Share

XI

“MAY nangyari bang maganda sa rooftop at maaliwalas `yang mukha mo?” ani Kristoff nang pumasok si Oliver sa afternoon class nila. Sana nga hindi na lang siya pumasok. Wala pala ang professor nila.

Gustong sumabay ni Kristoff sa kanya mananghalian kanina, at hindi siya nito tinantanan hangga’t hindi niya sinasabi kung saan siya papunta. Kaya naman napilitan na lang siyang banggitin dito ang lunchdate nila ni Serenity.

Mabilis siyang umiwas ng tingin sa pinsan. “Hindi ko alam ang pinagsasasabi mo.”

“Come on, Oliver. Kilala na kita. Hindi man malawak `yang ngiti mo, alam kong masaya ka. Kayo na ba ni Serenity?”

Huminga siya nang malalim. “Fine. She’s my girlfriend,” pag-amin niya. Alam din naman kasi niyang wala siyang maililihim kay Kristoff.

“Wow, congratulations. Mukhang tulad mo, inlove na inlove din si Serenity sa `yo. Imagine, sinagot ka na niya agad? Pero sana naman pumili ka ng mas magandang venue. Tapos ni wala ka man lang ata dalang flowers or chocolates.”

Hindi naman kasi niya naisip na importante `yon. Hindi rin niya iyon planado. Basta, nangyari na lang. Sa huli, ang mas mahalaga lang naman talaga ay kung ano ang nararamdaman nila ni Serenity para sa isa’t-isa.

“But, anyway,” tinapik-tapik siya ni Kristoff sa balikat. “I’m happy for you, Bro. On the other hand, goodluck din sa `yo. Sana matanggap ni Ms. Kim si Serenity. At sana, matanggap rin ni Serenity ang totoo mong pagkatao.”

“Masyado pang maaga para isipin ko ang mga bagay na `yon, Kristoff.”

“But who knows? Baka magtagal nga kayo ni Serenity. Darating at darating ang panahon na kailangan mong isipin ang mga bagay na `yon.”

Tama naman si Kristoff. Sa simula pa lang, nasa isip na rin niya ang mga bagay na `yon. Pero sa ngayon, gusto na lang muna niyang i-enjoy ang kung anong meron sila ni Serenity.

“MAG-ISA ka lang dito?” tanong ni Serenity nang makarating sila sa condo unit ni Oliver.

In fairness, malinis iyon. Sa sobrang linis, halos wala nga siyang makitang gamit. Maliban sa sofa seat, table, dalawang upuan, closet, side table, bed, refrigerator, oven at TV, wala na yatang ibang furnitures at appliances doon. Ngayon alam na niya kung bakit madalas, sa canteen ito kumakain.

“Akala ko ba may younger brother ka na nandito rin sa Pilipinas. Hindi ba kayo magkasama?”

Iisa lang kasi ang kama doon at imposibleng sa iisang higaan lang natutulog ang mga ito.

“Hindi ko ba nabanggit? He’s living with our grandmother in Cebu. Ako lang mag-isa ang nasa Manila.”

“Kaya pala tahimik ka. Wala ka naman pala kasing makausap dito sa bahay mo. Hindi bale, andito na naman ako. May makakausap ka na araw-araw,” nakangiti niyang sabi dito.

Hindi siya iyong makwentong tao pero mula noong makilala niya si Oliver, naging maingay na siya. Pero kay Oliver lang naman. Minsan nga paulit-ulit na lang siya. May mga bagay kasi na hindi pa niya pwedeng i-kwento. Mabuti nga at hindi pa ito nagsasawa.

Dalawang linggo na rin mula nang maging sila ni Oliver. Palagi rin siya nitong ihinahatid sa bahay. Buti nga at hindi pa ito napapansin ng Mama niya. Pero kahit naman makita ito ng ina, feeling niya magkakasundo ang dalawa. Mas problema niya ang kanyang Papa.

At ngayon, sa unang pagkakataon ay naisama siya ni Oliver sa condo nito. Actually, siya ang nagpumilit na pumunta doon. Wala din naman kasi siyang dapat katakutan dahil wala doon ang parents nito.

Sa totoo lang, nang mai-kwento ni Oliver na nasa America ang parents nito, medyo ikinatuwa niya iyon. Hindi kasi siya mapre-pressure na magpa-impress sa mga ito. At hindi rin siya mapre-pressure na ipakilala si Oliver sa parents niya. At mukhang hindi rin naman iyon big deal kay Oliver. Siguro ramdam nito na hindi pa siya ready na ipakilala ito sa parents niya. Tingin niya ganoon din ito at hindi rin naman iyon big deal sa kanya.

Actually, isa talaga sa rason kung bakit gusto niyang malaman kung saan ito nakatira ay para ma-surprise niya si Oliver sa araw ng kaarawan nito, at gaganapin na iyon sa susunod na linggo. Madalas siya nitong ilibre sa mga restaurant kapag lumalabas sila. Kahit gusto niyang mag-share, hindi ito pumapayag. Kaya naisip niya, isu-surprise na lang niya ito. Magdadala siya ng pagkain at doon sila kakain sa condo nito. Magbi-bake rin siya ng cake at cookies para may personal touch. Sana masarapan ito.

“Gising ka pa? Nagbi-bake ka ba ng cake? Gabi na, ah. Para kanino ba `yan?” tanong sa kanya ng ina nang maabutan siya nito sa kitchen.

Sinadya niyang late na mag-bake para hindi mag-usisa ang ina. Malay ba niyang magigising pala ito nang ganoong oras. Wala pa rin pala siyang takas.

“Order po, Ma,” pagdadahilan niya.

“Order? Nagbe-benta ka ng cake? Ano na naman `yang pinaggagagawa mo, Serenity? Binawalan na nga kitang magtrabaho, iyan naman ang inaatupag mo. Kung may gusto kang bilhin, sabihan mo na lang kami ng Papa mo. Hindi iyong nagpupuyat ka pa.”

“Huwag kayong mag-alala, Ma. Maliit lang naman `to. Special request kasi `to ng kaibigan ko. Nagustuhan daw kasi ng Mama niya kaya nag-request na gawan ko siya.”

Nakaka-guilty man, kailangan niyang magsinungaling sa ina. Ang totoo, ilang beses na niyang naisip na aminin dito ang tungkol kay Oliver pero hindi niya magawa-gawa.

“Tulungan na kita para mas mapabilis at makatulog ka na.”

“Hindi na po kailangan, Ma. Kaya ko na `to. Magpahinga na po kayo. Don’t worry. Sandali na lang `to.”

“Para mapapayag ka ng kaibigan mo na gawin `yan at pagpuyatan mo pa, mukhang close kayong dalawa. Bakit hindi mo siya dalhin dito minsan? Matagal-tagal na rin mula noong magdala ka ng kaibigan mo dito. Bakit hindi mo siya imbitahin sa birthday mo?”

“Saka na lang siguro, Ma.”

“Gusto mo ako na ang magpaalam sa Papa mo?”

Nginitian niya ang ina. “Huwag na, Ma. Sanay na rin naman ako na tayo lang ang nagce-celebrate dito sa bahay at ayos na sa `kin `yon.”

Nasa Grade six siya nang dalhin niya ang nag-iisang kaibigan sa bahay. Isang beses lang `yon nangyari pero napakahaba na ng sermon sa kanya ng ama. Hindi daw dapat siya nagdadala ng kung sinu-suno sa bahay kahit pa kaibigan niya. Mula noon, never na ulit siyang nagdala ng kaibigan. Hindi na rin siya nakipag-close sa kahit sino. Ngayon na nga lang siya nagkaroon ng medyo ka-close. Makulit kasi si Maricris at kahit hindi niya kausapin, unang namamansin.

At kung si Oliver naman ang dadalhin niya sa bahay, siguradong hindi rin papayag ang ama kahit ipakilala niya pa itong kaibigan. Actually, halos magkasunod lang ang birthday nila ni Oliver. Dalawang araw lang ang pagitan kaya isasabay na lang din niya sa birthday nito ang celebration.

“Baka makalimutan mo ang ginawa mong cake,” wika ng ina kinaumagahan nang papunta na siya sa University.

“Bukas ko pa po `yon dadalhin, Ma. Inuna ko lang po gawin kasi magbi-bake din ako ng cookies mamaya.”

“Gano’n ba? Nag-order din ba sila ng cookies?”

“Hindi po pero naisip ko na iyon na lang ang ibigay na gift. Imbitado po kasi ako. Okay lang naman po siguro kung mag-attend ako ng birthday bukas. Umaga naman po `yon. Wala rin po akong pasok.”

“Oo naman, anak. Walang problema. Basta ba hindi ka magpapagabi.”

“Promise, uuwi din ako agad. Thank you, Ma.” Hindi niya maitago ang saya at napayakap pa dito.

Sa lahat ng pagkakataon na hindi nakakauwi sa kanila nang matagal ang ama, iyon pa yata ang unang panahon na ikinatuwa niya iyon. Kung naroon kasi ito, siguradong pahirapan ang pagpapaalam niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status