Share

Chapter One: Mrs Sean De Marco

CHAPTER ONE

MRS. SEAN DE MARCO

October 08, 2019

The Palace Mall and Hotel

Bumukas ng pinto ng ladies’ room. Magkakasunod na pumasok ang tatlong uniformed employee ng The Palace Hotel. Iyong isa, pumasok sa bakanteng cubicle habang humarap naman sa salamin ang dalawang iba pa. Halos sabay ang mga itong naglabas ng pouch at makeup kit para mag-retouch.

“Totoo bang nakakatakot ang Vice President, Ma’am Lira?” tanong ng pinakabata sa tatlo. She was twenty-one, newly hired.

“Sa tingin mo ba, tatawagin siyang ‘Vice Devil’ ng ninety-nine percent ng mga empleyado sa Palace Mall and Hotel for nothing, Joy?” sagot ng tinawag na Ma’am Lira. Iritable itong bumuntong-hininga. “Hindi ko talaga alam kung bakit kailangan pang pumunta ng Vice President dito sa Palace. Sana nag-stay na lang siya sa London o kaya sa Mars at huwag nang magpakita sa atin kahit kailan.”

“Alam mo na ang reason, Ma’am Lira. Para mambuwisit, mangmaliit, at mamahiya ng empleyado ng palasyong inaari niyang kanya,” sagot ng empleyadong nasa cubicle. Umismid ito mula sa loob. “Pustahan tayo, ipaparada na naman niya sa loob ng mall ang mga nabili niya sa London. Hindi na nanghinayang sa perang winawaldas niya habang nagpapakakuba tayong mga empleyado.”

“Miss Rose, pansin ko lang, imbiyernang-imbiyerna ka sa kanya. Aminin mo na kasi, si Vice Devil lang talaga ang nag-iisang devil na totoong binabagayan ng Prada.”

Isa pang malakas na ismid muli mula sa loob ng cubicle.

“I hate her guts. She’s annoying and bigheaded. Sa tingin mo ba, kung kasindami ng pera niya ang pera ko, hindi ako babagayan ng Prada, LV, at iba pang designer items? Pasalamat siya noong mga panahong naghahanap ng pakakasalan si Sir Sean, may asawa na ‘ko at anak.”

“‘Kuu, kahit naman single ka no’ng mga panahong ‘yon, kung hindi ka marunong gumamit ng black magic, hindi ka matitipuhan ng Presidente,” tukso ni Lira.

“So totoo ang sabi-sabi na si Sir Sean talaga ang nagyaya ng kasal?” singit ni Joy.

“Does it matter? Eh, pagkatapos naman ng kasal, lumipad agad si Sir Sean paalis ng Pilipinas.” Si Rose pa rin ang sumagot. Nag-flush ito ng bowl. “Malamang twenty years old pa lang si Vice Devil, nakausli na ang sungay n’on at buntot. Eh, kahit twenty-four lang si Sir Sean noon, hindi siya tanga para hindi mapansin ‘yon.”

Binalingan ni Lira si Joy. Handang idetalye sa baguhan ang mga impormasyong nalaman nito. “Ganito ang nangyari, Joy. Sa papel lang nag-e-exist ang kasal ni Sir Sean kay Vice. Ang sabi-sabi, marriage of convenience. Pinakasalan lang ni Sir Sean si Vice Devil kapalit ng signed business contract kay Mr. Jacob Hernandez, ‘yong CEO ng The Palace. Pumayag naman si Vice Devil sa kasal kapalit ng malaking pera.”

“Eh, kung gano’n, ba’t hindi pa ipinapa-annul ni Sir Sean ang kasal? Halos ten years na silang nagtitiis pareho.”

“Uh-uh. Four years ago pa nanghihingi ng annulment si Sir Sean. Pero nagre-refuse itong si Vice Devil. Alam mo na, maraming mawawala sa kanya oras na pumayag siya.”

Napatango-tango si Joy. “Gano’n ba? Hindi ba talaga sila nagkagustuhan noon bago sila ikinasal? I mean, walang feelings involved, basta na lang nagpakasal? Random, basta na lang napili si Vice?”

“Ang alam ko, si Vice Devil ang nasa contract kaya no choice si Sir Sean. At tungkol doon sa feelings, sigurado akong wala si Sir Sean. Pero si Vice Devil? I doubt.”

“Kaya siguro hindi siya pumapayag sa annulment kasi mahal pa niya,” anas ni Joy. Ibinalik nito sa pouch ang lip gloss.

Sarkastikong ngumisi si Rose na kalalabas lang ng cubicle. Dumeretso ito sa lavatory at naghugas ng kamay. “Love? Wala sa bokabularyo n’on ang love, Miss Joy. Eh, puro mura lang naman ang lumalabas sa bibig n’on. Basta ako, I do believe na panggagamit at its finest talaga ang reason kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin pinipirmahan ni Vice Devil ang annulment papers. Smart. Wais. Kaya ikaw, Joy, learn from the Vice Devil herself. Kung gusto mong palarin ka sa buhay, ‘pakasal ka sa board member o shareholder ng kompanya. Hawakan mo sa leeg at huwag kang papayag sa annulment ano man ang mangyari.”

“Nandoon ako no’ng kasal nila. Nakita ko kung pa’no kuminang ang mga mata ni Vice Devil habang nakatitig kay Sir Sean noon. Itataya ko ang fifteen years kong pagiging supervisor kung mali ang hinala ko, tandaan n’yo ‘yan, Rose, Joy. Mahal pa ni Vice si Sir Sean.”

Nagtinginan ang dalawang kausap.

Umiling-iling si Lira. “Kung hindi love ang reason, ano pa ba? Dahil sa pera? Marami na siyang ganoon. Sapat na sapat kahit hindi na siya magtrabaho. Wala naman siyang pamilya, ulila na sa mga magulang. Ang bali-balita, iniwan na siya ng mga kamag-anakan dahil sa sama ng ugali niya. Umaasa pa siguro siyang magbabago pa ang isip ni Sir Sean.”

“After all those years? Para lang siyang humiling na mapalitan ng pink na petals ang baga sa impiyerno. Ambisyosa.”

Sabay na nagtawanan ang dalawang senior employees.

Bumukas ang pinto ng isa sa mga cubicle at iniluwa ang isang babaeng may hawak na sangkaterbang gula-gulanit na tissue paper. Matalim ang tingin, binitiwan nito ang mga iyon at hinayaang magkalat sa sahig.

“Tapos na kayo?”

Natigil ang dalawa sa pagtawa. Halos sabay na napatitig sa repleksiyon ng magandang babaeng naka-lipstick na pula sa salamin. Tinakasan ng kulay ang mga mukhang katatapos lang pahiran ng kolorete.

“V-Vice Devil!”

Ngumisi ang binanggit. Napasiksik naman ang tatlo sa counter ng lavatory.

Nagbubulungan ang mahigit dalawampung staff ng marketing department ng The Palace Mall and Hotel habang naghihintay sa pagdating ng nagpatawag ng emergency meeting sa loob ng Palace Hall A.

Kabado ang lahat at may agam-agam sa dibdib. Inihahanda ang mga sarili sa pagdating ng isang taong hindi gugustuhin ng sinumang empleyado na makaharap o makasalubong man lang ng tingin.

“Nandiyan na si Madam, ayusin n’yo ‘yang mga hitsura n’yo,” seryosong warning iyon mula kay Miss Yumi.

Natahimik ang mga naroon. Sabay-sabay na lumingon ang lahat sa soundproof glass door kung saan unang lilitaw ang tinawag na ‘Madam’ ng binansagang pinakamatiising sekretarya sa mundo.

Parang nabusalan ang mga nagkakaingay na bibig at napalitan iyon ng kabadong paghigit ng hininga nang makita ang paglitaw ng isang babaeng naghuhumiyaw ang ganda, self-confidence, at hindi matitibag na angas. The unapologetic, sharp-tongued The Palace Mall and Hotel Vice President, Thera De Marco.

Five feet and four inches ang orihinal na height kung huhubarin ang suot na black Prada stilettos na may apat na pulgada ang taas.

She was wearing a Prada radzmire wool and silk dress. Ipinares iyon sa black Prada Saffiano leather shoulder bag na walang ingat nitong iniitsa kay Laida, ang PA na matiyagang nakasunod sa malalaki nitong mga hakbang.

Kumikislap ang mamahaling alahas na suot ni Thera mula sa tainga hanggang sa palasingsingan. It was as if those expensive items were made for her to wear. At hindi para kung kani-kanino lang.

“Good morning, Madam,” bati ng mga naroon as she walked her way to the center of the room.

Nang marating ang gitna, hinarap ni Thera ang mga empleyado. Sinuyod niya ng tingin ang mga naroon. Kilala niya halos ang mukha ng karamihan. Lalo na ang tatlong babae mula sa marketing department na halos mabalian na ng spine sa pagkakayuko.

“Alam n’yo na siguro na in two months’ time, twentieth anniversary na ng The Palace,” umpisa niya. Pinagsalikop ang mga kamay sa likuran.

Walang sumagot. Nakayuko ang lahat.

Humalukipkip si Thera, umangat ang isang sulok ng bibig sa isang ngisi. “Walang may alam? How could you, guys? Mas natatandaan n’yo pa ba ang eksaktong petsa noong iniwan ako ng Presidente n’yo kaysa sa mismong araw na itinayo ang kompanyang bumubuhay sa pamilya n’yo? Shame on you.”

Natuon ang tingin ng lahat sa tatlong babaeng kagat-kagat ang kani-kanilang mga labi.

Thera rolled her eyes. Ang bilis talagang kumalat ng balita, alam na agad ng lahat kung sino ang tinutukoy niya. “Wala pa rin sa palasyo ang hari, so the queen should take over, correct?” patuloy niya. “I want you to proceed with the preparations for the upcoming anniversary party. Send me the proposals, mag-ready kayo ng tatlo o apat para mayroon akong pagpipilian. Huwag n’yo akong padalhan ng same shit kagaya no’ng mga nakaraang taon, please lang. Kung kami at kami lang ang mag-iisip, bakit pa namin kayo susuwelduhan? Are we just wasting our money sa mga empleyadong walang silbi? Kung gumagana naman ‘yang mga utak n’yo, aba, paganahin n’yo nang maayos. ‘Wag kayong mag-ambisyon na makakabili kayo ng Prada at Louis Vuitton kung kakarampot lang ang laman ng mga utak ninyo.”

Wala uling tugon. Tahimik lang ang mga naroon.

Naglakad si Thera sa gitna ng mga empleyado. Huminto siya sa harap ng tatlong impaktitang sumira sa magandang araw niya kanina. “I can see we have few newly hired employees,” sabi niya. Nag-angat ng tingin si Joy, nagi-guilty na nagbaba uli ng tingin nang masalubong ang masamang titig niya. “Umaasa akong matuturuan n’yo ang mga baguhan tungkol sa nature ng business. Hindi kung paano mambingwit ng tagapagmana ng kung sino-sinong anak ng mayamang business tycoon. They will just fail I’m telling you. Dahil sino nga ba naman sa inyo ang nakakaalam kung anong bulong, gayuma, black magic, at diskarte ang ginawa ng demonyong ito noon para mabingwit ang big boss n’yo?”

Isinara ni Yumi ang malaking pinto ng opisina ng Vice President nang makapasok si Thera sa loob. Gusot ang mukha na hinubad niya ang stilettos habang naglalakad palapit sa mahabang desk na nakapuwesto sa gitna ng maluwang na silid. Walang pakialam na iniwan niya ang sapatos sa carpeted na sahig.

Sunod niyang tinanggal ang diamond earrings na halos pumunit na sa tainga niya sa bigat at laki. Nanunulis ang nguso na padaskol niyang binuksan ang drawer, saka iniitsa roon ang hikaw.

“Akin na ang tsinelas ko, Laida,” pagalit na utos niya sa PA.

Inilabas nito ang lion designed indoor slippers sa loob ng isang paper bag at inilapag sa paanan niya.

“Ang mga halimaw sa bangang kapos-palad, wala talagang kadala-dala. Hindi pa sumapat sa kanila ang halos sampung taon na ginawa nila akong katatawanan. Hanggang ngayon, ako pa rin ang paborito nilang pag-usapan,” nanggigigil na sabi niya habang padabog na isinusuot ang tsinelas.

“Big boss? Ha! Kapag si Sean, big boss. May paggalang, may respeto, habang ako na nagpakahirap sa kompanyang ito, demonyo? Fuck those ungrateful bitches’ mouths! Mga istupida. Walang mga alam!” gigil na sabi niya. Mas kausap ang sarili kaysa sa dalawang babaeng kasama niya sa opisina.

Huminga nang malalim si Thera. Ikiniling ang ulo sa kabilang side na parang kinakalma ang sarili. “‘Sabagay, bakit ba ako nagtataka? Kilay nga nila, ite-trace na lang, hindi pa nila maayos-ayos, bibig pa kaya nila?”

Matapos ang litanya, matalim ang tingin na binalingan niya si Yumi na parang ito ang kaaway. “Yumi, i-review mo ang background ng dalawang hukluban na ‘yon. I-check mo kung Business Ad major ba talaga sila o sa paninira ng tao. Kung may makita kang kahit kakarampot na problema, pahirapan mo. Mga punyetang ‘yon, walang mga respeto. Nanggigigil ako!”

Nagpipigil ng ngiti na tumango si Yumi. “I’ll do that.”

Pasalampak na naupo si Thera sa swivel chair. Galit pa rin. Bumubulong.

“I was expecting you to fire them this time, Thera. Lalo na ‘yong Rose. Sobra-sobra ang sinabi niya tungkol sa ‘yo. Super enough na huwag bigyan ng recommendation. From what I’ve heard, schoolmate mo siya no’ng high school. Natatandaan mo ba siya?”

Inalis niya ang likod sa pagkakasandal sa swivel chair. Pinagsalikop ang mga kamay sa desk, kunot na kunot ang noo.

Oo nga, schoolmate niya iyong Rose dati. Bakit ba kasi niya naisipang tulungang makapasok sa kompanya ang kurimaw na iyon? Eh, halata na niyang imbiyerna ito sa kanya noon pa man. Kakompetensiya ang tingin nito sa kanya. Umaambisyon na talunin ang grades niya samantalang utak-ipis naman.

“Firing that bitch won’t stop her from hating me. It did not stop even after I hired her six years ago.”

“So you decided to keep her, forgive her, kagaya ng ginawa mong pagpapalampas sa ibang empleyadong talikuran kang sinisiraan at pinag-uusapan?”

Itinaas niya ang mukha kay Yumi. “Forgive her? Hindi ko pinapatawad kahit ang mga nagsisisi at seryosong humihingi ng tawad, Yumi, alam mo ‘yan.”

Hindi na mabilang ang empleyadong kusang nag-resign dahil sa kanya sa nakalipas na apat na taon. She did not fire them though, kusang-loob na nagpasa ng resignation letter ang mahihina ang loob.

“What do you want me to do with them then?”

“Gawin mo kung ano ang dati nating ginagawa sa mga empleyadong hindi marunong magkamot ng nangangating dila. Rose and Lira, both of them. Hanggang sila na mismo ang kusang lumayas.”

“And how about Joy Ericson?”

“Spare her,” mahina niyang sabi. “Nakita mo naman ang credentials niya kanina, she isn’t that bad. Ilipat mo siya sa team mo kung gusto mo. Gawin mong assistant. Ipagawa mo kung ano’ng gusto mo, ikaw ang bahala. Hindi dapat inihahalo ang sariwang kamatis sa kamatis na matagal nang sira. Tama?”

“Tama.”

“Laida?” baling niya sa PA.

“Agree din, Ma’am,” sagot nito.

Nagbuga ng hangin si Thera. Kahit paano, bumababa na ang presyon niya.

“Eh, kailangan po ba talaga, Ma’am, na magpalit at magsuot pa kayo ng ganito kamahal na damit lagi tuwing pupunta tayo dito sa opisina?”

“Nasa restroom ka rin kanina. Narinig mo ang eksaktong sinabi ng mga mahadera. These are what they are all expecting to see, their she-devil boss boastfully wearing her Prada. Who am I to disappoint them?” Tumiim ang kanyang anyo. “Wala silang pambili ng mga kaya kong bilhin kaya gusto ko silang mas inggitin.”

“Kaso, lalo lang nilang iisipin na winawaldas n’yo ang pera ni Sir Sean.”

“I don’t give a fucking damn. And I don’t want to hear that bastard’s name again, Laida,” sabi niya, nasa tono ang warning.

Natutop ni Laida ang bibig. “Sorry.”

Matalim siyang umirap. “Who cares about that jerk’s money? May sarili akong pera na hindi ko mauubos kahit araw-araw kong lustayin.” Kinalma niya ang sarili sa mga sumunod na sandali. “We’ll stay for a few more hours, ipapahinga ko lang ang mga paa ko. Deretso tayo sa condo pagkatapos.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status