Share

Kabanata 5

“WE’RE HERE.”

Napatingala ako nang husto nang marating namin ang isang mataas na building. Kilala ang building na ito dahil isa ito sa mga sikat na hotel hindi lang dito sa lugar namin kundi sa iba pa. Mga mayayaman kasi ang kadalasang guests dito at halos dito rin ginaganap ang mga special events sa buhay ng mga kilala at matataas na tao.

“Dito ako titira?” tanong ko sa kaniya sa hindi makapaniwalang tono.

Tumango siya sa akin. Hindi ko maitago ang excitement sa katawan ko habang pinapakatitigan ang hotel na tutuluyan ko simula sa araw na ito.

“Grabe, para akong nananaginip habang nakadilat ang mga mata ko. Ni minsan nga ay hindi ko naisip na titira ako sa ganito kagandang lugar.”

“Well, kailangan mo nang masanay dahil ito na ang palaging uuwian mo.” Naramdaman ko ang paghawak niya sa baywang ko. “Tara, dadalhin na kita sa unit mo.”

Mula paglabas sa coffee shop hanggang sa marating namin ang hotel na ito ay hindi na kami ulit nag-usap ni Ken dahil sa naging pagtatalo namin kanina. Buong oras na nasa kalsada kami ay hawak niya lang ang kamay ko at deretso lang sa daan ang tingin niya. Gusto ko sana siyang tanungin tungkol sa sinabi niya kanina pero hindi ko alam kung paano ko iyon sisimulan at mukhang hindi niya rin naman sasagutin ang tanong na iyon kung sakali.

Sa totoo lang, hindi naman kami madalas magkausap ni Karl sa school. Minsan lang kapag nagkakasalubong kami kapag lunch time or break time. Scholar ako sa school na iyon mula nang pumasok ako rito. Ni hindi ko nga alam na magkakilala pala silang dalawa, eh.

“Here’s your room.”

Halos mapanganga ako nang makapasok ako sa loob ng kuwarto. Napaka ganda nito. Walang-wala sa dati kong tinutuluyan. Kung ikukumpara ang apartment na tinuluyan ko noon sa lugar na ito, magmumukha lang iyong bodega. Kung sa bagay, ano ba naman ang laban niyon sa five star hotel na ito?

“Ken, sigurado ka bang sa akin na talaga ito? As in, under my name?”

Pumasok ako sa loob. Ang ganda ng kulay ng mga dingding. Parang gusto kong maiyak sa sobrang ganda ng nakikita ko. Ngayon lang ako nakatanggap ng ganitong klase ng regalo sa buong buhay ko. Kumpleto ng mga gamit, nakaayos na lahat at wala akong nakikitang kulang.

“I am hundred percent sure about it, Love. Pinaayos ko na kanina iyong mga gamit mong kinuha mula roon sa apartment. Bayad na rin iyong utang mong upa."

Humarap ako sa kaniya nang maluha-luha. I don’t know pero malaking blessing sa buhay ko ang tingin ko sa kaniya ngayon. Although alam kong part ito ng trabaho ko sa kaniya, but I can't do anything now kundi ang magpasalamat.

“Thank you, Ken.” Niyakap ko siya. Naramdaman ko rin ang pagyakap niya sa akin pabalik. Pati ang paghaplos niya sa buhok ko ay naramdaman ko rin.

“Kung may kailangan ka pa, pindutin mo lang iyong button na iyon.”

Napahiwalay ako sa pagkakayakap sa kaniya at tiningnan ang button na tinutukoy niya.

“Connected iyan sa kuwarto kong nasa ibaba,” dagdag pa niya.

Napatango na lang ako.

“Bababa na ako para makapagpahinga ka na.”

“Okay.”

Tumalikod na siya sa akin at nagsimula nang maglakad paalis pero kaagad din siyang tumigil.

“Sorry kanina, hindi na mauulit,” sabi niya habang nakatalikod pa rin sa akin. Malumanay ang pagkakasabi niya at mababanaag mo talaga ang pagka-sincere niya sa sinabi niyang iyon. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tuluyan na siyang umalis.

Nagpalit na ako ng damit pambahay. Tama siya, nakaayos na nga rito ang mga gamit ko. Sa sandaling oras na iyon ay nailipat niya ang mga gamit ko rito at naiayos pa. Kung sa bagay, wala naman akong masyadong gamit, eh. Halos damit ko nga lang at gamit sa school ang mayroon ako.

Hindi ko pinalampas ang paglilibot sa buong kuwarto. Napaka laki nito. Bathroom pa lang, parang kasing laki na ng apartment namin. At, ang sarap ng naging pagligo ko dahil first time kong maranasan ang bath tub. Sa mga hotel kasi na napupuntahan namin kapag may seminar, wala namang ganoon.

Binuksan ko ang laman ng iba pang closet. Puro mga damit na may mga tatak, mukhang hindi pa nagagamit. May iba’t ibang style ng sapatos na sa mga model sa magazine ko lang nakikita noon. Hindi ko alam kung sa akin na rin ba ang mga ito. Sobra-sobra na ang mga ito para sa akin. Pakiramdam ko tuloy kailangan kong galingan ang pag-arte para maniwala ang mommy ni Ken na girlfriend niya ako. Makabawi man lang ako sa mga ibinigay niya sa akin. Siguro ay kailangan kong mag-research tungkol sa mga magulang niya. Tiyak naman na may mahahanap ako sa net dahil kilala sa business ang may-ari ng hotel na ito.

Pagkatapos kong libutin ang bago kong bahay, nahiga na ako sa napaka lambot kong kama. Ito ang unang beses na nahiga ako sa higaang sobrang lambot. Naka-air condition pa ang kuwarto. Ang ganda ng bedsheet ng kama. Kulay itim na may mga laces pa. Isa sa mga pangarap ko dating magkaroon ng ganitong higaan pero ngayon, mayroon na ako. Libre pa!

Nag-vibrate ang phone ko na ipinatong ko sa ibabaw ng bedside table ko.

 

Ken

Good night, Love. See you tomorrow.

— received

 

Out of nowhere, napangiti ako sa text niya. Ang cute talagang makabasa ng text na may tamang bantas at buo ang pagkaka-type sa mga words.

Love. Sa dalawang araw na magkakilala kami, ilang beses na ba niya ako tinawag niyan? Ewan ko ba pero tumatalon ang puso ko kapag naririnig kong tinatawag niya akong ‘Love’. Ang babaw . . . but knowing that it came from him, kinikilig na ako kaagad. Ewan ko ba.

Hindi ako nag-reply sa kaniya pero, iniisip ko naman ang mukha niya. Aaminin ko, sobrang guwapo niya talaga. May pagkamasungit siya kung titingnan at parang may pagka-istrikto pero alam kong mabuti ang puso niya. Until now, hindi pa rin ako makapaniwalang kinuha niya ako para lang magpanggap bilang nobya niya. Kung tutuusin, maraming babae siyang mapapa-oo kung gugustuhin niyang talaga. Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit ako pa ang napili niya.

Iniisip ko nga, baka talagang hindi pa lang siya ready na mag-commit sa totoong relationship at naisip niyang hindi sa isang katulad ko siya mabilis na mapo-fall kaya ganoon na lang kalakas ang loob niyang piliin ako para rito.

 

♡ ✿ ♡ ✿ ♡

“HOY MARE, saan ka na pala nakatira ngayon kung umalis ka na roon sa apartment kung saan ka naki-bed space?”

Narito na kami ulit sa school. Katatapos lang ng klase kaya naman pinanonood ko si Gwen dito sa praktis nila ng volleyball. Kasama kasi siya sa mga lalaban sa parating na ALCU kaya todo ensayo sila ngayon. Ewan ko nga ba, ang payat-payat ng braso ng babaeng ito pero kung pumalo, akala mo bakal ang kamay.

“Apartment pa rin ang tinutuluyan ko ngayon pero hindi katulad dati na marami kami sa isang lugar.”

“Eh ’di mas maganda! Atleast puwede na akong tumambay sa iyo,” nakangiti pang sabi niya. Binuksan niya ang bottled water na binili ko kanina para sa kaniya saka uminom.

“Hindi ko pa natatanong sa landlady kung puwede ba ang outsiders doon,” pagpapalusot ko pa. Kilala ko kasi ang babaeng ito. Kapag gusto niyang pumunta, pupunta talaga siya. Paano kapag nalaman niyang sa hotel na pala ako tumutuloy ngayon?

“Basta magsabi ka na kaagad, okay? Para naman hindi tayo palagi sa bahay tumatambay kapag walang pasok.”

Tumango na lang ako sa kaniya.

“Babalik na ako sa praktis. Ganado ako ngayon kasi ang guwapo ng bagong coach ng basketball team.”

Nagsalubong ang kilay ko. “Ano naman kung guwapo? Hindi naman siya ang coach ninyo.”

“Duh?” umiirap pang sabi niya. “Kapag napansin niyang magaling ako, baka maisipan pa niyang mag-move para kausapin ako, hindi ba?”

Napailing na lang ako sa iniisip niya. Kiligin daw ba sa sariling imahinasyon? Hanep.

Pa-cute na bumalik si Gwen sa praktis nila. Hindi nakalampas sa paningin ko ang pasulyap-sulyap niya roon sa bagong coach. Seryoso talaga ang g*ga!

Natuon ang atensyon ko sa nagwa-warm up pa lang na basketball team at napansin ko roon si Karl. Habang tinititigan ko siya ay muli kong naalala iyong sinabi ni Ken noong nakaraang araw. Totoo bang itinago ako ni Karl sa kaniya? Paano? Ni hindi nga kami close ni Karl, eh. Saka, bakit naman niya ako itatago kay Ken? Ano naman ang puwedeng maging rason para gawin niya iyon?

Kaagad akong napaiwas ng tingin nang napalingon din sa akin si Karl. Naramdaman niya sigurong nakatingin ako sa kaniya. Bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kaba. Nahuli niya pa yata ako.

♡ ✿ ♡ ✿ ♡

“SUMABAY KA na sa amin ni Daddy para ihatid ka na namin sa bago mong apartment,” suhestiyon ni Gwen.

Para akong natuyuan ng laway dahil sa sinabi niyang iyon. Dali-dali akong nag-isip ng puwede kong idahilan sa kaniya para mauna na siyang umalis. “Kahit huwag na, mare, malapit lang naman iyong apartme—”

“Oh, malapit lang naman pala. Tara na!” Hinila na niya ako pasakay sa loob ng sasakyan nila. Nagbubutil na ang pawis ko dahil sa kaba. Sh*t, paano ko ito matatakasan!?

Pagkaupong-pagkaupo ko, naramdaman ko ang pag-vibrate ng phone ko. May tumatawag. Hindi na ako nagdalawang-isip na sagutin iyon nang makita ko kung sino siya.

“Hello, ma’am?”

Kaagad na napatingin sa akin si Gwen. Siniguro kong hindi niya maririnig ang usapan namin ng taong nasa kabilang linya.

“Ah, yes, ma’am babalikan ko na po ngayon.”

Gulong-gulo ang kausap ko sa kabila. Sa tingin ko nga ay naiinis siya sa mga sagot kong wala namang connect sa mga sinasabi niya.

“Pabalik na po, ma’am, pasensya na po.”

Mabilis kong pinatay iyong tawag saka rin dali-daling bumaba sa sasakyan nila Gwen.

“Tinawagan ka ni ma’am? Sinong ma’am?” takang tanong pa niya.

“Si Ma’am Jannet. Pinababalikan iyong research paper ko.”

“Nang ganitong oras?” May pagtataka sa tono ng pagtatanong niya. “Narito pa ba siya?”

“Oo, katatawag nga lang hindi ba? Mauna na kayo, mare, baka matagalan pa ako. Alam mo naman iyon, minsan ay bigla-bigla na lang nagsasagawa ng consultation,” pilit pa ang ngiting sabi ko.

“Ganoon ba? Puwede ka naman naming hintayin dit—”

“Hindi na!” pagputol ko sa sinasabi niya. “Huwag na, ano ka ba. Need mo na ring magpahinga. Bye!”

Wala nang nagawa si Gwen kung hindi ang mauna na. Kumaway pa ako sa kaniya bago sila tuluyang makaalis. Napabuga ako ng hangin dahil sa wakas ay nakatakas ako ulit sa kaniya. Hay, salamat!

“Bakit narito ka pa?”

Halos mapatalon naman ako sa gulat nang may biglang magsalita sa likuran ko. Hawak-hawak ko pa ang tapat ng puso ko nang lingunin ko ang pinagmulan ng boses na iyon. May towel siya sa ibabaw ng ulo niya. Medyo pawis pa ang katawan niya pero hindi naman iyon pangit tingnan. Labas pati ang muscles sa braso niya dahil hanggang ngayon ay naka-jersey pa rin siya.

“P-Pauwi na rin,” nauutal ko pang sagot habang ang mga mata ay nanlalaki pa rin sa gulat.

“Gabi na, ah. Hindi ka ba susunduin ni King?”

Sh*t, speaking of him! Siguradong nagtataka na iyon sa mga pinagsasasabi ko sa tawag kanina.

“Are you alright?” nag-aalala pang tanong ni Karl sa akin.

“Ah, o-oo.”

Napakagat ako sa labi ko nang maalala iyong sinabi ni Ken noong nakaraan tungkol sa kaniya at sa akin. Dapat ko ba iyong itanong sa kaniya o hayaan kong si Ken na mismo ang magsabi sa akin?

“Based sa hitsura mo ngayon, it seems that something’s bothering you, Laurice?” Ipinatong pa niya ang kanang kamay niya sa tuktok ng ulo ko at kunot ang noong tumingin sa akin.

Napapikit ako nang sandali at napabuntonghininga bago muling nagsalita. “Noong nakaraang araw kasi, doon sa coffee sho—”

“Love.”

“Oh, nariyan na pala iyong sundo mo,” nakangising sabi ni Karl sa akin. Inalis na niya ang kamay niya sa ulo ko at muling pinunasan ng towel ang pawis niya.

Nilingon ko naman iyong tumawag sa pangalan ko. “Ken.”

Nakasakay siya sa itim na kotse. Binuksan niya ang pinto saka lumapit sa akin. Kaagad na napunta sa baywang ko ang mga kamay niya at masamang tingin naman ang ibinigay kay Karl.

“It’s already 9 p.m. pero wala ka pa sa coffee shop kaya nag-decide na akong sunduin ka na rito. I called while I’m on my way here pero kung ano-anong pinagsasasabi mo,” sabi pa niya sa akin habang ang mata ay na kay Karl pa rin.

Kapag masyadong seryoso si Ken ay parang kinikilabutan ako.

“A-Actually, pauwi na rin sana ako, eh. Nagkaproblema lang ako nang kaunti dahil sa kaibigan kong si Gwen.”

Patuloy sa pagtititigan iyong dalawa. Hindi ko maipaliwanag pero pakiramdam ko ay hindi okay ang relasyon nila bilang magkaibigan.

“I’m glad that you already found her, Bro.”

“F*ck you.”

Naramdaman ko ang paghigpit ng pagkakahawak ni Ken sa baywang ko. I think, hindi maganda kung magtatagal pa kaming tatlo rito.

“Ken, tara na siguro. Umuwi na tayo, gabi na.” Hinawakan ko ang kamay niya at hinila siya papunta sa kotse niya. Mabuti naman at sumunod na rin siya dahil malakas ang kutob kong magbabangayan ang dalawang ito kapag hindi ko pa sila inawat.

Sa loob ng kotse ay ramdam ko pa rin ang inis niya. Sunod-sunod ang malalalim niyang paghinga kaya naman hinawakan ko na ang kamay niya para pakalmahin siya.

Tumingin siya sa akin. Pinagsalikop niya ang mga kamay namin saka niya hinalikan ang likod ng palad ko.

“I’m sorry,” he said.

Ipinatong ko ang isang kamay ko sa magkahawak naming mga kamay.

“It’s okay, Ken, tara na, umuwi na tayo.”

Tumango lang siya pagkatapos ay pinaandar na ang sasakyan niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status