Share

Chapter 3 

"KUNG magsalita ka naman parang close tayo," hindi  napigilang sabihin ni Faye pagkaraan ng ilang sandali. Itinuon niya ang atensyon sa pag-inom ng juice. Tapos na siyang kumain pero hindi pa niya magawang tumayo at umalis. 

Fifteen minutes pa bago magsimula ang susunod mong klase, paalala niya sa sarili. Gusto niyang isipin na iyon ang dahilan kaya nanatili siyang nakaupo roon. Ngunit, ang mapanuksong puso niya ay nagsasabing gusto lang niyang makasama pa ang kanyang crush. Hindi na kasi niya alam kung mauulit pa ang mga sandaling iyon. Baka nga iyon na ang una at huling beses niyang makakasabay si Anand na kumain. 

Feeling mo nagdi-date kayo? Sarkastikong tanong niya sa sarili. Kunsabagay, wala namang pagkakakaiba sa nagdi-date ang pwesto nila ngayon. Nakaupo ito sa harap ng kinauupuan niya. 

"Done?" Tanong nito. 

Bigla tuloy siyang napapitlag sa tanong nito. Wari'y nagtataka ito kung bakit hindi pa siya umaalis gayung tapos na siyang kumain. Kahit hindi siya nakaharap ngayon sa salamin, tiyak niyang nagkulay makopa ang kanyang pisngi. 

Napasinghap lang siya nang maisip niyang pagtatawanan lang siya ni Anand kapag nalaman nito ang kanyang damdamin. 

Ayaw na niya siyempreng hintayin pa mangyari iyon kaya tumayo na siya at umalis. Habang naglalakad lang siya ay na-realize niyang naging bastos siya kay Anand. Ni hindi man lang kasi siya nagpaalam dito pero naisip niyang hindi naman kasi niya ito kasama sa mesa. Baka naman kapag nagpaalam pa siya ay maisip nitong may gusto siya rito. 

"Hintayin mo naman ako," nagrereklamong sabi ng baritonong boses. 

Bigla siyang napahinto sa kanyang paghakbang nang marinig niya ang boses ni Anand kaya naging awtomatiko ang kanyang paglingon. Hindi nga lang niya napaghandaan na sa kanyang paglingon ay babalibag siya sa malapad nitong dibdib na nagpataranta sa lahat ng kanyang senses. 

"Oh," wika niya nang maramdaman niya ang pagpulupot ng bisig nito sa kanyang katawan. Muli, naramdaman na naman niya ang pagdaloy ng kuryente sa kanyang katawan kaya hindi rin niya napigilan ang mapasinghap nang magkatitigan sila. Para kasing saglit na huminto ang tibok ng kanyang puso pero pagkaraan ay biglang bumilis ang pagpintig. 

"Okay ka na ba?" Nag-aalalang tanong nito sa kanya. Hindi pa rin siya nito binibitawan kaya lalong lumakas ang pintig ng puso niya. Hindi lang iyon dahil sa kaba, kundi dahil sa nararamdaman niya para kay Anand. 

"Okay na, okay na," wika niya nang mabalanse niya ang sarili sa pagkakatayo. Nag-thumbs up pa nga siya rito dahil talagang gusto niyang ipakita rito na okay na okay siya. 

Ngunit, paano siya magiging okay kung sobra siyang ninenerbiyos dahil sa pagkakadaiti ng kanilang mga balat?

"Mabuti naman."

"Bakit ba kasi sinundan mo pa ako?"  Tanong niya. Ang gusto sana niya ay tarayan ito kaya lang hindi naman niya alam kung paano magalit, kahit kaunti lang. 

"May nakalimutan kasi akong itanong sa'yo," wika nito sa ulo. 

"Ano?" Nagtataka niyang tanong. Ewan lang niya kung bakit ba hanggang ngayon ay ayaw pa ring bumalik sa normal ang pintig ng kanyang puso. Pakiwari niya tuloy, nag-jogging siya mula Manila hanggang Bulacan. Pagod na pagod kasi siya kahit minsan na niyang nasubukang tumakbo ng sampung kilometro. 

"Pwede ba kitang maging kaibigan?" Masuyong tanong nito. 

"Ano?"

Gusto kitang maging kaibigan," wika nitong nakatingin sa kanyang mga mata.

Hindi niya tuloy napigilan ang mapasinghap. Para kasing napakaseryoso nito. 

"Why, me?" Napapantastikuhan niyang tanong nu'ng rumehistro sa kanyang utak ang gusto nitong mangyari. 

"Why not?" Tanong nito. Nakakunot pa ang noo nito na wari'y takang-taka sa tanong niya. 

Malalim na buntunghininga tuloy ang pinawalan niya pagkaraan. Para kasing bulag si Anand kaya hindi nito nakikita ang dahilan kaya nasabi niya iyon. Talaga nga bang hindi siya pangit sa paningin nito o sadyang ayaw lamang nitong mapahiya siya ng husto. 

"Pangit ako."

"Kaya nga gusto kong maging kaibigan mo para malaman mong hindi lahat ng lalaki ay tumitingin sa panlabas na anyo," marahan na marahan ang pagkakasabi ni Anand ng mga salitang iyon. Pakiwari niya tuloy ay pinag-iisipan nito ng husto ang mga salitang lalabas sa bibig. 

Hindi pa rin niya mapaniwalaan ang mga salitang lumabas sa bibig ni Anand kaya maang siyang napatingin dito. Sinalubong din niya ang mga mata nito dahil talagang gusto niyang makasigurado na seryoso ito sa sinasabi. 

Sabi ng utak niya hindi siya dapat magtiwala sa sinasabi ng kaharap kaya lang iba naman ang hinihiling ng puso niyang humahanga rito. Sabi pa ng puso niya, wala namang masamang ipinakita  si Anand sa kanya kaya maigi naman kung kanya itong pagkakatiwalaan. 

"Please…" wika nitong parang nagmamakaawa pa. 

"Baka pinagtitripan mo lang ako," wika niya. Hindi man niya iyon gustong sabihin pero nagawa pa rin niyang ibulalas. 

"Nope. Kaya nga, gusto kong bigyan mo ako ng chance at patutunayan ko ang aking sarili. Gusto kitang maging kaibigan," mariing sabi ni Anand na para bang sa pamamagitan noon mararamdaman niyang seryoso ito. 

"Okay," sumusukong sabi niya. 

"Okay?"

Marahas na buntunghininga ang kanyang pinawalan. "Sa tingin ko naman kasi ay hindi mo ako titigilan hangga't hindi nasusunod ang gusto mo kaya okay, pagbibigyan kita," kunwari sumusuko niyang sabi ngunit ang totoo, gusto na niyang pagtawanan ang kanyang sarili dahil ayaw na rin naman niyang palampasin ang pagkakataon na iyon. 

Ngunit, pagkakaibigan nga lang ba ang nais ni Anand? Tanong niya sa sarili. Sa tanong niya iyon ay parang gusto niyang magtawa. Di yata't masyado siyang nag-aambisyon. Maaari naman kasing maaawa lamang ito sa kanya kaya gusto siyang gawing kaibigan. 

Napabuntunghininga siya. Naisip nga niyang baka kinausap pa ito ni Tricia para samahan siya. Sabi ni Tricia, kababata raw nito si Anand at .abuti talagang kaibigan. 

"Talaga?" Naniniguradong tanong nito. Wari'y ikinabigla rin nito ang biglaan niyang pagpayag. 

"Ayaw mo yata eh," wika niya. 

"Gusto," wika ni Anand saka ngumiti sa kanya ng pagkatamis-tamis. 

"Okay, friends na tayo," wika niya sabay talikod. Nahihiya kasi siyang masilayan nito ang pagngiti niya. Tiyak niya kasing mabubuking nito ang kanyang damdamin. Binilisan niya ang paglakad dahil baka ma-late na siya sa kanyang klase. 

Buong akala niya ay hahayaan na siya ni Anand na makaalis pero nagkamali siya. Maya-maya ay nasa tabi na naman siya nito, sinasabayan siya sa paglakad. 

"Hatid na kita sa classroom mo."

Hindi niya tuloy napigilan ang muling mapangiti. Sa kauna-unahang pagkakataon kasi'y may nagbigay sa kanya ng atensyon. At dahil din kay Anand, hindi na siya tinukso p ng mga mapang-asar niyang kaklase lalo na si Luther. 

NAPABUNTUNGHININGA si Faye dahil muli na namang tumunog ang kanyang cellphone. Dapat ay makaramdam siya ng pagkairita dahil iniistorbo ng texter ang konsentrasyon niya sa paggawa ng kanyang project pero hindi niya iyon magawa ngayon dahil si Anand ang kanyang ka-text. 

Talaga kasing ipinakita nito sa kanya na isa itong mabuting kaibigan dahil kapag kailangan niya ito ay para itong si Superman na laging too the rescue. Wala na tuloy sinumang nakakatukso sa kanya dahil lagi niyang kasama si Anand. 

Siguro ay ayaw nitong mayroon pang tutukso sa kanya kaya kapag break nila ay lagi itong sumusulpot. 

Ano ginagawa mo? Tanong ni Anand sa text. 

Mabilis siyang nag-reply. Gumagawa ng project. 

Nakaistorbo pala ako. 

Yes, wika niya. Kahit naman kasi natutuwa siya rito dahil nakakalimutan niya ang kanyang kapintasan, hindi pa rin niya gustong magsinungaling sa kanyang nararamdaman.  

Miss you. 

Nanlaki ang mga mata niya nang mabasa niya ang sinabi nito. Bigla tuloy nawala sa kanyang utak ang project na kanyang ginagawa. Bigla kasing dumagundong ang tibok ng puso niya sa sinabi ni Anand. Napalunok siya ng kung ilang ulit. Natanong niya sa sarili, seryoso ba ito?

Miss na miss na miss kita. Ako ba na-miss mo? Text nito sa kanya. 

Kahit hindi niya kaharap ngayon si Anand, mapulang-mapula ngayon ang kanyang mukha. Para kasing kahit hindi niya sagutin ang tanong nito, alam na alam nito ang kanyang nararamdaman. At nang mapatingin siya sa salamin, hindi nga siya nagkamali. Mapulang-mapula ang kanyang mukha. 

Uy, text pa nito.

Malalim na buntunghininga ang kanyang pinawalan. Sa tingin niya'y hindi aiya tatantanan ni Anand hanggang hindi nito nakukuha ang sagot na kanyang inaasam. Sa sandaling pagkakakilala nila ay alam na alam niyang sobra ang kakulitan nito. 

Oo na, wika niya. Kahit napilitan lamang siyang umamin ay hindi naman niya maitago ang kanyang ngiti. 

Ang inaasahan niya ay magti-text na naman si Anand para siguraduhing tama ang kanyang sinabi pero hindi tumunog ang kanyang cellphone para sa text nito. Sa halip, nag-ring iyon. 

Natigilan tuloy siya ng husto. Hindi niya kasi malaman kung sasagutin niya iyon o hahayaang mapagod si Anand sa kakatawag. Parang gusto niyang tikisin ito. 

"Hello," sabi niya maya-maya nang kusang kumilos ang kamay niya para damputin ang kanyang cellphone. Gusto rin kasi niya marinig ang boses nito. 

"Gusto ko lang i-confirm na pareho tayo nang nararamdaman."

Napabuntunghininga siya ng sobrang lalim. Kahit kailan ay napakakulit ni Anand kaya kahit na hindi niya ito kaharap ng mga oras na iyon, nakakasigurado siyang nakangisi ito.  "Oo na nga."

"Nice. Ibig sabihin niyan, tayo na."

"Ano?" Gilalas niyang sabi. Parang ayaw magrehistro sa kanyang utak ang sinabi nito. 

"I love you," wika pa nito sabay pindot ng end call. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status