Share

Kabanata 1.1

Maxine's POV

TULALA lamang ako habang nakatingin sa kawalan. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko sa mga oras na ito dahil sa aking narinig at nalaman mula sa pamilya Francisco.

     "Maxine, nakikinig ka ba ha? Aba'y kanina pa ko salita nang salita dine!"

Saglit akong natigilan at bumuntong hininga. Nilingon ko si nanay na nakakunot ang mga kilay habang nakatingin sa akin.

     "Ma, paano naman po ako?"

Pakiramdam ko ay pinagbagsakan ako ng langit at lupa. Kahit na maganda ang intensyon ng pamilya Francisco- hindi naman siguro tamang pilitin ko ang sarili ko na mag pakasal sa lalaking hindi ko naman gusto o hindi ko naman mahal!

     "Aba'y anong paano ka? Dapat ang isaalang-alang mo ay kung paano tayo! H'wag ka namang makasarili Maxine!" Sigaw ni nanay sa akin kaya bahagya akong napapikit.

Makasarili? Makasarili bang isipin ko rin ang buhay ko kapag tinanggap ko ang alok nilang iyon sa akin? Lahat naman ay handa akong gawin h'wag lang ang matali sa taong hindi ko pinangarap na makasama.

     "Ma. Sana, maintindihan mo rin ako. Hindi naman din biro ang gusto nilang mangyari. Habang buhay kong ikukulong ang sarili ko sa lalaking hindi ko naman ginusto!" Katwiran ko at napahilamos naman si nanay sa kanyang mukha.

     "Mag-isip ka naman ng tama, Maxine! Grasya na ang lumalapit sa atin tapos itinataboy mo pa! Wala na nga tayong makain! Nasa kulungan pa si Lutcho! Tapos ang tatay mo hindi natin mailabas sa ospital dahil malaki pa ang babayaran! Itong mga batang ito? Ano paano na? Sige nga! Uunahin mo ba ang sarili mong kapakanan ha?!" Singhal ni inay kaya naman mas lalo lamang akong nakaramdam ng hilakbot sa aking puso.

     "Ang akin lang naman ho, baka may iba pang paraan para mailabas si Lutcho roon-"

     "Ano pa bang paraan ang naiisip mo? Sige nga sabihin mo? Isipin mo rin kung paano giginhawa ang buhay natin. Wala kang mararating kung puro pride 'yang inuuna mo!"

Inis itong tumayo at iniwanan na lamang ako. Muli akong napabuntong hininga at napapikit. Pinakiramdaman ko ang aking sarili at pilit na isinasaisip ang mga sinabi ni inay.

Madalas ay ganyan talaga s'yang magsalita. Pasok sa kanang tenga at labas naman sa kaliwa ang mga ginagawa ko dahil ayoko namang magtalo pa kami ng husto.

Lumaki kaming walang gintong kutsara sa harapan namin ni Lutcho. Nagtatanim lang din ng palay si tatay- masuwerte na lang kung minsan ay mataas ang bentahan pero madalas ay lugi talaga.

Nag trabaho ako sa Maynila bilang isang waitress. Ang problema ay nalugi na rin ang pinapasukan kong trabaho. Ang dami ko na ngang pinag-aplyan ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring tumatawag kahit isa.

Puro interview lang ang ganap pagkatapos ay sasabihing tatawag na lang ulit para sa resulta. Napilitan akong umuwi rito dahil nga nagkasakit si tatay.

Noong una ay nakakaya pa namin dahil nga may ipon pa ako, ngunit habang tumatagal ay pabigat nang pabigat ang mga gastusin hanggang sa wala ng natira sa perang inipon ko sa loob ng tatlong taong pagtratrabaho ko sa Maynila. 

Napamulat ako nang maramdaman ang maliit na kamay na dumapo sa aking braso. Nakita ko ang anak ni Lutcho, ang pamangkin kong si Lucy.

Payat ito at kayumanggi ang kulay ng balat. May kasingkitan ang mga mata nito at maiksi ang buhok na hanggang balikat lamang.

     "Bakit, Lucy?" Tanong ko rito habang nakatingin lamang ito sa akin.

     "Tita.. nagugutom na po ako." nanghihina nitong sabi kaya naman ay napalabi ako.

Tinapay lang kasi ang kinain nila. Wala na rin silang gatas. Ni bigas ay wala rin kami.

Napahilamos ako sa aking mukha at iniisip kung saan kukuha nang makakain ng mga bata.

     "Hintayin mo 'ko ha? Pupuntahan ko lang si Aling Jing. Baka may ekstrang pera s'ya at hihiram ako." Saad ko at tango lamang ang itinugon nito.

Nagmadali akong lumabas ng bahay at agad na tinungo ang bahay nila aling Jing. Kasama nila Aling Jing si papa noon sa pagtatanim kaya siguro naman ay puwede akong makahiram sa kanila.

     "Oh? Maxine, anong ginagawa mo rito?" Tanong nito at kunwari pa ay nagulat nang makita ako.

Lumunok muna ako ng laway bago magsalita. Agad n'yang isinarado ang pinto at halata ang panghuhusga sa kanyang mga mata.

     "Aling Jing, baka pwedeng makahiram ako ng pera kahit magkano lang. Ibabali-"

     "Naku, wala rin kaming pera Maxine. Pasensya na. Sa iba ka na lang manghiram. Mahirap rin kasing mag pautang at baka hindi mabayaran." Makahulugan nitong saad at agad na pumasok sa loob ng kanilang bahay.

Napahilamos na lamang ako sa aking mukha at napabuntong hininga. Hindi ko alam kung dapat ba akong masaktan dahil sa mga sinabi n'ya sa akin.

Muli pa akong naglakad at pinuntahan ang ilan naming kakilala ngunit lahat sila ay halos iisa lamang ang sinasabi.

Noon, kapag sila ang may kailangan- nakakahiram agad sila kay tatay. Hindi iyon nag aalangan magpahiram kahit pa wala ng matira para sa sarili n'ya.

Napahinto ako sa aking paglalakad at sumilong muna sa isang mayabong na puno ng mangga. Napaka-init kasi ng panahon, pakiramdam ko ay mabibiyak na ang aking ulo sa sakit.

Ang hirap maging mahirap. Kapag wala kang pera ay hindi ka kilala nang mga tao. Kahit kamag-anak mo pa ay itatakwil ka.

Ni isa sa mga kapatid ni papa ay wala man lang nangamusta sa kanya. Walang may nais na tumulong. Lahat sila ay mababa ang tingin sa amin.

     "Ayoko na!" Sigaw ko sa kawalan at kasabay no'n ay ang pag salubong ng hangin sa aking mukha.

Bigla na lamang akong naging emosyonal. Pakiramdam ko ay pagod ang buong katawan ko sa kakaisip, maging ang buong utak ko.

Araw-araw na lang ay may mga bagong problema.

Naupo na lamang ako at hinayaang maglandas ang aking mga luha pababa sa aking pisngi. Hindi na kayang dalhin ng puso ko ang mga problema na kinakaharap namin.

Hindi ko alam kung ano pa ba ang dapat kong gawin. Noon, ang sabi nila kapag nagsisikap ka- yayaman ka.

Mali.  dahil ito ang katotohanan.

     "Maxine? Ikaw ba iyan, ineng?" 

Napaangat ako ng tingin at dito ko nakita ang isang kakilala ni papa. Agad kong pinunasan ang aking mga luha at kahit kinakabahan man ay lalakasan ko na lamang ang aking loob. 

     "May ekstrang pera ho ba kayo? Ibabalik ko naman kapag nagkaroon na ho ako ng trabaho-" 

     "Naku! Oo, meron. Ang kaso nga lang ay nasa bahay ko. Ayos lang ba sayong sumama sa akin?" Makahulugan nitong saad at tiningnan pa ako nito mag mula ulo hanggang paa. 

Walang pag aalinlangan akong tumango at sumunod sa kanya kung saan man ito nakatira.. desperado na ako. Kung ito lamang ang paraan para makakain ang mga pamangkin ko ay hindi ko na kailangan pairalin ang kaartehan ko sa mga oras na ito. 

     "Ang balita ko ay nakakulong raw si Lutcho dahil ninakawan n'ya ang pamilya Francisco. Totoo ba iyon?" Pang uusisa nito. 

Wala atang parte sa El Fuentes ang walang nakakaalam sa nangyari. Lahat ata ng tao rito ay alam na alam kung ano ang ginawa ng kapatid ko. 

Alam kong huhusgahan nila kami. Alam kong paulit-ulit nila kaming maliitin at ang iba pa nga ay pag tatawanan kami. Ngunit, wala silang alam. Ganoon naman ang mga tao, hindi ba? Nakapadaling humusga. Minsan nga ay imbes sila ang makaunawa sa sitwasyon, sila pa ang dahilan kung bakit ito lumalala. 

   "O-Oho,." Nahihiya kong tugon at hindi ko naman makita ang reaksyon ng mukha nito dahil nakatalikod s'ya mula sa akin dahil s'ya ang nasa unahan.

Maliit lang kasi ang daan. Sa bawat gilid ay damo na o di kaya ay tanim.

"Naku, malupit talaga ang pamilya Francisco na iyan! Kung ako sa inyo ay h'wag na h'wag kayong magtitiwala d'yan. Lalo ka na!" Saad pa nito kaya bigla na lamang umusbong ang takot sa aking dibdib.

Siguro nga ay hindi talaga dapat ko magpabulag sa kanila. Ang problema lang ay si nanay. Masyado na kasi s'yang dalang-dala sa mga Francisco at sa mga matatamis na mga salita ng mga taong iyon.

Napahinto ako dahil nakarating na kami rito sa kanyang bahay. Agad n'yang binuksan ang pinto at sumenyas sa akin na pumasok sa loob.

Nakakabingi ang katahimikan sa buong kapaligiran.

"Maupo ka muna d'yan. Kukunin ko ang pera." Kaswal nitong saad at nagawa pang ngumiti.

Tanging tango na lamang ang aking naging tugon at inilibot ang paningin sa kabuuan ng lugar.

Gawa sa kahoy lamang ang bahay nito ngunit maayos at malinis naman. Sakto lang din ang laki ng bahay dahil s'ya lang naman ang mag-isang nakatira rito.

Napaayos ako ng upo nang bumukas ang pinto ng kanyang kuwarto at lumabas s'ya mula roon dala ang makapal na pera na puro kulay asul.

May kung anong ngiti ito sa kanyang labi na nagdulot ng pagbilis ng aking puso.

"Magkano ba ang gusto mong utangin, Maxine? Kayang-kaya kong ipautang ito sayo- basta ba'y babayaran mo ako.." aniya at saglit akong natahimik nang umikot pa ito sa aking likuran at hinaplos ang aking braso.

Bahagya kong iwinaksi ang magaspang nitong kamay at narinig ko ang pagak na pagtawa nito.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Nazzhli-hannaj Hazhymezikiah Allives-Fine
animal.. my kapalit pla...my goodness
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status