Share

Chapter 2 

"ANONG drama mo?"

Abala si Faye sa kanyang ginagawa kaya naman sa halip na lingunin si Tricia, tiningnan lang niya ito buhat sa salamin. Iniwas lang niya ang mata na tumingin sa kanyang sarili dahil nasasaktan siya. Hindi dahil sa pangit siya kundi dahil sa mga sugat na iyon sa kanyang mukha ay ipinapaalala noon na siya ang dahilan ng kamatayan ng kanyang ina. 

"Saan?" Tanong niya kahit gusto rin niyang itanong kung bakit ang study table ng kanyang Tita Amanda ay may salamin pa. Ipinilig lang niya ang kanyang ulo nang maisip niyang gusto nitong ipakita lagi sa kanya kung gaano siya kapangit. 

Ipinilig niyang muli ang ulo sa kaisipang iyon. Mabait naman kasi ang kanyang  madrasta kaya ayaw niyang isipin na kinakalaban siya nito ng pailalim. May mga pagkakataon naman kasing ipinagtatanggol pa nga siya nito sa kanyang ama at kung absent ang kanyang ama sa mahahalagang okasyon sa kanyang buhay, naroroon naman ito para pasayahin siya. 

"Wala ka naman sigurong amnesia para makalimutan mong pagtakbo mo kahapon, hindi ba?" Marahang tanong nito na para bang ini-engganyo siyang magsabi ng totoo. 

"W-wala iyon."

"Sa palagay ko mayroon. Remember, hindi lang tayo mag-bestfriends, sisters pa."

Napabuntunghininga siya dahil totoo naman ang sinabi ni Tricia. Kaya, kilalang-kilala nito ang bawat reaksyon niya. Nag-init tuloy ang kanyang mukha dahil alam niyang nababasa nito ang kanyang damdamin. 

"Crush mo si Anand, ano?" Wika nitong parang nang-aakusa pero siguradong-sigurado ang bawat bitaw ng salita. 

Gusto niyang tumanggi pero dahil nga sa kilalang-kilala siya ni Tricia. Sigurado siyang hindi niya magagawang magkaila. Kay hindi rin niya napigilang sabihing, "Ang guwapo niya kasi."

Napahalakhak si Tricia. "Sinasabi ko na nga ba."

"Huwag mo sasabihin iyon kay Anand, ha," aniyang todo-todo ang pakiusap. 

"Siyempre, hindi ko gagawin iyon. Bakit naman kita ipapahamak?" Buong diin nitong tanong sa kanya. 

Kahit parang napakasarkastiko ng pagkakasabi sa kanya ni Tricia sa mga salitang iyon, napangiti pa rin siya. "Salamat."

"Bakit ba Anand ang pangalan niya?" Wala sa loob na tanong niya sa sarili. 

"Iyon ang binigay sa kanya ng mga magulang niya." Parang napapantastukuhan nitong sabi.

Bahagya rin siyang natawa sa kanyang sarili dahil may punto naman talaga si Tricia nang sabihin iyon. "I mean hindi naman pangalang Pinoy ang Anand kung tutuusin."

"Half Filipino lang kasi siya, Indian ang mother niya. Ang ibig sabihin ng Anand sa wikang ingles ay happiness."

"I know "

"Hmmm…mukhang nag-research ka na ng husto, ah."

Dahil may katotohanan ang sinabing iyon ni Tricia, nag-init ang kanyang pakiramdam. Napahawak pa tuloy siya sa kanyang pisngi na alam niyang mapulang-mapula na ng mga sandaling iyon. 

"Paano kung ligawan ka ni Anand?" Walang kaabug-abog na tanong ni Tricia. 

Sa tanong na iyon ni Tricia, parang bumilis ng husto ang kabog ng kanyang dibdib. Hindi kasi niya napigilang isipin na aakyat ito ng ligaw sa kanya. 

"Eh, di sasagutin…" napatigil siya sa kanyang pagsasalita dahil pakiramdam niya'y may bumatok sa kanya. Para kasing kahit na may salamin ng nakaharap sa kanya ay hindi pa rin rumerehistro sa kanyang isipan ang kanyang hitsura. 

"Sabi ko na, eh."

Marahas na buntunghininga ang pinawalan niya. "Kahit naman sabihin ko na may crush ako sa kanya, hindi naman niya ako papansinin. Sure ako doon. Ang pangit ko kaya."

"Masyado mo namang inaapi ang sarili mo."

Nang tumingin siya kay Tricia ay nagtaka pa siya na nakangisi ito gawin ang boses nito ay napakaseryoso. Ipinilig na lang niya ang  kanyang ulo nang maisip niyang palihim siya nitong iniinsulto. Malalim na buntunghininga na lang ang pinawalan niya pagkaraan. Naisip niya kasing masyado naman siyang mapagduda. Pati ang taong laging kakampi ay pinag-iisipan niya ng hindi maganda. 

"Kung hindi lang naman talaga diyan sa sugatan mong mukha, maganda ka rin naman. Matangos ilong mo, maganda mga mata mo, mapupula ang labi mo, maganda hugis ng mukha mo, matangkad ka at balingkinitan. Iyon nga lang sira ang kutis mo."

Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Hindi man kasi nito direktang tukuyin, alam niyang ibig nitong sabihin, pangit siya. 

"Kaya nga ayokong paasahin ang sarili ko." 

"Hindi naman masama ang umasa. Malay mo matupad," anito. 

Kumunot ang noo niya sa klase ng pagsasalitang iyon ni Tricia na para bang gusto talaga siyang bigyan ng pag-asa. 

"PWEDE bang maki-chair?" 

Natigilan si Faye sa akma niyang pagsubo nang marinig niya ang boses na iyon. Minsan pa lamang niya iyong narinig pero kabisado-kabisado na niya ang timbre ng kanyang boses. Pakiramdam din kasi niya'y may kumukiliti sa kanyang puso. 

"Anand…" naibulalas pa niya. 

Matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. "Mabuti naman at natandaan mo ako."

"Siyempre naman…" kung hindi niya napigilan ng husto ang kanyang sarili, nasabi pa niya rito ang mga katagang 'ang guwapo mo kaya'. Gayunman, alam niyang sobrang namula ang mukha niya sa harap ni Anand lalo pa't hindi pa rin mawala-wala ang napakatamis na ngiting nakapaskil sa labi nito na nag ibigay ng matinding kaba sa kanya. Ang puso niya kasi ay kumakabog ng husto. 

"Okay lang na umupo ako rito, ha?" Tanong ulit nito. 

"Yes," wika niya kahit gusto niyang magtanong kung bakit pinili nitong umupo sa kanyang harapan gayung marami namang ibang bakanteng mesa. 

Bigla tuloy niyang naalala ang huling sinabi sa kanya ni Tricia, malay mo matupad. Kalimitan kasi'y nagkakatotoo ang sinasabi ng kanyang stepsister. Gayunman, ayaw pa rin niyang umasa na mangyayari nga iyon dahil talagang napakaimposible. 

"Kamusta ka na?" Tanong ni Anand. 

Gilalas siyang napatingin kay Anand. "Akong kinakausap mo?"  hindi nakapaniwalang tanong niya rito. 

Bahagya itong natawa. "Wala naman akong ibang kasama sa table na ito kundi ikaw."

Kung ang layunin man nito ng mga sandaling iyon ay magbiro, hindi siya napangiti. Paano, napahiya siya. Hindi lang dito kundi pati na rin sa kanyang sarili. 

"Hindi lang kasi ako makapaniwala na ang isang tulad mo ay kakausapin ako," matapat niyang sabi. 

"Alien ba ang tingin mo sa akin?" Maang nitong tanong sa kanya. May bahagyang ngiti sa mga labi nito kaya parang gusto niyang isipin na pinagtatawanan siya nito. 

"Ha?"

"Bakit naman hindi kita kakausapin?" Nagtatakang tanong nito. 

"Kasi pangit ako," mahina niyang sabi na ewan niya kung narinig ba ni Anand. Basta iniwas na lang niya ang tingin dito saka ipinagpatuloy ang kanyang pagkain. 

"Hindi totoo 'yan," mariing sabi ni Anand. 

Bigla tuloy siyang napatingin dito. Natanong niya sa sarili, siya ba ang kausap nito? 

"Huwag mong masyadong kawawain ang sarili mo."

Iyon naman talaga ang gusto niyang gawin, hindi lang niya alam kung papaano. Sa tuwing haharap siya sa salamin ay napapatunayan niysng tama ang mga tao. Pangit siya. 

Ngunit, ang higit na masakit sa kanya ay kapag tinatawag siya ng amang halimaw. 

"Why?" Narinig niyang tanong ni Anand. 

Bago pa man niya natanong kung anong ibig nitong sabihin, ikinagulat na lamang niya ang bigla nitong pagdukwang at namalayan na lamang niyang pagpahid nito sa luha niyang hindi niya namalayang naglandas sa kanyang pisngi. 

"May naalala lang ako." Malungkot niyang sabi. 

"Hindi mo kailangang alalahanin ang mga taong nagpapasakit ng kalooban mo."

Hindi niya nakuhang mag-react sa sinabi nito. Paano ba naman kasi, iba pa rin ang reaksyon ng kanyang puso dahil sa ginawa ni Anand kanina. Para ngang dama pa rin niya ang paghaplos nito sa kanyang pisngi. 

"Ituon mo ang pansin mo sa taong pahahalagahan ka." 

Mapait siyang ngumiti sa sinabi nito. "Sino naman ang taong iyon?" 

"Ako," mabilis nitong sabi. 

Nang sabihin ni Anand ang mga katagang iyon, titig na titig sa kanya na para bang bukal na bukal sa loob nito ang sinabi. Bigla tuloy niyang naramdaman ang pagwawala ng kanyang puso na sobrang bilis ang pagpintig. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status