Share

The Billionaire's Legacy
The Billionaire's Legacy
Author: Virgo Constantino

The Deal

MALAYO pa lang sa kanilang bahay ay naririnig na ni Elainne ang boses ni Tiya Amy. Tinalo pa ni Tiya Amy si Gloc9 sa bilis ng pagsasalita nito. Kahit yata si Francis M. na tinaguriang master rapper ng Pilipinas ay walang sinabi sa kanyang tiyahin. As usual, nagdidiwara na naman si Tiya Amy. Hindi kailangang maging matalino ni Elainne para kumpirmahin ang bagay na iyon. Sa araw-araw na lang kasing ginawa ng Diyos ay wala yatang sandali na hindi nagbunganga ang tiyahin niya. Palibhasa ay matandang dalaga kaya palaging mainit ang ulo.

            “Tiyang, kagagaling ko lang ho sa simbahan. Nabasbasan na ho ako ni padre kaya huwag n’yo na akong misahan,” pagpasaok sa pintuan ng kanilang bahay ay kaagad niyang sabi. Isa lang naman kasi ang dahilan  ng regular na pagdidiwara ni Tiyang Amy –pera. At sa kasamaang palad, siya ang palaging napagbubuntunan ng galit nito tuwing walang pera dahil wala siyang trabaho. Tatlong buwan pa lang kasi ang nakakalipas buhat nang makapagtapos siya ng pag-aaral sa kursong nursing. Nakakuha na siya ng board exam at sa awa ng Diyos ay nakapasa siya. Hindi lang talaga niya sigurado kung dapat niya talagang ipagpasalamat ang bagay na iyon dahil nakakadagdag lamang iyon sa araw-araw na init ng ulo ni Tiya Amy. Ang katuwiran nito, tapos siya ng pag-aaral at pasado sa board exam pero hayun siya at nakatengga sa bahay.

Hindi ang katamaran ang dahilan kung bakit wala siyang trabaho. Sino ba naman ang ayaw maghanap-buhay at kumita ng pera ‘di ba? Ang kaso, iba ang plano ni Elainne sa buhay. She wants to become a nun. Ipinangako niya sa sariling magmamadre siya dahil bata pa lang ay ipinangako na niya kay Lord ang lahat-lahat sa kanya. Ang kaso, hindi sang-ayon si Tiya Amy sa bagay na iyon. Para saan pa raw at nag-nurse siya kung sa kumbento lang din ang bagsak niya. Ano raw ang mahuhuta niya sa pagmamadre?

“Mamamatay kang virgin, Elainne once na pumasok sa kumbento. Sa halip na gustuhin mong mag-alaga ng mga batang hindi mo naman kadugo sa bahay-ampunan bilang madre, bakit kaya hindi ka na lang mag-domestic helper sa Hong Kong at nang mapakinabangan natin ‘yang pinag-aralan mo. Isip-isip rin minsan, ija. ‘Yang katangahan puwede mong manahin sa amin ‘yan pero ‘wag mo naman sanang araw-arawin,” ito ang madalas na linya ni Tiya Amy. As if hindi ito katulad niyang single. And as if, nakatikim na ito ng luto ng Diyos. Duda niya ay ni hindi ito nadiligan kahit minsan kaya naging ganoon ito kadiwara. Sabagay, sino ba naman ang matinong lalaki na gugustuhing makipagtalik sa babaeng masahol pa sa armalite ang bibig hindi ba? Patatawarin siya ng Diyos pero hindi niya lang maiwasang makaramdam ng inis kay Tiya Amy lalo na sa tuwing tahasan nitong sasabihin ang disgusto nito sa mga pangarap niya sa buhay.

“Mamamatay kang virgin, Elainne once na pum…”

“Mas mabuti na pong mamatay nang virgin kaisa lokohin at iwanan ng mga lalaki tiyang,” putol niya sa pambansang litanya ni Tiya Amy. Kung hindi niya gagawin iyon ay siguradong aabutin ng kalahating araw ang ‘misa’ ni Tiya Amy. Siguradong aabot na naman iyon sa puntong isusumbat nito sa kanya ang lahat ng ginawa nito para sa kanya. “Saka mas maigi na ho na si Lord ang paglingkuran ko kaisa kung sino-sinong intsik sa Hong Kong gaya nang gusto n’yong mangyari. Hindi ho ba kayo masaya na magkaroon ng pamangkin na madre?”

“At sumasagot ka na ngayon?” eksaheradang napatingin sa kanya si Tiya Amy. “Hoy, baka nalilimutan mo na kung hindi dahil sa akin at sa mga kapatid ko ay hindi ka magiging tao ngayon. Kami ang bumuhay sa’yo, Elainne. Kami ang nagpaaral sa’yo. Binigyan ka namin ng bahay. Dinamitan at pinakain ka namin sa loob ng dalawang dekada kaya hindi naman siguro masamang umasa kami ng kapalit ngayong graduate ka na. At paano mo kami matutulungan kung magiging madre ka, aber?” summary na iyon ng lahat ng panunumbat nito, promise.

“Hindi naman ho sa ganoon, Tiyang. Ang gusto ko lang naman po ay suporta n’yo at…”

“At ano? Payagan ka namin na magmadre? Huwag ka namang makasarili, Elainne. Tulungan mo muna kaming magbayad ng utang namin bago ka magmadre. Tutal ay hindi naman kami mababaon sa utang kung hindi dahil sa’yo,” iyon lang at mabilis na siyang tinalikuran nito.

Walang nagawa si Elainne kung hindi ang mapakamot sa sariling batok. Sa totoo lang ay thankful siya kay Tiya Amy at sa mga kapatid nito dahil totoong ang mga ito ang umaruga sa kanya noong iwanan siya ng sariling ina dalawang dekada na ang nakakalipas. Lumipad sa Hong Kong ang nanay niya hindi lang para magtrabaho bilang DH kung hindi para na rin daw magmove-on. Walanghiya raw kasi ang tatay niya. Babaero, lasenggo at minamaltrato nito ang nanay niya kaya nakipaghiwalay ang huli matapos siyang isilang. Kaya lang, mukhang hindi lang ang tatay niya ang nalimutan ng nanay niya kung hindi pati na rin siya. Ni hindi man lang kasi siya naaalalang kumustahin nito kahit minsan. Mula pagkabata ay hindi niya ito nakausap. Para bang iniwasan na talaga nito na alalahanin pa siya.

Isang araw, nabalitaan niya na may sariling pamilya na ito sa Hong Kong at siya naman ay kuntento nang lumalaki sa piling ni Tiya Amy at ng dalawa pang tiyahin na katulad nito ay matanda ring dalaga. Noong bata siya, nakikita niyang may mga nanliligaw sa mga tiyahin niya. Si Tiya Amy na siyang panganay sa magkakapatid ay isang guro. Dahil abala sa trabaho at sa pagpapalaki sa kanya ay nalipasan na ito ng panahon. Idagdag pang naloko ito ng first boyfriend nito. Matapos umanong isuko ni Tiya Amy ang Bataan ay basta na lamang naglaho ang lalaki. Si Tiya Amanda naman na mas bata kay Tiya Amy ay ilang beses na nakipag-live in sa mga lalaki. Pero kagaya ng kanyang ina, palaging umuuwi si Tiya Amanda noon na puro pasa at sugat. Hanggang isang araw, napagod nang masakatan ang pobreng tiyahin at sukuan ang pag-asang makabuo ng sariling pamilya.

Si Tiya Aurora naman na bunso sa magkakapatid ay lihim na ginawang kabit ng isnag lalaki. Hindi nito alam na may asawa at anak na pala sa Cebu ang lalaking kinasama nito. Nang magdemmand si Tiya Aurora ng kasal, doon nito nalaman na kaya pala ayaw itong pakasalan ng buwist na kinakasama ay dahil hindi na ito single.

Sa murang isip, isa lang ang naging pananaw ni Elainne sa mga lalaki –manloloko at hindi dapat pagkatiwalaan. Nang dahil sa kasalanan ng kanyang ama at sa mga pinagdaanan ng mga tiyahin niya ay nagkaroon siya ng matinding galit sa mga lalaki at ng takot na rin sa salitang ‘pag-aasawa’. Naisip niya kasi na kung nangyari sa mama niya at sa mga tiyahin niya ay hindi malayong masaktan lang din siya dahil sa mga lalaki. Kaya naman bata pa lang, buo na sa isip ni Elainne na hindi magpapaloko sa mga anak ni Adan. Hindi niya susundan ang yapak ng mga tiyahin at ng sarili niyang ina.

Doon rin nabuo ang pangarap niya na maging madre. Bukod pa iyon sa katotohanang naging aktibo siya sa simbahan. Sa tuwing makakaramdam kasi siya ng sama ng loob at hinampo sa ina na basta na lamangs siyang pinabayaan ay sa simbahan siya tumatakbo. Naisip niya, kung si Lord ang pipiliin niyang makasama hanggang pagtanda niya, siguradong hindi siya masasaktan. Wala rin naman siyang balak magkaroon ng anak dahil duda siyang kaya niyang maging ina at bumuo ng sariling pamilya. Paano niya naman kasing gagamapanan ang role ng isang nanay kung siya mismo ay hindi nakaranas ng ganoon ‘di ba? Ang sabi nga ng marami, you can’t give what you don’t have. Kaya naman harangan man siya ng sibat ni Tiya Amy at sabihin man nito na wala siyang utang-na-loob ay itutuloy niya ang pangarap na maging madre. Buo na ang desisyon niya at walang sino man ang makakapigil sa kanya sa bagay na iyon.

Pagkaraan ng ilang sandali at ilan pang mga mura mula sa nagdadabog na si Tiyang Amy sa kusina ay pumasok na si Elainne sa kanyang kuwarto upang magbihis. Maliit lamang ang bahay nila –yon ay kung bahay nga bang maituturing ang pinagtagni-tagning lawanit at plywood na binubungan ng mga lumang yero mula sa noon ay binagbag na barangay hall ng barangay nila. Tandang-tanda niya kung paano nila pinagtulung-tulungang magtitiyahin na buuin ang bahay na iyon noon. Halos isang dekada ang lumipas at walang nagbago sa bahay nila. It was the same old and little house they built almost ten years ago.

Isa lang ang matatawag na kuwarto sa bahay. Doon sila tabi-tabing natutulog na magtitiyahin sa gabi. May maliit silang sala na ang mga gamit ay pawang mga pamana ng kanilang kapit-bahay. Wala silang sariling C.R. at kagaya ng halos lahat ng naninirahan sa squatter’s area na iyon kung saan sila nakatira ay nagbabayad lamang sila sa malapit na palikuran ni Mang Berting- limang piso ang ihi at sampung piso ang alam mo na.

Buong buhay ni Elainne ay puro hirap na ang nakikita niya. Ni minsan ay hindi niya naranasan ang maalwang buhay kaya naman talagang nauunawaan rin niya si Tiya Amy sa tuwing susumpungin ito ng inis at pagdiskitahan siya. Siya nga lang naman kasi ang inaasahan ng mga ito na mag-aahon sa kahirapan. Kaya lang, naipangako na rin kasi niya ang sarili sa Diyos. Mayroon siyang ‘calling’ at masyadong malakas ang tawag niyon para tanggihan niya.

Nasa aktong paghuhubad na si Elainne ng kanyang suot na pang-itaas nang marinig niya ang malakas na tinig ni Tiya Amy. “Elainne! This is it pancit! Yayaman na tayo! Yayaman na talaga tayo!” tila inaatake sa puso na tili ni Tiya Amy. Malawak ang ngiti nito at namimilog ang mga mata habang yakap-yakap nang mariin ang isang sandok.

“Ano ho, nabunot na ba ang mga lucky numbers n’yo sa lotto? Milyonaryo na ho ba tayo?” sinakyan niya ang trip ng tiyahin. Sa buhay, natutunan niya na para makasundo niya ang Tiyang Amy niya ay kailangan niyang sakyan ang trip nito paminsan-minsan, gaya na lamang ng pagtaya-taya nito sa lotto. Araw-araw ay hindi ito nagmimintis sa pagtaya at gabi-gabi naman ay ipinagdadasal niya ito dahil alam niyang labag sa turo ng simbahan ang pagkakaroon ng ganoong bisyo.

“Bilyon! Bilyun-bilyon ang nakaamba mong iakyat sa pamamahay na ito, Elainne,” eksaheradang hinawakan pa ni Tiya Amy ang kanyang kamay. Hindi alintana kung mahulog man ang sandok sa sahig nilang lupa na sinapinan lamang ng lumang linoleum. Napalunok siya at mariing napapikit nang ma-imagine niya na mamaya lang ay ipanghahalo na naman ni Tiya Amy ang kawawang sandok sa iniluluto nitong ulam.

“A-ako, ho?” kunot-noong tanong niya sa nagdedeliryo na yatang tiyahin. Paano naman siyang mag-aakyat ng limpak na salapi sa pamamahay nila? “Paano po?”

Iniabot nito sa kanya ang isang lukot na diyaryo. Literal na ipinambalot iyon ng tinapa na marahil ay kasalukuyang iniluluto ni Tiya Amy. “Basahin mo! Basahin mo ang pinakamalaking biyayang nabasa ko sa tanang buhay ko,” utos nito sa kanya habang dinudutdot ang diyaryo.

“Multi-billionaire and business magnate retired from her office,” malakas niyang pagbabasa sa headline ng balitang nakasulat sa diyaryong hawak niya. Nagtatakang napatingin siya kay Tiya Amy matapos basahin ang balitang iyon. “Ano naman po ang kinalaman nito sa limpak-limpak na salaping sinasbai n’yo? Huwag n’yong sabihing…Diyos ko po Tiyang! Kilabutan ho kayo sa inyong naiisip,” sunod-sunod na pagsa-sign of the cross ang ginawa niya dahil sa ideyang nasa isip. “Tiyang, masama po ang mang-kidnap, alam n’yo ‘yan.”

“Ay, gaga! Sino naman ang nagsabing kikidnappin natin si Maristella Imperial? Bago pa tayo makalapit diyan ay siguradong tapos na ang kahirapan sa Pilipinas. Ang balita ko ay sandamakmak raw ang bodygurads niyan kaya imposible ‘yang kabaliwang tumatakbo sa isip mo.”

Nakahinga siya nang maluwag. Noon niya napunatayang madiwara lang pala talaga si Tiya Amy pero busilak naman pala ang kalooban nito. “Eh, paano nga pong mangyayari ang…”

“Papakasalan mo ang isa sa mga apo ni Doña Maristella,” putol ng hindi pasisindak na tiyahin niya sa kanyang litanya.

Napatanga siya at napatulala nang ilang sandali sa kawalan. Mayamaya lang ay napuno ng malakas na tunog ng kanyang halakhak ang kabuuan ng kanilang bahay. “Tiyang naman, alam ko hong gandang-ganda kayo sa ‘kin pero hindi ho ako magugustuhan ng apo niyan. Isa pa, sadyang wala ho sa bokabolaryo ko ang mag-asawa. Buo na ho ang pasya ko, papasok ho ako sa kumbento.”

“Anim na buwan, Elainne,” sabi ni Tiya Amy, desidido ang anyo na para bang isang kandidatong nangangako na kung mananalo sa eleksiyon ay biglang uunlad ang kanilang barangay. “Kung sa loob ng anim na buwan ay hindi ka makakabingwit ng isang Imperial –kahit sino sa mga Imperial –ay tapos na ang usapang ito. Papayagan kitang magmadre at magpakatandang-dalaga sa piling ng mga musmos sa kung saang ampunan.”

Biglang sineryoso ni Elainne ang tiyahin. Iyon na ang pagkakataon niya. Siguradong-sigurado siyang walang Imperial na magkakagusto sa kanya. At paanong mangyayaring makakakilala siya ng isang Imperial gayong langit at lupa ang pagitan niya sa mga ito? Imposibleng ang isang bilyunaryong lalaki ay bababa sa pedestal para lamang makakilala ng isang hampas-lupang kagaya niya. Isa pa, sa sobrang yaman ng mga Imperial ay malamang na libo-libong mas mayayaman at higit na mas magagandang babae ang nakapila sa mga ito.

Napangiti siya nang lihim. Mukhang umaayon na sa kanya ang tadhana. Tila walang kahirap-hirap na makukumbinsi na niya si Tiya Amy na payagan siyang magmadre.

Purihin ang Panginoon!

“Ano? Deal?” si Tiya Amy na hindi alintana ang umaamoy na nasusunog na tinapa.

“Deal!” nagtatatalon sa tuwa ang inner self niya.

Iniwanan siya ni Tiya Amy at binalikan ang pinipritong tinapa. Habang nagluluto ay abot ang paglilitanya nito. “Goodbye squatter. Ilang buwan na lang at makakaalis na kami rito. Huwag kayong mag-alala mga mahal na kapit-bahay. Aambunan ko kayo ng kayamanan kapag nagpakasal na si Elainne at ang isa sa mga Imperial.”

Napapailing na ipinagpatuloy na lamang ni Elainne ang pagbibihis. Hindi niya lubos akalaing ganoon lang pala kadali na makumbinsi si Tiya Elainne.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Mahlia Lapuz
nakakalokaaa......
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status