Share

The Passionate Hunter
The Passionate Hunter
Author: Ellie Kim

Prologue

ANAK ng tokwa! Pesteng buhay talaga ito,oo… sa isip-isip ni Pamela habang naglalakad pauwi sa inuupahan niyang silid. Mukhang inabot na naman siya ng kamalasan. Gaga, ipinanganak kang kakambal ang malas, hindi ba?

     Masama ang loob niya. Kahit siguro sino ang lumagay sa katayuan niya ay sasama rin ang kalooban sa tadhana. Para bang wala na siyang ginawang tama sa buhay niya kaya pinarusahan siya ng ganoon. Mukhang sa susunod na linggo ay mapapaalis na siya ng landlady niya. Hindi na siya nakakabayad ng upa gayong kalilipat-lipat pa lamang niya roon.

     Isa siyang kahera sa isang kainan sa bayan na iyon. Ngunit isang linggo pa lang siya sa trabaho ay sinesante na siya. Pinagbayad pa siya ng malaking halaga dahil sa pagkawala ng pera sa kaha. Sa madaling sabi, nawalan na siya ng trabaho ay may utang pa siya.

Bago siya maging kahera ay isa siyang tindera. Nag-resign siya dahil bigla na lamang hinipo ang kaniyang p***t ng asawa ng amo niya. Ang perang sinuweldo niya sa unang trabaho niya ay nalaglag mula sa kaniyang bulsa. Nawala nang ganoon na lamang. Nagtataka siya kung bakit nawala iyon gayong napakalalim naman ng bulsa niya. Ibig sabihin lamang niyon ay talagang malas siya.

     Marahil ay talagang galit sa kaniya ang kaniyang ina noong ipinanganak siya nito. Iyon kasi ang paulit-ulit na sinasabi sa kaniya ni Tatay Estong, ang matandang Dumagat na nagpalaki sa kaniya na itinatwa ng sarili nitong mga ka-tribu kaya napilitang sa ibang bahagi manirahan.

     Ang sabi nito sa kaniya ay natagpuan daw siya nito sa tabing-kalsada na tanging lampin ang suot. Kinupkop daw siya nito sapagkat naisip nitong wala na rin itong makakasama sa buhay. Nanirahan sila sa loob ng kagubatan. Pero hindi siya nagpapasalamat kay Tatay Estong sapagkat masama rin ang ugali nito.

     Hindi na siya nagtaka na itinatwa ito ng mga kasamahan at kamag-anak nito. Napakatamad nito. Namulatan na niya ang mabibigat na trabaho sa gubat. Tinuruan siya nitong mangaso, itinuro din ang lahat ng gamot sa gubat na puwedeng gamitin sa mga karamdaman, saka ibebenta sa palengke. Tinuruan siya nito ng maraming bagay, ngunit hindi bilang pagpapasa ng kaalaman kundi upang gawin siyang tagapaghanap-buhay nito.

     Pinag-aral siya nito, in fairness sa hukluban, pero hanggang grade six lamang. Hindi na siya pinahintulutang makatuntong man lang ng high school. Tama na raw na marunong siyang bumasa at sumulat nang hindi siya nalalamangan sa bentahan nila ng mga yamang-gubat.

     Mula noong makapagtapos siya ng elementarya ay siya na ang bumuhay sa matanda. Ang lahat ng inaangkat ay siya ang kumukuha at siya rin ang nagluluwas sa palengke. Kailangan niyang gawin iyon sa mabilis na oras dahil kailangan pa niyang asikasuhin ang matanda.

     Ang hindi kalakihang kita at kulang na kulang sa gusto nitong bilhin niya ay literal na isinasampal nito sa kaniyang mukha kapag masyadong maliit. Pinagbibintangan pa siya nitong ‘nangungupit’. Ang totoo ay talagang nangungupit siya pero hindi niya itinuturing iyon na pagnanakaw dahil siya ang humahanap ng pera, siya ang nagpapakahirap kumita ng pera. Paano niya kukupitan ang sarili niya?

     Ang bilin sa kaniya sa tuwina ng matanda ay isang dosenang bote ng gin at de-lata. Araw-gabi, iyon ang kapiling nito. Kahit madaling-araw, maririnig niya itong lasing na kumakantang mag-isa sa silid nito. At sa paggising nito, kapag walang nakahandang pagkain sa hapag ay pinagsasalitaan siya nito ng masasakit. Ang lahat ng ‘ginawa’ nito sa kaniya ay isinusumbat nito sa kaniya.

     Sa totoo lang, marami na siyang galos dahil sa matandang iyon. Hindi naman madalas ang pananakit nito sa kaniya pero parati itong mabunganga. Minsan kada buwan ay nagtutungo ito sa bayan upang mambabae. Kailangan niyang bigyan ito ng pang-tip sa mga belyas nito, kung hindi ay tatadyakan siya nito. Kaya siguro hindi na siya lumaki ay dahil laki siya sa gulpi.

Hindi lamang niya maiwan ang matanda dahil naaawa rin siya rito kahit paano. Sa katunayan, kung hindi lang dahil sa sinasabi nitong ‘pangungupit’ niya, marahil hanggang ngayon ay sa gubat pa rin ito nakatira. Dahil sa kaniya ay nakapagpatayo sila ng maliit na barungbarong. Tagpi-tagpi man ang bubong niyon at segunda mano ang mga kahoy ay disente na ring tingnan iyon, malapit pa sa center na sa tingin niya ay makakabuti kay Tatay Estong dahil parati itong d*******g ng pananakit ng katawan.

     Pero pinalayas na siya nito noong huling pagbuhatan siya nito ng kamay. Ang lahat ng sumbat nito ay ibinalik niya rito. Galit na galit ito sa kaniya at sinabing lumayas na siya dahil isa siyang walang utang-na-loob na ampon. Matigas daw ang ulo niya at isa siyang walanghiya.

     Umalis na nga siya, bagaman paminsan-minsan ay pinapakamusta niya ito sa kaibigan niya. Baka bigla na lamang itong makaisip ng kung ano, kargo pa ng konsiyensiya niya. Plano nga sana niyang abutan ito kahit paano, pero paano niya gagawin iyon sa sitwasyon niya ngayon?

     Parang natutukso na nga siyang pumasok sa beerhouse dahil wala siyang makitang matinong trabaho. Ayaw na niyang bumalik sa dati niyang ginagawang pagtitinda ng mga pananim niya. Walang mangyayari sa kaniya sa ganoong buhay. Una, hindi naman kanila ang gubat. Pangalawa, anong klaseng buhay iyon?

     Ayaw niyang tumandang wala man lang narating. Gustung-gusto niyang makapag-aral. Sabik na sabik siya sa kaalaman. Kaya naman tuwing may extra na kita siya ay bumibili siya ng mga libro at magazines para basahin at pag-aralan. Balak niya kapag nakaluwag-luwag na siya ay mag-e-enrol siya sa ALS o Alternative Learning System nang sa gayon ay madagdagan ang kaniyang kaalaman. Mayroon din siyang librong pang-high school. Nagse-self study siya kahit hirap na hirap siya.

     Ngayon, kung hindi siya isinilang na may kakambal na kamalasan ay ano ang tawag sa kaniya?

     “Uy,” nasambit niya nang makakita siya ng piso sa daan. Ibinulsa niya iyon. Ilang libong ganoon pa at pansamantala nang masosolusyunan ang kaniyang problema. Ang kaso, kahit hanggang Maynila ang lakarin niya, malamang na wala siyang mapulot na ganoon karaming barya.

     Tumambay muna siya sa isang sari-sari store sa may kanto. Nang sa tingin niya ay tulog na ang kaniyang kasera ay saka siya umuwi. Parang gusto niyang umatras nang may makita siyang pigura sa tapat ng inuupahan niyang silid. Napansin niyang malaking piguro iyon. Diyos ko, baka pulis. Baka ipinapulis na ako ng kasera ko. Bad trip!

     Mukhang nakita na siya ng taong iyon. Tumayo ito. Akmang tatalikod na siya nang tawagin nito ang pangalan niya. “Pam?”

     Natigilan siya. Hindi ‘Pam’ ang tawag sa kaniya ng marami kundi ‘Pamela’. Si Tatay Estong lang ang tumatawag sa kaniya ng ‘Pamela.’ Ang totoo, kahit ano ang pangalan niya ay okay lang, dahil wala siyang birth certificate. Kaya lang siya nakapasok sa eskuwelahan ay dahil sa pakiusap noon ni Tatay Estong. Hindi pa rin niya nakukuha ang kaniyang record sa paaralang kaniyang pinasukan dahil wala siyang birth certificate na maipakita.

     Nang ganap nang makalapit sa kaniya ang di nakikilalang lalaki ay halos matulala siya. Ang laking lalaki nito at ang guwapo. Kulay-asul ang mga mata nito. Mukhang hindi ito isang Pilipino dahil sa mga matang iyon at sa tangkad nito bagaman ang ibang katangian nito ay parang sa Pilipino. Ano ang kailangan nito sa kaniya? Naisip niyang baka sineryoso ng kaibigan niya sa tindahan ang sinabi niyang gusto na niyang pasukin ang bagong mundo nito—ang pagiging GRO. Baka ipinadala sa kaniya ang mukhang imported na ito.                           

               

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status