Share

VIII

“HINDI ka uuwi? Bakit?"

“Lilipad papuntang Cebu ang boss ko at bilang miyembro ng kanyang security team, kailangan namin siyang samahan.”

“Kailan naman daw kayo uuwi?”

“Hindi ko pa masasabi pero huwag kang mag-alala, araw-araw naman kitang tatawagan.”

“Halos ilang oras na nga lang tayo magkasama sa bahay, lalayo ka pa. Hindi ka ba talaga pwedeng humanap na lang ng ibang trabaho?”

“I’m sorry, Rose pero alam mo naman kung gaano kahalaga sa akin ang trabaho ko.”

“Pero hindi ko naman akalain na kahit may mga anak na tayo, mas importante pa rin pala sa `yo ang trabaho mo kaysa sa pamilya natin. Sa akin. Nakakapagod na rin mag-adjust, Simon. Sobrang nakakapagod na,” umiiyak na umalis ng hapag kainan ang kanilang ina.

Tahimik lang si Serenity maging ang kapatid niyang si Dean. Nasa harap sila ng hapag kainan pero mukhang wala na siyang ganang kumain. Nalulungkot kasi siya para sa Mama niya.

Sa halip na sumunod sa kwarto, nanatili lang kasama nila ang ama.

“Kayo na muna ang bahala sa Mama niyo habang wala ako. Huwag niyo siyang bigyan ng sakit ng ulo tulad ko.”

“Pa, talaga bang trabaho ang dahilan kaya aalis kayo?”

Simula noong maliit pa siya, ang alam niya ay nagta-trabaho sa isang security agency ang ama. Pero kahit kailan, never pa nilang napuntahan kung saan iyon. Ni wala silang kakilala na katrabaho nito. Paano kaya kung hindi pala talaga iyon ang trabaho ng Dad niya? Na kaya pala palagi itong wala ay dahil may iba itong pamilya? Paano kung second family lang pala sila nito? Iyon ang nga tanong na tumatakbo sa kanyang isipan mula pa man noon. Pero kahit kailan, hindi niya iyon nagawang maitanong dito.

“Ikaw, ang Mama mo, at ang kapatid mo lang ang pinakamahahalagang tao sa buhay ko, Serenity.”

“Pero tulad ng sabi ni Mama, hindi kami kasing halaga ng trabaho niyo. Ganoon po ba? Bakit nga ba hindi na lang kayo humanap ng ibang trabaho, Pa?”

“Kung alam mo lang kung ilang beses ko na sinubukang gawin `yon. Kaya lang, habang nabubuhay ako, wala akong choice kundi manatili sa trabaho ko.

“Bago ko pa nakilala ang Mama mo, ito na ang trabaho ko. Kung hindi dahil sa trabaho ko, baka matagal na rin akong wala sa mundong `to. Baka hindi ko na rin nakilala ang Mama mo.

“Hindi ko man maipaliwanag sa inyo ang lahat, sana maintindihan niyo pa rin ako. Para din sa inyo ang ginagawa ko. Kahit anong mangyari, sana tandaan niyo palagi na mahal na mahal ko kayo.”

Hindi na siya nakaimik. Umalis naman ang ama at sinundan na sa kwarta ang Mama nila.

Mabait naman ang Papa niya. Kahit isa, wala itong bisyo. Never din niyang narinig na nag-away ang magulang dahil sa isang babae. Pero kung may naririnig man siyang palaging pinagtatalunan ng magulang, iyon ay ang trabaho nito. Mas maraming oras pa kasi ang ginugugol ng ama para sa trabaho nito kaysa sa kanila. Lalo na sa Mama niya. Kapag kasi umuuwi ang Papa nila, mas inuuna pa nitong i-train sila kaysa magkaroon ng quality time kasama ang asawa nito.

Hindi niya alam kung ano ang naging ending ng usapan ng mga ito pero nang gabing iyon, umalis pa rin ang Papa niya.

Masakit ang ulo niya dahil hindi siya nakatulog kagabi. Tapos ngayon, nadagdagan pa dahil sa nangyari kanina. Napatingin siya sa kanyang phone. Naka-charge nga pala iyon. Binuksan niya iyon at naghintay ng ilang minuto pero walang dumating na message. Mukhang hindi pa rin nagre-reply sa text niya si Oliver. Napahinga siya nang malalim. Nasaan na kaya ito? Mukhang siya yata ang nangangailangan ng yakap mula dito.

Nagulat siya nang biglang nag-ring ang kanyang phone. Si Oliver ang tumatawag. Agad naman niya iyong sinagot.

“Hello, Oliver? Bakit ngayon ka lang tumawag? Bakit hindi ka sumagot sa mga text ko? Ayos ka lang ba?” Sunud-sunod niyang mga tanong dito.

“Are you in your room?”

Napakunot noo siya. Sa dami ng sinabi niya, iyon talaga ang una nitong naisip sabihin?

“Oo. Bakit?”

“Pwede ka bang sumilip sa may bintana?”

Napatayo siya sa kama.

“Bakit?” aniya habang nagmamadaling nagtungo sa may bintana.

Nanlaki ang mga mata niya nang matanaw ito sa ibaba. Kagaya noong araw na tinulungan siya nito, naka-all black din ito. Paano nito natunton ang bahay nila?

Binaba niya ang kanyang phone sa kama at mabilis nang tumakbo pababa.

“A-anong ginagawa mo dito?” humigingal pa siya nang makalabas ng gate.

“Bumabawi dahil hindi ko nasagot ang mga text mo. Nandito rin ako para hingin ang utang mo sa `kin na yakap.”

Hindi siya umiyak kanina sa hapag kainan. Kahit nang umalis ang Papa niya. Pero nang oras na `yon, bigla siyang naging emosyonal. Hindi na niya napigilan ang mapaiyak. Kitang-kitang naman niya ang pag-aalala sa mukha ni Oliver.

“Galit ka ba sa `kin? Sorry kung hindi ko nasagot ang mga text mo.”

Umiling siya habang pinupunasan ang kanyang mga luha. “Hindi ako galit sa `yo.”

“Kung gano’n, bakit ka umiiyak? May problema ka ba?”

“Alam kong ako ang may utang sa `yo na yakap pero mukhang ako yata ang-,” hindi na niya naituloy ang sinasabi nang yakapin siya ni Oliver. At dahil sa ginawa nito, lalo lang tuloy siyang napaiyak.

“Sa susunod mo na lang ibigay sa `kin ang utang mo na yakap. Sa ngayon, ako na muna ang yayakap sa `yo.”

Mula noong bata pa sila, tinuruan sila ng ama na huwag magpakita ng kahinaan sa harap ng ibang tao. Pero ewan ba, pagdating kay Oliver, nagiging mahina siya.

NAGPUNTA si Oliver sa University para kausapin si Serenity pero hindi na niya ito naabutan. Sinubukan niya itong tawagan pero hindi rin niya ito ma-contact. Nag-alala siya na baka nagalit ito sa hindi niya pagsagot. Hindi siya mapakali kaya naman humingi siya ng pabor kay Sir Lendon, member ng Merciless at pinakamalupit pagdating sa paghahanap sa mga target nila. Naisip niya na kung kaya nga nitong hanapin ang location ng mga target nila, malamang madali lang para dito na hanapin si Serenity. Hindi nga siya nagkamali dahil ilang minuto lang, nahanap na nito ang address ni Serenity.

Nang una nagdadalawang isip siyang tawagan ito at sabihing nasa harap siya ng bahay nito. Baka kasi isipin nito na isa siyang stalker. Pero mabuti na lang at sa huli, mas naging matimbang ang kagustuhan niya na makita ito. Ito pala ang may kailangan ng yakap niya. Ewan ba pero nang makita niyang umiyak si Serenity, parang may pumiga sa puso niya. Maliban sa kanyang pamilya, iyon pa yata ang unang pagkakataon na naramdaman niya iyon para sa ibang tao. Sa puntong iyon, na-realize niya hindi lang basta-basta ang nararamdaman niya para kay Serenity. Espesyal ito sa lahat ng babaeng nakilala niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status