Share

3 Seconds

Ang Pumapatay

~*~*~*~

MUNTIK na akong mahulog sa kama sa kakapalit ko ng pwesto. Nahihirapan ako sa pagtulog lalo na’t buhay na buhay pa sa isipan ko ang sinabi ni Shintaro. Anong alam niya at parang kinakabahan ako sa bawat salita niya? Bakit parang ang laki ng tiwala niya sa akin at sinama niya pa ako sa paglalakbay niya? Ganito na ba talaga ako kaganda at naakit ko nalang siya ng basta-basta? Alam naman pala niyang dahil lang sa points kaya ko siya kinausap pero... Wala akong idea bakit! Nakakainis!

“Ate! Magpatulog ka nga ng mahimbing!” Reklamo ng kapatid ko sa akin.

“Heh! Matulog ka nga diyan ng mahimbing!” Ginugulo mo pa ako eh ang laki na nga ng problema ko sa utak!

Sinabi ni Shintaro sa akin na bago niya napagdesisyonang tulungan ako, pinuntahan muna niya ang hinaharap. Kaya may alam talaga siya! Lokong abnormal iyon, ‘di manlang nag-share sa akin kung anong nakita niya sa hinaharap! Aba, malay natin, baka mas matulungan niya ako. Pasilip lang naman sa future, men!

“ANO itong narinig ko kay Riri na hinahanap mo raw si Terrano? Nabagok ba ‘yang ulo mo? Close na kayo?”

Binalewala ko nalang ang mga tanong ni Letty at patuloy na nginunguya ang bubble gum na binili ko kanina sa canteen. Lunch break namin kaya pwede kaming magliwaliw. Hindi ko na nakausap si Shintaro ng matino. Sa t’wing nilalapitan at tinatawag ko siya ay lagi siyang umiiwas. Mukha na akong manliligaw na sawi sa pag-ibig. Hays. Ang weird niya talaga. Kung makaiwas siya, parang ang sama-sama ko.

“Letty, naniniwala ka ba sa time travel?” Biglaang tanong ko.

Uminom siya ng tubig saglit bago tumikhim. “Sa kakapanood ko ng mga movies at sa kababasa ko ng mga libro na connected diyan sa tinatanong mo, oo, naniniwala ako. May nabasa kasi akong quotes na kung ano ang maabot ng imaginations ng tao ay totoo.”

Napatango ako. Ah. Iyong kay Pablo Picasso na, “Everything you can imagine is real.” Tama nga naman. Kung ano ang maaabot ng imahinasyon ng tao ay totoo. Paano kapag ang imaginations ng tao ay hubad lahat? Maaari, pero yucks. Maganda sana kung masarap lahat.

“Kung bibigyan ka ng pagkakataong baguhin ang nakaraan, ano iyon at bakit?” Nanliliit ang kanyang mga matang nakatingin sa akin. Iniisip niya sigurong nababaliw na naman ako. Parati naman.

“Iyong mga long tests. Tutal alam ko na naman ang mga answers, eh iyon ang ‘sasagot ko!” Proud na sabi niya.

“Cheater!”

Ngumisi lang siya. “Mana sa’yo...”

Napaubo ako. Alam ba niyang nandaya nga ako? Nandaya ako para sa points! Hindi lang pala mga salita ni Shintaro ang makakapagpakaba sa akin, maaari rin pala ang mga normal na taong nakapalibot sa akin. Napaparanoid na tuloy ako! Si Shintaro naman kasi ‘e.

“Ah, sige, Letty! Mauna na ako! Pakisabi nalang kina Riri at Jev!” Paalam ko sa kanya bago ako umalis.

Sinundan ko ang kung ano mang sinasabi ng utak ko. Kailangan kong makausap si Shintaro. Dahil kung hindi, maaaring mababaliw ako. Simula noong malaman ko kung ano talaga siya, parang siya ang pinakakumportableng tao na maaari kong makausap. Kasi kahit na ‘yong tatlo ang kausap ko, feeling ko ang weird ko na. Gah. Ako na ba ang totoong weirdest?

Pinuntahan ko ang kanyang lugar. Nagpakawala ako ng malalim na hininga nang makita ko siya sa mismong puno kung saan kami nakapag-usap. Bakit tinatago na naman niya ang kanyang totoong kagwapuhan? Ang weird niyang tignan! Kagaya ng una kong paglapit sa kanya, may hawak rin siyang makapal na libro. Tumikhim ako bago tumabi sa inuupuan niya. Akala ko ‘di niya papansinin ang beauty ko nang magsalita siya. Naging malikot na naman ang daga sa dibdib ko kasi sobrang seryoso ng boses niya.

“Alam mo bang pinag-uusapan ka na ng ibang estudyante nang dahil sa akin..?”

Tumango ako at napapikit. “A-Alam ko.”

“Bakit nilalapitan mo parin ako?”

“Ano ngayon?” Malakas na singhal ko at marahas na tumingin sa kanya. “Sila ba ang nagpakain sa akin?!” Juice ko. Ni minsan ‘di nga sila nakapagsaing sa amin, ‘e. Sasapukin ko na sana siya sa pinoproblema niya nang bigla siyang tumawa ng bahagya at hinawakan ako sa kamay.

Hays, better. Nakahinga na ako ng maluwag nang marinig ko ang tawa niya. Akala ko ba ay ‘di niya na ako papansinin? Akala ko talaga, balik abno na naman siya. Iyong kahit kailan ‘di ko siya nakausap. Ah, buti nalang talaga at kinausap ko siya.

“Kung lalakbay ako kahit sa anong oras ‘o kahit saan, sasama ka ba?” tanong niya.

Napaawang ang bibig ko at agad ring nagkibit balikat. “..ewan. ..depende. ..siguro.” Pinanliitan ko siya ng mga mata. “Saan mo ba ako balak isama?” Sa kama? Syempre, joke lang!

“Saan mo ba gusto?” aniya.

Napaisip ako ng malalim. “Saan? Saan ka ba tutungo?”

Bumuntonghininga siya. “Past, present at future ang lalakbayan ko... Hindi lang basta lugar. Saan ‘o anong oras ang gusto mong mapuntahan?” Anong nakaraan ko ba ang gusto kong balikan? May gusto ba- Tama! May naisip na ako!

NAMISS ko ito! Time flies so fast nga talaga!

Agad ring bumaba ang gilid ng labi ko nang maalala kong ‘di ko na pala makikita sa hinaharap ang taong sinadya ko talaga sa panahong ito. Nagulat pa ako kanina nang sabihin ni Shintaro sa aking maaaring ako ang magdedesisyon sa pupuntahan namin sa pamamagitan lang ng pagbukas ng isipan niya sa akin at paghawak ko ng kanyang kamay. Hinayaan niya akong pumasok sa isipan niya at ito ang dahilan kaya napunta kami rito!

“Aura, bakit tayo nandito?” Nagtatakang tanong ni Shintaro nang iginala-gala ko ang aking mga mata.

“Hahanapin natin si Eliz!”

“Sinong Eliz?”

Umirap ako. Gravity ha! ‘Di niya kilala si Eliz ha, samantalang si Eliz ‘yong namatay kong kaibigan noon. Sabagay, kahit magkapitbahay na kami simula noon, ay sa kolehiyo lang kami nagka-schoolmate. Ewan ko ba saan siya noong high school.

“Iyong kaklase kong namatay. Gusto ko kasi siyang yakapin ngayon at iparamdam sa kanyang kahit konting panahon lang ang naging pagsasama namin, minahal ko na siya at tinuring na totoong kaibigan...”

“Anong nangyari sa kanya? Bakit ito ang napili mong oras para magkita ulit kayo?”

Ngumiti ako ng mapait. “Ang saya kasi niya ngayong araw. ‘Di namin inakalang maaaksidente siya sa kinagabihan ngayon. Nasagasaan siya ng isang motorsiklo. Ito ang huling araw na nakasama namin siya nang nakangiti pa.” Suminghot ako. Eliz, binalikan kita. Bakit ba kasi ang aga mong nawala sa amin? “Shintaro... Pwede ba akong mandaya ngayon? Kung maaari, maiiwasan ni Eliz ang aksidente...”

Umiling siya kaya may kumawalang isang butil sa luha ko. Bakit? Akala ko ba life changer siya? Bakit ‘di niya mapipigilan ang pagkamatay ni Eliz? Okay lang… Naiintindihan ko naman ‘e. Ang importante, si Eliz. Kinabig niya ako palapit sa kanya at marahang tinapik ang aking likod. Nakakainis! Akala ko ba mababago niya ang hinaharap? Ang bata-bata pa ni Eliz at ang dami niya pang pangarap! Aura, naiintindihan mo na iyan, ‘di ba? Hindi maaari. Buhay ng tao na ang nakasalalay.

“Aura, walang makakapigil sa kamatayan ng isang tao. Hindi kasi ito nagkataon lang. Hindi kasi siya pinapatay ninoman. Alam mo ba kung sino talaga ang pumapatay? Ang oras. Ang oras talaga ang totoong pumapatay. Iyon nalang talaga ang oras na nalalabi kay Eliz. Kahit sabihan mo siya ngayon na mag-ingat, umiwas sa aksidente at lumayo sa kahit anumang sasakyan.. Mamamatay at mamamatay talaga siya sa kahit na anong paraan. Kasi.. iyon na ang kanyang oras. Wala nang makakapigil nito. Kaya ang dapat nating gawin, kung may nawala man sa buhay natin ay ang tanggapin ito kahit masakit.” Tiningala ko siya. Ngumiti siya sa akin. “Kaya hahanapin natin si Eliz ngayon at sabihin mo sa kanya ang gusto mong sabihin sa kanya bago siya nawala sa inyo. Okay ba?”

Napahikbi na ako at tumango. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status