Share

If It's Wrong To Love You
If It's Wrong To Love You
Author: Writer Zai

Chapter 1

BAON ni Kaye ang pangaral ng magulang patungong Manila. Kahit masakit na iwanan ang magulang ay ginawa niya lalo na't may sakit ang kaniyang ama. Kailangan niyang kumayod para tustusan ang gamot nito. May trabaho naman siya sa lugar na kinalakihan ngunit hindi sapat para sa kanila.

Yakap ang isang lumang packbag, taimtim siyang nanalangin para sa kaniyang kaligtasan sa lugar na pupuntahan. Ito ang unang beses na tatapak siya sa lungsod , kaya ganoon na lamang ang takot sa kaniyang dibdib. Bagama't kakilala ng ina niya ang kumuha sa kanya ay hindi pa rin niya maiwasan ang mag-isip ng kung anu-ano, lalo na't marami siyang napapanuod sa telebisyon na patayan doon. 

Ilang oras ding nagbiyahe ang bus bago narating ang Manila. Sa terminal ng bus ay susunduin siya ni Ate Menchi, ang taong nag-alok sa kanya ng trabaho na kakilala ng kaniyang ina. Pagkababa niya ay agad siyang sinalubong nito.

"Kumusta ang biyahe?" Nakangiti itong lumapit sa kaniya. Kanina pa pala ito naghihintay sa kanyang pagdating. 

"Maayos naman po," kiming tugon niya. 

"Huwag mo nang samahan ng po, umeedad ako ng kuwarenta, e.” Muli ay napangiti ito. 

Napangiti na rin si Kaye. Beinte anyos na siya at pitong taon ang agwat nila kaya ganoon na lamang niya ito igalang. Nag-aya muna itong kumain bago raw siya dalhin sa kaniyang papasukang trabaho. Pagkatapos ay sumakay sila ng dyip patungo sa lugar ng agency.

Isa palang recruiter si Ate Menchi at ayon dito ay malaki-laki ang kinikita nito sa pagre-recruit ng mga nais pumasok. Ayon pa rito ay marami-rami na itong naipasok at nabigyan ng trabaho na mga kasambahay at sampung libo ang pinakamaliit na sahod, kaya naman labis-labis ang tuwa niya. Sa kanyang isipan ay kinuwenta agad niya kung magkano ang kalalabasan ng sweldo niya at magkano ang maipadadala sa magulang. 

"Dito na tayo." Itinuro ni Menchi ang isang building. 

Napatingin si Kaye sa may kataasang gusali nang huminto ang kanilang sinasakyan. Bumaba na sila at naglakad patungo roon. Abot-abot pa rin ang kanyang paghinga habang naglalakad. Hindi talaga niya maiwasang kabahan.

Nang makapasok, agad silang sumakay sa elevator patungo sa third floor na kung saan ay naroon ang pinaka-opisina ng agency ni Ate Menchi. 

"Hello!" nakangiting bati nito sa mga nasa loob nang buksan nito ang pinto. "Pasok ka," anyaya nito sa kanya. 

"Wow! May bago ka namang dala, Menchi ah!" sabi ng isa sa lalaki naroon. 

Limang tao ang nakita niya na ang iba ay may mga hawak na papel. Sa hinuha niya ay iyon ang kasulatan ng mga taong pumapasok. 

"Kailangang kumayod," tugon ni Menchi kasabay ang pag-upo sa bangkong nasa harapan ng mesa ng lalaking kinakausap nito. "Ahm, si Sir, nandiyan ba?" 

"Nasa loob may kinakausap pa."

Nakita niyang panay ang sulyap ng lalaking kausap ni Menchi sa kanya. Mayamaya pa ay hindi na ito nakatiis. 

"Maganda ang kasama mo, Menchi, ha! 

"Magaganda talaga kaming mga taga-probinsiya." Humagikgik ito ng tawa atsaka siya nito binalingan. "Halika rito, Kaye."

Sumunod naman agad siya at naupo sa katapat na bangko ng inuupuan ni Ate Menchi. In-interview siya ng lalaking kaharap. Magmula sa edad, tirahan, height, weight at kung ano-ano at ang pinaka-huli na labis niyang ikinakunot ng noo ay ang sukat ng katawan. 

"Kasama po ba talaga iyon?" 

Si Ate Menchi na ang nagpaliwanag, "Oo naman, Kaye. Usually sa mga ganitong agency ay mayayaman ang kumukuha at sa isang subdibisyon ka titira kaya naka-unifom ka. Sila ang magbibigay sa iyo noon kaya kinukuha na namin ang sukat ng inyong mga katawan para alam na nila kung malaki ba o maliit ang uniform na susuotin mo,” paliwanag nito.

Kahit hindi masyadong kumbinsido ay napatango na rin siya, "Hindi ko po alam ang sukat ng katawan ko." 

"Madali lang 'yan," tumayo ang lalaking kaharap. "Eva," tawag nito sa babaeng nasa pinakasulok. 

Lumapit ito at sumenyas sa kanya. Alumpihit siyang lumapit dito. Inilabas nito mula sa isang bulsa ng suot ang medida. 

"34-24-36." 

"Whoah, sexy!" anas ng lalaking nasa harapan ni Menchi. 

Bigla na naman siyang kinabahan. Nagtatalo na ang kanyang isipan, kung itutuloy pa ba o babalik na lamang sa lugar na pinagmulan. Pero, paano ang gamot ni Itay? Katanungang nasa isipan niya. 

Maya-maya pa ay bumukas ang pinto at iniluwa ang isang babae na sa tingin niya ay edad treinta. Kasunod nito ang isang lalaki.  

"Siya si Sir Gener, ang may-ari nitong agency,” pabulong na imporma sa kaniya ni Ate Menchie.

Tumango-tango lang naman siya habang nakatutok ang paningin sa lalaking pumasok. Sa tingin niya'y nasa singkuwenta na ito, may puti na rin ang buhok ngunit hindi maikakaila ang taglay nitong kakisigan at kaguwapuhan. Napasulyap din ito sa kanya at agad din naman siyang nagbaba ng tingin 

"Jhon, isama mo na ito."

Agad na tumalima ang inutusan nito. Pagkaalis ng dalawa ay lumapit naman ito sa kanya. 

"Kasama mo ba siya, Menchi?"

"Yes, Sir. Galing pong probinsiya."

Tumango-tango ang lalaki. Pinatayo siya nito at sinuyod ang kabuuan. Mula ulo hanggang talampakan. Nagsimula na namang umahon ang kaba sa kanyang dibdib. Ganito ba talaga ang mga namamasukang kasambahay? Kulang na lamang ay hubaran ng tingin. 

"Na-interview mo na ba siya, Rico?"

"Yes, Sir," tugon ng lalaki na sinamahan pa ng tango. 

"Okay, hindi ko na iyan kakausapin dahil may tiwala naman ako sa mga dinadala ni Menchi. Bukod sa magaganda na, masipag pa."

Ewan ba niya kung bakit labis-labis ang takot na naramdaman niya sa huling salitang narinig. Nanginig bigla ang kanyang tuhod, parang mawawalan siya ng lakas. Hindi tuloy niya maiwasang mangilid ang luha. Gusto na niyang magback-out. Ngunit nang maisip ang kalagayan ng ama ay biglang nagkaroon siya ng lakas. Lihim niyang kinagat ang pang-ibabang labi upang pigilin ang pamumuo ng luha. Hindi dapat siya matakot at wala dapat siyang ikatakot lalo na't kilala niya si Ate Menchie. Pinapirma muna siya ng kontrata. Anim na buwan dapat ang kanyang itatagal doon. Sampung libo pataas ang magiging sahod niya tulad ng sinabi sa kaniya. Maliban doon ay wala na siyang nabasa pa. 

Hindi nagtagal ay umalis na rin siya sa agency. Hindi pala roon ang tutuluyan nila incase na hindi pa sila kukuhain o wala pang magiging amo. Si Ate Menchi na rin ang nagsama sa kanya patungo sa kanyang pansamantalang tirahan. Sa isang puting tila apartment sila huminto. Bago siya pinapasok ay kinausap muna siya nang masinsinan ni Ate Menchi. 

"Isipin mo ang magulang mo. Hindi ka dapat panghinaan ng loob. Basta't mag-enjoy ka lang sa gagawin mo." 

Tumango lang siya. Matapos nilang magpaalaman ay umalis na rin ito. Isang babae ang sumalubong sa kanya at ito ang nagdala sa kanya sa loob. Gustuhin man niyang magtanong ngunit ayaw makisama ng bibig niya. Tanging ilaw lamang ang nagsisilbing liwanag sa bawat kanilang mararaanan. Muli ay nakadama na naman siyang takot. Huminto sila sa tapat ng nakasaradong pinto. Nakita niyang inilabas ng babae ang susi sa bulsa ng suot nito.

"Pasok!" maawtoridad na utos nito.

Napalunok siya ng laway at aligagang pumasok. Bumungad sa mata niya ang dalawampung mga babae. May umiiyak. Mayroong bra't panty lamang ang saplot. At may humihithit pa ng sigarilyo. 

"May isa na naman silang napaikot." 

Hindi nakaligtas sa pandinig niya ang salitang iyon kahit mahina. Nilingon niya ang babaeng nagsalita ngunit bago pa siya makahuma ay agad nang ini-lock nito ang pinto. 

Habol niya ang kanyang paghinga lalo na ng mapagmasdan ang mga babaeng naroon. 

"R-Rose?" puno siya ng pagtataka. Kahit nanginginig pa ang tuhod ay minabuti niyang lumapit sa babaeng nakaupo. "N-nandito ka p-pa p-pala!"

Pilit itong ngumiti. Tumayo't lumapit din sa kanya. "Hindi na ako makakaalis dito, Kaye, at ikaw din."

"A-anong ibig mong sabihin?"

"Magiging katulad ka rin namin," tugon ng isa pang babae na humihithit ng sigarilyo. 

Napakunot ang noo niya. Muli niyang sinulyapan ang mga babaeng naroon, maging si Rose. Iisang lugar lang sila sa probinsiya at si Ate Menchi rin ang nagpasok dito. Ang alam sa kanilang lugar ay mabait at mayaman ang amo nito kaya nakakapagpadala ito ng libu-libong pera sa magulang. 

"Si Ate Menchi rin ang nagpasok sa iyo?” Tumango lang siya sa tanong ng kababayan. Nakita niya ang pag-iling nito at ang pagkuyom ng kamao. "Hayop ang babaeng 'yon, Kaye! Demonyo sila!"

Umarko ang dalawang kilay niya, "A-ano bang sinasabi mo? M-mabait naman si Ate Menchie, ah,” pagtatanggol niya kahit pa nga ay nahihinuha na niya ang ibig ipahiwatig nito. 

Napangisi si Rose at narinig pa niya ang mapaklang pagtawa ng ilan sa mga babaeng naroon. "Alam mo ba kung ano ang trabaho namin dito?" Nag-iba ang timplada ng boses ni Rose. Galit din ang nababanaag niya rito. "Isa kaming bayarang babae at magiging katulad ka rin namin, Kaye!"

Tila bombang sumabog iyon sa pandinig ni Kaye. Nangilid ang luha sa mata niya. "Hindi. Hindi iyan totoo! Kasambahay ang papasukan ko—"

"Iyon din ang akala naming papasukan namin," awat agad ng isa pang babae. "Pero ikinulong kami rito na dinaig pa ang isang preso."

"Nakikita mo ba iyon?" Itinuro ni Rose ang babaeng umiiyak sa sulok. "Bagong salta rin siya rito at may naging costumer agad. Pinagparausan lang naman siya ng isang lalaking hayok sa laman."

Tuloyan nang umalpas ang luhang pinipigil ni Kaye. Ngayon ay napagtanto na niya ang nangyari magmula sa agency hanggang sa huling binitiwan salita ng mga taong nakausap niya. Hindi siya makapaniwala na magagawa iyon sa kanya ni Ate Menchi. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status