Share

Chapter 01

"PAKIULIT nga po ng sinabi n'yo, 'Tay? Hindi ko masyadong naintindihan." Kabababa ko lang kasi ng earphone ko kaya hindi ko talaga na-gets kung ano ang mga sinabi niya. Kararating ko lang din kasi no'n sa bahay at hindi pa ako tuluyang nakakapasok sa loob ng pinto ay sinalubong na ako ni Tatay.

"Bukas, sasama ka sa akin sa bahay ng mga dati kong amo. Sina Dr. Jaime at Dra. Julita dela Luna. Birthday kasi ni doktora. Inimbitahan akong pumunta at isama raw kita. Gusto ka nilang makita at makilala. Madalas kasi kitang ikuwento noon nang nagtatrabaho pa ako sa kanila. Tuwang-tuwa sila sa 'yo, anak. Napalaki raw kita nang tama," walang prenong sabi ni Tatay.

Halata ang tuwa at sigla sa mga mata niya habang nagsasalita.

"B-Bakit naman ngayon lang, 'Tay? Kung kailan two years na kayong retirado sa kanila?" nagtataka at kinakabahan namang tanong ko. "S-Saka, magiging busy po ako bukas. Overtime ako hanggang alas-otso ng gabi dahil monthly inventory namin. At saka, bakit po? Dahil ba tapos na ako ng pag-aaral at may maayos-ayos nang trabaho ay pababayaran na nila ang mga ginastos nilang pampaaral sa akin?"

Kilalang mga mahuhusay na doktor ang mag-asawang dela Luna sa aming lugar. Dating driver ng mga ito si Tatay. Ngunit dahil may edad at retirado na rin ang mga ito sa trabaho ay pinagpahinga na rin ng mga ito si Tatay. Ngunit bago iyon ay pinag-aral muna nila ako sa isang magandang unibersidad sa Maynila. Ayon kay Tatay, bukal daw sa loob ng mga ito ang ginawa para sa akin. Dahil sa mahabang panahong paseserbisyo at pagiging empleyado raw niya iyon. Hindi siya kinaltasan sa sahod niya. Kaya bilang kapalit ay nag-aral akong maigi. Accountancy ang kinuha kong kurso at naipasa ko na ang exam para maging CPA. Kaya lang, dahil sa ayokong mawalay dito sa bahay, kay tatay at sa aking dalawa pang kapatid ay sa isang grocery store lang ako nag-apply ng trabaho malapit sa amin. Ngayon nga ay supervisor na ako at nakakabuhay naman ng pamilya ang suweldo. Wala na kasi si nanay limang taon na ang nakalilipas kaya ayokong iwanan si tatay na mag-isa. Ngayon pa na retirado na siyang driver at pa-ekstra-ekstra na lang sa trabaho. Though may pakimkim namang retiring bonus ang mga dati nitong amo ay ayaw ko pa ring pakampante. Nakalagak ang malaking halagang iyon sa bangko at gagalawin lamang namin kapag oras ng emergency.

"Hindi, anak. Hindi sila ganoong klase ng tao. Gusto ka lang talaga nila makausap at makilala. Ayaw mo ba no'n? Sa wakas ay makikita mo na ang mga nagpaaral sa 'yo. Hindi ba't dati mo pa sila gustong makilala? Ito na ang pagkakataon mo para makapagpasalamat sa kanila."

Oo nga pala. Ngunit nakita ko na naman sila sa mga business magazine. Dahil bukod sa pagiging mga doktor ay mga entrepreneur din ang mga ito.

"Hindi po ba puwedeng sa susunod na araw na lang, Tay?" pakiusap ko pa.

Bahagyang dumilim ang mukha nito. "Alangan naman, 'nak, sabihin kong ipagpaliban ni doktora ang selebrasyon ng kaarawan niya dahil sa trabaho mo? Nakakahiya. At saka nasabi ko na na darating ka bukas. Baka magtampo naman ang mga 'yon kapag hindi ka sumipot."

Sa sinabi niya ay hindi na nga ako nakatanggi. Ayoko nang nalalagay ang pangalan ni Tatay sa alanganin nang dahil lang sa akin.

Maaga nga akong umuwi galing trabaho kinabukasan. Pagdating ko pa lang ay saglit lang akong nagpahinga at naligo na at gumayak. Hindi ko alam kung bakit aligagang-aligaga itong ama ko at atat na atat na makaalis kami.

"Sino pa ba 'yang tinatawagan mo, 'nak? Kailangan na nating umalis. Bibiyahe pa tayo."

May nobyo ako, si Dino. Ipinakilala ko na ito kina Tatay at sa aking mga kapatid pero hindi boto rito ang aking ama. Traysikel driver lang daw kasi ito. Ano naman daw ang ipapakain nito sa akin kapag naging mag-asawa kami? Sa akin naman, hindi mahalaga kung anong trabaho at estado ng isang tao para mahalin. Ang mahalaga sa akin ay isa siyang mabuting tao at nagtatrabaho nang marangal. Two years na rin ang aming relasyon na patuloy pa rin kahit dalawang beses ko lang siyang nadala rito sa bahay. Sa kanilang tahanan naman ay tanggap ako ng mga magulang at kapatid niya kaya madalas ako ang nagpupunta sa kanila.

"May kinausap lang po akong katrabaho," palusot ko kahit si Dino talaga ang aking tinawagan para magpaalam. Sanay kasi kami sa isa't isa na ipinapaalam ang aming mga gagawin.

"Ayos ka na ba?"

"Opo."

Pinagsuot niya ako nang magandang damit. Dahil gusto niya raw ay presentable ako pagharap sa mag-asawang nagpaaral sa akin. Sumang-ayon na lang ako at nagsuot ng dress na lampas tuhod.

Hindi naman kalayuan ang bahay ng pupuntahan namin dahil wala pang thirty minutes ay bumaba na kami ng jeep. Napatda pa ako nang matanaw ang isang malaking bahay na madalas kong hangaan kapag nagbibiyahe papuntang ibang barangay. Ito raw ang bahay ng mga doktor na dela Luna.

"Ayusin mo ang bati sa kanila, anak, ah. Hindi basta-basta ang mga iyon. At huwag mong kalilimutang-"

"Opo, 'tay, nakailang ulit na kayo ng paalala sa akin. Huwag kayong mag-aalala. Kaya nga po ako nakapagtapos ng pag-aaral ay para maging propesyonal. At hinding-hindi ko po kalilimutang magpasalamat sa kanila."

Nag-doorbell na nga kami sa malaking gate. Hindi nagtagal ay may nagbukas din sa aming katulong. Nakangiti kaming pinapasok.

Habang naglalakad ay hindi ko napigilang iikot ang aking mga mata. Hindi pa rin ako makapaniwalang naririto na kami ngayon ni tatay. Natutuwa, nae-excite at kinakabahan ako para sa mangyayari ngayong gabi. Birthday raw ni Doktora dela Luna ngayon ngunit bakit wala yatang bisita?

Sa main door kami dumaan at literal na napanganga ako sa aking nakita. Iyong sa mga telebisyon ko lang napapanood ay nasa harapan ko na. Napakasuwerte naman ng mga anak ng mga ito. Marangyang buhay ang kinalakihan. Bahagya pa akong siniko ng Tatay ko. Nabalik tuloy ako sa reyalidad.

"Andiyan na sila..."

Dalawang matanda ang nakita kong palapit sa aming gawi. Inayos ko ang postura ko at ngumiti sa kanila. Siniko pa ulit ako ni Tatay at sinabihan akong lumapit at magmano. Kinakabahan man, pero sinunod ko.

"M-Magandang gabi po, Dr. at Dra. dela Luna," bati ko pa sa kanila.

Ngumiti sila sa akin. "Ito na ba 'yong batang dala mo palagi rito noon, Juanito? Aba'y dalaga na nga!" sabi ng doktora na ngiting-ngiti pa habang sinisipat ang kabuuan ko. "At maganda pa. At mukhang mabait na bata."

"Siya rin ho 'yong pinagtapos n'yo ng kolehiyo, Doktora, Dok," proud na sabi pa ni Tatay. "CPA na."

"Talaga?" Namamangha ulit na tumingin ang doktora sa akin.

"At nagtapos na suma-cumlaude. Talagang inigihan niya ang pag-aaral dahil nahihiya raw sa inyo."

Eh sino ba namang hindi mahihiya kung ikaw ba naman ay pag-aralin sa isang prestihiyosong school? Na ang tuition fee kada semester ay kulang pa ang isang buong taong sahod ni tatay.

"Talagang napalaki mo nang maayos ang anak mo, Juanito."

Inaya na kami ng mga ito sa silid kainan. Maraming nakahain sa mesa at nakakatakam pagmasdan. Agad akong pinaghila ni Tatay ng isang upuan at naupo naman ako agad. Magkatabi kami. Samantalang ang mag-asawa sa tapat namin pumuwesto.

"Romina?" tawag ni Doktora. Isang katulong naman na parang nasa forties ang lumapit.

"Bakit po, Señora?" magalang na tanong nito.

"Ang Sir mo dumating na ba?"

Alanganing tumango ang katulong. "Parang kararating lang po, Señora, kabubukas lang po ng gate eh."

"Pakisabihan mo ngang dumeretso agad dito pagkaakyat at nandito na ang mga bisita."

"Opo."

Tumalima agad ang katulong. Ako naman ay tahimik lang na nakikiramdam. Sinong 'Sir' kaya iyon?

"Sandali lang at may hinihintay pa tayo," paalala pa ulit ni Doktora bago kami nagsimulang kumain. Nanatili naman akong neutral sa puwesto ko. "Kumusta ka naman, iha? Ilang taon ka na nga pala?" mayamaya ay baling nito sa akin.

Inalis ko muna ang bara sa lalamunan. "Ayos naman po, Doktora. Twenty-five years old na po ako."

"Nasa tamang edad ka na pala." Makahulugang tingin ang ipinukol niya sa akin. Nagkatinginan pa sila ni tatay na ipinagtaka ko.

"Good evening, Mom, Dad."

Isang lalaki ang biglang dumating. Walang sigla sa boses nito nang batiin ang mga magulang. Nakipagbeso-beso pa sa mga ito at tahimik na naupo sa upuang katapat lang ng inuupuan ko. Napakislot ako nang tuluyang makita ang kaniyang mukha. Malamlam ang kaniyang mga mata, walang sigla at lapat na lapat ang mga labi. May matipunong katawan, broad-shouldered. May kakapalan ang kilay at napaka-pointy ng ilong. Malalim din ang mga mata. In short ay guwapo kaya lang, hindi ko type dahil parang napaka-lonesome ng dating. At isa pa, wala nang hihigit pa sa Dino ko.

"Ito nga pala ang nag-iisang anak namin, Jennifer. Si Jass Daniel dela Luna. Tulad namin ay isa rin itong doktor - general surgeon sa Manila."

Napilitan akong ngitian si Doktora dahil sa pagpapakilala nito sa anak. Sinulyapan ko nga ang tinutukoy nito. Though he did not even bother looking at me pero pinili ko pa ring maging magiliw sa ina nito.

"And Jass, this is Juanito's daughter. Jennifer Santibañez. A CPA," maikling pagpapakilala naman nito sa akin. Inabangan ko kung tatapunan na ba ako ng tingin ni Jass. May kakaibang kabang bumundol sa dibdib ko nang makita ngang umangat na ang tingin nito sa akin. Ngunit malamig ang sulyap na iyon. At hindi yata tumagal ng tatlong segundo.

"I see," at iyon lang ang komento nito saka mas minadali ang pagkain. "Mom, Dad, I need to go upstairs. It was such a tiring day, magpapahinga na ako," mayamaya ay paalam na nito. Tumayo na ito sa kinauupuan. "It's nice to see again, Mang Juanito, anyway," pansin pa nito kay Tatay.

"I was just about to ask you to at least tour Ms. Santibañez sa buong kabahayan, Jass," mayamaya ay wika ni Doktora na ikinagitla ko naman. Bakit ito-tour ako ay hindi naman ako ganoong importanteng bisita? And I never asked for it too.

"But I'm too tired, Mom-"

"Jass, just do what your Mom said," biglang singit ni Dok sa maawtoridad na boses.

Napaawang ang labi ko at ako naman sana ang magpo-protesta pero bigla akong siniko ni Tatay. Jass looked at me na parang naiirita ito sa akin at nakita ko pa ang palihim na pagbuga niya ng hangin.

"Alright, then. Ikaw, sumunod ka sa akin."

HINDI natapos ang gabing iyon na hindi namumugto ang aking mga mata. Pauwi na kami ni tatay nang mga sandaling iyon. Dahil malalim na ang gabi ay ipinahatid kami nina Doktora sa family driver ng mga ito.

"T-Tay, bakit naman gano'n?" umiiyak pa ring tanong ko. "Wala man lang kayong pasabi. H-Hindi n'yo man lang inisip ang mararamdaman ko. N-Niloko n'yo ako! A-Ang sabi n'yo selebrasyon ng kaarawan ngayon ni Doktora pero-"

"Patawarin mo ako, anak. Balang araw maiintindihan mo rin ako," ang tanging nasabi ni Tatay.

"Maiintindihan? Bakit hindi n'yo na lang sabihin ang totoong dahilan? Dahil ba sa utang na loob ng pagpapaaral sa akin kaya nagawa n'yo 'yon? O dahil ba binayaran kayo? Magkano, Tay? At bakit? A-At 'yong lalaking 'yon..." Mariin pa akong napapikit. "T-Tay, ni isang beses hindi ko pa 'yon nakita, ngayong gabi lang, k-kahit ba sabihing mababait ang mga magulang no'n, sigurado ba kayo na mabait ding tao 'yon? K-Kita n'yo naman kung paano ang pakitungo sa akin..."

Halos madapa na ako makahabol lang sa malalaki at mabibilis na hakbang ni Jass. Ayoko naman talagang gawin iyon ngunit napilitan ako lalo pa't halos ipagtulakan ako ni Tatay na sumunod dito.

"Bilisan mo, I don't have time for this!" sabi pa niya ilang dipa pa rin ang layo ko sa kaniya. Ni hindi man lang siya tumigil sa paglalakad.

"Sandali lang naman. Bakit kasi hindi mo ako hintayin?" naiirita na ring sabi ko. Sumasakit na ang paa ko dahil sa heels na suot ko kaya hinubad ko na lang iyon at nakapaang tumakbo palapit sa kaniya.

"I don't need your excuses. Ikaw ang nagpunta rito, ikaw ang matutong mag-adjust!"

And the tour that his mother asked him to do ay hindi talaga nangyari. Dahil nang sundan ko pa ang mga hakbang niya ay sa may likod kami ng mansion napadpad. Binuksan niya ang pinto at lumabas doon. May garden doon at may lamesa at upuan. Doon siya dumeretso. Wala man lang siyang kibo kaya napilitan na rin akong umupo sa upuang katapat niya.

"So how old are you then?" mayamaya ay malamig niyang tanong. Nagitla pa nga ako.

"Twenty-five."

"Jeez..." Nagtataka ako kung bakit bigla siyang natawa. "Mom is really annoying sometimes," sabi pa niya.

"B-Bakit? A-Ano'ng meron sa edad ko?" Hindi ko na nga natiis na hindi magtanong.

"I'm thirty-five," seryoso niyang tugon.

Napakislot ako. 'So?'

"So I bet you don't have any idea why you were brought here, right?" dugtong pa niya.

"B-Birthday ng Mommy mo," alanganin kong tugon.

He smirked again. "Fool. They are planning for our wedding."

At kinompirma ko iyon kay Tatay pagbalik namin matapos ang halos kalahating oras. At hindi nga ito nagsisinungaling.

"Mabait na bata 'yon si Sir Jass, anak. Saksi ako sa pagpapalaki diyan nina Doktora."

"Miski na!" mariing tanggi ko. "B-Bahala kayo, Tay! Pero hindi ako papayag na makasal sa taong iyon. Hindi ako papayag na matali sa taong hindi ko naman mahal!"

At sampung taon ang agwat ng edad sa akin!

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Adz Rufino
ok nice novels
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status