Share

Chapter 1

"ANG pangit… ang pangit, ang pangit-pangit mo!" Wika ng mga estudyante ng Unibersidad of the Philippines sabay palakpak. 

Malalim na buntunghininga na lamang ang kanyang pinawalan ni Faye sa halip lingunin niya ang mga kumakanta. Alam na alam naman kasi niyang siya ang pinapatungkulan ng mga ito, lalo na't ang ilan sa mga ito ay kaklase niya. 

Siya si Faye Galino, kumuha siya ng kursong Business Management dahil mayroon siyang negosyong pamamahalaan pagdating ng araw. Pag-aari ng mga Galino ang Diwata Toy Store na sikat na sikat hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. 

"Faye," sigaw ng kanyang kaklase na si Luther. Ayaw sana niya itong pansinin pero muli na naman itong sumigaw. "Ang pangit mo talaga, nakakasuka!"

Napabuntunghininga na lang siya sa halip na patulan ang pambu-bully nito. Saka, wala rin naman siyang laban sa mga ito dahil hindi lang pang-aasar ang kayang gawin ng mga ito, kundi pananakit din. Frat members ang mga ito kaya kung hindi niya iiwasan ang mga ito, kapahamakan lang ang maghihintay sa kanya. Saka, hindi na naman bago ang mga pang-aasar ng mga ito, pati na rin ng iba. 

Sa loob kasi ng labing pitong taon niya sa mundong ito, wala siyang naririnig buhat sa ibang tao kundi ang tungkol sa kanyang kapintasan. Hindi man siya ipinanganak na sunog ang kalahating bahagi ng mukha, ngunit mula ng magkaisip siya'y mayroon na siyang ganoon. Ayon sa kanyang Yaya Jo, short for Jocelyn, namamasyal silang mag-anak sa Baguio nang mangyari ang aksidente. Tatlong taong gulang daw siya noon,naglalakad silang mag-ina sa paligid ng Teacher's Camp nang bigla siyang kumawala sa pagkakahawak sa ina at nagtatatakbo. Sa pagkadapa raw niya ay dumausdos siya sa may bangin. Mabuti na lamang at nakakapit siya kahit na nagkasugat sugat ang kanang bahagi ng mukha. Pinuntahan siya ng kanyang ina para iligtas siya pero hustong nailagay na siya nito sa ligtas na lugar, na-out of balance naman ito at hindi na nakaligtas. 

Mahal na mahal ng Papa na si Roberto Galino ang kanyang ina kaya naman hindi nakapagtataka na sa tuwing titingin ito sa kanya ay naroroon ang galit. Maaaring musmos pa lamang siya nang mangyari ang aksidenteng iyon pero para sa kanyang ama, siya ang dahilan ng kamatayan ng pinakamamahal nito. 

Marami tuloy na pagkakataon na naiisip niyang hindi lamang ina ang nawala sa kanya, pati na rin ang kanyang Papa. Sinisikap naman niyang mapatawad siya nito't mahalin pero bigo siya. Kahit gaano pa kaganda ang kanyang grado hindi pansin ng kanyang ama. Kahit nga sundin pa niya ang lahat ng gusto nito, wala itong pakialam. Basta kapag nagustuhan nito ay bubulyawan na lamang siya o iinsultuhin. 

Hanggang isang araw ay iniuwi ng kanyang Papa ang kanyang Tita Amanda at ang anak nitong si Tricia. Ewan nga lang niya kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa pinakakasalan ng ama niya ang kanyang madrasta. Naisip niya tuloy na baka naman dahil hanggang sa kasalukuyan ay mahal na mahal pa rin ng Papa niya ang kanyang ina. 

"Faye."

Bigla siyang nag-angat nang tingin nang makilala niya ang boses at hindi nga siya nagkamali nang makita niya si Tricia. Her stepsister. 

"Anong ginagawa mo rito?" Tanong niya rito. Sa La Salle Greenhils kasi ito nag-aaral. Tulad niya, Business Administration din ang kinukuha nito. 

Dapat sana ay magdamdam siya sa ama dahil parang si Tricia ang anak nito at hindi siya ngunit hindi pa rin niya magawa. Siguro dahil mahal na mahal niya ang ama at nauunawaan niya kung bakit ganoon ang trato nito sa kanya. Isa pa, close sila ni Tricia at hinding-hindi siya magseselos dito kahit sa palagay niya'y mas mahal ito ng kanyang ama. 

Sa halip na sagutin ni Tricia ang kanyang tanong, tanong din ang binato nito."Bakit ba hinahayaan mong tuksuhin ka?" 

Hindi man niya tunay na kapatid si Tricia pero malapit sila na para talagang magkapatid. Hindi na niya nagawang sagutin pa ang tanong nito dahil buwisit na hinarap ni Tricia ang mga nanunukso. 

"Hoy  kayo, ang gagaling ninyo manukso, bakit sa tingin ninyo hindi kayo mga pangit?" Nakapameywang na tanong  ni Tricia. 

Kung hindi lang niya alam na ipinagtanggol siya ng kanyang stepsister, parang gusto rin niyang isipin na iniinsulto rin siya nito dahil sa tanong nito. Ngunit, pagkaraan ay naisip niyang wala namang masama sa pagsasabi ng katotohanan. Talaga naman kasing pangit siya. Wala namang matinong tao na magsasabing maganda siya. 

Marami ang nagsasabi sa kanya na maaari naman siyang magpa-reconstructive surgery kung gugustuhin niya dahil mayaman naman ang kanilang pamilya. Ngunit, parang ayaw na ayaw ng ama na gumasta para lang maging normal ang kanyang buhay. Naisip tuloy niya, baka ang paraan nito para ipaalala sa kanya na siya ang dahilan ng kamatayan ng kanyang ina ay panatilihing pangit ang kanyang hitsura. 

Minsan ay sinabi niya sa kanyang ama na gusto niyang ipaayos ang kanyang mukha pero binigyan lang siya nito ng matalim na tingin. Kaya mula noon ay hindi na siya nagsalita pa. 

"Hi."

Agad lumipad ang tingin ni Faye sa nagmamay-ari ng baritoning boses na iyon na tiyak na papasang maging dj. Nahigop lang niya yata ang lahat ng hangin sa kanyang katawan ng magtagpo ang kanilang mga mata. Bigla kasing bumilis ang tibok ng kanyang puso.

Sabi nga, eyes are the window of the soul kaya sa pagkakatitig niya sa mga mata nito, pakiramdam niya'y nagawa nitong  pasukin ang kanyang kaluluwa.

Sa ganda kasi ng mga mata nitong mapupungay parang nagmistulan itong prinsepe sa kanyang paningin. Kunsabagay, ang katangian nito ay hindi lang naman nagtatalos sa mga mata nito dahil guwapo naman itong talaga. Matangos ang ilong nito, manipis ang mapupulang mga labi at mapuputi't pantay-pantay ang mga ngipin nito kaya ang pa-square nitong mukha at bumagay dito. Alun-alon din ang buhok nito na bagamat hindi nasusuklay nang maayos ay bumagay pa rin dito. Tapos malapad ang pangangatawan nito na halatang alaga sa gym. Dahil 5'6" lamang siya, kailangan pa niyang tumingala rito na sa tingin niya ay lagpas pa ng anim na talampakan. 

Pilipino ba talaga ito? Mangha niyang tanong sa sarili. 

"Isarado mo ang bibig mo dahil baka pasukin ng langaw," wika sa kanya ni Tricia saka masuyong inangat  ang kanyang baba. 

Nang mapagtanto nga niyang napanganga siya habang nakatitig  sa guwapong mukha ng lalaki,  pinamulahan siya ng mukha. Hindi niya kasi napigilan ang sarili na mapahanga rito. 

"Anand Villanueva," wika nito sabay lahad ng kamay. 

Ito ang unang pagkakataon na may lalaking nagpakilala sa kanya kaya hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang gawin. Gayunman, bumaba ang mga mata niya sa kamay nitong nakalahad pa rin hanggang ngayon. 

"Faye. Faye Galino naman ang pangalan niya," wika ni Tricia. Ang stepsister na rin niya ang naglahad ng kanyang kamay para makamayan siya nito. 

Nanlaki ang mga mata niya nang magdaop ang kanilang palad tapos ay buong higpit pa nitong hinawakan ang kanyang kamay habang buong tiim na nakatitig sa kanya. Akala niya ay bibitawan agad nito ang kamay niya pero maya-maya ay dinala pa nito iyon sa mga labi. 

"Yucky!" Narinig niyang sigaw ng kung sino kaya nabilis niyang binawi ang kamay kay Anand. 

Bigla kasi siyang natauhan. Ang lalaking nasa kanyang harapan ay hindi isang prinsipe niya na ipinadala ng langit para maramdaman niyang may lalaking maaaring magmahal sa kanya. Imposible kasi iyon. Napakaguwapo nito para maisip nitong siya ang magiging prinsesa nito. 

"Sis…" sigaw ni Tricia na marahil ay nabigla da kanyang pagtakbo. Talaga kasing gusto niyang takasan ang kanyang damdamin. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status