Share

Chapter 2

NAGPATULOY ang masayang kapistahan. Makikita ang saya sa mga mata at bibig ng mga tao sa bayan ng Eldefonso. Subalit, kapansin-pansin ang pagiging balisa ni Karadine. Magtatakip silim na kasi pero hindi pa rin umuuwi ang kanilang ama. Batid niya na nagsisikap itong kumita para sa kanilang pamilya subalit ang ipinagtataka niya ay kung bakit madalas ay mahigit walong oras ang pamamalagi nito sa negosyo. Nakauwi na rin kasi si Rosanna kung kaya't wala na rin siyang ibang makausap bukod kay Isabel. Bukod pa ro'n ay mailap niya rin nakausap sa maghapon ang inang si Florida dahil na rin sa pagiging abala nito sa kanilang sari-sari store na malapit sa bayan. Isabay pa ang pag-aalala dahil hindi pa rin bumabalik sina Tamara at Margaret simula nang umalis ang mga ito kanina.

Matapos kasing kumain at tumambay ng mga bisita nina Tamara at Margaret sa mansyon ay nag-aya ang mga kasama nitong manuod ng dance contest sa bayan. Nakagawian na kasi sa kanilang bayan ang gano'ng pagdiriwang tuwing kapistahan. Kaya naman bago dumating ang hapunan ay inaya niya si Isabel na lumabas para hanapin sina Tamara at Margaret.

"Isabel, p'wede mo ba akong samahan sa bayan? Narinig ko kasi kanina na roon nagpunta sila Ate Tamara para manuod ng dance contest, pero ilang oras na ang lumipas ay hindi pa sila bumabalik."

"Karadine, hayaan mo na sila ate, uuwi rin ang mga 'yon. At saka, baka nag-e-enjoy lang sila kasama ang mga kaibigan nila."

"Sigurado ka ba riyan? Hindi kasi ako panatag sa dalawang dayo na kasama nila kanina, e. Alam mo naman na ang pamilyar lang sa atin ay ang iba nilang mga kaibigan kanina," katwiran niya.

"Hay, kung anuman 'yang iniisip mo, Karadine, tiyak ako na hindi 'yon mangyayari. Malaki na sila ate at kaya na rin nilang ipagtanggol ang sarili nila. Saka, public place naman ang pinuntahan nila, e. Kaya sigurado akong walang masamang mangyayari sa kanila."

Bahagya siyang napanatag. Subalit hindi pa rin mapawi sa isipan niya ang kakaibang pakiramdam para sa dalawang lalaki na 'yon na halatang natitipuhan ang kaniyang dalawang step sisters na sina Tamara at Margaret. "Pero sigurado akong may pagkabastos ang dalawang dayo na 'yon, Isabel."

"Paano mo nasabi?"

"Kitang-kita ko kanina ang malalagkit na tingin ng dalawang 'yon kina Ate Tamara at Ate Margaret. Naku, 'wag lang talaga silang magkakamali at ako mismo ang maghaharap sa kanila kay papa."

"E, teka, nasaan na nga pala si papa? Hindi pa siya nakakatikim ng mga handa mula kanina," nag-aalalang tugon ni Isabel.

"Iyon nga rin ang iniisip ko, Isabel. Minsan nga napapaisip akong alamin kung ano ba talagang negosyo ang pinasok ni papa at kung bakit madalas siyang wala rito sa mansyon. Minsan kasi ay dapat rest day niya na lang pero pinapatawag pa rin siya roon."

"E, natural siguro 'yon kasi si papa ang nagma-manage ng negosyo. Gano'n din naman si Mama Florida, 'di ba? Sa tuwing nagbabantay sa inyong tindahan. Habang nagsisilbi naman dito sa mansyon si Mama Isabela. Kita mo at nakukuha natin ang lahat ng mga gusto natin, dahil nagsisikap ang mga magulang natin."

Tipid siyang napangiti. "Oo nga at balang araw ay tayo naman ang magsisikap para bumawi sa kanila. Pero, ang sa akin lang ay magpahinga naman sila, alam kong hindi lang sila umaangal na pagod na para sa ating mga anak nila." Napabuntong hininga na lamang si Isabel at saka napatanday ang ulo sa balikat niya. At pareho silang napatayo mula sa sofang inuupuan nang matanaw ang kanilang ama at ina na dumating. Madilim na ang paligid ngunit nang makatapak ang mga ito sa pinakamaliwanag na parte ng salas ay

makikita ang pagkahapo sa mga awra nito at doo'y hindi na sila nagawang batiin pa. "Ma, pa," pagbigay pansin niya. Sandali namang napalingon ang mga ito habang pinili namang maupo ng dalawa sa may sofa. "Mabuti naman po at nakauwi na kayo. Hindi n'yo po ba nasalubong sila Ate Margaret sa bayan?"

"Bakit? Nasaan ba sila?" ganting tanong naman ng kaniyang ina. Doo'y tinutukan naman ang mga ito ng bentelador upang mapawi ang init na nararamdaman ni Florida nang dahil sa pagod.

Sandali pa silang nagkatinginan ni Isabel, nagpapakiramdaman kung sasabihin ba ang katotahanang nag-imbita ng maraming bisita ang kanilang dalawang kapatid na lingid sa kanilang ama. "Ahm, ang alam ko po ay kasama nilang manuod ng dance contest ang mga kaibigan nila."

"Dance contest? Ang alam ko ay kanina pa natapos 'yon, ayon din sa customer ko kanina. Pero teka, saan naman kaya sila pupunta ng ganitong oras?"

"Hayaan mo na, Florida, baka nag-e-enjoy lang ang dalawa ngayong kapistahan. Hindi ba't palagi naman nilang ginagawa 'yon tuwing pista? Dadayo sa kahit saang tahanan upang makisaya," sabi ng kanilang ama na ngayon lang nagawang magsalita.

"E, teka, bakit po pala parati na lang kayong ginagabi nang uwi? At kapag rest day n'yo naman ay kinakailangan n'yo pa rin umalis para asikasuhin ang mga negosyo natin. Ma, pa, batid ko na nagsisikap kayong dalawa para sa ating pamilya, pero tumatanda na po kayo, at kailangan n'yo rin nang sapat na pahinga."

Doon lang siya nagawang sentruhin ng kaniyang ama. "Anak, kahit ang mama mo na lang ang alalahanin mo, 'wag na ako, dahil kayang-kaya ko ang sarili ko," malumanay na pahayag ng kaniyang ama.

"Kaya nga nag-aalala ako, e, ma, bakit kasi hindi ka na lang kumuha ng tindera sa ating tindahan?"

"Anak, mahirap na kasing magtiwala sa kung sino, alam mo naman 'yan, 'di ba? Kaya hangga't kaya ko pa ay ako ang magbabantay doon."

"Naku, anak, hindi mo mapipigilan ang ina mo. Ako nga na gustong ipasara na ang tindahan na 'yon para rito na lamang sana siya sa mansyon. Tutal naman ay kumikita naman ako sa isa pa nating negosyo."

Tahimik lamang na nakikinig sa kanila si Isabel. At doo'y namuhay ang kaniyang napag-isipan mula pa noon. Ang kagustuhang alamin ang tungkol sa sinasabing negosyo ng kanilang ama. "Iyon na nga, pa, kumikita ka nga nang malaki, pero halos wala ka nang pahinga. Pero bakit hindi mo na lang ako isama sa isa pa nating negosyo para naman magka-ideya ako kung ano 'yon?" Doon sila nagkatinginan ni Isabel habang kitang-kita naman ang pagtataka sa mga mata ng kaniyang ama. "Ang ibig kong sabihin, balang araw ay tutulong na rin po akong mag-manage ng ating negosyo, o di kaya ay sina Isabel at Ate Tamara. P'wedeng ang dalawa sa amin ay sa isa pa nating negosyo habang ang dalawa naman ay magiging katuwang ni mama sa pagbabantay ng tindahan."

"Naku, Karadine, malabong maasahan sila Ate Tamara sa pagbabantay o pagtulong, kita mong happy go lucky lang ang alam ng mga 'yon, e," katwiran ni Isabel.

"Tama si Isabel, Karadine, saka wala pa kayong alam tungkol sa pamamalakad ng negosyo, nag-aaral pa kayo at ang gusto ko ay makatapos na muna kayo bago sumabak sa pamamalakad ng negosyo," ang sabi ng kaniyang ama na halatang mas pinaburan ang sinabi ni Isabel. Bagay na lalong nag-udyok sa kaniya na alamin kung ano ba talaga ang motibo ng kaniyang ama kung bakit parang ayaw nitong mangialam silang mga anak tungkol sa negosyo.

"May punto ang ama n'yo. Isa pa, dapat sa ganiyang edad ay nag-e-enjoy din kayo katulad ng Ate Tamara at Ate Margaret n'yo. Pero, teka, nasaan na nga ba sila?" Hindi na gaanong pinansin pa ni Karadine ang sinabing iyon ng ina. Ang tanging nasa isip lang niya ay kung paano ba niya makukumbinse ang ama na payagan siyang isama sa sinasabi nitong negosyo. At hindi niya alam ngunit hindi siya pinatutulog ng isiping iyon.

Samantala'y nang magkakasama na silang kumain ng hapunan ay hindi pa rin dumadating sina Tamara at Margaret. Kaya naman hindi na maiwasan ang labis na pag-aalala ng mga itong sina Tanya at Maria.

"'Wag na kayong mag-alala, Tanya at nag-utos na ako ng tauhan kong susundo sa mga anak natin." Sandali namang napatango si Tanya habang nagkatinginan pa ito nina Maria at Florida. Habang si Isabela naman ay makikita ang kapanatagan dahil batid naman nitong naroon ang kaniyang anak na si Isabel.

Lingid sa kanilang kaalaman na kasalukuyang dumayo sa ibang bayan ang kanilang mga anak na sina Tamara at Margaret. Nagka-ayaan ang mga itong mag-inuman matapos manuod ng dance contest doon sa bandang kabundukan ng karatig bayan. Kung saan ay nakatira sina Philip at Andrew na silang dayo sa kanilang bayan ng Eldefonso. At dahil maraming tauhan si Renato Monteza ay mabilis nalaman ng mga ito ang kinaroroonan nina Tamara at Margaret, sa tulong din ng web syndication na madalas gamitin ng kanilang grupong Mochizet. Pero kahit ilegal na negosyo ang naisip ni Renato ay ayaw niyang dungisan ang kaniyang sariling kamay na pumatay ng tauhan na papapalpak sa kaniyang plano. Madalas ay ang pakikipagtransaksyon nila sa mga parokyano sa kanilang mga produktong baril ay nagiging maayos at walang nagiging problema. Wala pa rin namang nababalitang krimen sa kanilang bayan dahil ang tanging nais lamang ni Renato ay ang makilala ang kaniyang negosyo at kumita kahit sa ilegal na paraan.

Malayo pa lang ay dinig na dinig na ang malakas na pagtawa ni Margaret sa madilim na bahagi ng palikuran. Siyang-siya kasi itong kaharutan si Philip, na nagpakita agad ng atraksyon at pagnanasa sa kaniya. At dahil nais din maranasan ni Margaret ang may makatalik sa edad na bente uno ay hindi na ito nagpatumpik-tumpik pang tanggapin ang halik ni Philip na kanina pa nito hinihingi sa kaniya. At dahil sa matinding kalasingan ay mas naging agresibo sila na gawin ang bagay na maaaring ikagalit ng kaniyang ama't ina na sina Renato at Maria. Habang si Tamara naman ay naiwan pa sa bahay na pinag-iinuman kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Doo'y alerto naman ang grupo ng Mochizet na alamin kung saan nanggagaling ang mga boses na 'yon. Hanggang sa makarinig na sila ng munting ungol mula sa lalaki at babae. "Magmatyag kayo roon at dito naman ako," utos ni Yvo habang pinapakiramdaman kung saan niya mas malinaw na narinig ang ungol. Dala ang kanilang mga armas na baril ay sinuyod nila ang madilim na bahagi ng kabundukang iyon.

"Sigurado akong may ginagawang milagro ang dalawang taong 'yon," bulong ni Renzo na isa rin sa mga tauhan.

"E kung magpaputok na kaya tayo at nang tumakbo palabas ang mga 'yon?" wika naman ni Florencio.

"Pero kabilin-bilinan ni Sir Renato na 'wag tayong basta-bastang magpapaputok. Ang importante rito ay ang kaligtasan ng dalawa niyang anak," sabi ni Yvo.

Samantala'y sandaling natigilan sa pag-ulos si Philip sa kasagsagan ng kasarapan nila ni Margaret nang makarinig ito ng mga kaluskos. "Bakit ka tumigil?" tanong ni Margaret subalit sumenyas lamang ito na 'wag siyang maingay. "Bakit nga?" pabulong niyang katanungan.

"May mga taong dumating. Iba ang kutob ko, Margaret."

"Pero binitin mo ako," katwiran niya. Tipid na napailing si Philip.

"Sinabi nang 'wag kang maingay, e," anito hanggang sa naisipan na nila parehong magbihis. "Dito ka lang, 'wag na 'wag kang lalabas dito," pagpapaalala pa sa kaniya ni Philip.

"Pero saan ka pupunta? Bakit iiwan mo ako rito? Nakakatakot mag-isa rito," giit niya.

Hindi akalain ni Margaret na ang lalaking nakasiping niya ay isa pa lang parokyano ng kaniyang ama sa baril. Doo'y humugot ng baril si Philip habang hinahanap kung saan narinig ang kaluskos na 'yon. At ilang sandali pa ay hindi niya na napigilan pang magpaputok. Kaya naman umalingawngaw ang malakas na putok ng baril sa paligid at doo'y sinimulan nang matakot ni Margaret. Napatakip siya sa magkabilang tainga hanggang sa isang putok ng baril na 'yon ay nadagdagan pa ng napakaraming putok ng baril. Doon na natigilan si Tamara kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Na lingid sa kanilang kaalaman ay nakikipagpalitan na ng bala si Philip sa grupo ng mga Mochizet. Lalo na't napag-alaman din ng grupo ng mga Mochizet na si Philip ang katalik ni Margaret dahil kitang-kita ni Yvo na lumabas ito ng palikuran kung saan siya malapit na nagmatyag.

Ilang saglit pa ay tadtad na ng tama sa katawan si Philip habang niresponde naman ng mga tauhan ni Renato Monteza si Margaret na tila lutang pa rin sa pangyayari. "Sino kayo? Anong gagawin n'yo sa akin?" tanong ni Margaret at maya-maya pa'y natanaw niya ang duguan at wala nang malay na katawan ni Philip. "Walang hiya kayo! Bakit n'yo pinatay si Philip?" Subalit wala siyang narinig na kahit na anong salita sa mga naka-bonet na kumuha sa kaniya. At saka siya isinakay sa van at inisip na baka iyon na ang katapusan niya.

Ilang sandali pa ay nagtatakbo na rin sina Tamara at ang mga kaibigan nito ngunit mabilis na nakuha ng grupo ng Mochizet si Tamara upang magkita na ang magkapatid. "Margaret?"

"Ate!" Napayakap ang dalawang magkapatid sa isa't isa habang binabalot pa rin sila ng takot. Hanggang sa tuluyan nang umandar ang van na wala pa rin silang kamalay-malay kung saan sila dadalhin ng mga ito.

At nabuhayan naman sila ng pag-asa nang matanaw nila na roon sila ibinaba ng mga ito sa bayan mismo ng Eldefonso.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status