Share

Kabanata 2.1

Maxine's POV

     "Mabuhay ang bagong kasal!"

Masayang-masaya ang lahat at sabay-sabay nilang isinisigaw ang bagay na iyan. Panay din ang ngiti ni Lawrence sa mga bisita na hindi naman pamilyar sa akin.

     "I can't believe that you are mine now, Maxine!" Ani nito at hinalikan pa ako sa noo.

Napalunok na lamang ako dahil halo-halong emosyon ang nararamdaman ko sa aking dibdib. Pakiwari ko ay ano mang oras, babagsak na ang aking mga luha.

     "Aren't you happy, Maxine? Ipakita mo namang masaya kang pinakasalan ang anak ko!" Mahinang bulong ni Donya Sylvia sa aking likuran.

Nagawa ko pa itong lingunin at nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa akin.

Napayuko ako dahil katakot-takot ang masamang tingin nito sa akin. Pakiramdam ko ay may pagbabanta ang mga tingin na iyon.

      "Hey, are you okay?" Tanong ni Lawrence nang mapansin ako ngunit tango lamang ang aking itinugon.

Nakita kong wala na sa likuran ko si Donya Sylvia. Nakikipag-usap na ito sa mga kakilala n'ya ngunit halatang binabantayan pa rin nito ang bawat kilos at galaw ko.

Marami ang gustong dumikit sa ina ni Lawrence dahil nga galing ito sa mayamang pamilya.

Sa tindig nito at pananamit ay makikita mong hindi ito basta-bastang babae lamang. Sa pagkakaalam ko ay isa s'yang sikat na abogado noon-

     "Maxine, anak?"

Napahinto ako sa aking iniisip nang marinig ko ang pamilyar na boses. Hinawakan nito ang aking kamay at agad na ngumiti.

     "Ang bilis lang talaga ng panahon ano? Parang noon lang ay napakaliit mo pa! Pero tingnan mo ngayon, ikinasal ka na." Makahulugan nitong saad at agad na nangilid ang luha ng ama na aking kinilala.

     "P-Pa.."

Ramdam ko ang pag init ng aking mga mata. Muling bumalik sa akin ang mga nalaman ko noon, ang tungkol sa pagtataksil ni mama.

     "Anak, alam ko. Alam kong napapaisip ka kung.. tama ba itong naging desisyon mo o hindi, kahit ano pa ang kalabasan nito, nandito lang ako para sa'yo. Kung may problema ka, may iniisip o kung ano man.. h'wag na h'wag kang mahihiyang magsabi sa akin ha?"

Labis ang emosyon na aking nararamdaman. Paano ko ba matatanggap na ang lalaking nasa harapan ko ay masasaktan sa isang malaking kasinungalingan?

Pakiramdam ko ay hindi ko kakayanin. Inalagaan n'ya kami, minahal at wala akong makitang pagkukulang n'ya sa amin bilang ama.

     "Papa.." iyon na lamang ang namutawi sa aking labi at agad itong niyakap.

Naramdaman ko ang paghagod nito sa aking likod kaya mas lalo kong nararamdaman ang konsensya na nasa aking dibdib.

     "Mahal kita, anak. Iingatan mo ang sarili mo, ipangako mong dadalawin mo pa rin kami kahit nasa mansyon ka na ng pamilya Francisco." Saad nito at marahan lamang akong tumango at nagawa pa nitong punasan ang luha sa aking mga mata.

     "Salamat papa, h'wag kayong mag alala. Palagi ho kong dadalaw sa inyo." Nakangiti kong saad.

     "Ang tanging magiging payo ko, maging tapat ka sa asawa mo, Maxine. Isa pa, mukhang mabait naman iyang si Lawrence. Aalagaan mo ang asawa mo at irespeto n'yo ang isa't-isa." Dagdag pa nito kaya napatango na lamang ako.

Agad namang lumapit sa amin si Lawrence at nag mano pa ito kay tatay.

     "Aba'y, iingatan mo itong si Maxine ha? Nag-iisang prinsesa ko ito." Makahulugang saad ni papa at mabilis pa sa alas-kuwatro ang pag tango ni Lawrence at bahagya pang ngumiti.

     "Siyempre naman po! Pangarap ko po kaya itong si Maxine!"

Hindi ko maintindihan ang sarili ko ngunit wala talagang kadating-dating para sa akin si Lawrence.

Masasabi kong guwapo naman s'ya, matangkad at maputi. Ang totoo n'yan ay halos lahat ng kadalagahan rito sa El Fuentes ay humahanga sa kanya, pero hindi ako. Hindi ako kasali sa mga babaeng nahuhumaling sa kanya

Marami pa silang napag-usapan. Marami pa ding mga bisita ngunit pagod na ako. Pakiramdam ko ay gusto ko na lang mahiga at matulog.

Marami pa ring tumatakbo sa aking isipan, tulad nang kung ano ang mangyayari sa pagsasama namin ni Lawrence.

Magtatagal kaya kami? Sumasakit ang ulo ko sa kakaisip sa mga bagay. Pagkatapos nitong ganap ay pupunta na kami sa kanilang mansyon. Doon ay makakasama namin ang kanyang mga magulang.

Araw-araw kong makikita si Donya Sylvia. Ang isang ginang na mapagmataas at matapobre na tao. Iyong tipong kapag tiningnan ka pa lang n'ya ay para bang hinusgahan n'ya na ang buong pagkatao mo.

Maraming ginang ay ilag kay Donya Sylvia. Matalas kasi ang dila nito at walang preno ang bibig kapag nagsasalita. Isa pa, ang mga dinidikitan n'ya lang ay iyong mga taong maraming pera na katulad n'ya.

Habang si Don Ramon naman ay likas na lasenggo. Madalas itong magwala noon dahil madalas at dumadayo sa mga inuman. Bukod roon ay mayabang masyado ang dating at talagang nagbubuhat nang sariling bangko, ngunit marami rin namang nagsasabi na mabait umano ito at wala naman s'yang pinipiling dikitan.

Kahit ang mga nagtatanim nang mga palay ay kinakausap n'ya. Siguro ay ganoon lang talaga ang personalidad n'ya ngunit wala naman itong kaarte-arte sa katawan.

     "Mamayang gabi ay hindi ka na namin makakasama sa bahay."

Napahinto ako nang marinig ang boses ni mama. Nakangiti lamang ito sa akin ngunit wala akong mahagilap na emosyon sa aking sarili. Sa tuwing kasama ko s'ya ay naaalala ko ang mga kasalanang pilit n'yang ibinabaon sa alaala.

     "Dadalaw pa rin naman ako." Kaswal kong saad at iniwas ang tingin sa kanya.

Hindi ko na s'ya kayang kausapin pa tulad noon, kung paano kami bilang mag-ina.

Nasasaktan pa rin ako hanggang ngayon. Naging bunga ako nang mga nagawa n'yang kasalanan. Natatakot ako sa mga posibilidad pero kailangan n'ya pa ring harapin ang mga bagay-bagay na ginawa n'ya.

     "Tingnan mo ang asawa mo, Maxine. Hindi ba at napakasuwerte mo sa lalaking iyan? Ano pa bang hahanapin mo?" Nakangiti pa nitong sabi kaya napatingin ako kay Lawrence na abala sa pakikipag-usap sa ilan pa n'yang mga kakilala.

Siguro ay napansin n'yang nakatingin kami sa kanya, kaya nakuha pa nitong kumaway at ngumiti nang napakatamis.

     "Kailan mo balak sabihin kay papa ang totoo?" Matigas kong tanong rito at napahinto naman ito.

Sinipat ko si papa na kasama si Don Ramon at mukhang masaya silang nag-uusap.

     "Kasal mo ngayon, Maxine. Hindi mo kailangang isipin ang bagay na iyan," Ani nito at bahagya pang pumiyok ang kanyang boses. "Sasabihin ko sa kanya ang totoo, hindi ko itatago pa 'yon. Intindihin mo ang buhay mo kasama ang asawa mo."

Mababakas sa boses nito ang pagkairita. Maging ako ay nakaramdam nang inis ngunit kailangan kong maging kalmado. Masyadong maraming tao.

     "Bakit?" Tanong ko at nilingon na ako nito."Bakit mo ako hinayaang magaya sayo, ma? Ang ikinasal sa lalaking hindi ko naman mahal." May hinanakit kong saad.

Napabuntong hininga ito at bahagya pang napahawak sa kanyang sintido.

     "Magkaiba tayo nang sitwasyon. Isa pa, matututunan mo ring mahalin si Lawrence, Maxine. Isipin mo rin ang kinabukasan mo. Hindi ba't mahirap ang mag trabaho? Ayan, ngayon ay maganda na ang magiging buhay mo."

Maganda?

Hindi naman iyon ang habol ko. Hindi naman ito ang gusto ng puso ko. Mas mabuti pang magpakakuba ako sa kakatrabaho basta't gusto ko ang ginagawa ko.

     "Talagang magkaiba tayo, ma. Hindi naman ito ang gusto kong mangyari sa buhay ko," Makahulugan kong sabi ko at nakita ko ang bahagyang pagkuyom ng kamao nito. "Gusto kong takasan ang lahat ng mga kalokohan na 'to."

     "Iyan ang h'wag na h'wag mong gagawin, Maxine! Ipapahamak mo lang kami. Anong gusto mo? Ibalik si Lutcho sa kulungan? Pagbayarin pa kami ng tatay mo sa mga nagastos nila upang mailabas s'ya sa ospital? Gamitin mo naman iyang utak mo!" Mahina nitong singhal. "Pati sina Lena at Lucy ay idadamay mo pa sa kahibangan mo!"

Agad itong umalis at naiwan akong walang imik. Biglang pumasok sa isipan ko si Lutcho at ang dalawa kong pamangkin.

     "Maxine? Maxine!"

Agad kong sinipat si Ken. Kapitbahay namin ito. Kasama din s'ya ni tatay sa pagtatanim nang palay, ang totoo n'yan ay kababata ko rin s'ya at kinakapatid dahil nga ninong n'ya si papa.

     "Ba't naman ganyan ang mukha mo? Kasal mo kaya ngayon pero daig mo pa ang namatayan!" Angil nito at inirapan pa ako.

Napatingin ako sa hawak nitong piniritong manok. Hindi pa nga pala ako kumakain magmula kanina.

     "Wala. Medyo, nalulungkot lang." Saad ko at iniwas ang tingin sa kanya.

Tumango lang ito at muling kumagat sa piniritong manok na hawak n'ya.

     "Naiintindihan kita. Ganyan raw talaga ang pakiramdam kapag bubukod ka na at asawa mo na ang makakasama mo sa pang araw-araw at hindi na ang pamilya mo. Siyempre, naninibago ka lang." Aniya pa.

Marahan lamang akong umiling at muling bumuntong hininga.

Sana nga ay ganoon lang ang problema ko. Ang kaso ay hindi. Iniisip ko ang sarili ko. Natatakot ako, hindi ko mapaliwanag ang kabog nang dibdib ko.

     "Basta, kahit na anong mangyari,  nandito lang naman ako! Magsabi ka lang ng mga problema mo." Saad pa nito at nakuha pang hawakan ang kamay ko na nakapatong sa lamesa.

Noon pa man ay ginagawa n'ya na ito. Lalo na kapag alam n'yang problemado ako sa buhay at ayoko munang sabihin sa kanya.

Akmang magsasalita pa ako nang bigla na lamang tumumba sa kinauupuan si Ken. Doon ay nakita ko naman si Lawrence na nanlilisik pa ang mga mata habang nakakuyom ang mga kamao.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status