Share

Chapter 7

NAKA-UKIT sa labi ni Kaye ang ngiti habang naglalakad pabalik sa silid. Hindi niya maipaliwanag ang kasiyahang nadarama. Abot-abot ang kanyang pasasalamat sa hindi pa kilalang costumer dahil bago sila maghiwalay ay hiningi nito ang contact number ng pamilya niya, sabi nito ay magbibigay ito ng tulong sa kanyang ama. Ngunit nasisigurado niya na hindi lang dahil sa tulong nito kung bakit siya masaya ngayon. Kinapa niya ang sarili. Nagkakaroon na ba ng espesyal na damdamin ang lalaking iyon sa puso niya? 

"Hindi!" mariin niyang tanggi. "Hindi pa kami lubusang magkakilala, pangalan pa niya'y hindi ko pa alam. Iilang gabi pa lamang, Kaye, huwag kang masyadong marupok. Pinagsasawaan lamang niya ang katawan mo," angil niya sa sarili. "Pero--" Naputol ang mahinang pagsasalita niya nang mapatapat sa pinto ng tinutuloyan. Dinig na dinig niya ang boses ng mga nasa loob. Napailing na lamang siya at marahang binuksan ang pinto.

Sinalubong siya ng matatalim na salita't nakakamatay na titig ni Rose. Kanina pa pala ito nagbubunganga dahil sa kanya. "Ikaw!" Dinuro siya nito. "Kasalanan mo ito!"

Napaawang ang bibig niya. Lahat ng nasa loob ay sa kanya nakatingin na ikinakunot niya ng noo.

"Rose," Lumapit si Pinky. "Bakit ba sinisisi mo si Kaye?" 

"Bakit? Sino ang dapat kong sisihin? Ikaw?"

Nangonot ang noo niya, "Ano bang nagawa kong kasalanan sa iyo? Daig ko pa ang nakapatay ah!"

"Heto!" Ipinakita nito ang braso. Naroon pa rin ang nakalinyang kalmot ni Kaye at sa pagkakataong iyon ay hindi lang basta kalmot iyon. Nangingitim na iyon. "Kundi dahil sa iyo, hindi magkakaroon ng ganito ang katawan ko. Alam mo bang hindi na-satisfy ang costumer ko dahil dito at dahil dito kaya limang daan lang ang ibinigay niya sa akin."

Hindi niya malaman kung hahagalpak ba siya ng tawa o maaawa kay Rose. Iyon lang pala ang pinuputok ng butse nito, akala naman niya'y kung ano na ang nangyari. Narinig pa niya ang mahinang tawa ng ilan sa mga naroroon.

"Kasalanan mo naman kung bakit mo natamo iyan," ani Olga na kasalukoyang nag-aayos ng tutulogan. "Huwag kang gumawa nang eskandalo na ikaw naman ang masisira." Tinapunan nito ng masamang tingin si Rose. 

"Ako? Ako pa ngayon ay may kasalanan! Kung sa iyo kaya nangyari ito," ipinakita nito ang braso. "Masabi mo pa kaya iyan?"

Tumayo si Olga t lumapit kay Rose, "Kung sa akin nangyari 'yan, mananahimik na lamang ako. Hindi ako magbubunganga dahil lamang sa limang daang peso na ibinigay ng costumer ko. Magpapasalamat pa ako dahil may ibinigay siya sa akin." Matalim itong tumitig kay Rose 

"Magpapasalamat ka sa limang daang peso na ibinigay ng costumer? Eh, ang liit-liit na halaga nun--"

"Ah! Ibig sabihin, gusto mo nang malaking halaga. Bayarang babae ka nga!"

Si Rose naman ang tumalim ang titig at sa isang iglap ay lumagapak ang palad nito sa pisngi ni Olga. "Lahat tayo ay bayarang babae rito, Olga! Kulang pa ang limang daang peso sa ginagawa nila sa akin." Nagsimulang tumulo ang luha nito. 

Napipilan ang lahat sa narinig. Maging si Kaye ay napanganga rin. Naisip niya ang kanilang kalagayan at napagtanto niya na may punto si Rose. 

"Pero hindi ibig sabihin ay puwede mo nang gawin ang ikasasama ng iba," angil ni Olga. "At tsaka, bakit si Kaye lamang ang palagi mong pinagdidiskitahan? Kung kapwa tayo bayaran dito, hindi ba dapat ay nagtutulongan tayo? Nagkakaisa at nagkauunawaan."

Sa pagkakataong iyon ay si Rose naman ang napipilan. Ngunit agad ding nakahuma. "Tss. Kayo lang yun. Ako'y hindi. Iba-iba tayo ng pag-iisip at iba ako sa inyo." Mapakla itong ngumisi at nagtungo sa higaan. Papaupo na sana ito nang muli ay bumaling sa kinaroroonan ni Kaye. "Hindi lahat dito ay gusto ka, Kaye!" Pinukol pa siya nito ng masamang tingin. Nahiga na tila ba'y walang anumang nangyari. 

Napahinga na lamang si Kaye. Nagkatinginan sila ni Olga at sabay na nagtungo sa kani-kanilang higaan. Pagkatapos niyang maglinis ay agad na siyang natulog. Hindi naman siya agad dalawin ng antok hindi dahil sa nangyari sa kanila ni Rose, kundi dahil sa nangyari sa kanila ng costumer. Ilang oras ding mulat ang mata niya at nang hindi na makayanan ay kusang pumikit iyon. 

MAAGANG dumating ang almusal ngunit iilan lang ang nag-aalmusal kabilang na roon si Kaye at Rose. Si Salvacion din ang nagdadala ng kanilang kinakain. Hindi man kasarapan ang pa-ulam nito pero wala silang magagawa, kailangan nilang lamnan ang kumakalam na sikmura tulad ngayon. Pritong itlog na walang lasa at sinagang na halos lumulutang sa mantika ang kanilang almusal. 

"Ano ba 'yan? Mas maalat pa yata rito yung itlog nong costumer ko kagabi eh! Nilalagyan ba niya ito nang kahit kaunting asin?" reklamo ni Rose kasabay ang pagbagsak ng kutsara't tinidor. 

Napailing na lamang si Kaye sa inasal nito. Hindi na lang siya nagsalita para wala na itong masabi pa ngunit mali siya nang inaasahan. 

"Hayst! Ang pangit ng pagkain natin ngayon katulad ng iba rito. Ang pangit na, masama pa ang lasa."

"Nagsisimula ka na naman ba?" 

Pasulimpat na tiningnan ni Rose si Olga, "So?"

Akmang susugurin ito ni Olga ngunit maagap na pinigilan ni Pinky, "Hayaan mo na siya, Olga. Huwag mo na lang pansinin para hindi na magkagulo pa." 

Ngumisi si Rose. Bumalik ito sa higaan at pahilatang humiga. "I-abot mo nga sa akin ang remote," utos nito sa babaeng nakatayo malapit sa tv. 

"Tumayo ka at kunin mo. Hindi mo ako utusan at hindi ka reyna rito!" piksi nito.

"Aba't!" Tumayo si Rose. "Matapang ka ah!" Mabilis itong tumayo para sugurin si Lydia, ang babaeng inuutusan nito ngunit naunahan ito ng huli. 

"Hindi mo ako kaya, Rose!" Pinilipit nito ang braso ng dalaga. "Kung kinakaya-kaya mo si Kaye, ako hindi. Matuto kang makisama at rumespeto ng tama. Kung ayaw mong magkaroon ng maraming pasa sa katawan, tigilan mo ako." Pabalibag nitong binitiwan si Rose at agad na nagtungo sa cr. 

Tigalgal ang lahat ng saksi sa nangyari, ganoon din si Kaye na napanganga nang banggitin ni Lydia ang pangalan niya. Napatitig siya kay Rose. Bakit nga ba parang napakalaki ng galit nito sa kanya? Kung dahil lang sa pera, 'di hamak na mas marami na itong naipong pera kaysa sa kanya. Magkababata sila nito, bagama't hindi sila sa iisang barangay lumaki, pareho naman sila ng pinasukang paaralan noon. Wala naman siyang natatandaang naging alitan nilang dalawa, ang tanging natatandaan niya ay ito ang kusang lumayo sa kanya.

Napailing na lang siya at muling ipinagpatuloy ang pagkain.  Maya't maya pa ay nabaling ang lahat nang magbukas ang pinto. Pumasok si Salvacion, kasunod nito ang isang babae. 

"May bago na naman kayong makakasama," napangisi ang ginang at kapagdaka ay lumabas na rin ito. 

Ngumiti ang babaeng bagong pasok, "Hello po sa inyong lahat," bati nito.

Napatingin ang lahat dito at ang ilan ay lumapit. "Anong pangalan mo?" mabilis na tanong ni Pinky. 

"Ahm, Hilda po. Ang dami pa pala ninyo rito. Wala pa po ba kayong amo. Sabi nila, isang araw lang ang paghihintay ng aplikante, makakahanap daw agad sila ng mga employer."

Mapaklang ngumiti si Olga, "Wala na ba silang masasabi kundi iyan? Pare-pareho lang ang kanilang diskarte," napa-iling ito at tinalikuran ang bagong dating. 

May nagtanong pa kay Hilda, si Pinky. "Probinsiyana ka ba? Tumango lang ito. "Ilang taon ka na, Hilda?" 

Lumingon muna si Hilda sa pintong pinasukan, "Ahm, ang totoo po niyan, labing-anim pa lang po ako, dinaya ko--"

"Ano?" panabay na tanong ng lahat. Si Olga ay mabilis na napalingon at napabalikwas naman ng bangon si Rose. 

"Dinaya mo ang inilagay mong birthday?" pag-uulit niya na halos mawalan ng kulay ang mukha. 

"Opo, gusto ko po kasing makatulong sa magulang ko." 

Halos lahat ay hindi agad nakapagsalita sa narinig. Napanganga pa ang ilan. Karamihan sa mga naroon ay may asawa't anak na. Ang iba man ay wala pang pamilya tulad ni Kaye at Rose ngunit nasa tamang edad na sila. 

"Hindi katulong ang magiging trabaho mo rito. Niloko ka lang ng agency na pinasukan mo." 

"Ano ho?"

"Prostitute o babaeng bayaran," bumalik sa paghiga si Rose na para bang walang pakialam. 

Patda si Hilda sa narinig. Takot ang namayani rito at hindi nagtagal ay umiyak ito nang umiyak at ninais na lumabas. Sinaklolohan ito ng ilan. Inalo at pinakalma. 

Walang nagawa si Kaye kundi ang panuorin itong umiiyak. Nakita niya ang sarili rito. Nang dahil sa pamilya ay malalagay ito sa kapahamakan. 

Sumapit ang gabi. Agad na pumasok si Salvacion upang magtawag ng pangalan. Abot-abot ang dalangin niya na sana ay hindi si Hilda matawag, ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi natupad ang hiling niya. 

"Hilda!"

"Hindi! Huwag ako! Ayaw ko!" 

Karamihan ay lumapit dito. Tumulong na hindi makuha ni Salvacion ngunit wala silang nagawa nang tawagin ng ginang ang lalaking may hawak na baril. Halos lahat ay luhaan. Kitang-kita ni Kaye ang takot sa mata ni Hilda. Gusto niyang akuin, na siya na lamang ang pagparausan ng costumer nito. Gusto niyang bugbugin ang hayop na may-ari ng agency, ang mga taong nangloko sa kanila. Pero hanggang sa isip lang niya makakaya iyon. Ano ba ang laban nila sa mga taong may pakulo ng ganitong laro? Paano na lamang ang kinabukasan ni Hilda?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status