Share

Gisingin ang Puso
Gisingin ang Puso
Author: Clara Alonzo

Ang Kahapon

"TARANTADA!" Malakas na hagupit ng latigo ni Don Vincenzo Montoya ang nakapagpatigil sa lahat. Nasira ang damit ng anak na si Camilla at gumuhit ang mahabang linya sa likod nito. Hindi pa nasiyahan ang Don, ilang beses pang lumapat ang galit nito sa balat ng dalaga. "Hindi mo na kami binigyan ng Mama mo ng kahihiyan?"

"Pumatol ka sa isang inutil?"

Marahas na lumingon si Camilla sa ama. "Hindi siya inutil, Papa. At may pangalan siya ---"

Muli ay lumapat sa kanyang likod ang latigo ng ama. Napaigtad siya sa sakit. Ramdam niya ang sariwang dugo na dumadaloy sa kanyang likod. Ngunit pilit niya iyong ininda. Binalot niya ng dalawang braso ang sariling tiyan, pinoprotektahan ang buhay na naroroon.

Nang hapong iyon ay hindi na siya nakalabas pa ng Villa Montoya. Nalaman ng kanyang ama ang lihim na ugnayan niya kay Santiago. Lubos ang galit nito sa kanya at binigyan ng agarang leksyon.

Ang bawat latay ng latigo ay tunay na magmamarka sa kanyang balat. Dama ni Camilla ang poot ng ama sa kanyang ginawa.

Wala sa plano ni Camilla na umibig sa binata. Wala din sa plano na siya'y magtatagal sa lugar. Ilang araw pa't kailangan na niyang lumuwas ng Maynila. Naparito siya sa hacienda para magbakasyon. Iyon lang. Pero di niya inaasahang sa malawak na lupain ng mga Montoya sa Batangas niya makikita ang tanging nagpatibok ng kanyang puso.

Sa unang pagkakataon ay nagmahal ang kanyang batang puso. At ano'ng saya niya nang mahalin din siya pabalik ni Santiago.

"Tama na, Vincenzo," umawat sa pagitan nila ang inang si Donya Emilia. Niyakap siya nito nang mahigipit habang nagmamakaawa sa asawa. "Patawarin mo na si Camilla---"

"Patawarin!" Halos dumagundong ang boses ng ama sa apat na sulok ng kwarto. "Naririnig mo ba ang sarili mo, Emilia?"

"'Yang napagaling mong anak ay pumatol sa isang trabahador!"

"Mahal ko si Santiago, Papa!" Palahaw niya. Napangiwi siya ng hawakan ng ama nang mahigpit ang kanyang pisngi.

"Isa kang hangal kung gayon!" Binitawan siya nito at agad kinabig ng ina pabalik dito. Iritableng naglakad palayo sa kanya si Don Vincenzo. "Gamutin mo ang sugat niya, Emilia, at bukas na bukas din ay luluwas ang batang iyan papuntang Maynila," deklara nito na ikinagulat niya.

"Hind pwede, Papa," sagot niya na ikinatigil nito sa paglalakad.

"Huwag ka nang magsalita pa, anak," ani Donya Emilia na umiiyak. Umiling siya at tumingin ng diretso sa ama.

"Buntis ako," tahasang imporma niya. Wala pang nakakaalam kahit sino. Inilihim niya din ito maging sa ama ng kanyang dinadala. "At si Santiago ang ama."

Napakabilis nang pangyayari. Hindi inaasahan ni Camilla na ganoon katindi ang gagawin ng ama kay Santiago.

Kinaladkad siya ni Don Vincenzo papunta sa lumang kuwadra kinagabihan. Sa loob ay natagpuan niya si Santiago kasama ng limang lalaking tauhan ng sariling ama. Nasa mga mata nito ang pagkalito pero nagliwanag ang mga iyon nang makita siya.

"Camilla---"

"Ito na si Santiago, Don Vincenzo," anang isang tauhan nito.

Gustuhin man niyang takbuhin ang distansiya nilang dalawa ni Santiago ngunit mahigpit ang kanyang ama. Pinahawakan siya nito sa isa sa mga tauhan habang inilabas ang sariling baril at itinutok sa binata.

Tila binuhusan siya ng malamig na tubig ng ikasa nito ang baril.

"Papa..." Lumandas sa pisngi ni Camilla ang masaganang luha. "Papa, please..."

"Gagawin mo lahat ng gusto ko, Camilla," isang utos lang ni Don Vincenzo ay hinawakan sa dalawang kamay si Santiago ng mga tauhan nito. "Kung hindi ay panooring mong ang sasapitin ng hangal na ito."

Walang awang binugbog ng apat na lalaki si Santiago. Naghihinagpis siya habang pinapanood na saktan ng mga ito ng walang pakundangan ang binata. Hindi magawang makalaban ng minamahal. Isang maling kilos at sinigurado ni Don Vincenzo na tatagos sa bungo nito ang bala ng baril.

Napaluhod si Camilla nang lumupaypay ang katawan ni Santiago. Hindi pa nasiyahan ang isa at sinikmuraan muli ang huli. Ngumiwi si Santiago sa sakit at pagkaraa'y dumura ng dugo. Noon din ay nagdesisyon si Camilla.

"Papa, tama na," pagsumamo niya sa ama habang umiiyak. "Gagawin ko lahat ng gusto niyo. Lahat..."

"Huwag niyo ng saktan pa si Santiago."

Tiningnan siyang maigi ni Don Vincenzo bago itinago ang baril. "Hindi pa tayo tapos, Camilla," at inutusan nito ang mga tauhang iwan ang pobreng binata bago siya kinaladkad pabalik sa villa.

Sa sariling kwarto at inilatag ng ama ang mga dapat niyang gawin. Tuloy ang pagluwas niya bukas pa-Maynila at ipagkakasundo siyang ipakasal sa anak ng kasosyo nito sa negosyo. Walang nagawa si Camilla kung hindi ang tumango habang nadudurog ang kanyang puso. Ni-isa sa mga iyon ay labag sa kanyang kalooban ngunit kailangan niyang gawin. Kung para sa kaligtasan ni Santiago, lahat ay kaya niyang gawin.

"Hindi ka na makikipagkita pang muli sa lalaking iyon, naiintidihan mo ba, Camilla?" Muli ay tumango siya at iniwan na ng ama para makapagpahinga.

Kinabukasan ay ginulat ang buong hacienda sa balitang namatay ang tatay ni Santiago na si Ka Pedro. Ayon sa mga katulong ay hindi nito kinaya ang sinapit ng anak sa kamay ng mga tauhan ni Don Vincenzo at inatake sa puso.

Mahigpit na ipinagbawal ng kanyang ama na makiramay siya sa pamilya ng binata. Walang nagawang nagpahinuhod si Camilla. Kasalanan niya ang lahat.

Kung hindi niya minahal ang lalaki ay walang ganitong mangyayari. Buhay pa sana ngayon si Ka Pedro.

Dumating ang oras ng kanyang pag-alis ng humarang sa kanyang dinaraanan si Santiago. Niyakap siya nito ng mahigpit at umiyak sa kanyang mga balikat. Bakas pa sa mukha at katawan nito ang nangyari kagabi. Nais niyang abutin ito at pawiin kahit papaano ang sakit ngunit nakatingin ang kanyan ama mula sa entrada ng villa.

"Narinig ko ang balita," si Santiago na ginagap ang kanyang mukha at pinakatitigang maigi. "Aalis ka?"

"Oo," aniya, pilit itinago ang totoong nadarama. "Alam mong hindi ako magtatagal, Santiago."

"Hindi ang hacienda ang mundo ko."

"Pero ikaw ang buhay ko, Camilla," anito at lumuhod sa kanyang harapan. Gagap nito ang dalawa niyang kamay ay nagsumamo ito sa kanya. "Wala na ang tatay. Hindi ko kakayanin kung maging ikaw ay mawawala din sa akin."

"Kakayanin mo," aniya at pinahid ang isang butil ng luhang kumawala sa kanyang isang mata. "Kakayanin mo, Santiago."

"Ituring mong hindi nangyari ang lahat sa atin," tinanggal niya ang kamay nito sa kanya at dumistansiya mula rito. Kita ni Camilla sa mga mata ng binata ang pagbalatay ng sakit sa ginawa niya. "Maigi pang kalimutan mo ako."

"Camilla, alam kong naguguluhan ka lang," anito at ayaw magpapigil. Muli siya nitong niyakap ng mahigpit. "Kung dahil ito sa Papa mo ay---"

"Hindi kita mahal, Santiago," aniya. Ramdam niya ang panlalamig ng binata. "Nagkakamali ka kung ang isang tulad ko ay magmamahal ng isang hamak na katulad mo."

"Isang laro lang ang lahat---"

"Huwag mo ng budburan pa ng asin ang mga sugat, Camilla!" Sigaw nito na nakapagpatigagal sa kanya. Pinilit siya nitong tumingin sa mga matang ngayo'y lumuluha ng labis. "Alam kong mahal mo ako."

"Saksi ang langit at ang buong hacienda sa pagmamahalan nating dalawa."

"Hindi kita mahal, Santiago," inulit niya ang mga katagang nagwasak sa puso nito maging sa kanya. "Hinding-hindi kita kayang mahalin."

Binitawan siya nito at hinayaang makaalis. Sinamantala ni Camilla ang pagkakataon at pumasok sa sasakyan. Noon di'y iniutos niya sa drayber na paandaring ang sasakyan para makaalis.

Iniwan niya ang hacienda na durog na durog ang puso. Kasabay ng kanyang pagalis ay ang pagtapos niya sa mga pangarap nila ni Santiago.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status