Share

Chapter 6

"Hay! Nakakapagod din pala ang mag-training ng ganito!" bulalas ni Karadine sa kawalan bago pa man tunggain ang tubig na nasa kaniyang tumbler.

Subalit hindi pa man siya tuluyang nakakainom ay isang pamilyar na boses naman ang bumungad sa kaniya. "Ang galing mo kanina."

Pagkalingon niya rito ay imbes na magandang ngiti ang mabungaran niya rito ay pagiging seryoso ng mukha pa ang nakita niya. Kaya naman matapos niyang tunggain ang tubig na nasa tumbler ay bahagya siyang napailing at sinabi, "Hindi ko alam kung pinupuri mo ba ako o iniinsulto, Yvo."

Tipid naman itong napangisi. "Seryoso ako."

Bahagya namang napataas ang kilay niya. "Halata nga, kasi never ka pa namang ngumiti sa harapan ko, e."

"Anong ibig mong sabihin? Na hindi ako marunong ngumiti?"

"Hm, wala akong sinasabi. Pero kung ikukumpara kita kay Renzo, mas madalas ko siyang nakikitang nakangiti kaysa sa'yo. Para bang pasan mo ang buong mundo?" may tonong pang-aasar pa niya. Inaasahan niyang mapapangiti na ito sa sinabi niya subalit nanatili pa rin itong seryoso. Kaya naman nakiramdam na siya na hindi iyon ang perfect timing para makipagbiruan dito.

Nanatili ang katahimikan sa pagitan nila hanggang sa dumating na rin si Renzo at doo'y nagkaroon ng sigla ang bawat sandali. Subalit hindi naman nila inaasahan na bigla na lang aalis si Yvo. "Hayaan mo na 'yon, Madam Karadine, madalas talagang weird 'yong kaibigan ko, e."

"Paano naman naging weird?" takang tanong niya.

"E, mas gusto kasi no'n palagi ang mag-isa, maliban na lamang kapag kailangan talaga naming magsama-samang lahat," sagot ni Renzo na bahagyang nakapagpatango sa kaniya. "Pero, 'wag kang mag-alala, mahuhuli mo rin ang ugali no'n, mabait 'yon si Yvo, promise." Napangiti na lamang siya sa kawalan bago pa siya tawagin ng kaniyang ama upang sumakay na muli sa may kalesa. Magkakasama naman na nakasakay sa may Gazelle Next Van ang kaniyang ama kasama sina Yvo, Renzo at iba pa nitong tauhan na nagawang sumunod sa may kapatagan habang nagti-training siya kanina. Nang makita niyang paandar na ang sinasakyan ng kaniyang ama at ng mga tauhan nito ay saka niya rin nakitang paalis ang kotseng sinasakyan ni Ken at ng driver nito.

Agad naman silang nakarating sa may pabrika at minabuti ng kaniyang ama na siya muna ay manatili sa may k'warto subalit tumanggi siya. Dahil nais niyang matutuhan naman ang paggamit ng baril.

"Matutuhan mo rin 'yan, anak, hindi magtatagal ay isasabak na rin kita sa may shooting range pero mas mabuting matutuhan mo muna ang paraan sa pakikipaglaban upang matutuhan mo rin na maipagtanggol ang 'yong sarili," wika ng kaniyang ama. Subalit hindi na naalis ang kaniyang tingin sa isang air pistol na nasa tagiliran ng kaniyang ama. Aniya'y mas makabubuting matutuhan niya na rin ang paggamit ng baril upang higit na mas kayanin niya nang ipagtanggol ang sarili sa anumang trahedyang dadating.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay natatanaw sila ni Yvo habang magkausap sila ng kaniyang ama. Kaya naman hindi rin nito inaasahan ang nagawa niyang pagbunot ng air pistol mula sa tagiliran ng kaniyang ama. Dahilan para hindi maiwasang tumaas ang boses ng kaniyang ama.

"Karadine! Ano bang ginagawa mo?"

Subalit unti-unti ay tila pumayag na itong tuluyan nang manatili sa kamay niya ang baril. Doo'y may sinentro siyang isang bagay habang sentro ng mata niya ang dulo ng air pistol na 'yon. Saka niya nagawang ikasa ang nakakurbang kasahan nito, bagay na hindi inaasahan ng kaniyang ama na magagawa niya nang walang katakot-takot.

Naririnig niya pa rin ang boses ng kaniyang ama na may pagpigil habang hindi rin naman makapaniwala si Yvo na wala siyang takot sa paghawak ng baril. Hanggang sa kontrolin niya na ang kaniyang daliri para paputukin sa kawalan ang air pistol. Subalit, nanatili ang pagkatitig sa kaniya ng ama habang unti-unti niyang ibinababa ang hawak na baril.

"Paano mo nagawa 'yon, anak? Hindi ko inaasahang wala kang katakot-takot sa paggamit ng baril," napapahangang wika nito habang inaabot ng palad ang air pistol bago pa man paputukin iyon sa kawalan.

Saka naman siya mabilis na nakapagtakip ng magkabilang tainga dahil sa lakas ng tunog nito gayundin sa nabasag na stained glass na siyang tinamaan nito. "Papa, mamahaling gamit pa ang tinamaan mo," wika niya na hindi naman inaasahan ng kaniyang ama na ito'y kaniyang sasabihin.

"Pambihira ka, anak, buong akala ko naman ay sasabihin mong sana ay hindi ko na pinaputok pa ang baril."

Napailing lamang siya habang napapangisi. "Pero hindi ba't mas mapanganib kung puputok iyan sa mismong tagiliran mo, papa?" aniya na bahagyang ikinatango nito, lalo na't batid nito na siya pa ang nagkasa ng baril.

"Sabagay, o, siya nga pala. Mukhang hindi na matatagalan pa ang training mo para sa shooting range, Karadine. Mukhang pinaghahandaan mo na, e." Hindi niya maiwasang makagat ang pang-ibabang labi, hindi dahil sa sinabi ng kaniyang ama, kundi dahil sa hindi sinasadyang mahagip ng mata niya si Yvo na nakatanaw pala sa kanila. Ngunit hindi naging dahilan 'yon para mawala siya sa sarili matapos niyang mapahanga ang sariling ama. Matatandaang wala siyang pag-aalinlangang tinanggap ang posisyon sa pabrikang iyon na inalok pa ng kaniyang ama bilang kanang kamay nito, kaya nakatatak na sa kaniyang isipan na mas lalo pa niyang pagbubutihin ang trabahong iyon-- kahit na sadyang delikado at nakataya ang buhay niya para rito.

Sa tuwina ay hindi niya naman inaasahang tatawagin ng kaniyang ama si Yvo para sabihing, "Yvo."

"Bakit, boss?"

"Tawagin mo ang lahat at may mahalaga lang akong ia-anunsyo." Napatango naman si Yvo na bahagyang napatingin pa sa kaniya.

Sa sarili ay hindi niya maintindihan kung paano siya naaapektuhan ng bawat tingin ni Yvo. Pakiramdam niya ay nagliliparan ang mga paru-paro sa kaniyang tiyan na hindi niya naman dapat maramdaman. Lalo na't hindi maaaring magkagusto siya sa isang miyembro ng sindikato.

Maya-maya pa'y nagsidatingan na rin ang iba pang tauhan na sina Renzo, Florencio, Fernando, Joey at Billy. Doo'y tinipon ng kaniyang ama ang lahat habang siya naman ay pinagpahinga na muna nito sa k'warto. Ngunit sadyang ayaw magpatalo ng kaniyang isipan nang dahil sa kuryosidad, dahil tila may nag-uudyok sa kaniya na pakinggan ang sasabihin ng kaniyang ama sa mga tauhan nito. Kaya naman lingid sa lahat ay nanatili siya sa may dingding na malapit sa kinaroroonan ng mga ito at nakinig. At doo'y narinig niya ang pagpapahayag ng kaniyang ama. "Ngayon na parte na ng aking grupo ang aking anak na si Karadine ay mahigpit kong ipinagbabawal na mapalapit kayo sa kaniya."

"Bakit naman po, boss?" giit agad ni Renzo.

"E, para na rin sa ikabubuti ng lahat. Dahil ayokong puso ang pairalin ni Karadine sa bawat ingkwentro na maaari nating harapin." Doon napahalukipkip ang lahat lalo na't imposibleng hindi magkagusto ang kahit isa sa mga tauhan dahil sa taglay na alindog ni Karadine. "Pero kung kinakailangan ninyong kausapin si Karadine ay ayos lang naman, ayoko lang maging close siya sa bawat isa sa inyo. Naiintindihan n'yo?"

"Masusunod po, boss," sagot ng lahat. Habang lihim namang tumututol si Yvo sa kagustuhan ng kanilang amo.

Maghahating gabi na nang ipatawag ni Renato si Karadine kina Yvo at Renzo. Kaya naman nagkaroon ng pagkakataon si Karadine na makausap ang dalawa, gayunpama'y napuna niya na tila naging matabang sa kaniya si Renzo na unang nakipagkaibigan sa kaniya.

"Uy, bakit hindi kayo nagsasalita?" pagkukunwari niyang walang kaalam-alam sa naging bagong bilin ng kaniyang ama. Hanggang sa kalabitin niya si Renzo na higit niyang mas nakakausap kaysa kay Yvo. "Renzo?"

"Ahm, paumanhin, Madam Karadine, ngunit--"

"Renzo, hindi mo kailangan banggitin sa kaniya ang bagay na 'yon," pagkaklaro ni Yvo sa kaibigan.

Gayunma'y nagpakita pa rin siya nang pagtataka sa dalawa habang nakasunod sa paglalakad ng mga ito patungo sa hapagkainan. Sa kaniyang pagdating ay nagpakita pa sa kaniya nang paggalang sina Florencio, Fernando, Joey at Billy. Bagay na ipinagtaka naman niya.

"Ano ba kayo, hindi n'yo ako kailangang igalang, pare-pareho tayong nagtatrabaho rito," aniya na nagbigay naman ng tipid na pagngiti sa lahat. Kapansin-pansin ang pagiging tahimik ng mga ito nang dumating siya, ibang-iba sa unang araw na nakasama niya ang mga ito, bagay na hindi naging komportable sa kaniya. Kaya naman sa kalagitnaan ng pagkain ay hindi niya na napigilang komprontahin ang ama. "Papa, ano ba talagang nangyayari? Bakit parang may nagbago?"

"Ah, anak, pinoprotektahan lamang kita. Kasi hindi biro ang magiging trabaho mo bilang kanang kamay ko."

"A-ano pong ibig mong sabihin, papa?"

"Pagkatapos ng mga training mo sa martial arts at shooting range, ay papasabakin na kita sa isang misyon. Pero siyempre, hindi naman kita hahayaang mag-isa, sasamahan ka ng isa sa mga tauhan ko. At kung tungkol saan man 'yon, saka mo na malalaman." Hindi niya maiwasang mapaisip hanggang sa muli niyang marinig ang boses ng ama. "Ahm, kumain na ulit tayo," pag-aaya nito sa lahat.

Matapos ang salu-salo ay nagpasya na ang kaniyang ama na sila'y umuwi. Subalit inihabilin muli nito sa mga tauhan na isara ng maayos ang pabrika. Samantala'y nananatili roon si Renzo upang magbantay buong magdamag. Ayaw lang talaga ng kaniyang ama na sasabay ang mga tauhan nito sa kanilang pag-alis. Lalo na't nag-iingat ito na baka may makatunog na mula sa ilegal ang negosyong pinapatakbo nito.

Nadatnan nilang gising pa ang kaniyang inang si Florida at hapong-hapo ito dahil sa maghapong pagtitinda sa kanilang tindahan. Katuwang nito si Isabel kung kaya't nadatnan niya rin na pagod na pagod ang kapatid. Dahil doon ay nagpasya ang kaniyang ama na alalayan ang kaniyang ina patungo sa k'warto, habang naiwan naman sila roon ni Isabel. Sa tingin niya ay iyon na ang tamang pagkakataon para kausapin niya ito.

"Isabel?" Nakita niya ang tipid na pagngiti nito, marahil ay sa pagod lamang, ngunit kahit hindi nito sabihin ay ramdam niya na may pagtatampo ito sa kaniya. "Patawarin mo ako sa inasta ko sa'yo kagabi. Pagod lang talaga ako kaya inaasahan ko na mauunawaan mo 'yon."

"Naiintindihan ko naman, Karadine. Pero sana ay hindi mo ako tinalikuran. Ang sakit lang isipin na parang binalewala mo ang pag-aalala ko sa'yo."

Napabuntong hininga siya bago pa man ito salubungin ng yakap. "Hay, sorry na." Saka niya ito muling hinarap na ngayo'y nakikita niya na ang mumunti nitong luha. "Tahan na, nais kong malaman mo na na-a-appreciate kita, saka.. alam ko naman na, tayo lang dalawa ang magkakampi sa ating magkakapatid."

"Hay, Karadine. Bilang mas nakakatanda sa'yo, kahit na magkaedad lang tayo, nais ko pa rin maging ate para sa'yo. Kasi mahal kita kahit na.. magkaiba tayo ng naging ina." Hindi niya maiwasang maluha sa mga salitang binitiwan ni Isabel, pakiramdam niya tuloy ay mas dapat pa siyang maging matapang sa anumang hamon na maaari niyang harapin simula nang tanggapin niya ang trabahong inalok ng kanilang ama.

"Hay, tama na nga ang drama, magpahinga na tayo at bukas ay panibagong araw na naman ang haharapin natin," aniya.

"Sandali, desidido ka na ba talagang magtrabaho sa pabrika ni papa?"

"Oo, Isabel, para sa pamilya natin, kaya ko ito ginagawa."

"Pero hindi mo kailangang gawin 'yon para sa pamilya natin. Ikaw ang nag-iisang tagapagmana, 'di ba?"

"Noon 'yon, pero nang dumating kayo, hati-hati na tayo sa manang makukuha ko."

"Pero karapatan mo 'yong ipagkait sa amin lalo na't ikaw ang legal na anak ni papa." Tipid siyang napangiti bagama't nakakunot ang kaniyang noo sa mga sinabi ni Isabel. Hindi naman kasi siya pabor sa kagustuhan nitong ipagdamot niya ang manang dapat ay sa kaniya lamang.

"Isabel, ikaw na ang nagsabi, mahal mo ko bilang kapatid. Kaya mahal ko rin kayo nila Ate Tamara, kahit na mga half sisters lang tayo. Kaya, hindi ako pabor sa gusto mo.. kaya nga sinasanay ko na ang sarili ko na magbanat ng buto, dahil hindi habang buhay ay nandito sila papa." Hindi na nagawang makipagtalo pa ni Isabel sa kaniya at sabay na rin silang umakyat sa kani-kanilang mga k'warto para makapagpahinga.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status