Share

Capitulo Uno

IKA-24 ng Abril, 2004

Gabi na nang makauwi si Camilla mula sa pinapasukang part-time job. Pagod na pagod na pumasok siya inuupahang apartment at naupo sa sala. Nakapikit na ang kanyang mga mata nang marinig niya ang pagbukas ng pinto ng silid.

"Hindi kailangang ganito, Camilla," si Ross na lumapit sa kinaroroonan niya at naupo sa kanyang tabi. "Kung pumayag ka na pakasalan mo ako noon---"

"Kung pumayag ako noon, pareho sana tayong miserable ngayon," aniya at muling ipinikit ang mga mata. "Don't take it against me, Ross..."

"Alam nating dalawa na hindi tayo para sa isa't isa. And don't talk about convenience dahil hindi ko iyon kailangan."

"What can I say," tumayo ito at kinuha ang gamit sa tabi. "If there's any woman I wanted to marry, that would be you, Camilla. Alam mo 'yan."

"Still a no, Ross," aniya at niyakap ang kaibigan. "But I hope you'll get your happiness soon."

Si Ross ang lalaking ipinagkasundo ng ama sa kanya taon na ang nakakaraan. He was a perfect gentleman. A simply downright gorgeous man. The two of them could have been perfect for each other. Lamang ay hindi nila mahal ang isa't isa.

They value each other as friends. At hanggang doon lamang ang kayang ibigay ni Camilla.

Kapalit ng makasarilig desisyon ay muli niyang tinanggap ang hagupit ng galit ni Don Vincenzo. But that was in the past now. At mukhang malabo nang maayos ang relasyon niya sa ama.

"I wish you the same," at hinalikan siya ni Ross sa pingi. " Nakatulog na ang dalawang bata kahihintay sa'yo."

"I know," at inihatid niya hanggang pinto ang kaibigan.

Wala na ang sasakyan ni Ross nang puntahan ni Camilla ang mga anak sa kwarto. Natutulog na nang mahimbing ang dalawang anghel niya sa kanyang kama. They're almost five at sadyang malaking bulas. At kahit pa may sariling kwarto na ang dalawa ay lagi pa ring sa kama niya ang mga ito natutulog.

Her Andres and Atasha. Ang tanging dahilan kung bakit nagsusumikap siya sa buhay. Walang hindi niya kayang gawin para sa dalawang taong siyang pinakamahalaga ngayon sa kanyang buhay.

Mabilis siyag nag-shower at nagpalit ng damit na pang tulog. Agad siyang pumagitna sa dalawa at niyakap ang mga anak. Lalong nagsumiksik sa kanyang tabi si Atasha. Ganoon din ang ginawa ni Andres.

Nasa ganoon silang pwesto nang tuluyang makatulog si Camilla.

Nagpatuloy ang buhay sa kanilang mag-iina. Iniiwan niya ang mga anak sa Day Care bago pumasok sa trabaho. Bukod sa day job ay kumuha din ng part-time job si Camilla sa isang convenient store. Pagod man at hirap, kinakaya niya lahat para sa kinabukasan ng mga anak.

Isang gabi ay nadatnan niyang muli si Ross sa loob ng apartment. Pinakisuyuan niya ang kaibigan na sunduin ang mga anak sa Day Care sa hapon simula ng kumuha siya ng part -time job.

Nakatayo si Ross sa may pinto ng kwarto at seryosong nakatingin sa kanya. "Tumawag sa akin si Tita Emilia."

Huminga siya ng malalim. Hinubad niya ang suot na jacket maging ang sapatos bago naupo sa sofa. Matagal na niyang pinutol ang ugnayan niya sa mga magulang simula ng itakwil siya ng sariling ama. At kahit pa palagi siyang kinakamusta ng inang si Donya Emilia ay naging matigas siya. "Kung tungkol ito sa---"

"Wala na si Tito Vincenzo," imporma ni Ross. "Cardiac Arrest ang kinamatay ng Papa mo."

Natigagal siya sa mga narinig. Hindi alam ni Camilla kung ano'ng emosyon ang mas pananaigin. Labis ang poot at galit niya sa ama sa ginawa nitong pagmamanipula sa kanyang buhay. Nakaya siya nitong tikisin ng ganoon katagal.

Halos limang taon. Halos limang taon na ang nakakaraan nang ipagtabuyan siya nito dahil sa dinala niyang kahihiyan sa pamilya. At ni minsan ay hindi niya ito nakausap. Ni minsan ay hindi nito pinahintulutan ang muling pagtapak niya pabalik sa hacienda. Na wala itong anak na disgrasyada at walang kwenta.

Walang puso ang kanyang ama. Ngunit hindi maitatanggi ni Camilla na naging masaya ang kabataan niya. Na isa siyang Daddy's girl bago pa nagkaroon ng lamat ang kanilang pagsasama.

Ang mga mata'y nakapinid sa puting pader, kusang dumaloy ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Lumapit sa kanya si Ross at niyakap siya ng mahigpit. At sa mga balikat nito siya humagulhol sa kaalamang wala na ang ama na si Don Vincenzo.

~*~

ANG Villa Montoya ay napuno ng mga taong nakikiramay sa pagkawala ni Don Vincenzo Montoya nang hapong iyon. Bukod sa mga kasosyo sa negosyo ay naroroon din ang mga trabahador na matagal nang naninilbihan sa pamilya.

Mabait ang nawalang Don at likas na mapagbigay. Lamang ay kapag kinanti ninoman ang sino sa kanyang pamilya ay matitkman nito ang galit nito. At iyon ang nasaksihan ng karamihan may ilang taon na ang nakakaraan.

Labis ang hinagpis nang naiwan nitong asawa na si Donya Emilia. Mahal niyang tunay ang asawa kahit pa ipinagkasundo sila ng mga matatanda sa murang edad. At alam ni Emilia na ganoon din si Vincenzo sa kanya.

Nasa harap ng kabaong ang ginang ng mula sa labas ng villa ay dumating ang isang magarang sasakyan. Lumabas mula roon si Rossauro Tan at inakay ang isang babae na nakabalabal at itinago ang mga mata sa suot na shades.

Unang kita pa lang nila sa babae ay nakilala na ito ng mga miron. Ito ang nag-iisang anak ng mga Montoya, si Camilla.

Nagsimula ang mga bulung-bulungan. Marami pa rin, lalo na ang matatanda na sa hacienda, ang nakakakilala pa sa prinsesa ng nawalang Don. Halos ilagay ni Don Vincenzo ang anak sa pedestal na nang mangyari ang kaganapan may halos limang taon na ang nakararaan ay ikinagalit nito ng labis. Hindi nito matanggap na ang anak na iningatan ng lubos ay iibig sa isang hamak na trabahador.

Hindi ininda ni Camilla ang mga matang nakapukol ang tingin sa kanya. Kasama si Ross ay tinahak niya ang pamilyar na daan papasok ng Villa.

Narinig ni Emilia ang balita at lumingon sa entrada ng pamamahay. Gayon na lamang ang kanyang tuwa nang mabistahan ang anak na papalapit. Agad na sinugod nito nang mahigpit na yakap ang anak na matagal ng hindi nakita. At ganoon din ang ginawa ni Camilla.

Sa oras na iyon alam niyang napatawad siya ng ina. Laking panghihinayang lamang ni Camilla na hindi sila nagkapatawarang mag-ama noong itong nabubuhay pa.

"Ang mga bata?" Agad na hinanap ng kanyang ina ang mga apo. Alam nito ang tungkol sa kanyang kambal.

Umuling siya. "Hindi ko sila isinama, Mama. Iniwan ko sila sa mga magulang ni Ross."

Bumalatay ang lungkot sa mga mata ng ina ngunit naintindihan naman nito ang kanyang rason. Kapag ayos na ang lahat ay saka niya dadalhin ang mga bata. Ang mahalaga ngayon ay mairaos ang lamay at libing ng kanyang ama na si Don Vincenzo.

Lumipas ang ilang araw at palaging nasa harap si Camilla at binabantayan ang ama. Bukas ang araw ng libing nito. At kahit pa kulang sa tulog at pagod ay pilit niyang itinutulak ang sarili. Katwiran niya'y ito lamang ang kaya niyang gawin para sa nawalang ama.

Nakatayo si Camilla sa harap ni Don Vincenzo nang maramdaman ang pagkahilo. Dagling nawalan ng lakas ang kanyang mga tuhod na ikinabuway ng kanyang tayo. Ngunit imbis na masadlak sa malamig na sahig ay nakita niya ang sariling nakapaloob sa malakas na bisig ng kung sino.

At nang mapagsino niya ang estranghero ay ngumiti siya ng matamis bago tuluyang mawalan ng ulirat sa mga kamay nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status