Share

Chapter 4 

I LOVE you? Manghang bulalas ni Faye. Ilang saglit tuloy siyang natulala. Talaga kasing hindi niya inaasahan na maririnig niya ang mga salitang iyon kay Anand. 

Bahagya siyang umiling dahil ayaw niyang paniwalaan ang sinabi ni Anand. Marahil, nagbibiro lang ito o kaya naman sinabi lang ang mga salitang iyon dahil malapit sila sa isa't isa. 

Sa pagkakaalam niya kasi ay kaibigan lang ang turing nito sa kanya. May palagay nga siyang naaawa lang ito sa kanya kaya lagi siyang sinasamahan. Duda rin niya ay pinakiusapan lang ito ni Tricia na bantayan siya at laging protektahan. 

Hindi man kasi sila magkadugo ni Tricia, parang tunay na magkapatid ang kanilang turingan kaya lahat din ay gagawin ng kanyang stepsister para mapaligaya lang siya. Malalim na buntunghininga tuloy ang pinawalan niya pagkaraan. Naisip kasi niya na hindi naging mabuti na nalaman nito na may gusto siya kay Anand, sa kaibigan nito.

"Anong ginagawa mo rito?" Gilalas na tanong niya kay Anand nang malabasan niya ito. Nakahalukipkip ito habang nakasandal sa asul na kotse nito. Ngumiti ito ng pagkatamis-tamis nang lumapit siya. 

Kung si Tricia ay hatid-sundo ng kanilang driver, siya ang pinipili na lamang mag-commute dahil mas gusto niyang makalanghap ng sariwang hangin kaysa nakakulong lang kotse. Hindi siya nasisiyahan sa buga ng aircon. Kahit pa sabihin ng marami na nakakaganda raw sa kutis ang pagi-aircon, hindi pa rin niya iyon kayang paniwalaan. Paano naman kasi siya maniniwala kung hindi naman mababago ng aircon ang pangit niyang hitsura. 

"Sinusundo ka," nakangiting sabi nito. Binuksan nito ang pintuan ng passenger seat saka inalalayan siyang pumasok sa sasakyan. Nagmistulan tuloy siyang robot na sunud-sunuran kay Anand dahil hindi siya makatutol. 

May balak ba talaga siyang tumutol? Dudang tanong niya sa sarili. Ipokrita siya kung sasabihin niyang oo dahil mahal niya si Anand. Gusto niyang palagi itong kasama. Kung maaari nga lang ay bawat oras at bawat segundo.

"Oh," bulalas niya. Para ngang nawalan siya ng lakas na ibulalas ang mga katanungang bakit kailangan mo akong sunduin? Mas nakakasiya naman kasing maramdaman ang presensiya ni Anand kaysa marinig pa ang sasabihin nitong maaaring magpawala sa kasiyahang nararamdaman niya. 

Hindi pa man kasi'y parang dinudurog na ang kanyang puso kapag naiisip niyang ang sasabihin nito sa kanya ay 'type ko si Tricia, pwede bang ilakad mo ako sa kanya.'

Hindi pa man niya naririnig na ibinubulalas ni Anand ang mga salitang iyon, para ng dinidikdik ng pinung-pino ang kanyang puso.  Ngayon pa lang kasi ay sobra na siyang nasasaktan. Ngunit, wala naman siyang magagawa dahil maganda at seksi naman talaga si Tricia kaya masasabi niyang bagay na bagay sina Anand at Tricia. 

"So, anong sagot mo?" Tanong ni Anand pagkaraan ng ilang sandali. Kahit na in-start na nito ang sasakyan ay hindi pa rin nito pinapaandar iyon. May palagay tuloy siyang gusto lang nitong buksan ang aircon.

Gilalas napatingin dito. "May tinanong ka ba?" 

Marahas na buntunghininga muna ang pinawalan niya. "Wala pero may sinabi ko sa'yo kagabi."

"A-alin doon?"

 "Iyong huli kong sinabi."

Hindi agad siya nakakibo dahil bigla siyang kinabahan ang sinabi nito. Siyempre, ang agad pumasok sa isip niya ay nang magsabi ito ng I love you. 

Kahit naman magdamag siyang hindi pinatulog ng mga salita nito, ewan niya kung magagawa niya iyong paniwalaan. Mas gusto na lamang niyang isipin na pinagtripan lang siya nito kaysa umasa siyang talaga ngang mahal siya. 

"Hindi naman ako naniniwala," wika niya pagkaraan ng ilang sandali. 

"Why?" Wari'y nagdaramdam nitong tanong sa kanya. 

Nang tingnan niya ito'y nakakunot ang noo ni Anand. Parang naguguluhan pa kung bakit hindi niya ito mapaniwalaan. 

"Pangit ako. Mukha akong halimaw," inis niyang sabi. Pagkaraan ay nagmistulang gripo ang kanyang mga mata. Hindi na kasi niya napigilan ang kanyang pagluha. Biglang nag-flashback sa kanyang alaala ang mga pang-iinsulto sa kanya ng kung sinu-sino. Kilala man niya o hindi. 

"Huwag mo ngang sabihin 'yan," mariing sabi sa kanya ni Anand. 

"Dapat bang sabihin kong maganda ako kahit hindi naman?" Sarkastikong tanong niya rito. 

Marahas na buntunghininga ang pinawalan ni Anand na para bang hindi nagustuhan ang kanyang sinabi. "Maganda ka, okay? Para sa akin, maganda ka."

"Mata mo ba ang may diprensiya o ang utak mo?" Sarkastikong tanong niya rito. Kung hindi niya kasi ito papakitaan ng katarayan ay baka maniwala na lang siya ng basta-basta sa sinabi nito. 

"Beauty is in the eyes of the beholder."

"Mali-late na ako," wika niya. 

"Ten o'clock pa ang first class mo. Alas otso pa lang."

Totoo ang sinabi ni Anand kaya sa isang saglit ay hindi siya nakakibo. Ngunit, nang makahagilap siya ng maidadahilan, agad siyang nagsalita. "Pupunta ako sa library may ire-research ako."

"Saliksikin mo muna ang laman ng puso ko," sabi ni Anand bago kinuha ang kanyang kamay ay pinakatitigan siya sa mga mata. 

Nang magsalubong ang kanilang mga mata, talagang lumakas ang pintig ng kanyang puso. Parang tinambol iyon. Sobra rin kasi siyang kinabahan. 

"Anand…"

"I Love you. Do you love me too?"  Tanong nito sa kanya. 

Bumuka ang bibig niya para sana magsalita pero wala namang katagang lumabas doon. Paano ba naman kasi hindi niya alam kung ano ba ang kanyang sasabihin. Kung magpapakatotoo siya at nagbibiro lang si Anand, siguradong masisira lang ang kanilang pagkakaibigan at ayaw niya iyong mangyari. 

Masyado na siyang nasanay sa presensiya ni Anand kaya siguradong masasaktan siya ng sobra-sobra kapag hindi na siya nito pinansin isang araw. 

Ngunit, kapag ipagkakaila niya kay Anand ang tunay niyang nararamdaman ay baka naman layuan na siya nito. 

"Faye…"

"Hindi ko alam ang sasabihin ko," wika niya. Talaga kasing nalilito na siya kung anong gagawin at sasabihin. 

"Mahal mo ba ako o hindi?" Biglang tanong nito. 

"Mahal," hindi niya napigilang sabihin. Iyon naman kasi ang totoo at hindi niya kayang ipagkaila ang tunay na nararamdaman. Pagkaraan ay dinukwang siya ni Anand. Akala niya ay dahil lamang sa hindi pa niya naikakabit ang kanyang seatbelt. Iyon pala ay aabutin nito ang likod ng batok niya at palalapatin ang labi sa kanyang mga labi. 

Oh, pakiramdam tuloy niya'y nagkulay rosas ang paligid at may mga anghel na nag-aawitan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status