Share

She's Mine (Battle of the Gangsters)
She's Mine (Battle of the Gangsters)
Author: Chrispepper

Kabanata 1

NASA LOOB ako ngayon ng Thanks-a-Latte—isang sikat na coffee shop malapit sa university namin. Nakasaksak ang laptop ko sa plug nila at naka-connect din ako sa palibre nilang wifi. I was about to go home nang mahagip ng mata ko ang Free Wifi na sign sa bulletin board nilang nasa labas. Galing kasi ako kanina sa library ng school namin dahil doon ko sinimulan itong research na ito. Ang kaso, dahil hindi pa nga ako nakatapos ay pumasok ako rito para magpatuloy. Wala kasing wifi sa tinutuluyan ko ngayon. Wala rin naman akong pambili ng mga broadband-broadband na iyan dahil hindi iyan s’wak sa budget ko.

Kanina pa sumasakit iyong ulo ko sa research na ito. Bukas ang deadline, samantalang noong nakaraang araw lang naman ito pinasimulan sa amin. Mabuti sana kung by group ang paggawa para sana may makatulong sa pagtapos kahit papaano, ang kaso ay ginawa namang by individual. Dagdag pa sa sakit ng ulo ko iyong masamang tingin na ibinibigay sa akin ng isa sa mga empleyado rito na akala mo ay secret agent kung makapagmanman sa akin.

Malaki itong coffee shop na ito—two-storey building na kulay emerald green. Masarap sa mata ang kulay pero masakit sa bulsa ang presyo ng mga tinitinda nila.

Halos mag-panic ako nang marinig kong humahakbang papalapit sa akin iyong babaeng empleyado. Iyong tunog ng heels niya ay parang tunog ng sapatos ng mga terror na professor ko sa college—nakaka-intimidate.

“Miss, kanina ka pa narito, ah,” sabi niya sa mataray na tono ng boses. Hindi niya iniyuko ang ulo niya para tingnan ako. Mata niya lang ang nakatingin sa akin paibaba habang nakataas ang kaliwang kilay.

“Oo nga po, eh—medyo kanina pa nga po. Napansin mo rin po pala?” nangingiwing sabi ko. Nakayuko lang ako at hindi ko siya pinapasadahan ng tingin. Ang ginawa ko ay nagpatuloy pa rin ako sa ginagawa kong pagsi-save ng mga resources na puwede kong pagbatayan sa research na ito. “Kanina ka pa nga rin po tingin nang tingin sa akin, eh ano?” dugtong pang sabi ko.

She took a step forward. “Miss, ginagamit mo iyong kuryente namin at halata namang nakiki-wifi ka lang dito,” panunumbat pa nito na sinamahan pa ng pagkrus ng mga kamay niya sa tapat ng kaniyang dibdib.

‘Sinasabi ko na nga ba at sobrang halata na ako, eh. Naku naman, dito na nga ako pumuwesto sa pinaka sulok ng coffee shop para medyo tago pero nakita niya pa rin ako. At . . . ang pinaka nakakailang pa rito ngayon ay sinisilip-silip niya pa talaga iyong ginagawa ko.’

“Miss, mawalang-galang na at kung puwede lang ay umalis ka na rito sa coffee shop namin. Nakakaistorbo ka sa trabaho at sa customers, eh,” malumanay ngunit bakas ang pagkairitang sabi niya sa akin.

Napatingin ako sa paligid, wala namang gaanong tao. Hindi ko rin naman maalalang nanggulo o nang-istorbo ako sa iilang customers na narito. In fact, siya pa nga itong nanggugulo sa akin. ‘Bakit kaya hindi na lang siya ang umalis? What do you think?’

“Hindi mo ba ako narinig?” tanong niya sa akin nang mapansin niyang nananahimik lang ako at nagmamasid sa paligid.

This time, napatingin na ako sa kaniya.

“Ten minutes, miss, puwede?” hirit ko pa. “May kulang pa kasi sa hinahanap ko, eh. Kailangang-kailangan ko lang talagang matapos ito dahil dito nakasalalay ang future ko,” dagdag pakiusap ko. Aalis naman ako kaagad dito kung hindi lang sana importante itong ginagawa ko.

Wala na akong pakialam kung magmukha mang makapal ang mukha ko ngayon. It’s a matter of life and death pagdating sa grades ko sa subject na ito kaya isusugal ko na talaga pati ang kahihiyan ko. Dalawa lang naman kasi ang mapagpipilian ko: Kakapalan ko ang mukha ko rito o makakakuha ako ng tres . . . worst, singko sa transcript of records ko? Siyempre, iyong una na ang pipiliin ko.

“Coffee shop ito at hindi internet café, miss. Buti pa nga sa internet café ay nagbabayad ang mga customers, eh. Ikaw? Maski isang kape man lang ay hindi ka pa bumibili!” pabulyaw pang panunumbat niya. Sa lakas nga ng boses niya ay tiyak na rinig na rinig siya ng iba pang nasa loob ng shop na ito.

This time, nakaramdam ako ng pagkapahiya. Tama naman kasi siya na wala akong binili na kahit ano rito. Eh, wala naman kasi sa budget ko ang pagkakape sa mahal na coffee shop na ito. Sapat na nga sa akin ang 3in1 coffee na nabibili ko sa mga suking tindahan para sa buong magdamag na gising ako at gumagawa ng mga school works.

Panay pa rin ang bulong ng babae sa tabi ko. Inis na inis pa rin siya sa akin. Naipilig ko nang bahagya ang ulo ko kasunod ang paghimas sa batok ko. Tiningnan ko iyong menu ng mga kape nila at halos mapamulagat ako sa presyo.

Isang basong kape, Php.100.00?! Isang araw na budget ko na nga ito, jusko!

“Ano, miss, bingi ka o nagbibingi-bingihan?”

Napapikit ako dahil sa pagpipigil sa inis dahil sa pagtataray ng babaeng ito. Alam kong may mali sa ginagawa ko pero sino ba siya para taray-tarayan ako at sabihang nagbibingi-bingihan? Batay naman sa suot niyang uniporme ay mukhang nagtatrabaho lang naman siya rito at hindi naman siya ang may-ari.

Napabuntonghiningang malalim ako para pigilan ang pagkainis ko. Labag sa loob na kinuha ko iyong wallet ko at tiningnan kung magkano pa ang laman.

‘Wow, Php.600.00! Mababawasan pa tuloy ng isandaan para lang maiahon ang sarili ko sa kahihiyang ginagawa sa akin ng babaeng ito. Kung makapagtaray kasi akala mo ay siya na ang susunod na tagapagmana ng coffee shop.’

“Bibili na lang ako ng kape,” napipilitang sabi ko. Kinuha ko na iyong isandaan at iniaabot sa kaniya. “Brewed coffee . . . tall,” sabi ko habang ang mata ay nasa menu. ‘Ito iyong pinakamura nilang kape pero parang gusto kong mapamura nang literal.’

“No!” mariing sabi niya. Hindi man lang siya nag-atubiling abutin ang perang iniaabot ko sa kaniya. “You must leave this place . . . now!”

Hindi ko na napigilan ang pagkainis ko at napakunot na ako ng noo sa kaniya. “Dahil!?”

“Dahil sinabi ko!” Nakapameywang na siya sa akin ngayon. “Malas sa negosyo ang mga babaeng katulad mo dahil nakakainis ka.”

‘Aba, sinusubukan ng isang ito ang pasensya ko, ah.’ Napahilot ako sa sentido ko at napasuklay na ng buhok gamit ang isa kong kamay, pagkatapos ay masama ang tinging ibinato ko sa kaniya.

“Kung may nakakasira man ng negosyong ito, ikaw iyon. Nananahimik ako rito at ikaw itong pilit na nagpapaalis sa akin. Umo-order ako, miss, and I think it’s your duty na ibigay ang kung anumang ino-order ng mga customers ninyo. Unless ikaw ang may-ari ng business na ito? May-ari ka ba? May-ari ka ba, ha? Nasaan ba ang manager ninyo nang maireklamo kita?”

‘Nakakairita, sinasagad ng bruhang ito ang pisi ko. Gusto ko lang matapos ang research ko! Kung ayaw niya akong pagbigyan na mangyari iyon, pwes, pagbibigyan ko siya sa gulong inuumpisahan niya.’

Lalong gumuhit sa mukha niya ang pagkainis nang hanapin ko ang manager niya.

“Baka ikaw ang ireklamo ko dahil sa ginagawa mo!” sigaw pa niya sa akin. “Coffee shop ito at hindi paaralan!”

“Same as coffee shop ito at hindi palengke kaya huwag kang palengkera!” Balik kong sagot sa sinabi niya. ‘Pinupuno talaga ako ng isang ito.’

“Bianca, ano ang problema rito?” pabulong na tanong sa babaeng intrimitida ng lalaking kararating lang na kaparehas niya ng suot na uniform. Feeling ko nahihiya na rin siya sa eskandalong ginagawa ng kasama niya rito sa loob ng coffee shop na ito.

“Ito kasing babaeng ito, eh!” Dinuro niya pa ako gamit ang hintuturo niya. “Wala nang ibang ginawa kundi ang maki-wifi . . . hindi naman umo-order!”

‘Ay wow, parang inaapi ang buwisit. Eh, siya itong parang baliw na nagsisimula ng away dito pagkatapos ay maghahanap ng kakampi? Sarap hilahin ng buhok!’

“Miss,” kalmado kong tawag sa kaniya pero kung ang pagtitig ko ang pagbabatayan, baka makapatay na ako ngayon. “ . . . pakibasa nga iyon.” Itinuro ko ang isang laminated 8 by 11 inches na announcement sa bulletin board nila. “Alin sa salitang free wifi ang hindi mo maintindihan, ha?” inis kong tanong.

“Free wifi iyan para sa mga customers!” Talagang in-emphasize pa niya ang huling salita. “Baka gusto mo pang ipaliwanag ko sa iyo kung ano ang ibig sabihin ng customer?”

“Oo, naroon na tayo sa mali ako dahil hindi ako um-order ng kung anuman, pero ano ang magagawa ko, hindi ko afford, eh! Kaya nga ako nakiusap na kahit ten minutes na lang, hindi ba? Pero ano, mas pinili mong iiskandalo ako. Ngayon namang umo-order ako, kahit labag sa loob ko, para lang makapag-stay pa ako para sa pesteng research na ito, ayaw mo naman akong pabilhin? Ano ang problema mo!?” mahabang litanya ko sa kaniya. ‘Hindi ko na rin talaga kaya pang pigilin ang pagkainis ko sa isang ito. Hina-high blood ako nang malala!’

Hinawakan ng lalaki sa braso iyong babae nang akmang hahakbang ulit ito palapit sa akin.

“Bianca, tama na iyan, baka makarating pa kay Sir Ken ito . . . mapapagalitan ka na naman.”

‘Na naman? Ibig sabihin, ugali na pala niya talaga ang mamahiya sa customer nila rito? Bakit kaya hinahayaan pa rin siya ng amo niyang manatili rito kung ganiyan siya? Tsk.’

Damang-dama ko ang tingin ng iba pang customers na narito sa loob ng coffee shop. Iyong ibang estudyante ring nakikisaksak sa plug dito ay pasimple na ring nagliligpit ng gamit nila dahil siguro sa takot na masigawan at palayasin din ng babaeng ma-attitude na ito.

Hinarap ko ang mga gamit ko. Siniguro kong naka-save lahat ng files ko bago ko hinugot sa saksakan ang laptop kong dahil walang battery sa loob ay kaagad din namang namatay. ‘Bulok na laptop . . . parang ugali ng babaeng ito.’

“What’s happening here?” rinig kong tanong ng isang kararating lang na lalaki. Hindi ko na iyon nilingon pa dahil ayoko nang humaba pa ang usapang ito. Masyado nang lumubog ang pagkatao ko sa lugar na ito.

Hindi ko na inayos iyong charger ng laptop kong bulok at kaagad ko nang isinuksok sa loob ng bag ko. Rinig na rinig ko pa ang pagkukuwento ng babae sa nangyari na kesyo hindi nga raw ako bumili ng kape, ganito at ganiyan. Hindi niya naikuwento ang pagtataray niyang buwisit siya na wala naman sa lugar.

“Okay na, ‘te, aalis na ako dahil baka mamatay ka pa sa pagka-high blood mo sa akin kapag nag-stay pa ako rito. Wala pa naman akong pampalibing sa iyo,” mataray na sabi ko sa kaniya. “Hindi ka worth it na pag-aksayahan ng budget, siz,” taas-kilay ko pang dagdag.

‘Akala mo ba ay magpapatalo ako pagdating sa pakikipagtarayan, ha? Magkasubukan tayo.’

Nakita ko ang pag-igting ng panga sa akin ng babae. Isinabit ko na ang bag ko sa balikat ko saka na lumakad palabas sa coffee shop. Sinadya kong bungguin ang balikat niya ng bag ko kaya kahit nakatalikod ay parang sinasaksak ako ng mga titig niya. Nakalagpas na ako sa kanila nang bigla akong hawakan sa braso ng lalaking kadarating lang na naging dahilan ng paghinto ko sa paglalakad.

“Ano?” takang tanong ko pa. Tiningnan ko iyong kamay niyang nakahawak sa braso ko saka ko siya tinitigan sa mukha.

Nagtagpo ang mga mata namin. Nakakunot ang noo niya at malalim ang ibinigay na tingin sa akin. Gusto kong iiwas ang mga mata ko sa kaniya pero para na akong na-magnet sa kulay kayumanggi niyang mga mata. Parang ang daming gustong sabihin ng mga titig niya pero hindi ko malaman kung ano ba iyon.

Napakunot tuloy ang noo ko. Ramdam ko ang mahigpit niyang pagkakahawak sa braso ko at patuloy pa rin ang pag-eeksamina niya sa kabuuan ng mukha ko na para bang may inaalala siya mula sa akin. I snap my fingers in front of his face para matigil na ang pagkatulala niya.

“May problema ba?” tanong ko pa.

Nang makabalik siya sa ulirat ay dahan-dahan siyang bumitiw sa pagkakahawak sa akin.

“It’s been a long time since the last day we met,” halos pabulong niyang sabi pero sapat na para marinig ko iyon.

“What . . . do you mean?” I asked.

Mas lalo lang sumakit ang ulo ko dahil sa mga pinagsasasabi niya. Ngayon ko nga lang siya nakita pagkatapos sasabihin niya sa aking ‘It’s been a long time’?

Nakatitig lang siya sa akin . . . na naman. Malalim ang pagkakatitig niya.

“Ayos ka lang ba?” tanong ko pa ulit.

“Sabi ko naman kasi sa iyo ay lumayas ka nang malas ka! Pati ang amo namin ay napeperwisyo mo na!” sigaw pa sa akin ng babaeng kanina pa nambubuwisit sa akin.

“Mas malas ka dahil diyan sa mukha mo!” ganting sigaw ko sa babae. “Lalo na sa ugali mo, impakta!”

Muli kong tinapunan ng tingin iyong lalaking weirdo bago ako tumalikod at lumabas na nang tuluyan sa coffee shop.

“Ano ba ang nangyari roon?” tanong ko pa sa sarili ko. “Guwapo sana kaso parang ewan.”

Dumeretso na ako papunta sa terminal ng mga jeep pauwi sa tinutuluyan ko. Kailangan kong magmadali dahil may tatapusin pa akong research. Pagkababa ko sa jeep na sinakyan ko ay nagsimula na akong maglakad papunta sa apartment. Dalawampung minuto ang ginugugol ko sa paglalakad. Sayang naman kasi ang Php10.00 araw-araw kung sasakay pa ako ng tricycle. Iniisip ko na lang din na exercise ito para maging healthy ako, or should I say . . .  para maitago ko ang kahirapan ng buhay ko.

“Good evening.” Nakangiting bati ko sa mga kasama ko rito sa maliit naming apartment.

Mga bed spacers kami rito. Php.3,500.00 ang upa sa buong bahay. Iyon ang pinaghahatian namin every month plus, bayad pa sa kuryente at tubig. Mabuti nga at tatlo kaming nagbe-bedspace rito kaya malaking tipid na rin.

“Bayaran na natin next week, Ciashet. Paalala ko lang, ha?” ani Ate Rosa—ang nanay-nanayan namin dito sa loob. Siya kasi ang pinakamatanda sa aming tatlo, 32 na pero wala pa ring asawa.

‘Oo nga pala, bayaran na naman.’

“Okay po, Ate Rosa, iaabot ko na lang po.”

Kaagad akong nagpalit ng damit. Hinanap ko sa bag ko iyong wallet ko para makabili na ng lutong ulam sa labas. Para akong aatakihin sa puso nang hindi ko makapa sa loob ng bag ang wallet ko. Binaligtad ko na iyon para mailabas lahat ng gamit ko pero wala talagang wallet na nagpakita.

“Sh*t.”

‘Saan ko ba iyon naiwan? Nahulog ko ba sa jeep? Sh*t, naroon ang natitirang budget ko.’

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status