro ang inaatupag nito. Sadyang limited lang siguro ang ngiti nito at parang ayaw lang talagang masyadong makipaghalubilo.

Pero paano nga kaya nito natutunan ang makipaglaban nang ganoon? Bigla niyang naikumpara dito ang sarili. Sinisekreto niya ang kanyang skills sa ibang tao. Iyon kasi ang sabi sa kanya ng ama, na huwag iyon ipakita sa iba kung hindi talaga kinakailangan. Malamang ganoon lang din si Oliver. Sa gara ng kotse nito, malamang nanggaling ito sa mayamang pamilya. Siguro nag-aral talaga ito para maprotektahan ang sarili.

Habang nasa klase, hindi mapakali si Serenity. Ilang beses na kasi siyang nakapag-send ng message kay Oliver pero wala pa rin itong reply ni isa. Ang nangyari, napagsabihan tuloy siya ng professor nila nang wala siyang naisagot sa tanong nito.

“Wala pa rin bang reply si Oliver? Tawagan mo na kasi,” ani Maricris.

Kanina pa niya gustong tawagan si Oliver pero naisip niya na hindi nga ito nagre-reply sa mga text niya. Paano kung makaka-isturbo lang pala siya dito? Baka makulitan lang ito sa kanya. Kung gusto nitong makausap siya, ito na mismo ang tatawag.

“PASENSIYA na kung pinatawag ko kayo sa oras ng klase niyo para sa isang emergency mission. Dahil sa nangyari kahapon, kulang tayo sa mga tao,” ani Sir Simon matapos ang mission nila nang araw na `yon.

“It’s okay, Sir. Sa huli, mas magiging priority rin naman namin ang mga mission natin,” ani Oliver.

Kahit ano pa ang makuha nilang grades sa college, hindi naman iyon mahalaga. Kapag nakapagtapos na sila at nagkaroon ng mga sarili nilang trabaho o business, pang-cover-up lang nila iyon.

“Sa katunayan nga, Sir, isang malaking karangalan para sa amin na mapabilang sa misyon na ito. Maraming salamat sa tiwala,” ani Kristoff.

Isa kasing napakahalagang misyon ang pinuntahan nila nang araw na iyon. Isang misyon na hindi basta sino-sino lang ang pwedeng ipadala. Kaya naman para mapili silang dalawa, ibig sabihin malaki ang tiwala ni Sir Simon sa kanila. Nakabawi na rin siya sa kapalpakan noong huling magkasama sila sa isang misyon.

“May susunod pa ba tayong mission ngayong araw, Sir?”

“Wala na. You’re dismissed. Maaari na kayong bumalik sa headquarters.”

“Hindi ba kayo sasabay sa amin, Sir?” ani Kristoff.

“Hindi na. Kailangan ko munang dumaan sa bahay. Kulang tayo sa mga tao kaya baka hindi ako makauwi sa mga susunod na araw. Magpapaalam lang ako sa pamilya ko. Sige, mauna na `ko sa inyo,” tinapik sila ni Sir Simon sa balikat bago ito sumakay ng motorbike at lumabas ng van na nagsilbing command center nila. Sakay din ng van ang motorbike nila ni Kristoff.

Madalas napapaisip si Oliver kung bakit ganoon na lang ka dedicated ang Mama niya sa grupo at sa missions nila. Oo, malaki ang ibinabayad sa kanila pero kahit naman hindi miyembro ng Merciless ang magulang, malaki pa rin ang kinikita ng mga ito bilang mga doktor. At least sa ospital, kaya pa rin nila magligtas ng buhay nang hindi ipinapahamak ang sarili nilang buhay.

Maging ibang members ng Merciless ay kayang buhayin ang mga pamilya nila nang hindi isinasaalang-alang ang buhay nila. Pero ewan ba, mas pinipili pa rin nilang panatiliing matatag ang grupo. Pero kung may susundan man siyang yapak sa mga miyembro ng Merciless, malamang si Sir Simon iyon. Alam nilang may asawa na ito at mga anak pero ni isa sa kanila ay walang may alam sa itsura ng mga ito. Ayaw kasi ni Sir Simon na malaman ng pamilya ang tungkol sa Merciless.

Kahit ba unti-unti na siyang nasasanay sa trabaho, hindi rin yata niya kakayaning maging bahagi ng mundo nila ang magiging pamilya sa hinaharap.

“Tayo na, Tony. Sasabay na lang siguro kami papunta sa headquarters,” ani Kristoff kay Tony, isa rin sa mga bagong miyembro ng Merciless at siyang nagmamaneho ng van.

Isang car racer si Tony pero na ban ito matapos malulong sa masamang gamot. Ilang beses na itong nakulong ng dahil doon hanggang sa makilala nito si Sir Andrew, ang dad ni Kristoff sa ospital nang magtangka itong magpakamatay. Hindi niya alam ang buong detalye pero sa huli, napapayag ito ni Sir Andrew na maging miyembro ng Merciless.

Mas mabilis kung motorbike ang sasakyan niya pero naisip niyang doon rin naman siya patungo sa HQ. Isa pa, mabilis din naman magmaneho si Tony. Hindi siya nakatulog kagabi at kanina, maaga silang umalis. Tapos ngayon, malapit na mag-alas sais. At least, magagawa niyang makapagpahinga kahit papaano.

Kinuha niya ang kanyang phone sa kanyang bulsa. Naka silent iyon kaya hindi niya namalayan na marami na pala siyang messages na natanggap. Umabot rin iyon ng seventeen messages at lahat galing kay Serenity.

“Stop the van. I’m going down.”

Nadinig naman iyon ni Tony at mabilis na huminto. Mabilis na siyang sumakay ng kanyang motorbike. Napatingin naman sa kanya si Kristoff.

“Hindi ka pa ba babalik sa headquarters? Kahapon ka pa walang pahinga.”

“May kailangan lang akong daanan.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status