Share

Chapter 1

“Candelaria! Candelaria!” may pagmamadaling tawag kay Candice ng kaniyang inang si Virginia kasabay ng pagkatok nito sa pinto ng kaniyang silid. 

Kasalukuyan pa siyang nasa kasarapan ng tulog, pero halos basagin na nito ang pintuan kakakatok. Kung may malapit lang silang kapitbahay, malamang na naingayan na ang mga iyon at nasigawan na sila.  

Yari sa capiz ang buong kabahayan nila, sinaunang bahay iyon na minana pa ng kaniyang ama sa mga magulang nito. May dalawang kwarto iyon sa itaas at isa sa ibaba, kasama ang isang maliit na salas, kusina at palikuran. Saktong-sakto lang iyon para sa payak nilang pamumuhay.  

Nang hindi sumagot si Candice ay walang kaabog-abog na binuksan ng ina ang pintuan at dere-deretso itong pumasok sa loob.  

“Gumising ka ngang bata ka,” anito sabay tapik nang malakas sa kaniyang balikat.  

“’Nay naman eh. . . kaaga-aga pa. Alam n’yo namang galing ako sa night shift kagabi,” reklamo niya dito.  

“Gumising ka d’yan,” wika nito sa ma-awtoridad na tinig.  

Walang nagawa si Candice kundi ang bumangon habang ikinikisap-kisap ang mga mata. Itinakip niya ang mga kamay roon nang tamaan ng sinag ng araw na tumatagos sa nakabukas niyang bintana.  

Namaywang ang inay niya. “Ano bang gusto mong gawin dito sa bahay natin, ha? Bahay-ampunan? Sino na naman ang batang iniuwi mo rito kanina?” sunod-sunod na tanong nito. 

Naghikab muna siya bago sumagot, “Nakita ko, ‘Nay, sa labas ng isang fast food chain kanina. Hindi ko maatim na iwanan kaya iniuwi ko na rito.” Nagkamot siya ng ulo. 

Para siyang isang bruha sa kaniyang itsura. Gulo-gulo ang mahabang buhok na halatang kailangan nang maraanan ng suklay.  

Napahawak sa noo ang kaniyang inay sa tindi ng inis na nadarama. “Ikaw na bata ka talaga! Basta makakita ka ng bata sa kalye, pinupulot mo. Paano kung may mga magulang ang batang iyon? Paano kung hinahanap na siya ng mga iyon ngayon?” litanya pa nito.  

Umiling siya sabay tayo. Nawala na rin naman ang antok niya sa lakas ng boses nito. “Eh tinatanong ko naman siya ‘Nay kanina kaso hindi ho naimik, eh. Mukha ring ilang araw nang hindi kumakain,” aniya sabay abot sa tuwalyang nakasabit sa may bintana.  

“Candelaria naman… Hindi mo ba alam na baka ikapahamak mo iyang kapupulot mo ng mga bata?” tanong pa nito habang sinusundan siya papuntang banyo. 

 

“’Nay, remember… good deeds ang ginagawa ko. Paano naman ako mapapahamak?” nakangiting sabi niya rito bago pumasok ng banyo. Nagpatulo kaagad siya ng tubig na ipampapaligo.  

“Hay naku! Ewan ko ba sa ’yong bata ka! Kundi ko pa nga dalhin sa DSWD ’yong iba baka nagmistula na talagang bahay-ampunan itong bahay natin,” patuloy pa ring talak nito.  

Hinarap niya ito. “Kasalanan n'yo iyon ni tatay. Bakit ba kasi hindi ninyo ako binigyan kahit isang kapatid man lang? Di sana may kasama ako ngayon at hindi nahihilig mag-uwi ng mga batang kalye rito sa atin,” aniya sabay sara ng pintuan at deretsong naghubad ng pangtulog.  

Alam niyang hindi siya titigilan ng ina sa kakasermon nito, kaya minabuti na niyang maligo para matigil na ito.  

Siya si Candelaria Manatili o Candice for short. She was twenty-six years old at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang nurse sa Virgin Mary Hospital. Ang kan’yang mga magulang ay parehong guro sa iisang paaralan sa San Lucas, isang bayan sa Quezon. Nagtuturo pa rin hanggang ngayon ang inay niya, samantalang matagal ng patay ang tatay niya dahil sa sakit sa atay. At dahil bakasyon, madalas na nasa bahay ang kan’yang ina. 

 

Nag-iisa siyang anak, kaya siguro malapit sa puso niya  ngmga batang kalye. Kinukupkop niya ang mga ito ng ilang araw, pinakakain at dinadamitan nang maayos.  

Noong una, hindi nagrereklamo ang kaniyang ina. Pero nang napadalas na ang ginagawa niya, nakuha na rin siya nitong sawayin. Lagi nitong ipinapaalala sa kan’ya na baka ikapahamak niya iyon. Pero tinatawanan niya lang iyon. Ang katwiran niya, walang masama sa ginagawa niya, kaya’t hindi na rin siya pinigilan pa nito.  

At kagaya ng normal na araw sa buhay niya, habang kumakain siya kanina sa loob ng isang fast food, nakita niya ang isang batang babae. Nakatingin ito sa kan’ya habang kumakain. Nginitian niya ito at inaya sa loob. Mukha namang gutom na gutom ang bata dahil nakadalawang order siya ng spaghetti para rito. Tinanong niya ito kung nasaan ang mga magulang nito, pero nakatitig lang ito sa kan’ya at hindi umiimik.  

Pinagmasdan niyang maigi ang bata. At base sa karanasan niya bilang isang nurse, pumasok sa isip niya na baka may trauma ito o di kaya ay talagang may kapansanan lang. 

Kaya naman isinama niya ito sa kanila; inaliguan, at binihasan. At nagulat pa siya sa nakitang itsura ng bata. Makinis at maganda ito! Ang alon-alon nitong buhok ay mahaba at may pagka-brown ang kulay, ganoon din ang bilugang mga mata. Matangos din ang ilong nito at parang isang Spanish princess kung titingnan.  

Habang ganoon ang naglalaro sa kan’yang isip, nakapagpasya siyang i-report ito sa pulis nang araw ring iyon, dahil baka nga may naghahanap na rito gaya ng sinabi ng inay niya.  

“Bilisan mo d’yan Candelaria! Hindi pa tayo tapos mag-usap,” malakas na wika ng inay niya, na hindi pa rin pala umaalis sa labas ng banyo.  

Napailing na lang siya sa kaniyang sarili. Hindi pa pala ito tapos sa panenermon sa kan’ya.  

Nagmamadali siyang nagbuhos at nang makatapos ay nagtapis na ng tuwalya sa katawan. Wala na paglabas niya ng banyo ang ina. Dali-dali siyang nagtungo sa kaniyang silid at nagbihis. Nagtutuyo na siya ng buhok nang pumasok sa loob ang batang babae. 

Nginitian niya ito. “Kumain ka na ba?” magiliw na tanong niya rito.  

Iba ang pakiramdam niya kapag nasisilayan ang bata. Parang kaygaan-gaan ng loob niya rito at hindi niya iyon maintindihan.  

Hindi ito sumagot. Kaya minabuti niyang gumamit ng sign language, nagbabaka-sakaling sasagot ito kapag ganoon ang ginawa niya. Ngunit, nananatili lang itong nakatitig lang sa kan’ya.  

Napabuntong-hininga na lang siya. Hindi niya mapigilan ang sariling makaramdam ng awa para sa batang kaharap. Hindi maalis sa isipan niya na baka may masamang nangyari rito at na-trauma ito nang dahil doon.  

Marahan niyang hinaplos ang ulo nito. “Kung ano man ang nangyari sa ’yo noon. . . sisiguraduhin ko sa ’yo na malilimutan mo iyon habang naririto ka sa akin,” kausap niya rito.  

At hindi niya napigilan ang sarili na yakapin ito. There was a strong feeling inside of her that urging her to do that. At sa aktong iyon napasukan sila ng inay niya.  

“Cande—” Natigilan ang inay niya sa nadatnang tagpo roon.  

Matagal sila nitong pinagmasdan bago nagsalita, “Nakahanda na ang hapag-kainan. Sabayan n’yo na akong dalawa.”  

Isang tango ang isinagot niya rito bago ito muling lumabas. 

Binitiwan niya ang bata at hinarap ito. “Dahil hindi ko pa alam ang pangalan mo, bibigyan muna kita pansamantala,” nakangiting kausap niya rito at nag-isip. “How about Daisy? That’s suits you well. . . What do you think?” she asked, kahit pa alam naman niyang hindi rin ito sasagot.  

But to her surprised, the child smiled! At napatulala siya sa naging itsura nito. She was very beautiful! Walang panama ang itsura niya rito. At nang titigan niya itong maigi, nagniningning ang mga mata nito at nakahahawa ang mga ngiting iyon nito.  

“So, you understand that,” aniya habang nakatitig dito. “Okay. . . From now on, I’ll call you Daisy.” Umusal siya nang maikling pasasalamat sa sarili na hindi naman pala apektado ang pandinig ng bata. 

Tumayo siya at kinapitan ito sa kamay. “Let’s eat,” yaya niya rito.  

***** 

“’NAY sasaglit po kami sa presinto. Baka sakaling may naghahanap na kay Daisy, maigi na iyong sigurado,” paalam niya sa kan’yang inay.  

Tumango naman ito. “Maigi pa nga anak nang mapanatag din ang loob ko. Nakita kong mukhang galing sa maayos na pamilya ang batang ito at kita mo naman sa kan’yang itsura,” komento nito.  

“Opo nga, ’Nay. Napansin ko rin iyon,” aniya at nilingon si Daisy na may hawak na teddy bear. Sa kan’ya iyon, ibinigay niya iyon dito kanina. “Kaso ’Nay, mukhang na-trauma ang bata.”  

“Ganoon ba? Kung iyon ang nararamdaman mo, mas maigi ngang ipagbigay alam mo iyan sa pulisya at baka kailangan din talaga niyan ng tulong,” anito habang matamang pinagmamasdan si Daisy. Nakikita niya sa mga mata ng ina ang pag-aalala. Maging ito ay nakadarama nang pagkahabag sa bata. 

Nilapitan niya si Daisy at inayos ang suot nito. “Sige ‘Nay, tutuloy na po kami.” Humalik muna siya sa pisngi nito bago tuluyang lumabas ng bahay nila.  

Habang nasa byahe ay samo’t saring isipin ang nagsasalimbayan sa isipan niya tungkol sa maaaring pinagdaanan ni Daisy. Hindi niya kasi makuhang isipin na sa napakamurang edad nito ay matinding pagsubok na agad ang naranasan. At kung ano man ang mga iyon, malalaman niya rin oras na makilala niya ang mga magulang nito.  

Pagkatapos nilang mag-report sa mga pulis, dumeretso sila sa isang mall. Ipinamili niya si Daisy nang ilang mga gamit na kakailanganin nito. Hindi man ito nagsasalit pero ngumingiti naman ito kapag tinatanong niya. Iyon na ang paraan ng pakikipag-usap niya rito.  

Hindi rin sila nagtagal doon. May pasok pa siya mamayang alas-sais ng hapon at kinakailangan pa niyang magpahinga.  

Pagdating sa kanila ay itinabi niya sa pagtulog si Daisy. Ramdam niyang napagod din ito sa paglabas nila kanina. Nagsumiksik ito sa kan’ya na ikinangiti niya. Masuyo niya itong niyakap at halikan sa noo, bago sila sabay na nakatulog.  

*****

“I hope you have good news,” Sebastian said. Seryosong tinitigan niya ang kaharap. Nasa Casa Monte Bello siya at naghihintay ng update tungkol kay Bella.  

“I’m sorry, Pare. . . but it’s still the same.”  

“God d***it! What kind of detective are you?!” bulyaw niya kay Bernard sabay hampas ng dalawang kamay sa ibabaw ng mesa. Halos magtumbahan ang mga nakalagay roon. At kung iba ang kaharap niya ngayon, malamang inatake na iyon sa puso.  

Nag-aapoy ang mga matang tinitigan niya ito. “I thought your agency was the best in the country. Bakit hanggang ngayon wala pa rin kayong lead?” nanggigil na tanong niya rito. Balisang tumayo siya at nagpauli-uli sa loob ng library habang nakapamewang.  

Si Bernard del Castillo ay kaibigan at kababata niya. Taga-rito rin ito sa Puerto del Cielo. Dati itong sundalo at ngayon ay may sarili ng security and detective agency sa Maynila.  

“Your temper, Kuya. . . Baka mamaya marinig ka ni Mama,” malumanay na saway sa kan’ya ni Antonio, ang pangalawa niyang kapatid. Nasa library silang tatlo at doon pinag-uusapan ang tungkol sa pagkawala ni Bella.  

Nang malaman ng mama nila na si Donya Consuelo ang pagkawala ng apo nito, inatake ito sa puso. Mabuti na lang at naagapan agad ito ng mga doktor. Pero binalaan na silang mag-iingat sa susunod dahil baka hindi na nito iyon kayanin pa.  

At pagkatapos ngayon, wala pa rin silang makuha ni katiting na impormasyon tungkol sa pagkawala ni Bella. Habang tumatagal ang paghahanap nila ay unti-unti na rin siyang nawawalan ng pag-asa. At ang mas ikinatatakot pa niya ay ang magiging epekto nito sa mama nila.  

“Please calm down Sebastian,” narinig niyang wika ni Bernard. “I am doing my best to trace Bella’s yaya. Pero mukhang sinadya nitong ibahin ang identity nito, so that we couldn’t get any lead from her.”  

Huminga nang malalim si Sebastian para supilin ang tinitimping galit, pagkatapos ay blangkong tiningnan ang kaibigan. “Then search everywhere. . .” aniya sa mahina ngunit makapangyarihang tinig. “I don’t care kung gumastos ako nang malaki. Basta ang importante ay matagpuan ninyo ang bata.”  

Nakipagtitigan naman sa kan’ya ang kaibigan. “Hindi mo na kailangang sabihin iyan sa akin. Like I’ve said, I am doing the best that I can mahanap lamang si Bella,” anito sa kan’ya sa kaparehong tinig.  

Alam niyang malapit na ring mapatid ang pasensya ng kan’yang kaibigan dahil sa pambubulyaw niya rito. Hindi rin naman ito basta-bastang tao lang, pero hinahayaan lang nito iyon dahil kliyente siya nito.  

“Why don’t you try in the nearby towns instead of looking for her in Manila? Baka naririto lang sa paligid ang yaya ni Bella,” suhestyon ni Antonio.  

Napatingin silang magkaibigan sa kapatid. May punto ito.  

Nakita niyang nag-isip si Bernard bago sumagot. “Alright… I will ask my men to look around here. Baka nga tama ka Antonio—baka nasa paligid lang ang kidnapper ni Bella.”  

“Just do whatever you can. Dahil kapag may nangyaring masama sa kan’ya, hindi ko mapapatawad ang sarili ko,” tiim-bagang na saad niya.  

“We’ll find her, Kuya. Huwag kang mag-alala.” Antonio gave him consolations.  

“Sana nga, Antonio. Sana nga. . .”  

**** 

“HINDI ba tayo masyadong delikado rito?” ang natatakot na tanong ni Marie sa lalaking kasama. Nasa loob sila noon ng Hacienda Monte Bello at doon siya dinala nito para itago.  

“Walang makapapansin sa ’yo rito, dahil hinahayaan ni Sebastian ang kanilang mga tauhan na magkaroon ng privacy. At mabuti na rin iyong naririto tayo, nang sa ganoon ay mabantayan ko ang bawat galaw ng hayop na Monte Bello na iyon!” ang galit na sagot ng lalaki. Biglang tumalim ang mga mata nito.  

Nilapitan ito ni Marie at nginitian nang malagkit. “Huwag mo na munang isipin iyan. Ako na muna ang isipin mo ngayon.”  

At pagkasabi noon ay hinalikan nito ang lalaking kausap.  

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status