Share

Chapter 3

“Ah. . . Miss, pwedeng magtanong?” tanong ng lalaking kasalubong ni Candice. Kasalukuyan pa lang siyang pauwi nang umagang iyon.

Kagabi, nang tawagan siya ng kaniyang kapalitan, dalawang oras lang ang sinabi nitong mahuhuli ito. Pero inabot na siya ng isang buong shift ay wala pa rin ang kapalitan, kaya nang sumunod na araw na siya nakapag-out.

Namumungay ang mga matang nilingon niya ang lalaki. At tila naman bulang naglaho ang antok na nadarama nang makita ang itsura nito.

Napaawang ang mga labi niya.

Ang lalaking nasa harapan ang tamang kahulugan ng salitang macho-gwapito!

Malalim ang mga mata nito na may mahahabang pilik at makakapal na mga kilay. Matangos ang ilong at may pagkakulot ang dark brown na buhok. Maputi ito pero hindi gaanong kaputian at matangkad. Nakasuot ito ng puting t-shirt at maong na pantalon. At mukha rin itong mabait, base na rin sa pagkakangiti nito sa kaniya.

But the most distinctive looked of him was his brown eyes. Para iyong sa mga kastila.

Kanino nga niya ginamit ang paglalarawang iyon? She recalled asking herself.

“Miss?” untag ng kaharap sa pagkatulala niya. Nakakunot na ang noo nito habang pinagmamasdan s'ya.

Agad niyang ipinilig ang ulo. “Sorry. Ano nga ulit ang itinatanong mo?” kagat-labing tanong niya rito.

Lutang na nga ang isip niya, dumagdag pa ang lalaking ito. Nakakahiya tuloy.

Pero hindi na rin naman masamang ito ang magtanong sa kaniya nang ganoon kaaga. At least, maganda ang pasok ng araw niya.

Napangiti ito. “Miss, wala pa akong itinatanong. Magtatanong pa lang sana,” wika nito. Hindi niya alam kung nagbibiro ba ito o pinipilosopo lang siya.

Alanganing ngumiti si Candice at naisuklay ang kanang kamay sa mahaba niyang buhok na nakalugay.

“Ganoon ba? Ano ba iyon?” tanong niyang hindi inaalis sa mukha nito ang mga mata.

Hantaran ang ginagawa niyang pagtitig dito. Kaysarap kasi nitong pagmasdan. Hindi nakasasawa.

Lalong lumapad ang pagkakangiti ng lalaki. “Ah, saan ba rito ang VIP ward? Bago lang kasi ako sa lugar na ito kaya hindi ko alam ang pasikot-sikot,” anito.

“Iyon ba? Nasa sixth floor iyon,” mabilis niyang sagot. Ayaw na niyang mapahiya sa pangalawang pagkakataon.

“Ganoon ba? Mali pala ako ng nababaan,” kakamot-kamot sa ulong sabi nito. Nasa fourth floor kasi sila sa children’s ward.

“Mukha nga po.” Ngumiti siya.

Para siyang ewan nang mga sandaling iyon. Kung katabi niya siguro ang inay niya baka nakurot na siya noon.

“Oh, dropped that po. Hindi pa ako matanda. Mukha ngang ilang taon lang agwat natin. At Miss. . . ganoon ba talaga ako kagwapo?”

“Po? Ha?” aniyang namumula na ang mukha sa pagkapahiya. Obvious na obvious naman talaga siya.

Napatawa ito nang malakas. “Pumasa ba ako?” birong tanong pa nito.

Isang kiming ngiti lang ang isinagot niya rito. Baka kasi ibuko lang niya ang sarili kapag nagsalita pa siyang muli.

“By the way, I—”

Naputol ang sasabihin nito nang biglang mag-ring ang cell phone nito. Mabilis nito iyong sinagot.

“Yes, ‘Ma. . . I’m already here. Yes. Nagkamali lang ako ng binabaang floor. I’ll be on my way don’t worry,” anito sa kausap at kaagad na nagpaalam sa kaniya.

Tumango naman siya rito.

Nakaramdam siya nang panghihinayang. Ni hindi man lang kasi niya nakuha ang pangalan nito.

“Sayang!” iiling-iling na sabi niya sa sarili.

Sinundan niya na lang ito ng tingin hanggang sa tuluyan itong mawala. Napapabuntonghiningang naglakad siya sa may exit. Dahil sa nangyari kahapon, hindi na muna siya sasakay ng elevator.

Pumara agad siya ng tricycle pauwi sa kanila. Hindi na niya kakayanin pang maghintay ng jeep, dahil baka makatulog lang siya roon at makalampas sa bahay nila.

Pagdating sa kanila ay kaagad siyang sinalubong ni Daisy. Tuwang-tuwa ang bata nang makita siya. Hindi pa rin ito nagsasalita pero madalas naman itong nakangiti.

Papasok na sana sila sa loob ng bahay nang makarinig siya ng isang malakas na serena ng sasakyan. Tumigil iyon sa tapat ng nila, kaya’t kunot-noo siyang napalingon roon.

Nakita niyang sasakyan iyon ng pulisya. Bumaba roon ang apat na pulis at mabilis na pumasok sa kanilang bakuran.

Nagulat naman siya at biglang kinabahan. Napalingon siya sa pinto ng bahay nila na kasalukuyang lumalabas ang inay niya.

“Candelaria ano ba iyong naririnig kong malakas na sere—”

Nagulat ang inay niya nang sa paglingon nito ay nasa loob na ng bakuran nila ang mga pulis.

“Bakit may mga pulis dito?” nangangambang tanong nito.

Mabilis silang lumapit ni Daisy sa tabi nito. Nagtago ang bata sa kaniyang likuran na biglang nakaramdam ng takot.

“Ano hong maipaglilingkod namin sa inyo?” magalang at kalmadong tanong niya sa mga pulis, nang makalapit ang mga ito sa kanila;kahit ang totoo noo’y kinakabahan na siya.

Hindi mga pulis sa bayan nila ang mga ito, dahil mga bagong mukha sila.

“May warrant of arrest po kami para kay Candelaria Manatili,” anang matabang lalaki na mukhang pinaka-lider ng mga ito.

“Ano ho?!” bulalas niya. “Ano hong warrant of arrest? Para saan ho?” sunod-sunod pang tanong niya  kaharap.

“Warrant of arrest for kidnapping,” walang kagatol-gatol na sagot ng pulis.

Nagulat siya sa sinabing iyon nito. Nanlalaki ang mga matang tinitigan niya ito na para bang isang biro lang ang narinig. Saglit siyang natigilan at hindi makapag-salita.

“Teka ho! Sandali!” mataas ang tonong wika ng kaniyang ina. “Ano hong kidnapping ang sinasabi ninyo? Wala hong inaagrabyadong tao ang anak ko at wala siyang kinikidnap. Hindi niyo ho siya kilala para pagbintangan ng ganiyan,” mariing pagtatanggol nito sa kaniya.

Ramdam ni Candice ang panginginig ng mga kamay nito na nakahawak sa braso niya. Mabuti na lang at wala itong sakit sa puso, dahil kung mayroon, baka kanina pa itong bumulagta sa lupa.

“Ang batang nasa likuran mo, Miss, ay magdadalawang buwan ng nawawala. Isa siyang Monte Bello na tinangay ng kaniyang yaya at kasabwat ka roon,” patuloy na pang-aakusa ng pulis.

Doon siya biglang natauhan.

“Aba’y teka lang naman ho. Wala ho akong alam sa sinasabi ninyo!” protesta niya. “Sinong yaya ang tinutukoy ninyo? May pruweba ba kayo na magkakilala kami? At isa pa, hindi ho kayo mga pulis dito sa amin. Malay ko bang modus operandi n’yo lang iyan!” matapang na wika niya.

Nagkatinginan ang mga pulis, bago siya muling hinarap ng lider.

“Miss, para sabihin ko sa iyo, ako ang hepe ng pulisya sa Puerto del Cielo at hindi ito modus operandi. Kaya sumama ka na lang sa amin nang mahinahon,” anito at akmang pupusasan na siya nang bigla siyang umiwas.

“Sandali ho! Sandali!” aniya sa malakas pa ring tinig.

Hindi na niya napagtuunan ng pansin ang sinabi nito, lalo na nang marinig niya ang biglang pag-iyak ni Daisy sa kaniyang may likuran.

Nilingon niya ito.

Nakatakip ang mga kamay nito sa magkabilang tainga habang patuloy sa pag-iyak.

Nakaramdaman siya ng awa at takot para rito, kaya’t agad niya itong niyakap.

“Miss ano ba?” naiinip na untag pa sa kaniya ng pulis. “Sasama ka ba nang maayos sa ’min o mapipilitan kaming gumamit ng pwersa laban sa ’yo?” tanong ng hepe.

Isang masamang tingin ang ibinigay niya sa mga ito. “Nakikita n’yo ng umiiyak ang bata, sige pa kayo! Baka gusto ninyong kayo ang idemanda ko ng trespassing at pananakot! Isama na rin ang pagbibintang ninyo nang walang basehan!” tungayaw niya.

Natahimik naman ang mga pulis. Ni isa ay walang nakapagsalita sa mga ito.

Muli niyang hinarap si Daisy at pinahid ang mga luha nito. Pagkakuwa’y tiningnan niya ang kaniyang inay. “’Nay kayo na ho muna ang bahala kay Daisy. Sasamahan ko muna sila sa presinto. Kung ano man ang sinasabi nila, huwag kayong matakot. Alam niyo namang hindi iyon totoo,” aniya.

Tumango-tango ito. “Mag-iingat ka, anak,” bilin nito at niyakap siya nang mahigpit. Ginantihan naman niya iyon, bago hinarap muli si Daisy.

“Tahan na Daisy.” Pinapahiran niya ang mga luha nito. “Dito ka muna kay inay, ha? Huwag kang mag-alala, magiging okay rin ang lahat.” At muli niya itong niyakap.

Ibinigay niya si Daisy sa kaniyang inay at hinintay munang makapasok ang mga ito sa loob, bago niya hinarap ang mga pulis.

“Sasama ako sa inyo nang maayos, kaya’t nakikiusap ako. . . huwag niyo na akong pusasan,” aniya sa mababang tinig.

Nagkatinginan ang mga pulis. Tumango ang hepe at binigyang daan siya papunta sa sasakyan.

Mabuti na lang at wala silang masyadong kapitbahay. Walang mag-uusyuso sa mga nangyayari iyon sa kanila.

Dinala siya ng mga ito sa police station ng San Lucas. Sinalubong sila roon ng hepe ng istasyon. Pero sa halip na sa investigation desk siya dalhin, sa opisina mismo ng hepe sila tumuloy.

Nadatnan nila roon ang dalawang malaking lalaki na mukhang kanina pa sila hinihintay. Ang isa ay nakaupo sa harap ng lamesa ng hepe. Seryoso ang mukha nito na nakatingin sa kaniya. Naka-leather jacket ito, pantalong maong at leather boots. Para itong isang aksyon star. Idagdag pa na may itsura din ito.

Ang isa naman ay nakatalikod sa kanila at nakatingin sa may labas ng bintana. Itim na itim ang malagong buhok nito. He also has a huge and broad back. Para bang kayang salagin noon kahit na ano pang klaseng bala ang iputok dito. Ang mga braso nitong nakalabas sa suot na itim na t-shirt ay mabalahibo at maugat. Mukha iyong banat na banat sa trabaho sa bukid. But it looks good on him.

Umiling siya.

No. . . Ang mabilis na bawi ng kaniyang isip. It made him look sexier and hot.

Ang pantalong maong na suot nito ay halatang lumang-luma na. May kaluwagan iyon pero hindi maitatago ang matambok nitong pang-upo. Kung sa ibang pagkakataon sila nagkita, malamang pinagpantasyahan na niya ito.

Napansin niya ring kahit nakatalikod lang ito ay ramdam na ramdam niya ang nag-uumapaw na kapangyarihang nagmumula rito.

Bigla siyang kinabahan.

“Teka. . . ano hong ibig sabihin nito?” naguguluhang tanong niya sa dalawang hepe na kasama, partikular sa nagpunta sa kanila kanina. Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa mga ito pati na sa dalawang lalaking dinatnan doon. “Hindi ninyo man lang ba ako tatanungin o iimbestigahan? Bakit tayo naririto?” ang kinakabahang tanong niya sa mga ito.

“Sit down,” ang mahina pero ma-awtoridad na utos ng lalaking nakatayo malapit sa may bintana.

Pakiramdam ni Candice ay biglang nanlambot ang kaniyang mga tuhod nang marinig ang tinig nito. Mabilis siyang naupo sa tapat ng lalaking mala-aksyon star.

“A-Ano. . . ba talagang kailangan ninyo sa akin?” ang nauutal na tanong niya. Hindi maikakatwa ang nadaramang takot sa kaniyang tinig. Pinagsag-op niya ang nanginginig na mga kamay sa kaniyang may kandungan.

“Leave us…” ang muling utos ng lalaki sa may bintana. Hindi pa rin ito lumilingon sa kanila.

Nagkatinginan naman ang dalawang hepe ng pulisya, bago masunuring lumabas.

Walang nagawa si Candice kundi ang manahimik. At nasasakal na siya sa tindi ng tensyong nararamdaman sa loob ng maliit na opisinang iyon. Hindi siya makahinga nang maayos.

“Including you, Bernard,” anito sabay lingon sa lalaking naka-upo sa tapat niya.

Hindi naman mapigilan ni Candice ang mapasinghap nang malakas nang masilayan ang mukha nito. Kung sexy na ito kanina habang nakatalikod, mas lalo lang noong humarap ito. At mas tamang sabihin na para itong isang diyos na bumaba sa lupa.

He has a coal-black piercing eyes with thick eyelashes and dark eyebrows. Para bang sinusuri ng mga matang iyon ang lahat nang makita nito. May matangos itong ilong at maninipis pero mapupulang mga labi, na animo'y pinagkaitan ng mga ngiti sa mahabang panahon. His color was darker than brown. Mala-tsokolate. Mukha itong dominante at nakakatakot dahil sa itsura nito.

He has bearded face that made him look scarier. But, on the side note, it makes him even more attractive and sexier.

She imagined, paano kaya kapag lumapat na ang mga iyon sa balat niya? Ano kayang pakiramdam?

At bigla’y nanindig ang kaniyang mga balahibo.

Mabilis na iwinaksi sa isipan ang iniisip.

Ano bang mayroon sa araw na iyon at tatlong lalaki agad ang nakita niya na walang itulak-kabigin? Pero kung siya ang papipiliin, mas pipiliin pa rin niya ang macho-gwapitong nakilala sa ospital kanina, kaysa sa dalawang ito na parehong hindi yata marunong ngumiti at tila lalamunin siya ng buhay!

“Are you done?” ang malamig na tanong nito sabay baling sa kaniya.

Napaigtad siya sa tinuran nitong iyon, kasabay ng pamumula ng kaniyang mukha. Gustong-gusto na niyang lumubog sa kinauupuan nang mga sandaling iyon dahil sa pagkapahiya.

Pero kung malamig ang tinig nito, mas malamig naman ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya.

Wala sa loob na niyakap niya ang sarili. Pakiramdam niya ay bigla siyang nilamig. Nangurong pati ang dila niya at hindi siya makapagsalita.

“Easy, Pare. . .” awat ng tinawag nitong Bernard. Tumayo ito at tinapik sa balikat ang lalaking arogante. “I’ll be just outside the door.” At pagkasabi noon ay binigyan siya nito ng isang warning looked, bago tuluyang lumabas.

Para namang tinatambol ang dibdib niya sa ginawa nitong iyon.

Naiwan siya roong hindi malaman kung uupo o tatayo.

Basta ang alam niya, anumang oras ay kakainin siya ng buhay ng lalaking hindi inaalis ang pagkakatitig sa kanya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status