Share

Partners In Crime
Partners In Crime
Author: Angel Megumi

Chapter 1

KILALA ang pamilya Monteza sa bayan ng Eldefonso bilang isa sa pinakamayamang pamilya. Dahil dito ay tinitingala sila ng kanilang mga kababayan. Subalit, lingid sa bayan ng Eldefonso ang dahilan nang biglaang pagyaman ng pamilya Monteza. Dahil na rin sa ipinagbabawal na gawain ay nagkaroon ng mataas na respeto mula sa mga tao ang pinuno nitong si Renato Monteza mula sa mga tauhan nito na umaasa rin ng magandang kabuhayan. Kung saan ay bumuo ito ng isang grupo na kung tawagin ay Mochizet.

Subalit, dahil na rin sa matikas na pangangatawan at angking kagwapuhan ni Renato Monteza ay nagkaroon ito ng maraming anak sa iba't ibang babae sa pagkabinata. Tatlong anak mula sa iba't ibang ina nabuo sina Tamara, Isabel at Margaret. Subalit ang tunay nitong asawa na si Florida Monteza ang siyang kinakasama nito sa mansyon kasama ang kanilang unica hija at tagapagmana na si Karadine Monteza.

Kilalang matapang na tao si Renato Monteza, ngunit may busilak din na kalooban. At kahit binuhay niya sa ilegal na trabaho ang kaniyang mag-ina na sina Florida at Karadine ay mapagmahal naman itong ama at asawa. At aminado siyang si Florida lamang ang tunay niyang mahal kaya ito ay kaniyang pinakasalan. Habang tanggap din naman ni Florida ang kaniyang nakaraan, subalit, lingid naman sa asawa ang kaniyang ilegal na trabaho dahil madalas ay nasa mansyon lamang ito kasama ang anak na si Karadine at ang ilang mga katiwala.

Pista no'n sa bayan ng Eldefonso, at kagaya nang nakagawian tuwing pista ay nagkakaroon ng masayang salu-salo pagkatapos ng costume parade. Nagniningning sa kagandahan si Karadine habang naglalakad kasama ang ilan din na mga kadalagahan sa parada. Hanggang sa matapos na ang parada at nagawa siyang lapitan ng kaniyang matalik na kaibigan na si Rosanna.

"Karadine! Napakaganda mo!"

"Salamat, Rosanna. E, teka, bakit pala hindi ka sumali sa parada?"

Ngingiti-ngiti namang napakamot nang hindi makati si Rosanna. "Ah, e, alam mo naman na wala kaming sapat na pera sa costume."

"Pero sana ay nagsabi ka sa akin para naman napahiram kita ng costume."

Napangiti lamang si Rosanna. "Ano ka ba, okay lang. Ang mahalaga naman sa akin ay kasali ang best friend ko!" Bahagya pa itong napatanday sa balikat niya at hinaplos niya naman nang marahan ang ulo nito.

Saka naman bumungad sa kanila ang kaniyang tatlong step sisters na sina Tamara, Isabel at Margaret. Lumapit agad sa kaniya si Isabel upang gawaran siya ng halik sa pisngi. "Napakaganda mo, Karadine!" pagpuri pa nito.

Sa tatlo ay tanging si Isabel lamang ang sadyang malapit sa kaniya habang sina Tamara at Margaret ay hindi man lang maibaba ang kilay sa tuwing nakikita siya. Palibhasa ay nabigyan na ang mga ito ng karapatan sa mansyon na manirahan dahil na rin sa kani-kanilang ina na nagsilbing katiwala upang mabuhay din nang marangya ang mga anak. Halos magkakaedad lamang ang tatlo, bale si Isabel ang pinakabata na nasa bente anyos na taong gulang habang mas matanda lamang ng isang taon si Tamara kay Margaret. Bente uno na si Margaret habang bente dos anyos naman si Tamara. Ka-edaran lang din naman ni Karadine si Isabel, matanda lang ng buwan si Isabel, dahil nang ipagbuntis ni Florida si Karadine ay manganganak na no'n si Isabela na siyang ina ni Isabel.

"Hoy, Isabel, sinabi naman namin sa'yo na 'wag kang lalapit basta-basta kay Karadine kapag kasama mo kami, e!" inis na sabi ni Margaret habang nagpapaypay. Tirik na tirik kasi ang init dahil buwan pa lamang ng Mayo.

"Sige na, lapitan mo na sila ate," malumanay na sabi ni Karadine kay Isabel. Kahit anong sungit ng dalawang step sisters ni Karadine sa kaniya ay iginagalang niya pa rin ang mga ito lalo na't mas matatanda ito sa kaniya. Bagama't nag-aaral na rin si Karadine ng martial arts dahil iyon ang nahiligan niyang sports.

Tipid pang napangiti si Isabel sa kaniya habang inirapan lamang siya nina Tamara at Margaret. At saka dali-daling naglakad paalis. Sigurado siyang wala itong ibang gagawin sa buong araw kundi ang maghanap ng mga gwapong lalaki na p'wedeng jowain. Ayon din sa mga k'wento sa kaniya ni Isabel.

"Naku, dedmahin mo na lang ang mga bastarda mong mga kapatid maliban kay Isabel. Aba, e, kung ituring ka, akala mo ay sila itong tagapagmana."

"Hayaan mo na, kapatid ko pa rin sila kahit na anong mangyari."

"Kapatid sa labas," pagtatama pa ni Rosanna. "Naku, itong si Margaret, akala mo ay kay ganda-ganda, mukhang ginuhit lang naman ang kilay! At itong si Tamara, parang isinawsaw sa ketchup ang labi dahil sa pagkapula ng tuka."

Natawa siya nang bahagya sa sinabi ni Rosanna. "Uy! Hayaan mo na, iyon ang trip nila, e. O, siya, kumain ka na lang sa bahay nang mawala iyang init ng ulo mo."

"Mabuti pa nga!" Kagaya kanina ay nakapulupot pa rin ang kamay ni Rosanna sa kaniyang braso hanggang sa makarating sila sa mansyon.

Doo'y nadatnan nila si Isabel na hindi na kasama sina Tamara at Margaret. "O, Isabel, nasaan sila Tamara?"

Sandaling napabuntong hininga si Isabel bago pa man sumagot, "Ayon, nakikipaglandian sa dalawang dayo sa ating bayan. Hinayaan ko na lang kasi gutom na rin ako, e."

"Ganoon ba? Bakit hindi man lang sila nag-iingat sa pakikipag-usap sa kahit na sino. E, paano kung may masamâ pa lang balak ang mga taong 'yon?"

"Hayaan mo na, para maturuan na rin ng leksyon ang kalandiang taglay ng dalawa!" sabat ni Rosanna na agad niyang sinikuhan. Kahit naman kasi hindi maganda ang pakikitungo sa kaniya ng dalawang kapatid ay ayaw niya naman na dumating sa puntong mapahamak ang mga ito.

Nakita niya na seryoso na rin sumasandok ng pagkain si Isabel nang lapitan ito ng katiwala na si Aleng Francia na nakatoka sa kusina. "Naku, Madam Isabel at Madam Karadine, narito na pala kayo, maupo na po kayo at ako na ang maghahain sa inyo."

"Ah, Aleng Francia, ako rin po, ah?" pagpapaalala pa ni Rosanna.

"Sige po, madam," sagot ni Aleng Francia.

Ngingiti-ngiti naman si Rosanna. "Napakasarap pala sa pakiramdam kapag tinatawag kang madam, ano?" Tila dinadama pa ni Rosanna ang buhay na mayroon si Karadine.

Magkakatabi silang naupong tatlo sa may dining area at doo'y hindi naiwasang ipagpatuloy ni Isabel ang usapan.

"Alam mo, Rosanna, ganiyan na ganiyan din ang pakiramdam ko noon noong una akong nakatuntong dito sa mansyon, 'di ba, Karadine?"

"Ah, oo. Mga sampung taong gulang pa lang yata tayo no'n, e," pagsang-ayon pa ni Karadine.

"Nakakatuwa kayo, parang kayo nga lang dalawa ang magkapatid," sabi pa ni Rosanna. "Naku, kung ako lang ang may dalawang malditang kapatid, gagawa ako ng paraan para mapalayas sila rito sa mansyon. Kung ako lang!" inis na paglalahad pa ni Rosanna.

Bagay na nagawang tawanan ng magkapatid. "'Wag naman, Rosanna. Ayoko namang ipagkait kina Ate Tamara at Ate Margaret ang buhay na mayroon ako noon pa. Saka, parang kailan ko lang din naman sila nakasama." Bahagyang namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Lalo na nang pumasok ang kanilang dalawang kapatid na sina Tamara at Margaret kasama ang kani-kanilang mga kaibigan.

"Speaking of the devil," napapataas kilay pang sabi ni Rosanna. At doo'y pinagmasdan pa nilang tatlo ang pagpasok ng mga ito.

Doon napatayo si Karadine dahil masyado yatang marami ang inimbitahan ng dalawang kapatid na mga bisita at lingid pa iyon sa kanilang ama. "Ate Tamara, Ate Margaret,

p'wede ko ba kayong makausap?" sabi niya nang makalapit sa mga ito.

"Nag-uusap na tayo, ano ba ang tingin mo rito?" sarkastikong sabi ni Tamara.

Habang tinaasan lamang din siya ng kilay ni Margaret at mabilis na hinila sa may gilid. "Ano bang problema mo? Mind your own business." Ramdam niya ang higpit nang pagkakakapit nito sa kaniyang braso na tipong bumabaon ang dulo ng kuko nito o baka naman sinasadya lamang iyon ng kaniyang half sister.

"Ah! Ate, nasasaktan ako!" napapaingit na sabi niya. Kaya naman to the rescue sa paglapit sina Rosanna at Isabel upang malaman kung okay lang siya.

Doon lamang siya binitiwan ni Margaret nang makalapit na sina Rosanna at Isabel. "Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano bang problema?"

"Ate, ang gusto ko lang naman ay bago kayo mag-imbita ng maraming bisita ay ipagbigay alam n'yo na muna kay papa."

Doon bahagyang napangisi si Margaret habang nakapamewang. "Wow, so wala pala kaming karapatan na mag-imbita ng mga taong gusto naming papuntahin dito sa mansyon? Hindi ba kami anak?"

"Wala akong sinabing gano'n," matapang na katwiran niya.

At doo'y inambahan siyang sampalin ni Margaret pero agad iyong sinalag ng kamay ni Isabel. "Ano ba, ate, tumigil ka na!" pasigaw na wika ni Isabel na naging dahilan para sandaling mapukaw ang tingin sa kanila ni Tamara na ngayo'y kabiruan ang mga kaibigan at ang dalawang dayo na kasama nila kanina ni Margaret.

"Sandali, ano bang nangyayari? Karadine, Isabel, ano na naman bang problema?" singit ni Tamara pagkalapit na pagkalapit.

"Wala namang problema, ate, gusto lang naman pagsabihan ni Karadine si Ate Margaret na bago mag-imbita ng maraming bisita ay ipagbigay alam muna kay papa," sagot ni Isabel na nagpainis naman kay Tamara.

Kaya naman sumentro ito ng tingin kay Karadine. "So, iyon pala ang ipinuputok ng budhi mo? Karadine, for your information ay nakita kami kanina ni papa. And, I think, okay lang sa kaniya na maraming bisita ngayon, tutal ay pista naman, e." Napabuntong hininga si Karadine. Sinisikap pigilan ang inis na nararamdaman. Napansin iyon ni Rosanna kung kaya't hindi nito napigilang hawakan siya nang mahigpit sa braso. "So? May problema pa ba, Karadine?"

At doon na hindi nakapagtimpi si Karadine. "Alam n'yo kung anong problema, Ate Tamara? Iyang mga asal n'yo. Sumusobra na kayo, e. Hindi n'yo na iginalang ang bahay na pinagsikapan ni papa na maitayo, hindi n'yo na iniingatan ang yaman na mayroon tayo. Hindi ba't kabilin-bilinan ni papa na 'wag tayo basta-bastang magpapapasok ng kahit sino sa mansyon? Dahil narito lahat ng ating mga ari-arian. Pero kung wala naman kayong pakialam sa mga ari-arian na 'yon ay problema n'yo na 'yon." Matapos niyang sabihin ang mga katagang 'yon ay naiwang tulala ang dalawa niyang nakatatandang kapatid habang nagawa naman siyang sundan nina Isabel at Rosanna.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
angelagastador16
ang sama ng mga ugali ng mga half-sisters mo Kara...... mabuti pa si Isabel.. dapat lumugar lang yang si Margaret at Tamara
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status