Share

Chapter 3.1

Alas singko pa lamang ng umaga ay gising na si Cassie bagamat puyat pa siya kagabi dahil anong oras na siya natulog ay pinilit pa rin niya ang gumising ng maaga. Ngayong araw kase na ito ay uumpisahan na niyang maghanap ng mga pwedeng makakatulong sa kanyang paghahanap sa target niya.

Napatitig siya sa umuusok niyang kape na nakapatong sa lamesa. Saan nga ba siya magsisimula? Saan nga ba siya dapat unang pumunta upang makakalap ng impormasyon na makakatulong sa kanya? Ilang saglit muna siyang napatitig sa kanyang kape bago napabuga ng isang malalim na buntung hininga.

Pagkatapos ay naisipan niyang manuod ng balita sa mga oras na iyon kaya binitbit niya ang kanyang kape patungo sa kanyang sala at ibinaba ito sa maliit na mesa na nasa gitna ng sala. Inabot niya ang remote ng telebisyon at binuhay ito at pagkatapos ay mabilis niyang inilipat ang channel sa balita.

Nakatutok lamang ang kanyang paningin sa tv screen habang humihigop ng kanyang kape nang may mahagip ang kanyang mga mata sa headline ng mga balita na nasa baba.

'Isang dalagita na naman ang naitalang nawawala.'

Iyon ang nakasaad sa balita na ikinakuyom ng kanyang mga kamay. Ibig sabihin ay patuloy pa rin ang grupo sa pambibiktima at hindi pa rin tumitigil sa mga kahayupan nila.

Umahon ang galit sa dibdib niya. Sa pagbabasa niya ng mga artikulo tungkol sa mga dalagang nawawala kagabi ay halos nasa dalawampu na ang naitalang nawawala at wala pa kahit isa ang natagpuan sa kanila. Ayon sa pulisya ay wala pa rin silang mahanap na impormasyon na makakapagturo kung nasaan ang mga ito o kung saan dinadala ang mga ito.

Kasama sa artikulong binasa niya ay ang mga cctv footage na nagpapakita ng mga modus nila kung paano nila kinukuha ang mga biktima nila.

Sa isang video ay tahimik na naglalakad ang isang dalagita sa daan nang may humintong kulay puting van sa tabi nito at mabilis na lumabas ang limang kalalakihan at isinakay siya ng pilit sa van. Walang nagawa ang dalagita dahil kahit nanlaban siya ay nakaya pa rin siyang isakay ng mga ito sa loob ng van.

Ano naman sana ang lakas ng isang dalagita kumpara sa limang kalalakihan na may malalaking katawan? Wala. Walang laban kaya mabilis siyang naisakay ng mga ito.

May ilan- ilang dumaraan sa daan na iyon dahil nga gabi na, ngunit nang mga oras na iyon ay halos walang nagdaraan at walang saksi sa naganap na pandurukot sa dalaga. Ang tanging ebidensiya lamang na hawak ng mga pulis ay ang kuha ng cctv, ngunit mahirap rin namang makuha ang pagkakakilanlan ng mga ito dahil naka maskara ang mga ito at mata lamang ang kita.

Dis- oras na iyon ng gabi kaya halos madilim at malabo na rin ang kuha ng cctv kaya kahit siya ay mahihirapan ding makita ang mukha ng mga ito.

Napahigpit pa lalo ang hawak niya sa tasa ng kanyang kape. Mukhang mahihirapan talaga siya sa kanyang misyon ngayon. Ngunit ganun pa man ay hindi niya hahayaang hindi niya magawa ang kanyang misyon. Alam niyang hindi siya bibigyan ng ganung klaseng misyon kung hindi niya iyon kakayanin.

Muli siyang napatitig sa screen ng kanyang telebisyon habang humihigop ng kanyang kape. Hanggang sa tumunog ang kanyang cellphone kung saan umilaw ito at isang mensahe ang nag- pop up sa screen ng kanyang cellphone.

Dali- dali niyang dinampot ang kanyang cellphone at nakita niya ang isang message na galing kay Stacey. Ayon sa text message nito ay inaaya siya nitong mamasyal sa isang mall. Bagot na bagot daw ito kaya kailangan nitong mag - unwind at mag- relax ngunit sa araw na iyon ay kailangan na niyang umpisahan ang kanyang misyon kaya nireplayan niya ito na hindi siya pwede at may gagawin siya.

Gustuhin niya mang samahan ito sa mga oras na iyon ay hindi niya pwedeng ipagpalit ang misyon niya. Kailangang kailangan na niyang umpisahan ang paghahanap ng magiging lead niya para mahanap o mapalapit man lang siya sa target niya.

Agad naman itong nagreply sa kanya at sinabing naiintindihan niya ito. Nasisiguro niyang may problema na naman ito kaya nanaman ito nag- aayang lumabas. Ganun naman talaga ito e lalo na kapag may problema ito, nag- aaya itong gumala o kaya ay mag- unwind sa kung saang lugar nito maisip.

Ngayon pa lamang siya tumanggi dito dahil hindi talaga siya pwede. Nang mabasa ang reply nito ay hindi na lamang siya nagreply pa at ibinaba muli ang kanyang cellphone sa lamesa.

Ilang minuto muna siyang nanatiling nakatulala sa harap ng telibisyon bago tuluyang tumayo na at umalis doon at pumasok sa kanyang silid upang tuluyan nang maghanda sa kanyang gagawin na misyon.

KASALUKUYAN siyang nakaupo sa isang café sa tabi ng police station. Hinihintay niya ang isang kakilala niya upang magbigay ng mga impormasyon sa kanya. Isa itong pulis at isa ito sa mga kasalukuyang may hawak ng kaso ng mga dalagitang nawawala.

Nakailang sulyap na siya sa kanyang relo at halos paubos na rin ang kanyang inorder na kape ngunit wala pa din ito sa mga oras na iyon. Naiinip na siya at halos maubos na din ang pasensiya niya sa paghihintay. Wala pa naman siyang tyaga sa paghihintay dahil nga para sa kanya ay ang bawat segundo ay napakahalaga para masayang lamang.

Hanggang sa nilagok na niya ng tuluyan ang natitira niyang kape sa kanyang tasa. Siguro ay hindi na ito pupunta dahil kung may balak talaga itong magpunta ay hindi na siya nito kailangang paghintayin pa ng ganun katagal.

Niligpit na niya ang kanyang mga gamit, ang kanyang cellphone ay isinilid na niya sa kanyang bulsa at pagkatapos ay tumayo na. Aalis na siya. Kung hindi nito magawang makipagkita sa kanya ay siya na lamang mismo ang pupunta rito. Wala naman itong abiso na hindi ito makakapunta sa mga oras na iyon at iyon ang unang beses na hindi ito sumipot sa kanya dahil ilang beses na rin naman niya itong naging katrabaho kaya labis ang kanyang pagtataka dahil dito.

Tumayo na siya pagkatapos niyang maubos ang kanyang kape at handa ng umalis mula doon nang mapalingon siya sa pinto ng café papasok na doon ang taong inaantay niya. Pawisan ito at halata sa mukha nito ang pagmamadali kaya naudlot ang kanyang paglabas mula rito.

Muli siyang naupo sa kanyang pwesto at inantay ito kung ano ang gagawin nito. Mabilis itong luminga- linga ito na tila may hinahanap hanggang sa tuluyan nang magtama ang kanilang mga mata. Agad naman sumilay ang isang ngiti sa labi nito at pagkatapos ay naglakad na ito papunta sa kanya.

Pinanuod niya lamang ito na maglakad palapit sa kanya hanggang sa makarating na ito sa harapan niya at naghila ito ng upuan sa harap niya. Inilapag nito ang ilang folders na hawak nito sa lamesa na nasa harap nila at pagkatapos ay umupo. Nagpakawala muna ito ng isang malalim na buntung- hininga pagkaupo at mababakas sa mukha nito ang pagkapagod dahil medyo naghahabol ito ng kanyang hininga.

Hinayaan niya na lamang ito muna dahil mukhang pagod na pagod ito bago niya ito tanungin ng ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa misyon niya.

Sumandal ito sa inuupan nito at pumikit ng ilang saglit. Napahilot din ito sa kanyang sentido dahil sa hindi niya malamang dahilan habang nakapikit.

"Anong gusto mong inumin? Coffee or juice?" Tanong niya sa nakapikit na dalaga. Nakita niyang humugot muli ito ng isang malalim na buntung- hininga bago tuluyang nagmulat ng mga mata at sinagot ang tanong niya.

"Coffee na lang." Sagot nito at pagkatapos ay nginitian siya nito. "Brewed coffee." Pahabol nito sa kanya. Pagkatapos ay isang tango lamang ang naging sagot niya rito at pagkatapos ay tumawag na ng waiter upang umorder ng kanilang mga kape.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status