Share

Kabanata 2

NAGISING AKO dahil sa cell phone kong tunog nang tunog. Panandalian akong nagkusot ng mata at kinapa ang cell phone ko sa gilid ng unan ko.

Pikit ang isang mata kong tiningnan kung sino ang tumatawag—unknown number. Napatingin na rin ako sa oras sa upper right ng cell phone ko . . . ala-singko pa lang ng umaga. ‘Sinong nilalang naman ang tatawag nang ganito kaaga? Hindi niya ba alam ang proper calling etiquette?’

Pikit-mata kong pinindot ang green button sa cell phone ko para masagot ang tawag.

“Sino ito?” kaagad kong tanong.

“Hello rin, miss.”

Napamulat ako nang mata nang marinig ko ang boses ng nasa kabilang linya. Boses iyon ng isang lalaki. Napatayo ako nang wala sa oras. Kahit ilang beses ko kasing alalahanin kung sino ang may-ari ng boses ay hindi ko talaga makilala. Wrong number siguro.

“I’m sorry if it's too early to contact you, however . . . I think, importante naman ito para sa iyo, Ms. Ciashet Laurice.”

Na-amaze ako when he correctly pronounced my name. Sa 19 years na existence ko sa mundong ito, ito ang unang beses na may nakatama sa pronunciation ng pangalan ko na Ki-ya-shey Lo-ris. Napaka ganda naman kasi ng pangalan ko at talaga nga namang kay hirap bigkasin kapag una mo siyang na-encounter. Ang apelyido ko nga lang na Medina ang siyang tama sa lahat kapag tinatawag ako sa school para sa recitation.

Pero wait . . . alam niya ang pangalan ko pero ako, hindi ko makilala ang boses niya.

“Matanong ko lang po, sino po ba ito?” napahikab pa ako matapos ko iyong itanong sa kaniya.

“Ken Alvarez.”

Napakunot ang noo ko. “Sino iyon?”

“That's me . . . I am Ken Sebastian Alvarez.”

Inilayo ko ang cell phone ko sa tainga ko saka pa napakamot sa ulo. First time kong narinig ang pangalan niya. Muli kong inilapit ang tainga ko sa cell phone para muli siyang kausapin.

“Wrong number yata ang natawagan mo, sir.”

“Paanong wrong number, ikaw si Cia, hindi ba? At isa pa, nakita ko itong number mo sa wallet mo.”

Nanlaki ang mga mata ko nang mabanggit niya ang wallet ko na kanina pang nawawala.

“Naku, mabuti naman po at napatawag ka. Puwede ko po bang makuha iyong wallet ko? As in now na, sir? I badly need it, iyan na lang kasi ang natitirang pambudget ko hanggang sa mga susunod na mga araw,” paliwanag ko pa. ‘Siguro naman ay hindi siya tatawag para lang sabihin niya sa aking hindi niya ibabalik ang wallet ko, hindi ba?’

“Sure . . . wala naman itong laman bukod sa mga weird mong pictures sa IDs mo, eh.”

Hindi nakalampas sa pandinig ko ang pagtawa niya—parang nang-aasar. ‘Pinagtatawanan niya ba ang hitsura ko?’

“For your information, mister, may pera iyan sa loob!” Aba, huwag naman na niyang pagtangkaan pa iyong natitirang pag-asa ko sa buhay, ano!

“Yeah, I saw it. It’s only Php.600.00, I won’t be interested on it.”

“Pera pa rin iyan at pinagpaguran ko iyan, ano. Saan ka makakakuha ng ganyang halaga sa kalsada sa panahon ngayon, ha?” tanong ko pa. “Nasaan ka ba nang mapuntahan kita at makuha ko na iyan, baka mamaya pagsamantalahan mo pa iyong mga pictures ko riyan.”

“Thanks-a-Latte.”

Naningkit ang mga mata ko sa sinabi niya at napabuga pa ako ng hangin.

“Alam ko na,” natatawa-tawa ko pang sabi. “isa ka sa mga mapangmatang nakatingin sa akin habang sinisigawan ako ng babae kahapon, ano?”

Muli ko na namang narinig ang pagtawa niya matapos kong sabihin iyon.

“Bakit mo ako tinatawanan? Mukha ba akong nakikipagbiruan?” mataray kong tanong.

“Hindi kita tinatawanan,” he said then he cleared his throat. “Pumunta ka na rito kung gusto mo na talagang makuha itong wallet mo.”

Matapos niyang sabihin iyon ay pinatay na niya kaagad ang linya. ‘Bastos, hindi man lang nag-good bye!’

Dali-dali akong bumangon para mag-ayos ng sarili ko. Kailangan ko nang makuha iyong wallet ko dahil kung hindi ay hindi na naman ako makakakain. Mabuti nga at hindi ko na nararamdaman ngayon ang gutom na kagabi ko pa tinitiis.

Ginising ko si Ate Rosa para manghiram ng isandaan para mayroon akong pampamasahe. I know, ang kapal ng mukha kong manghiram ng pera nang ganito kaaga pero ibabalik ko rin naman mamaya kapag nakuha ko na iyong wallet ko.

Same routine. Nilakad ko ang mula sa apartment papunta sa sakayan ng jeep. Noong naroon na ako sa terminal ng jeep ay kaagad kong tinext iyong number na tumawag sa akin kanina.

To: 09352817***

OTW na ako.

 

Hindi niya ako ni-reply-an. Nang marating ko na iyong tapat ng Thanks-a-Latte, bago pa ako makapagbayad at makababa, may nag-abot na ng bayad doon sa driver.

“Bayad ng bababa, keep the change,” sabi pa ng lalaki. Nakita kong isandaan ang iniabot niya sa driver. Hindi ko makita ang mukha niya kaya naman kaagad akong bumaba para makilala siya.

“Oh my ghad . . . ” Naitakip ko pa sa bibig ko ang kanan kong palad habang itinuturo siya gamit ang hintuturo ko sa kaliwang kamay.

“I thought wala ka nang pera kaya hinintay na kita rito at mabayaran ang pamasahe mo,” nakapamulsa pang sabi niya sa akin.

“Sir Ken, tama? Ikaw ang may-ari nitong coffee shop. Hindi ko alam na ikaw ang nakakuha sa wallet ko. Pasensya na sa abala,” paghingi ko ng paumanhin sa kaniya habang inaalala ang way ng pakikipag-usap ko sa kaniya sa phone kanina. ‘Myghad, naging rude ba ako kanina? Nakakahiya! Malay ko bang siya pala iyong kausap ko?’

“Actually, hindi ako iyong nakakuha niyan. Isinurrender lang sa akin ng isa sa mga tao ko,” paliwanag naman niya.

Napatango na lang ako at pagkatapos ay inilahad ko sa kaniya ang kamay ko. “Iyong wallet ko . . . kukunin ko na.”

“No—not yet,” pigil niya sa akin na ikinakunot ng noo ko.

May kinuha siya sa bulsa niya—pack of cigarette. Kumuha siya ng isang stick at saka sinindihan gamit ang lighter. Kung kahapon ay mukha siyang gulat na gulat sa pagkakita niya sa akin, ngayon naman ay sobrang chill niya. Kung titingnan din siya ngayon ay para bang ang seryoso masyado ng mukha niya habang nakatitig na naman sa akin.

“Follow me, we need to talk. I have something to offer,” sabi niya at pagtapos ay nagsimula nang maglakad papasok sa loob ng coffee shop niya.

Hindi na niya hinintay ang sagot ko. Tututol pa sana ako kaso lumalayo na ang agwat namin sa bilis niyang humakbang. Sumunod na rin naman ako sa kaniya dahil nasa kaniya pa rin naman ang wallet ko.

Nagdere-deretso siya paakyat sa hagdan. Hindi pa nakabukas ang coffee shop pero nagpe-prepare na iyong mga employees niya para sa opening nito.

“Maupo ka,” utos niya sa akin nang makapasok na kami sa office niya.

Magkaharap kami ngayon. Nakaupo siya sa swivel chair niya at ako naman ay naupo sa upuan katapat ng babasagin niyang desk na may nakasulat pang buo niyang pangalan sa isang paparisukat na kahoy.

‘Ken Sebastian Alvarez. Magandang pangalan para sa isang lalaki.’

“Ano ba ang io-offer mo sa akin?” tanong ko.

“Nabasa ko iyong isang papel na nakaipit dito sa wallet mo. I think, it's a bucket list.”

Kaagad na nanlaki ang mata ko nang marinig ko ang sinabi niya. “Binasa mo iyong—”

“Just the first one—about part time job.”

“Pero number five iyon!” pagtatama ko pa. Sh*t, malamang alam na niyang kasama sa bucket list ko iyong makahanap ako ng boyfriend bago ako gumraduate. Myghad, Cia, ang desperada!

“Akala ko nasa number one iyon,” sabi niya nang may nakakalokong ngiti sa labi niya.

“Pakialamero,” bulong ko sa sarili ko saka ko siya sinamaan ng tingin. Guwapo na sana kaso nangingialam ng hindi sa kaniya.

“Hindi ko naman sinasadyang mabasa iyon, kung saan-saan mo kasi inilalagay,” paninisi pa niya sa akin.

I lowered my eyelashes. Kung makapagsalita siya ay para bang tama lang ang kung ano’ng ginawa niya.

“You’re staring as if you wanna bite me.”

Inirapan ko na lang siya saka nag-iwas ng tingin. Bakit ba kasi dinala pa niya ako rito?

“I brought you here to offer you a job, Cia,” pagsisimula niya.

Seryoso ang mga tingin niya habang hinihithit ang sigarilyong hawak niya. Sa harap ko pa talaga siya mismo nagbuga ng usok pero hindi na ako nagreklamo dahil sa natuwa ako sa kung ano’ng sinabi niya. Sakto, naghahanap ako ng trabaho dahil halos kaka-endo ko pa lang bilang service crew sa fast food chain na pinagtatrabahuhan ko.

“Gagawin mo akong isa sa mga crew dito?”

“No, that doesn’t suit you.”

“Tagahugas ng pinggan?” tanong ko pa ulit. “Magaling ako roon!”

Umiling lang siya bilang pagsagot. Sinubukan ko pang hulaan kung ano bang klase ng trabaho ang ibibigay niya sa akin pero wala na akong maisip.

“Naku, nakakahiya naman kung manager kaagad iyong position na io-offer mo sa akin,” I said with sarcasm.

“It’s a special job, Ciashet.” Pinatay niya ang siga ng sigarilyo sa ashtray na nakapatong sa mesa niya at muling ibinuga sa paligid ang huling usok mula sa bibig niya.

“Special agent?” Tinitigan ko pa siya nang maigi. Baka kasi iyon talaga ang balak niyang ipagawa sa akin. “Gagawin mo ba akong spy sa iba pang coffee shops dito para malaman kung ano ang special ingredients nila nang matapatan ninyo at kayo ang manguna sa bansa natin?” dagdag ko pa.

“Stop being funny. I want you to be my girlfriend.”

Para akong naestatwa sa sinabi niya at mataman pa siyang tinitigan. Tama ba ang pagkakarinig ko? Sinabi niyang gusto niya akong maging girlfriend?

“You just need to pretend that you are my girlfriend . . . that’s it.”

Nang makumpirma kong tama nga ang pagkakadinig ko, bigla na lang akong napatawa nang malakas sa harapan niya. Hindi ko nakikita sa mukha niya ang pagbibiro kaya nga iyon ang mas ikinakatawa ko. Anong drugs ba ang nasinghot nito at parang ang lakas ng tama?

Napatigil na lang ako sa paghalakhak nang mapansin kong medyo nalulukot na ang mukha niya.

“Don’t tell me na seryoso ka?” tanong ko pa habang pinupunasan ang namuong butil ng luha sa gilid ng mata dahil sa sobrang pagtawa.

“Mukha ba akong nagpapatawa?”

Ilang segundo ko muna ulit na tinitigan ang mukha niya para siguruhin na hindi nga siya nagbibiro. Nang mapagtanto kong seryoso siya sa sinasabi niya ay napatayo na ako.

“Alam mo, Sir Ken, pagod lang iyan. Nasobrahan ka yata sa kakatrabaho kaya kung ano-ano na ang naiisip mo. Kung ako sa iyo, ipapahinga ko iyan.” Kinuha ko ang wallet kong nasa ibabaw ng table niya para makaalis na kaagad. Malakas yata ang tama ng taong ito kaya hindi na nakakapag-isip nang maayos. Sayang, guwapo sana kaso aning.

“Thirty thousand per month ang sahod mo bukod sa gastos para sa pang-araw-araw mong pangangailangan. You’ll have your own condo and a car of your choice.”

Napahinto ako sa paghakbang at paatras na bumalik sa inupuan ko. Inilapit ko ang mukha ko sa kaniya saka siya pinaningkitan.

“Seryoso ka ba riyan sa ino-offer mo?” tanong ko saka nakipagtitigan sa kaniya. Aba, mukhang papatusin ko iyan kung talaga ngang seryoso siya. Ganitong gipit ako!

“You need a job, right?”

Patuloy ko pa ring tinatantya kung gaano siya kaseryoso sa ino-offer niya sa akin. Sabi nga nila, kung hindi makatingin nang deretso ay tiyak na nagsisinungaling. Pero . . . sa paraan ng pagbabalik niya ng titig sa akin, mukha ngang hindi siya nagbibiro.

“I hope you don’t mind, sir, but . . . nasisiraan ka na ba? Anong klaseng trabaho naman iyang ibinibigay mo sa akin? Ano ang tingin mo sa akin, bayarang babae? Na madali mong mabibili kapag natipuhan mo?”

“Woah.” Napatayo siya and he looks at me with disbelief. Nakatingala na ako sa kaniya ngayon. “Hindi ganoon ang tingin ko sa iyo. Don’t get me wrong. In fact, I just wanna help you. Thirty thousand isn’t a joke for a job that is super easy, right?”

“Yes,” pagsang-ayon ko pa sa kaniya. “Pero, I just wanna inform you also na hindi binibili ang girlfriend, just so you know.”

“Are you still fighting for your pride or you’ll just accept this job and pay your rent for next week?”

Nagsalubong ang kilay ko. “Bakit mo alam na—”

Bahagya siyang yumuko at pinagtapat ang mga mukha namin. “I have my own ways to know everything, Ms. Ciashet Laurice Medina. I already do a background check on you last night.”

Last night? Ganoon kabilis lang niya nalaman ang tungkol sa akin? Gaano ba kaimpluwensya ang isang ito?

“So, ano pa ang alam mo tungkol sa akin?” tanong ko sa kaniya para ma-test kung totoo ba ang sinasabi niya.

I saw a smirk on his face. Dumeretso siya nang tayo saka isinuksok ang kamay niya sa bulsa ng suot niyang pantalon. Saka lumakad papunta sa bintana. Nanatili lang ako sa kinauupuan ko pero nakasunod ang tingin sa kaniya.

“Last year, nasunog ang bodega ng school dahil sa iyo. Walang ibang nakaalam niyon kundi kayo lang ng bestfriend mo—Gwen is the name, if I got it correctly. However, it doesn’t seem to be a secret anymore kasi alam ko na ang tungkol doon and anytime, puwede na rin iyong malaman ng iba.”

Parang nanuyo ang lalamunan ko dahil sa sinabi niya. “Paano mo—”

“I told you . . . I have my own ways. So, if I were you, tatanggapin mo ang offer ko sa iyo then I will shut my mouth para hindi na makarating sa school ang nalaman ko. Graduating ka pa naman, mahirap na at baka magka-bad records ka pa . . . worse, makick-out ka pa sa university.”

Sinamaan ko siya ng tingin. Hindi puwedeng malaman ng school ang tungkol doon dahil for sure, hindi lang suspension ang makukuha ko. Baka ma-expel pa ako. Isa iyon sa napaka laking problemang kinaharap ng school namin dahil lahat ng school records ay natupok ng apoy. Masuwerte ako noon dahil hindi naka-open ang CCTV at walang sino man ang nakaalam kung paano nagsimula ang apoy.

“Kung payag ka na—” Nagtungo siya sa isang cabinet at may kung anumang kinuha. Bumalik siya sa akin nang nakangisi. “Do not hesitate to sign this paper.”

Pagalit kong hinablot sa kaniya ang hawak niyang papel. Nang tingnan ko ang nakasulat, 'contract' ang agad kong nabasa. Kinuha ko ang sign pen na nasa table niya at saka pinirmahan iyong papel. Mabilis na gumuhit ang ngiti sa labi ng g*go.

‘Guwapo nga, buwisit naman!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status