Share

Chapter 05

"SALAMAT, Mina." Nakangiti kong kinuha ang brown envelop na inabot ng katulong. Nagpasuyo kasi akong magpa-print at photocopy sa kaniya ng mga documents ko.

"Mag-aaplay kayo ng trabaho, Ma'am?" curious na tanong nito.

"Oo eh. Nakakainip kasi rito, wala man lang akong mapagkaabalahan."

Halos isang linggo na rin mula nang manirahan ako roon. Wala naman akong problema maliban sa tigre kong asawa pero nagagawan ko naman na iyon ng paraan. Itinataon ko na lang lagi na wala ito kapag bababa ako sa kusina o sa sala para hindi ako makaramdam ng tensyon. Wala naman akong ginagawa maliban sa pagkain at panonood ng tv. Minsan nagkukuwentuhan kami ni Mina. Pero 'pag alam kong paparating na si Jass ay umaakyat na ako sa taas. Akala ko talaga, may kalalagyan na ako nang aksidente kong matapon ang tsaa sa kuwarto niya.

Dahil bagong salta ako sa lugar na iyon ay hindi pa ako pamilyar kung ano'ng trabaho ang puwede kong mahanap doon. Minsan sumabay ako kay Mina nang pumasok na ito sa school. May nakita akong mall. Pumasok ako para mag-window shopping and accidentally nakakita ako ng appliance store na hiring ng sale staff. Alam kong wala iyong kaugnayan sa natapos ko pero takot kasi akong mag-aplay sa malalaking korporasyon. Nasanay kasi ako roon sa amin na sa isang grocery store lang ako napadpad. Pero at least naging supervisor ako.

Nagpasa ako ng resume doon kinabukasan. Luckily, dahil urgent hiring daw sila ay deretso interview na ako. And I passed it. At dahil sa mataas kong grado at two years experience ko bilang supervisor ay natanggap ako agad. Medyo nanghihinayang pa nga sila dahil mababa lang daw na posisyon iyon kumpara sa natapos ko. Sa akin, okay lang naman. Ang mahalaga may mapagkakaabalahan ako. Kaysa naman sa bahay lang ako lagi. May mga personal needs din ako na kailangan kong mabili. Baka maubos ang ipon ko. Buti ba kung mahihingan ako.

Sa sumunod na araw nga ay nagsimula na ang training ko. Alas-nueve ng umaga hanggang ala-sais ng gabi. Dahil alas-otso palagi ang dating ni Jass, 7:30 pa lang umaalis na ako. Wala siyang alam sa pag-aaplay ko at kahit alam kong may kasunduan naman kaming walang pakialamanan ay ayaw ko pa ring lantarang magpakita sa kaniya.

Sumakay pa ako ng traysikel palabas ng subdivision, pagkatapos ay jeep naman papuntang mall. Hindi naman kalayuan.

Eight-thirty nagpapapasok ng mga empleyado sa loob kaya madalas ay naghihintay pa ako sa labas.

"Jen..." Tumawag si Dino.

"Hmmm? Kumusta na? Natanggap na ako sa inaplayan kong trabaho rito," masayang balita ko sa kaniya.

"Talaga? Saan 'yan? Balak ko rin sanang maghanap ng trabaho. Nandito na ako sa bahay ng pinsan ko sa may Muntinlupa."

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko. "Nandito ka na pala, hindi mo sinabi sa akin!"

"Isusurpresa sana kita. Kararating ko lang naman ngayon. Nasaan ka? Gusto kitang makita. Na-miss kita."

Napasinghap ako. I missed him too. "Dito ako sa may SunMall, sa may Muntinlupa rin. Kaya lang papasok na ako sa trabaho. Hindi ako makakasama sa 'yo." Kung puwede lang sana lumiban ay gagawin ko. Kaya lang hindi maaari dahil trainee pa nga lang ako. Baka isipin pala-absent ako at tanggalin agad.

"Pupunta ako sa work mo, puwede ba 'yon? Gusto lang talaga kitang makita."

Sumang-ayon ako. Ganoon naman siya kahit dati. Minsan kunwari ay bibili siya sa grocery store na pinagtatrabahuhan ko pero ang totoo ay sisilay lang siya sa akin. Kaya naman ako napamahal sa kaniya nang todo. Dahil sweet siya at gumagawa talaga parati ng paraan para magtagpo kami.

Sinabi ko kung saang floor at pangalan ng store kung saan ako nagtatrabaho. Pagpasok ko sa loob ay ganado at good mood ako agad.

First day ng training ko iyon at naging maayos naman. Mabait ang nagturo sa akin at na-gets ko agad ang mga itinuro nito. Medyo pamilyar na kasi ako paggawa ng sales report, sa pagre-receive ng item at pagpa-punch ng produkto sa counter. May ibinigay rin sa aking list ng mga code at kung ano-ano pang reminder.

Madalas ay observation lang naman ang ginagawa ko. Pero ibang bagay talaga ang malimit kong obserbahan. Ang mga taong dumadaan at pumapasok sa loob ng store. Because I was waiting for Dino to come.

Nakatago ang cellphone ko sa bag na nasa locker kaya hindi ko siya ma-message at hindi ko rin alam kung nasaan na ba ito. Hanggang sa sumapit ang breaktime. Dali-dali kong hinagilap ang cellphone sa bag. Papunta pa lang pala siya 30 minutes ago. Lumabas agad ako ng store para maghanap ng puwedeng makainan. Sinabihan ko siyang doon kami magkita. Naka-order na ako at magsasampung minuto na ring naghihintay nang may lalaking umupo sa tapat ng kinauupuan ko.

"Jen..."

Agad napawi ang pagkainip ko nang sa wakas ay makita ko na ang lalaking pinakahihintay ko.

"Buti nahanap mo ako agad," ngiting-ngiting sabi ko.

"Siyempre may iba pa bang maganda rito, ikaw lang naman," pambobola pa nito sa akin. "Na-miss kita, Jen. Kumusta ka na? Pasensya na kung pinaghintay kita."

Umiling-iling ako. "Wala 'yon, Dino. Okay naman ako. Na-miss din kita."

"Maayos ba ang trato sa 'yo ng asawa mo? Hindi ka naman ba sinasaktan?"

"Hindi naman, Dino. Hindi naman kami no'n nagkikibuan."

"Alam niya ba na nagtatrabaho ka na rito?" he asked again.

Umiling ako. "Hindi. Pero huwag mong alalahanin 'yon, wala naman iyong pakialam sa akin."

Mayamaya ay dumating din ang in-order kong pagkain. Sinadya ko talagang pandalawang tao iyon. Inaya ko na muna siyang kumain.

Nang kinagabihan ay nagkita kaming muli. Inabangan niya ako sa labas ng store. Paglabas namin ng mall ay kumain muna kami ng mga street foods. Treat niya this time. Aminado si Dino na hindi pa niya ako kayang ilibre sa mga disenteng kainan dahil wala pa siyang nahahanap na trabaho. Pero wala namang kaso iyon sa akin dahil nakikita ko naman na sinsero siya sa sinasabi at pinararamdam sa akin.

Sumakay na kami ng jeep pauwi sa tinutuluyan ko makalipas ang tatlumpung minuto. Sumama si Dino kahit na ilang beses ko siyang pinigilan. Gusto niya lang naman daw malaman kung saan ako nakatira ngayon. Ngunit mahigpit ko siyang pinagbawalan na huwag na huwag magpupunta roon nang walang pasabi sa akin. Mahirap na't mahuli kami ng asawa ko.

"Sige na, tutuloy na ako," paalam ko pagbaba namin ng jeep.

"Ingat ka," paalala niya.

Ngumiti ako. "Ikaw ang mag-ingat, pauwi ka pa lang," aniko.

"Balang-araw, mapapatunayan ko rin kay Mang Juanito na karapat-dapat ako sa 'yo. Magsisikap na talaga ako." Napabuntong-hininga pa ito.

Kinuha ko ang kaniyang kamay. "Huwag ka mag-alala. Kung hindi ka man niya tanggapin, ako tanggap kita. Pareho nating pagsisikapan na umangat tayo sa buhay."

Ginantihan niya ng mahigpit na hawak ang aking kamay. "Hindi kita bibiguin, Jennifer." Kinabig niya pa ako para hagkan sa noo.

Mayamaya, nagpaalam na kami sa isa't isa. Naglakad lang ako papasok sa subdivision dahil kung tutuusin ay kayang-kaya namang lakarin. Nabasa ko pa ang mensaheng pinadala ni Dino na nakasakay na raw siya ulit ng jeep. Hindi muna ako nag-reply dahil minadali ko na ang aking paglalakad. Nag-text din ako kay Mina na buksan na niya ang maliit na pinto ng gate dahil malapit na ako. Ayaw ko kasing mag-doorbell at baka marinig ni Jass.

Pagdating ko nga ay bukas na iyon. Nakahinga ako nang maluwag. Dahan-dahan ko pa iyong isinara para hindi makalikha ng ingay. Deretso akong pumasok sa main door.

Lumibot pa ang mga mata ko para hanapin kung nasaan ang asawa ko sa papel. Walang tao sa sala. Sarado rin ang pinto ng kuwarto nito. Dali-dali akong tumakbo paakyat sa hagdan. Bitbit ko ang aking isinuot na leather black shoes.

Akala ko ay mission accomplished na nang makalagpas na ako sa kuwarto ni Jass. Pero wala pa akong isang dipa nang magbukas iyon. Aksidenteng napalingon ako dahil sa ingay na likha ng pinto.

"M-May trabaho na ako," bigla kong naibukang bibig. Inunahan ko na dahil napansin kong paawang pa lang ang mga labi niya.

Tumingin si Jass sa orasang pambisig. "I'm not asking," malamig na tugon na nito saka nagderetso nang bumaba ng hagdan.

Napabuga na lang ako ng hangin habang pinagmamasdan itong bumaba. Tama nga naman. Hindi naman siya nagtatanong. Napapailing na naglakad na ako patungong kuwarto. Pero at least alam na niya. Hindi ko na kailangan pang umiwas at magtago. Maigi na rin iyong alam niyang hindi ako para umasa sa kaniya. Kapag nakuha ko na ang unang sahod ko, ako na ang mamimili ng mga pangkain ko. Ipapabukod ko na lang kay Mina kapag magluluto ito. Better nga, hindi ko na rin utusan ang katulong niya. Para totally wala siyang maisusumbat sa akin. Bibili na din ako ng mga sarili kong gamit tulad ng baso, plato at kutsara para kahit mabasag ko man, wala na siyang masasabi. I will live here as his ordinary border tulad nga ng sinabi niya noong una.

Matapos maglinis ng katawan at magbihis ay humiga na ako sa kama. Busog pa ako dahil sa mga kinain namin tokneneng at kung ano-ano pang street foods ni Dino. Tinawagan ko ito para ipaalam na nakauwi na ako.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Arlyn Dulhao
Loveeee the story...nakakakilig...️
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status