Share

Chapter 2

UMIYAK nang umiyak si Kaye. Ang tanging hangad lang naman niya ay matustusan ang amang maysakit, ngunit dusa pala ang kababagsakan niya. Nang dahil sa pagtitiwala, ngayo'y nasa panganib siya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang nangyari. Kung sino pa ang taong pinagkakatiwalaan mo ay siya pa palang maglulubog sa iyo.

Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral, high school graduate lang siya, kaya wala siyang maayos na trabaho. Kasambahay na nga lang ang papasukin niya para hindi na siya mahirapan pang mag-ayos ng mga requirements kung sakali, delubyo pa ang kahahantungan niya.

"Wala na tayong magagawa pa kundi tanggapin ang kapalaran dito sa Manila." Lumapit sa kanya si Rose. Naging malapit sila ni Rose noong nag-aaral pa sila. Ngunit sa huli ay lumayo ito sa kaniya na hindi niya alam ang dahilan kung bakit. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang ideya kung bakit. 

"Hindi!" mariing tanggi niya. "Hindi ako papayag. Katulong ang pinasukan ko at hindi prostitute!"

Mapaklang napangisi si Rose, "Sa palagay mo ba may laban ka sa kanila? Ano ang magagawa mo? Hindi ka nila papayagang lumabas dito at wala ring makaririnig sa iyo kahit magsisigaw ka pa."

"Bakit hindi tayo magsuplong sa mga kinauukulan? Sa mga pulis? Hindi ba tayong lahat, kayong lahat ay pumasok dito bilang isang kasambahay?" sunod-sunod niyang tanong. 

"Nagawa na namin iyan," sagot ng isang babae na nakasuot ng bra't panty lamang. "Dati lima lang kami at ako ang unang nagsumbong dahil hindi ko kaya ang babuyin ng mga demonyong hayok sa laman. May asawa akong tao at mahal na mahal ko siya," gumaralgal ang tinig nito. "Hindi niya alam ang nangyayari sa akin dito at sa tuwing tatawag kami ay may nakatutok na baril sa aming likuran." 

Lalong nanlambot ang mga tuhod ni Kaye, "Wala na ba talagang pag-asa na makaalis dito?" mangiyak-ngiyak niyang tanong. Isa-isa niyang tiningnan ang mga babaeng nakapalibot sa kanya, ngunit walang sagot siyang narinig mula rito. Ang iba ay napailing na lamang at nagyuko ng ulo. "Ikaw, Rose?" baling niya rito. 

Umiling ito, "Sa ngayon, tinanggap ko na ang ganitong uri ng trabaho, Kaye. Malaki ang nagiging pera ko rito lalo na kapag malaki ang bigay ng customer ko."

Siya naman ang napailing. "Hindi ko yata masisikmura ang sinasabi mo, Rose."

Napangisi ito at muling umiling, "Sinabi ko na rin iyan dati pero hanggang sa salita lang ako. Sa tuwing maiisip ko ang kalagayan ng magulang ko sa atin at ang impiyermong binagsakan ko, wala akong magawa kundi ang sumunod sa agos ng buhay. Marumi at nakakasuka kung iyong iisipin pero malaki ang kita rito."

"Isa pa, wala tayong laban sa kanila. Hindi ka makakaalis ng buhay dito maliban na lamang kung natapos mo ang anim na buwang kontrata mo sa kanila." Tumayo si Pinky, kinuha ang roba at ibinalabal iyon sa h***d na katawan.

"Ligo lang ang katapat, tanggal na ang duming kumapit sa iyong katawan," sabad ng isa pang babae. 

Napaisip si Kaye. Pero, paano ang kinabukasan niya? Maaatim kaya niyang pagsawaan ng lalaking hindi kilala? Napailing siya. Hindi! Hindi dapat siya mawalan ng pag-asa. Hindi siya susuko. Hangga't walang kumukuha sa kaniya, hangga't walang bumababoy sa kaniya, hindi dapat siya panghinaan ng loob. 

Napapitlag si Kaye nang tumunog ang orasang nakasabit sa wall. "Alas-otso na ng gabi," sabi niya nang sulyapan ang orasan. "Kumusta na kaya si Itay? Uminom na kaya siya ng gamot?" Paano kaya kung malaman ng magulang niya ang trabahong napasok? Tiyak na magagalit iyon kay Ate Menchi. Naagaw ang pansin niya nang makita ang pagkilos ng mga kasama niya. Mabibilis ang kilos ng mga ito. May kumuha ng towel. May humarap sa salamin para mag-ayos ng sarili."Anong mayroon?" 

"Umpisa na ng trabaho," sagot ni Pinky. "Maligo ka na rin. Ang gusto ng may-ari ay bagong ligo tayo, para raw ganahan ang customer. Tiyak kasi na ikaw ang una nilang isasalang, dahil kadarating mo lang. Tiyak na ipapakita nila ang iyong larawan sa mga lalaking parokyano na dito."

Bumilis na naman ang tibok ng puso niya. Nahiling niyang huminto sana sa pag-ikot ang mundo ngunit kahit yata anong dasal niya nang mga sandaling iyon ay hindi siya narinig ng Maykapal.

Dumating ang ika-siyam ng gabi. Lahat ng mga babae ay bagong ligo na, may mga naka-lipstick tulad ni Rose. At halos lumabas na ang singit sa sobrang iksi ng suot na short, pati ang dibdib, halos luluwa na sa suot na damit. Napangiwi siya sa mga hitsura nito. Siya'y kuntento na sa jogging pants at t-shirt, hindi rin siya naglalagay ng kung anu-ano sa mukha. Hindi naman siya maputi, hindi rin maitim. Mapula rin ang labi niya at sadyang hindi siya naglalagay ng lipstick. Naalala pa niya ang sinabi ng isang kakilala, kapag madalas daw na maglagay ng lipstick ay pumupusyaw ang labi. Hindi naman sa pinupuna niya ang ilan sa mga babaing naroon, sadyang kuntento lang talaga siya sa kaniyang sarili. 

Bumukas ang pinto. Nakita niya ang pagpasok ng babaeng kasama niya pagpasok kanina lamang. Binanggit nito ang pangalan ni Pinky. Walang kagatol-gatol naman na sumunod ito sa babae. Sa tuwing pumapasok ang babaeng tagasundo, gusto niyang panawan ng ulirat. Abot-abot ang kaba sa dibdib niya at buong katawan ay nanlalamig. 

Nalunok niya ang sariling laway, "Diyos ko, tulungan Mo po ako!" usal niya. 

"Rose."

Napatingin siya sa gawi ni Rose. Nakangiti ito, "May datung na naman ako," turan pa nito habang naglalakad palabas ng silid. 

Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa mawala ito. Nahiling niyang huwag na sanang pumasok ang matandang nagtatawag ng pangalan. Iilan na lamang sila sa silid. Naroon pa ang babaeng naabutan niyang umiiyak. Nakayupyop ito na daig pa ang isang basang sisiw. 

"Naku! Mukhang hindi tayo magkakadatung ngayon ,ah! Ten-thirty na, wala pa tayong customer." Tumayo at nagpalakad-lakad ang babaing mahilig manigarilyo. 

"May bukas pa naman, Olga. Malaki naman ang naging tip mo sa naging customer mo kagabi, kaya kahit hindi ka kumayod ngayong gabi ayos lang.”

"Kunsabagay," anito na dinampot ang bag sa gilid ng higaan nito. Binuklat ang wallet at inilabas ang pera na ibinigay ng naging kliyente.

Napamulagat si Kaye sa nakita. Tumambad sa paningin niya ang papel na pera nito. "Ilang araw ka na rito?" Hindi niya napigilang magtanong.

"Ako?" Itinuro ni Olga ang sarili. "Ahm, mag-iisang buwan na ako," tugon nito at muling itinuon ang mata sa binibilang na pera. "Malaki-laki na rin pala ang naiipon kong pera. Sampung libo na, bukod pa ang magiging sahod ko rito.” Nakangiting wika nito at muling ibinalik ang pera sa wallet. 

"Magkano ang ibinibigay na pasahod dito?" muling tanong niya. Ewan ba niya kung bakit parang nagkainteres siya sa sasahurin kung sakali. 

"Depende. Kung palagi kang may customer, malaki ang ibibigay nila sa iyo. Si Rose, una niyang natanggap dito, sampung libo kasi sabi niya madalang siyang piliin. Si Pinky na tatlong buwan na rito, siya ang malaki ang kita rito. Kumikita siya ng kinse o higit pa sa isang buwan bukod pa yung ibinibigay ng costumer niya," hayag ni Olga kasabay nang pagdampot ng sigarilyo."Nakakasuka. Nakakadiri kung iisipin ngunit habang tumatagal, nagugustuhan na rin namin ang trabahong ito. Wala rin naman kaming mapapala kung papalag kami. Kakayanin ko ang lahat para sa aking mga anak. Siguro, kung hindi kami iniwan ng demonyo kong asawa ay hindi ko mararanasan ang ganitong uri ng trabaho. Itong si Gilda…" Itinuro nito ang kausap kanina. "Pareho kami ng naging karanasan. Noong una, hindi rin niya masikmura ang ganitong klase ng trabaho. Hindi ba, Gilda?"

Tumango ito't padapang humiga. "Wala yatang babae ang gustong maging hanapbuhay na ang puhunan ay ang katawan. Kailangan ko ring itaguyod ang aking anak at ako lang ang tanging inaasahan ng aking pamilya. Kung hindi ko siguro pinairal ang puso. Kung iniwasan ko sanang mahulog ang damdamin sa lalaking iisa pala ang bayag at hindi kayang panindigan ang nagawa, disin-sana ay graduate na ako ngayon. Hayst! Hindi ko alam kay Lord kung bakit tayo inilalagay sa ganitong sitwasyon! Kasambahay na nga ang pinasukan ko dahil iyon lang ang walang maraming hokus-focus pero dito pa ako ibinagsak." Puno ng hinanakit ang binitiwang salita ni Gilda. 

Napalunok ng laway si Kaye. Naging isang malaking palaisipan sa kanya ang kuwento ng dalawa. Siya ma'y wala pang asawa ngunit ramdam niya ang hirap ng pagiging single parent. Hanggang isa-isang nagsisibalikan ang mga kasama nila. Ang iba ay abot-langit ang ngiti at mayroon namang puwede nang sabitan ng kaldero ang nguso. Ang iba ay mababanaag ang pagod. Sino ba namang hindi mapapagod kapag pinagsawaan ka ng mga hayok sa laman?! 

"Kainis! Kuripot ang kustomer ko. Matapos kong patirikin ang mata sa sarap, limang daan lang ang ibinigay sa akin," reklamo ng isa. 

Nagkatawanan ang karamihan sa kanila."Magpasalamat ka dahil binigyan ka pa ng limang daan, ako nga ay thank you lang ang natanggap ko." Umismid si Rose at pasalampak na naupo sa higaan. 

"Mukha yatang hindi bigatin ang parokyano mo ngayon, Pinky, ah?"

Tinapunan ng tingin ni Pinky si Olga, "Ganoon talaga ang buhay. Hindi palaging suwerte," sagot nito. 

Nagmamasid lang si Kaye sa mga ito. Pinapanuod kung ano ang susunod na gagawin. Ang iba ay walang pakundangang naghubad, kita pa niya ang mga kiss mark sa katawan ng mga ito na labis talaga niyang ikinagulat. Ang iba nama’y pumasok sa banyo. May dalawang banyo roon, may ref din sa gilid at malaking salamin. Panandalian siyang nakahinga dahil nakaligtas siya nang gabing iyon. Ngunit, paano na ang mga susunod pang gabi? Kahit malaki ang sinasabi nilang sahod, hindi yata niya maaatim na maangkin ng iba't ibang lalaki. Hindi niya masisikmura ang pagparausan ng kung sinu-sinong lalaki kapalit ang malaking halaga. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status