Share

Chapter 5

WALANG patid ang pag-agos ng luha ni Kaye. Daig pa niya ang basang sisiw na nakayupyop sa tabi. Hindi agad siya naniwala nang sabihin ng may-ari na nasa hospital ang kanyang ama ngunit tinawagan nito si Menchi upang ipakausap sa kanya. Pinagmumura niya ito sa una ngunit natahimik siya nang sabihin nito na nasa hospital nga ang kanyang ama. Nakausap din niya ang pinsang si Delia, ayon dito ay kararating lang nito sa hospital. 

Dinamayan siya nang ilan sa mga kasama niya kabilang na si Olga. Pinagaan nito ang kalooban niya. "Ganiyan talaga ang buhay, Kaye. Susubukin tayo ng panahon kung hanggang saan ang kaya natin. Pasasaan ba't makakaraos din tayo. Makakaligtas ang iyong ama, manalig ka lang sa Maykapal." Inalalayan siya nito patungo sa kanyang higaan. Hindi ito umalis sa tabi hanggang sa makaidlip siya. 

"Arte," bulong ni Rose. Matalim din ang pagkakatitig nito kay Kaye. "Nang dahil sa iyo, hindi satisfied ang costumer ko kanina. Limang daan lang ang tip sa akin. Buwisit ka!" 

Hindi na lang niya ito pinansin. Gulong-gulo ang isipan niya. Napakarami rin ng katanungan sa isipan niya. Bakit sa kanya pa ito nangyari? Masama ba siya kaya siya pinarurusahan ni God? Isa pa niyang naiisip, marumi na siya. Maruming babae.

Alas-tres nang madaling araw ay nagising siya. Pumunta siya sa banyo at habang naka-upo sa bowl ay hindi niya maiwasang mag-isip. Paano ang kanyang ama kung babalik siyang walang pera? Bago umalis ang kanyang costumer ay napag-usapan nila na ito lamang ang magiging costumer niya at tutulongan siya nito na makaalis ngunit ngayon ay nagdadalawang-isip na siya. 

Bumalik siya sa higaan ngunit hindi na dalawin pa ng antok. Muli ay naisip niya ang kalagayan ng ama, hanggang sa mapagdesisyunan na kumapit sa patalim. Hindi na muna siya aalis hanggang hindi gumagaling ang ama, tutal sabi ng lalaki ay ito lamang ang magiging costumer niya. Walang ibang aangkin sa kanya kundi ito lamang. Naisip niya, paano kung may asawa ang lalaking iyon? Napahugot siya ng malalim. Ang hirap ng kalagayan nila, lalo na siya.

Muli siyang naka-idlip. Nagising na lamang siya sa ingay. Boses ni Rose. Tila galit at nakita pa niya na may pinagtatapon itong mga gamit. Nais pa sana niyang matulog ngunit narinig niya ang pagbanggit nito sa pangalan niya. Dagli siyang nagmulat ng mata.

"Ikaw, Kaye!" Tinuro siya nito. "Ikaw ang kumuha ng pera ko 'no?" Lumapit ito sa kanya. Matiim din itong nakatitig sa kaniya

Umarko naman ang kilay niya kasabay ang pagbangon. "Anong pera?"

"Huwag ka nang magmaang-maangan pa! Ikaw lang naman ang bagong salta rito eh! N'ong wala ka pa ay hindi kami nawawalan ng pera rito at hindi ba't nangangailangan ka ng malaking halaga para sa gamutan ng 'yong ama? Kaya, ikaw lamang ang magtatangkang kumuha ng pera ko!" galit nitong bulyaw sa kanya. 

Biglang kumulo ang dugo niya dahil sa narinig, "Kahit nangangailangan ako ng pera, hinding-hindi ako kukuha ng perang hindi naman sa akin!" ganting hiyaw niya rito. Ang aga-aga e pinagbibintangan siyang magnanakaw. Hindi tuloy niya maiwasang uminit ang ulo. Ang laki na nga ng problema niya, dadagdag pa ito.

Mapaklang ngumisi si Rose, namaywang pa ito sa harapan niya. "Puta naman, Kaye, oh! Huwag ka nang magkaila pa. Ano ka, santa? Hindi mo ako madadala sa ganiyang salita. Ilabas mo na ang pera ko, kung ayaw mong isumbong kita sa manager."

Sumingit si Olga sa kanila, "Masama ang mangbintang, Rose. At hindi magagawa ni Kaye ang sinasabi mo."

"At sino ang dapat sisisihin sa pagkawala ng pera ko? Ikaw?"

Kapwa napabuga ng hangin si Kaye at Olga. Siya na ang nagpaliwanag dito.

"Kahit isumbong mo pa ako, wala akong ilalabas dahil hindi naman ako kumuha ng pera mo. At bakit ako lamang ang pinagbibintangan mo? Ako lamang ba ang nangangailangan ng pera rito?" 

Napatingin siya sa iba pang kasamahan. Ang iba ay hawak mga gamit na siguradong kinalkal din ni Rose. Napailing na lang siya dahil doon. Ang iba nama'y nakaupo lamang at pinapanuod sila. 

"Pero mas kailangan mo kaysa sa kanila, hindi ba? Ilabas mo na ang pera ko!"

Bago pa siya nakapagsalita ay biglang pumasok si Salvacion, "Kanino ito?" Itinaas nito maliit na wallet. Nagawi ang tingin ng lahat sa ginang. "Nakita ko ito sa short na lalabahan ko. Ingatan ninyo ang inyong mga gamit, kung iba siguro ang nakakita nito, tiyak na wala na ang inyong pinaghirapan." 

Halos lahat ay nakatutok ang paningin kay Rose. Matalim kung tumitig ang iba.

"Siya naman pala ang may kasalanan, kung sinu-sino na ang pinagbibintangan," bulong ng isa na ibinabalik ang gamit sa bag. 

Walang salita na kinuha ni Rose ang wallet sa ginang at tila walang nangyari na bumalik sa kama. Umupo ito't inayos na rin ang mga gamit. 

"Hoy, Rose, wala ka ba man lang sasabihin?" sita ni Pinky.

"Nakita ko na ang wallet ko kaya wala na akong sasabihin."

Napangisi si Olga. Lumapit ito kay Rose, "Kung sinu-sino ang sinabihan mo, pati si Kaye na nananahimik ay pinagbintangan mo, ngayon ay wala kang sasabihin. Aba'y iba ka rin 'no!" 

Pinukol lang nito ng masamang tingin si Olga at muli ay binalikan ang inaayos na mga gamit. Ilang beses na napa-iling si Olga, kapagdaka ay lumapit ito kay Kaye at ito na ang humingi ng paumanhin sa kanya. 

"Hindi ka dapat humingi ng paumanhin, Olga. Siya ang dapat humingi ng tawad."

Lumapit na rin si Pinky sa kanila, "Hindi na dapat pinag-aaksayahan ng panahon ang mga taong ganiyan. Kulang sa good moral 'yan at pansin. Kaye, tulong ko na iyan sa iyo." 

Naluha siya nang iabot nito ang pera, "Kailangan mo rin ito."

"Kailangan nga rin pero hindi naman emergency. Mas kailangan mo ito ngayon. Maliit lang ito pero tiyak na makakatulong ito sa pagpapagamot ng tatay mo." 

Lalo siyang napaluha. Niyakap niya nang mahigpit si Pinky.  Lumapit din si Olga at ang iba pang kasamahan niya, nag-abot ang mga ito ng pera. Hindi nga kalakihan pero napakalaking tulong na iyon sa kanya. 

"Salamat. Salamat sa inyo. Tatanawin ko ito habang-buhay," lumuluhang saad niya. 

"Wala iyon, Kaye. Sinu-sino pa ba ang magtutulongan kundi tayo-tayo na ring nandito." Ngumiti si Olga.

"Mabuti kang tao kahit noong unang kita ko pa lang sa iyo," segunda ni Pinky. 

"Salamat sa inyo." 

Nakadama siya ng kaginhawahan at nagkaroon ng bagong pag-asa. Sa kabila ng nangyayari sa pagitan nila ni Rose at sa binagsakang problema'y may mabubuting kalooban pa ang handang tumulong sa kanya. Tama sila. Sinu-sino pa ba ang magdadamayan kundi sila rin. Pasalamat siya na kahit tila sa kumunoy ay may makakapitan pa rin siya.

Hindi niya alam kung bakit biglang nag-iba ang pakikitungo ni Rose sa kanya. Kung nang dahil lang naging sagutan nila, napakababaw naman nito. Isa-isa niyang tiningnan ang mga kasama, nakangiti ang ilan sa mga ito. Ngiti na alam niyang nagdurugo ang kalooban ng bawat isa sa kanila. Ngayong nasa alanganin ang buhay ng ama niya, mapipilitan na rin siyang lunukin ang natitirang pride sa sarili. Naisip niya na kahit anong tatag ng isang tao, susubukin iyon ng Maykapal. Susubukin ang iyong katatagan kung hanggang saan ba ang iyong makakaya.

ALAS-SIYETE nang gabi ay naligo na siya ngunit hindi tulad ng iba niyang kasama, wala siyang nilagay na anuman sa kanyang mukha, tanging polbo lang at maayos na sinuklay ang buhok. 

"Wow! Ang aga nating mag-ayos ah! Excited!" mapang-asar na sabi ni Rose. 

Hindi niya ito pinansin para walang gulo. Sa halip ay nilapitan niya si Olga at nakipagkuwentuhan dito. Sa kabilang gilid ng mata ay sinulyapan niya si Rose. Nakita niya ang pagtalim ng mata nito sa kanya. Napahinga na lang siya ng malalim at pilit na iwinaksi ang dalaga sa isipan niya. 

Nang pumasok si Salvacion ay naghintay siya na tawagin ang kanyang pangalan, ngunit sumapit na lamang ang ika-labing-isa nang gabi ay hindi natawag ang pangalan niya. Matiyaga pa rin siyang naghihintay kahit alam niyang hindi na darating ang costumer niya o kahit na sinong lalaki. Kailangan niya ng malaking halaga para sa gamutan ng ama. Kinuha niya ang bag at mula sa pinakatago-tagong maliit na lalagyan ay binilang ang pera na ibinigay ng costumer. Dalawang gabi na niya iyong costumer at kulang na sampung libo ang bigay nito, bukod pa ang ini-abot na tulong ng mga kasama niya. 

"Paano kaya kung hindi na sumipot ang lalaking iyon?" Muli niyang ibinalik ang pera sa lalagyan. Napahinga siya ng malalim. "Okay lang na hindi, tiyak na may iba pa namang kukuha sa akin."

Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Ang isiping may ibang lalaki na gagalaw at magpaparaos sa katawan niya'y nandidiri siya. Pero anuman ang mangyari, kailangan niyang mailigtas ang ama. Kinain niya ang sinabi na hindi siya magiging katulad sa mga kasama. Ngayong gipit ay kailangan niyang kumita ng malaking halaga. Ibi-benta niya ang katawan kapalit ang kaligtasan ng kalusugan ng ama. Sabi nga ng ilan sa kanila, ligo lang ang katapat ng isang gabi pero natitiyak niyang kahit ilang ligo pa ang gawin niya, kahit kuskusin pa niya nang kuskusin ang katawan ay nakabahid pa rin ang dumi sa katawan niya. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status