Share

Capitulo cinco

"HI," bati ni Camilla nang sinalubong nang yakap ang mga anak. Napalitan ng kalituhan ang tuwa sa kanyang mukha nang mapansin ang itsura nina Atasha at Andres na papalapit sa kanya. "Ano'ng nangyari?" Tanong agad niya sa magkapatid.

Agad na yumakap sa kanya si Atasha. Umiiyak ito nang isubsub ang mukha sa kanyang mga balikat. Si Andres ang sumagot sa kanya.

Pinunasan muna nito ang dumi sa mukha bago nagsalita. "Kasi Mommy..."

"Inaaway kami ng ibang bata kasi wala daw kaming Daddy," sumbong nito at umiyak na din. Niyakap din ni Camilla ang panganay sa dalawa. Parang nakikinita na niya sa kanyang isipan kung ano ang nangyari nang wala pa siya. "Eh may Daddy naman kami, 'di ba po?"

"Hush now," konsola niya sa kambal. Iginala niya ang mga mata sa loob ng Day Care Center at nakita niya ang ibang mga magulang ng mga kaklase ng dalawang anak. Lahat ay may mapanghusgang tingin sa kanila. "Umuwi na tayo."

Inakay niya sina Atasha at Andres palabas ng school. Walking distance lang naman ang layo nito mula sa apartment na kanilang tinutuluyan. Maaga siyang lumabas sa trabaho para masundo ang dalawa. Nagsabi si Ross na may prior commitment ito at hindi masusundo ang mga bata.

Balak niyang pumasok kahit late na sa part-time job. Ngunit sa sitwasyon ng dalawang bata ay mukhang liliban muli siya sa trabaho.

Hindi miminsang pinatawag siya ng teacher nina Andres at Atasha sa Day Care para kausapin. Ito ay dahil sa sunod-sunod na cases nang panununtok ng anak na si Andres sa kapwa nito kaklase. Ang dalawang anak ay nakakaranas ng bullying. At dahil hindi lumalaban si Atasha at umiiyak na lamang ay si Andres ang lumalaban para sa sarili at sa kakambal.

Hindi komporme si Camilla sa nararanasan ng mga anak. Sino bang magulang ang gustong makitang umiiyak at nasasaktan ang mga anak dahil sa pangmamata ng iba? Wala. Kaya inihabilin niya kay Andres bilang nakatatanda sa dalawa na poprotektahan si Atasha ano man ang mangyari. At hindi naman siya nabigo.

Lihim siyang nasasaktan para sa mga ito. Sino bang may hindi gusto na buo at kumpleto ang pamilya? Ngunit hindi niya pa kayang ibigay ang bagay na iyon sa kambal. At hindi niya alam kung kaya pa niyang ibigay iyon sa mga anak.

May isang linggo na halos ang nakakaraan nang makauwi siya sa Maynila buhat nang mailibing ang kanyang ama. Madalas silang nagkakausap ng inang si Donya Emilia. Giit nitong dalhin na ang mga bata sa villa para makapagbakasyon. Ang mga ito ay lehitimong tagapagmana ng mga Montoya. Nararapat lamang na malaman ng mga bata kung saan nagmula ang lahat.

Sa isiping iyon ay natakot si Camilla. Sa palagay niya ay may alam ang kanyang ina. Hindi pa siya handang komprontahin ang nakaraan. At natatakot siyang kapag nalaman ng taong iyon ang kanyang sikreto ay magbago ang buhay nilang laahat.

Hindi lamang siya pati na ang buhay ng mga bata.

Nakarating sila sa apartment at agad na nagbihis ang dalawang bata. Ipinakita agad ni Atasha ang mga star stamp nito sa kamay. Si Andres nama'y muling pumasok sa kwarto at bumalik sa kandungan niya na may dalang larawan.

Nawala ang ngiti sa kanyang mga labi at nanigas ang buo niyang katawan.

Larawan niya iyon kasama ng una't at huling lalaki na minahal.

"Ito po ang Papa namin, 'di ba, Mama?" inosente nitong tanong. "Ipapakita ko ito sa kanila---"

"Hindi ka dapat nakikialam ng mga gamit ko, Andres," kinuha ni Camilla sa bata ang larawan at pinunit iyon sa gitna. Huli na nang mapagtanto niya ang nagawa.

Umiyak si Andres at tumakbo pabalik ng kwarto. Nag-lock ito ng pinto. At naiwan siya kasama ang kakambal nitong si Atasha.

Umiiyak din, niyakap siya ng isa pang anak. "Huwag ka na pong umiyak, Mama..."

Niyakap ni Camilla nang mahigpit ang anak at malayang lumuha. Alam niyang lumalaki ang mga bata at nagkakaroon na ng sariling isip. Matalino si Atasha at Andres. Madali ng mga itong mapagtatagpi-tagpi ang mga bagay-bagay.

Pero hindi pa sa ngayon. Hindi niya pa kayang sagutin ang mga tanong ng mga ito. Hindi pa sa ngayon.

Binuhat niya si Atasha at kinuha ang spare key ng kwarto. Nang mabuksan ni Camilla ang pinto ay bumungad sa kanya ang itsura ni Andres. Nasa sulok ito ng silid at nakayupyop habang umiiyak. Tila pinipiga ang kanyang puso ng makita ang sitwasyon ng anak. Kaya dali-dali niyang tinawid ang distansiya nilang mag-ina at niyakap ang anak na lalaki.

Lalong umiyak si Andres sa kanyang mga balikat. At ganoon din si Atasha. "Sorry po, Mama. Hindi na po mauulit!" paghingi ng tawad nito sa pagitan ng pagsinok.

Pinahid niya pareho ang pisngi ng dalawa. "Huwag niyon ng intindihin ang nangyari..."

"Matulog na tayo at bukas pupunta tayo sa mall."

Nagliwanag ang mukha ng dalawang anak at sabay siyang hinalikan sa magkabilang-pisngi. Umalis ang dalawa sa kanyang mga bisig at tumakbo sa kanilang kama. Ilang saglit pa'y nagkukulitan na muli ang dalawa. At napuno ng halakhakan ang maliit nilang silid.

Nakatulog na silang mag-ina sa kama ay nawala sa isip ni Camilla ang larawang pinunit sa harapan ng mga anak. Nakakalat lamang iyon sa malamig na sahig.

Iyon ang una at huling larawan nila ni Santiago.

~*~

INIHABILIN muli ni Camilla ang mga bata kay Ross. Buo ang isipang muli siyang bumalik sa hacienda para pag-aralan kung paano ito patatakbuhin. Bilang nag-iisang tagapagmana ng mga Montoya ay responsibilidad niyang ipagpatuloy ang nasimulan ng ama. At kahit mahirap ay kakayanin niya ang lahat.

Malapit naman si Andres at Atasha sa kaibigan. Sa katunayan ay halos ito na ang tumayong ama ng mga ito. Bagama't giniit niya na "Tito Ross" ang itawag sa lalaki. Ayaw niyang gawing komplikado pa ang lahat.

Walang kaso iyon kay Ross. Mabait ang dalawang bata at hindi kailangan bantayan gaano. At halos sa Day Care naman ng mga ito ginugugol ang buong araw.

Dumating ang biyernes ng gabi at iniintay na lamang ni Ross ang pagdating ni Camilla. Mabilis na nakatulog ang mga bata dahil dinala niya ang mga ito sa mall. Marami siyang pinamiling gamit sa mga ito na lubhang ikinasiya ng dalawa.

Na una nang sinabi ng babae na lingguhan uuwi mula sa hacienda. Na kailangan nitong pag-aralan ng maigi ang bawat kalakaran sa hacienda. Wala siyang nagawa nang makapagdesisyon ito. Kahit anong sabihin niya'y buo na ang pasya ng babae.

Hindi niya maintindihan si Camilla. Napakadali lang kung tutusin ng solusyon sa problema nito. Hindi na nito kailangan pang magpakapagod para sa wala. Kung pinakasalan lamang siya nito ay hindi na ito maghihirap pa.

Hindi kailangan manirahan ang mag-iina sa simpleng apartment na ito. Hinayon ni Ross ng tingin ang buong sala. Kung pinakasalan siya ni Cammilla ay ipagpapatayo niya ito ng bahay sa isa sa mga exclusive subdivision sa lugar. At sa private schools papasok ang dalawang bata.

Kung tungkol naman sa hacienda ay alam niya ang kalakaran. Matagal nang magkaibigan ang mga Tan at Montoya kahit pa sabihing nagkaroon ng lamat sa relasyon nila.

But that was in the past. It's not worth to revelled at it anymore.

Narinig niyang nagsasalita si Andres sa loob ng kwarto pagkaraan. Tumayo si Ross at tiningnan ang batang lalaki. Mahimbing pa din naman itong natutulog. Pero napansin niya ang isang larawan na hawak hawak nito.

Nagtataka ay kinuha iyon ni Ross sa kamay ni Andres. At nang mapagsino ang nasa larawan ay nanigas ang kanyang panga.

Isa iyong punit na larawan na pinagdikit marahil ni Andres gamit ang tape.

Isang larawan ni Camilla na kasama ang lalaking nakita niya sa hacienda.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Ann Hermoso
pa unlock po pls
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status