Share

Chapter 4

MATAMANG pinagmasdan mula ulo hanggang paa ni Pamela ang lalaking kaharap. Mukha namang may pambayad nga talaga ito sa kaniyang sampung libo kada araw. Sa branded clothes pa lamang na suot-suot nito ay makikita na talagang nakaririwasa ito sa buhay. At siyempre pa, imported ito, natural na may pera ito. At sa bagay na iyon siya umaasa. Sana nga ay higit pa sa alok nito ang makuha niya.

     Naisip niyang malamang na kung desperado itong makaakyat sa bundok ay may mahalagang sadya ito roon. Mukhang siya na lamang din talaga ang makakatulong dito. Saulado pa rin niya ang daan paakyat sa bundok kahit na may ilang taon na rin siyang hindi nakakaakyat papunta doon dahil malapit sa may paanan na lamang sila ng bundok nagtanim at nanirahan ni Mang Estong. At nitong huli nga ay namasukan na siya. Pero kahit piringan siya at iligaw siya sa bundok ay makakababa pa rin siya.

     “What is your mission there?” usisa niya rito.

     “It’s personal.”

     “But I have to know first.”

     “It’s about a pact I made with Sebastian.”

     “Pack?” Nagtaka siya. “What pack?”

     “I believe it’s none of your business.”

     “Okay, okay. But I have one condition. I want fifteen thousand per day.”

     “Done. Now, we’ll go there early tomorrow morning.”

     Nanlaki ang mga mata niya sa pagkamangha. Oo na agad? Ganoon lamang at talagang payag na ito? Diyos ko, nagsimula sa piso, nagtuluy-tuloy na. Totoo nga pong nandiyan Kayo! Hindi siya nagpahalata sa lalaki sa labis na kaligayahan niya. Sa labinlimang libo isang araw ay paldung-paldo siya!

     Nagpaalam na ito at sinabing susunduin siya nito kinabukasan din. Maghanda na raw siya ng gamit niya dahil malamang na magtagal sila sa bundok. Nang gabi ngang iyon, pagod man ay hindi siya masyadong nakatulog sa pagbibilang ng perang hindi pa niya nakukuha. Naiplano niyang bago sila umalis ay kailangan niyang hingan ito ng down payment. Baka mamaya ay niloloko lamang siya nito.

     Alas-singko pa lamang ay nakahanda na siya. Eksaktong alas-sais naman ng dumating ang lalaki. Hindi pa man siya nakakahingi ng bayad ay iniabot kaagad nito sa kaniya ang isang sobre. Naglalaman iyon ng isandaang libong piso. Nagduda kaagad siya.

     “Maybe fake, ha?”

     Sumimangot ito. “Deposit it first in a bank, if you want.”

     Nahiya siyang aminin dito na wala siyang bangko. Tumango na lamang siya. Nagbayad siya ng utang niya sa kaniyang kasera, saka itinago ang nalalabing pera sa ilalim ng kaniyang kama. Ano’t anuman ay walang makakapasok sa silid niya. Walang nakakaalam ng tungkol sa usapan nila ng lalaki. Malabong may magtangka sa pera niya. Kaysa naman dalhin niya ang lahat ng iyon paakyat sa bundok? Pero nagdala rin siya ng beinte mil sa kaniyang backpack kung sakaling kailanganin niya.

     Nginitian niya ang lalaki. “So, what are we waiting for? The judge?”

     Kumunot ang noo nito. “What?”

     “The judge, you know—“

     “Whatever,” anitong pakumpas-kumpas ang kamay na tila hindi na interesadong malaman pa ang ibig niyang sabihin. Nag-tricycle na sila patungo sa bukana paakyat ng bundok. Nag-back ride na lamang siya sapagkat sa lalaki pa lamang ay mukhang masikip sa ang loob ng sidecar ng tricycle. Nang makarating sila sa bungad ng bundok na aakyatin ay ito pa ang nagbayad ng tricycle. Malaki ang hinala niyang makakasundo niya ang lalaking ito dahil masyadon itong galante.

     “Yuan, I am sorry last night,” paghingi niya rito ng dispensa. Kailangan niyang magpalakas dito baka sakaling bigyan siya nito ng bonus. “I just not understood.”

     “It’s all right,” bale-walang sabi nito. May ipinakita ito sa kaniyang mapa. “Here’s where we need to start.”

     “That is far and dangerous. We can enter here.”

     “No. Here. And only here.”

     Nagkibit-balikat na lamang siya. Kung ano ang trip nito ay siyang masusunod. Nilakad nila ang tabing-kalsada. Kung nalaman lamang kaagad niya na may partikular na ibig daanan ang lalaki ay nagpahatid na lamang sana sila roon sakay ng tricycle. Mahigit kalahating oras silang naglakad at saka sila nagsimulang akyatin ang bundok na kanilang pupuntahan.

     Masukal pa rin ang bahaging iyon. Masuwerte ang San Rafael na hindi pa iyon napapasok ng mga illegal loggers. May bali-balita kasi na sinumang nagtatangkang magputol ng puno roon ay nagkakandamatay raw. Sabi-sabi lamang iyon. Pero siyang tumira nang matagal doon ay wala namang nabalitaan na naging kamatayan doon sa bundok.

     Si Tatay Estong, ni minsan ay hindi nagputol ng puno. Ang ipinanggagatong nila ay iyong mga tuyong sanga lang. Iyon ang turo nito sa kaniya. Sa isang banda ay may pagmamahal ito sa kalikasan. Ang sabi nito, hindi raw nila dapat patayin ang pinagkukunan ng ikinabubuhay nila.

     Ni minsan ay hindi rin nito binalak na magtroso. Kunsabagay, sa tindi ng katamaran ng matandang iyon ay malabong makaputol ito ng malaking kahoy. Isa pa, wala silang gamit. Kung ordinaryong lagare ang gagamitin, malamang na buwan na ay hindi pa rin napuputol ang puno.

     “Here’s the spot, right here,” mayamaya ay sambit ni Yuan. Nasa tapat ito ng isang punong mayroong ukit na ekis. Noon lamang niya nakita ang ukit na iyon, palibhasa ay hindi siya masyadong nagagawi sa lugar na iyon.

     “Who ex that?”

     “What?”

     “Who ex that?” ulit niyang nagmuwestra pa—ipinagkrus ang daliri at itinuro ang puno. “Who?’

     “Sebastian.”

     “I see. He is your best friend?”

     “He was one of my best friends.”

     “He like trees?”

     Tumawa ito at umiling-iling, hindi direktang sinagot ang katanungan niya. Gusto sana niyang usisain ito kung bakit naroon ito, kung ano ang sadya nito, ngunit una pa man ay nagsabi na itong wala siyang pakialam sa bagay na iyon. Ayaw naman niyang sa kakausisa niya ay ma-bad trip pa ito sa kaniya. Habol pa rin niya ang kaniyang posibleng bonus.

     May inilabas itong maliit na notebook na binasa nito. Mayamaya ay inilabas nito ang mamahaling cell phone nito at kinunan ng video ang sarili kasama ng puno na may ekis saka ito nagsalita.

     Binanggit nito ang petsa at oras. “Here’s the spot, right here. I guess here is where it all starts… I am trying the northern part. I’ll start from here. If I were him, it’s where I would go.” Binalingan siya nito. “How many hours would it take to reach the stream?”

     “The stream? With stop, five hours maybe.”

     “I see.” Mukhang nauwi ito sa malalim na pag-iisip at siya naman ay walang ibang maisip kundi mas guwapo ito kapag ganoong seryoso ang anyo nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status