Share

X

“PURE Filipina ang Mama ko. Ang Papa ko naman, pure Korean. Pero dito na siya sa Pilipinas lumaki. Ikaw ba?” tanong ni Serenity kay Oliver habang nasa rooftop sila ng University.

Lunch break nila at doon nila naisipan mananghalian. Mabuti na lang at nagkataon na makulimlim ang langit. Hindi sila nababad sa init.

“My father is half-Filipino- half-Korean. Ang Mama ko naman pure Korean pero dito na rin siya lumaki. Mas may alam pa nga na Korean ang Dad ko kaysa kay Mama.”

“Pareho pala sila ng Papa ko. Hindi na rin natuto mag-Korean.”

Unti-unti, nagagawa na nilang mag-share ng tungkol sa kanilang pamilya. Pero napansin niya na kung ano lang ang sinasabi niya, iyon lang din ang mga bagay na binabanggit ni Oliver tungkol sa pamilya nito.

“Kamusta na pala ang Dad mo?”

“He’s okay. Magaling na siya.”

Tumangu-tango siya. “Mabuti naman kung gano’n.”

“Ang parents mo, nagkabati na ba?”

“Hindi pa umuuwi si Papa pero tingin ko naman ay okay na sila.”

Tulad ng pangako ng kanyang ama, araw-araw nitong tinatawagan ang Mama niya. Noong una, malimit lang kung sumagot ang Mama niya. Pero nitong huli, tumatawa na ito kapag magkausap sila kaya malamang nagkasundo na ang mga ito.

“How about us?” tanong ni Oliver.

Na nakapagpakunot sa noo niya. “Tayo? Magkaaway ba tayo?”

“Gusto kong malaman kung kailan magiging tayo. Kung kailan mo `ko sasagutin.”

Buti na lang walang laman ang bibig niya kundi, nabilaukan na siya.

“Hindi ba’t napakabilis naman ata kung sasagutin na kita? Isang linggo pa naman tayong nagliligawan.”

Isang linggo pa lang naman kasi ang nakalipas mula noong una silang mag-date. Hindi nga niya sure kung nagliligawan na nga ba sila. Hindi ba magkaiba pa `yong dating stage at courting stage?

“Doon lang din naman tayo patungo, hindi ba?”

Aaminin niya, espesyal ang nararamdaman niya para kay Oliver. Mula nang magsimula silang magpalitan ng messages, parang hindi na buo ang araw niya nang hindi ito nakikita o nakakausap. Pero syimpre, gusto pa muna sana niya itong pahirapan. Ang sabi kasi ng Mama niya dapat pahirapan niya ang kung sino man lalaki na magkakalakas ng loob na ligawan siya. Kapag daw kasi nanatili pa rin ito hanggang dulo, ibig sabihin mahal talaga siya nito. Ang kaso, magagawa nga kaya niyang tiisin ito nang matagal?

NEVER pang nanligaw si Oliver kaya hindi niya alam kung kailan nga ba ang tamang pagkakataon para itanong niya iyon. If it’s just him, hindi naman importante sa kanya ang label. Basta, alam niyang espesyal sa kanya si Serenity at masaya siya sa tuwing kasama at kausap niya ito. Pero feeling niya unfair naman iyon kay Serenity. Kaya para ma-prove niya ang nararamdaman para dito, naisip niyang itanong na iyon dito. Unang date pa lang nila, itinanong na nito sa kanya kung ano ang intensiyon niya para dito. Kaya akala niya, ready na itong mag-level up ang relasyon nila. Mukhang hindi pa pala.

Dati, takot siyang makipag-relasyon dahil iyon nga, hindi niya mahuhulaan ang takbo ng panahon. Who knows, baka sa makalawa may mangyari sa kanya. Ayaw niyang may maiwan. Ayaw niyang may masaktan sa pagkawala niya.

Pero mula nang makilala niya si Serenity, bigla siyang naging selfish. Gusto rin pala niyang maging masaya. Hindi niya alam kung tama ba o mali pero mas ayaw na niyang magsisi na hindi niya sinubukan ang mga bagay na sana ay pwede niyang ginawa.

“Naisip ko lang kasi na hindi natin alam kung hanggang kailan lang tayo mabubuhay. Kaya kung may mga bagay na magagawa natin para maging mas masaya, bakit pa natin patatagalin, hindi ba? Pero kung hindi ka pa handa, ayos lang din naman,” hinawakan niya ang kamay nito. “Hindi kita mamadaliin.”

SA unang tingin pa lang, alam niyang seryosong tao si Oliver. Pero hindi niya akalain na ganoon ito ka-mature mag-isip. Nakaka-goosebumps. Parang lalo siyang na-inlove dito. Nakaka-guilty tuloy na pahirapan pa niya ito. Siguro naman hindi siya magagawang saktan ng lalaking `to. Isa pa, may punto din naman si Oliver.

“Tama ka. Bakit nga ba patatagalin pa natin? Mahal naman natin ang-,” natigilan siya. Hindi pa nga pala niya naririnig mula kay Oliver ang salitang `yon. Na mahal siya nito.

“Are you doubting me because I’ve never said those words yet?”

Hindi agad siya nakaimik. Huling-huli na kasi siya nito. Makakapag-deny pa ba siya?

“Hindi naman sa nagdududa. Naisip ko lang na hindi mo pa pala nasasabi sa `kin `yon.”

“Hindi mo pa rin naman `yon nasasabi sa `kin. We’re just even.”

Tama naman ito. Pero hindi ba dapat lalaki ang unang nagsasabi no’n?

“Pero alam ko kung ano ang nararamdaman ko para sa `yo,” pagdadahilan niya.

“Gano’n din naman ako. You know what? Why don’t we just say it together?”

“N-ngayon na?”

Bago niya nakilala si Oliver, never pumasok sa isipan niya ang makipag-relasyon. At sa totoo lang, kahit sa sariling pamilya ay hindi niya iyon magawang sabihin nang harapan. Kaya nang sabihin iyon ni Oliver, bigla siyang nakaramdam ng hiya.

“Don’t you love me?” tanong nito.

“H-hindi naman sa gano’n. Hindi lang ako sanay na sabihin ang mga katagang `yon.”

“Ako din naman. I don’t think I’ve ever said those words to anyone before. Not even to my family. Pero para sa `yo, gagawin ko. I love you, Serenity. And I’m serious about my feelings for you.”

Nakatingin sa mga mata niya si Oliver kaya naman tagos ata hanggang kaluluwa niya ang mga sinabi nito. Ramdam na ramdam niya ang sinseridad nito. Gusto niyang magtitili sa kilig pero sa isip na lang niya ginawa `yon.

At ang kanina na akala niya ay hindi niya magagawang sabihin, bigla na lang lumabas sa kanyang bibig.

“Mahal din kita, Oliver.”

“Ibig sabihin ba nito tayo na?”

Naramdaman niya ang pag-init ng kanyang mukha. “Oo. Sinasagot na kita, Oliver Kim.”

Pagkatapos niyang sabihin iyon, para bang natulala na lang si Oliver. Wala itong naging reaksiyon. Ni walang bakas ng saya ang mukha nito. Nakatitig lang ito sa kanya.

“Hindi ka ba masaya sa sinabi ko?”

“Of course, I am. It’s just that, I don’t know how I’d react. Gusto kitang halikan pero baka isipin mo na nagti-take advantage ako sa `yo dahil sinagot mo na `ko. Baka-.”

Hindi na nito nagawang maituloy ang sinasabi nang halikan niya ito sa labi. Sandali lang naman pero sapat lang para magkalapit ang labi nila.

“Ako na ang humalik sa `yo para hindi-.”

Sa pagkakataong iyon, siya naman ang hindi nakapagsalita. Hinalikan kasi siya nito. Simpleng halik lang ang halik na iginawad nito sa kanya pero mas matagal na naglapat ang kanilang mga labi.

“I love you, Serenity. Pinapangako kong ikaw lang ang nag-iisang babae na sasabihin ko ng mga katagang `yon,” muli siya nitong hinalikan. Pero sa pagkakataong iyon, sa noo niya dumampi ang halik nito.

Pareho pa silang nasa college ni Oliver. Nineteen siya at twenty ito. At nasa unang araw pa lang sila ng kanilang relasyon. Pero ewan ba, ramdam na ramdam niya ang pangakong binitawan ni Oliver sa kanya. Para bang hinding-hindi nito sisirain ang pangakong iyon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status