Share

Chapter Five: Who are you?

CHAPTER FIVE

WHO ARE YOU?

Sinulyapan ni Thera ang matangkad na lalaking kanina ay nagisnan niyang nakatunghay sa kanya. Nakatayo ito malapit sa kitchen counter sa loob ng hospital room at may kausap sa cell phone nito.

Lumayo ito nang dumating ang tinawag nitong doktor. Walang dudang may kaya ang lalaki kung pagbabasehan ang ayos at porma nito. Wala pa siyang lalaking nakita sa bayan nila na nakasuot ng long sleeves at coat sa mga araw na wala namang okasyon.

Sabi ng nurse at doktor na kasalukuyang nag-aasikaso sa kanya, nabundol siya ng isang kotse habang tumatawid sa kalsada. Ang lalaki bang ito ang dahilan kung bakit bedridden siya? May cast ang braso niya at nakasuot siya ng neck support.

Ngumiti si Thera nang hindi sinasadyang mapasulyap sa kanya ang lalaki. Nakita niya ang pagkunot ng noo nito, nagbawi sa kanya ng tingin pagkatapos.

Ah, hindi siguro ito makapaniwala na ngingiti siya sa taong muntik nang makapatay sa kanya? Nangiti siya uli, ang importante, buhay siya.

Pero kung ito nga ang driver ng kotseng nakabunggo sa kanya, hindi ba dapat lang na nagso-sorry man lang ito sa kanya? O kaya nakikiusap na patawarin niya?

But he was acting cold and reserved now na para bang hindi totoo ang nakita niyang relief na gumuhit sa mga mata nito nang magdilat siya ng mga mata kanina.

First impression, pogi. Pero habang tinatapunan ito ni Thera ng side glances, alam ng labimpitong taong gulang niyang mga mata na malayo sa pagiging pogi lang ang lalaki.

He had an oozing homme fatale qualities, totally dangerous and seductive. Ang klase ng lalaki na makikita lang sa mga romantic movies at magazine. Very manly. If she was eight or nine years older, walang dudang isa siya sa magsu-swoon sa lalaki. But she was not the type who would fall for older men, regardless kung gaano ka-good-looking.

Tantiya ni Thera, nasa early thirties ang edad nito. Some men look better as they age, and this man was one of them. Mukha itong mayaman at mukhang may mataas na pinag-aralan.

“Kuya…” tawag niya nang makitang tapos na ang lalaki sa pakikipagtelebabad nito.

Natigilan ang lalaki, kumunot ang noo. Kung dahil sa pagtawag niya rito ng “Kuya” o ano, hindi siya sigurado.

“Puwede ko bang mahiram ‘yang cell phone mo? Baka kasi nag-aalala na ang mga kamag-anak ko.”

Kinagat niya ang labi. May kamag-anak nga ba siyang mag-aalala? Eh, hindi ba kulang na lang, hilingin ng mga sinasabi niyang kamag-anak na ma-tegi siya nang maaga?

Lumipat ang tingin ng lalaki sa doktor, nagtatanong ang mga mata.

Ibinaba ni Thera ang kamay na may hawak sa cell phone na hiniram niya sa lalaki kanina.

Naka-off ang cell phone ni Kuya Joshua, ganoon din ang cell phone ni Tito Jaime.

Mukhang hindi man lang yata talaga siya hinahanap ng mga ito. Binalingan niya ang doktor na binabasa ang kanyang medical record.

“Doc, kailan po ba ako makakalabas dito? ‘Yong lalaki kanina, siya ba ‘yong nakabundol sa ‘kin? Kung hindi niya buong sasagutin, hahatian naman siguro niya ako sa hospital expenses, ‘di ba? Alam n’yo kasi, magagalit ang tito ko oras na malaman niyang may utang ako.”

“Wala ka ba talagang maalala, hija?”

Nangunot ang noo ni Thera. “Naaalala ko naman ang lahat, Doc. Wala akong nakakalimutan. Thera Baguio ang pangalan ko. Kahapon, pumasok ako sa school.” Nag-isip siya. “Naalala kong sumakay ako sa jeep pauwi sa bahay pagkatapos ng tryouts namin sa volleyball.”

First day ng klase sa university at sumali siya sa volleyball club kinahapunan. Ah, baka pagbaba niya ng jeep pauwi, saka siya nabangga ng kotse? Well, maliban sa kung bakit at paano siya nabundol, klaro sa kanya ang lahat ng nangyari bago siya naaksidente.

“What do you say is your name again?”

“Thera. Thera Baguio ho.”

“What do you think is the date now, Thera?”

Kumunot ang noo niya. “Second day ng pasukan. June 6, 2007.”

Napailing ang doktor at napatitig naman sa kanya ang personal nurse. Nagtataka si Thera.

Napanood na niya ang mga ganitong tanungan at reaksiyon sa mga teleserye. Dalawang beses nang tinanong ng doktor kung may naaalala ba siya habang tsine-check ng nurse ang BP niya kanina.

“Magre-request ako ng MRI at blood test. Ipapa-schedule ko na rin ang cognitive test. Si Nurse Kai na ang bahalang…”

“Kaunti na lang, mag-e-expect na ‘ko, Doc, na ibabalita mo sa ‘kin mamaya na may amnesia ako.”

Tumikhim ito. “We will have to run some more tests para makasiguro.”

Naubo si Thera.

Bago pa siya makabuo ng mas maraming tanong, nagpaalam na ang doktor. Nalilito siya, kinabahan bigla. Amnesia?

Naiwan siya at ang nurse na tsine-check naman ang nakakabit sa kanyang IV fluid. Anong tests pa raw ang gagawin sa kanya? Maliban sa masakit nang kaunti ang ilang parte ng katawan niya, okay naman siya.

Amnesia? Imposible. Natatandaan niya ang pangalan, ang address ng bahay nila. Kahit ang paminsan-minsang pagmamalupit at pagdadamot ng tiyuhin at pinsan, sariwa sa isip niya.

“H-hindi ako puwedeng magtagal dito, Nurse. ‘Yong hospital fees, tataas nang tataas, magagalit ang tito kapag…”

“Hindi yata nasabi sa ‘yo o nakalimutan mo lang, pero maraming pera ang asawa mo, Ma’am. Major shareholder at presidente ng isang sikat na mall sa Maynila si Mr. De Marco. Kaya huwag mong isipin ang gastos.”

Maang na napatitig si Thera sa nurse hanggang sa matapos itong magsalita. “A-asawa… ko?”

Tumango ang nurse, natatawang binulungan siya. “‘Yong guwapong lalaking lumabas kanina at tinawag mong kuya, asawa mo siya.”

Literal na bumagsak ang panga niya. Paano na si Jerry Yan kung totoong “married” na siya?

Nakatuon ang tingin ni Thera sa fruit basket na nakapatong sa sidetable pero hindi naman niya alam kung bakit iyon tinititigan. Naguguluhan siya. Sabi ng nurse, huwag daw siyang mag-isip nang mag-isip. Paanong hindi? Pagkatapos nitong sabihin na married na siya at hindi na teenager…

The thought of being married to someone she didn’t even remember scared her. Ni hindi niya maalala kung paano siya naligawan at nahalikan. Ikinasal siya nang walang kamalay-malay.

Nakita niyang nakabalandra ang kanyang mukha sa isang magazine habang tumatanggap ng award bilang isa sa mga successful businesswoman sa Pilipinas noong 2016.

Gorgeous and brainy Thera De Marco received another award, said the caption. Was she that successful? Naambunan ba siya ng grasya ng napangasawa at sa wakas ay naiahon sa hirap sina Tito Jaime at Joshua?

Today was October 19, 2019, taliwas sa ine-expect niyang petsa. She was no longer seventeen. She was turning thirty in a few months’ time.

Hindi nagsisinungaling ang nurse at mukhang tama ang doktor niya, may mali sa kanya. Kanina, tinuruan siya ng nurse kung paano mag-browse sa Google at manood sa YouTube gamit ang Apple iPhone 10 Pro cell phone ni Sean. Ang pinakalumang iPhone pa na ni-release noong 2007 ang huli niyang natatandaan.

Hindi pa niya alam kung nagkaroon ba ng follow-up concert ang F4 sa Pilipinas matapos ang successful concert ng grupo noong December 2003.

Die-hard fan si Thera ni Jerry Yan kahit ang Meteor Garden pa lang naman talaga ang drama na pinagbidahan nito ang napanood niya. Bago pa man iere ng isang TV network sa Pilipinas ang Tagalized version ng Meteor Garden noong 2003, napanood na nila ni Kisses ang series.

OFW sa Taiwan ang ate ni Kisses. Ilang buwan matapos iere ang ending ng Meteor Garden sa Taiwan noong 2001, umuwi ito ng Pilipinas para magbakasyon. Dala nito ang complete CD ng series ng Meteor Garden na minarathon nila ni Kisses pagkatapos ng klase.

Sean De Marco. De Marco. Sean… Iyon ang pangalan ng lalaking sinasabi ng nurse na napangasawa niya. Kahit ano ang gawin niyang pagpiga sa isip, wala siyang maalala. Sumasakit lang ang kanyang ulo.

She married him in haste. Twenty years old siya at halos anim na buwan pa lang silang mag-on. Why? Maaga ba siyang nabuntis? Hindi. Nakalagay sa record niya na sinagutan ni Sean na ni minsan ay hindi pa siya nagbubuntis. So why did they rush the marriage?

Curious si Thera. Paano niya nabingwit ang isang lalaking kagaya ni Sean? Siguradong hindi siya magkakainteres sa lalaki kahit siguro maging disinuwebe na siya. Pakiramdam niya, hindi rin siya ang uring magpapakasal sa lalaking hindi niya mahal maiangat lang ang sarili sa kahirapan.

Sean was way out of her league. Saan ba niya ito nakilala? Bahay at school lang naman ang ruta niya.

Magsasampung taon na siyang kasal sa lalaki ayon kay Nurse Kai. And that she was very lucky to have married a man like him. Na kinaiinggitan siya ng marami.

Nakikita ni Thera kung bakit. Bukod sa makatibag pader na machismo, Sean was tremendously rich. De Marcos owned hotels, textile business, and universities, bukod pa sa pag-aari ng mga itong private jets and cruises. Nagmula si Sean sa mayamang angkan at nagkalat ang mga negosyo sa loob at labas ng bansa. Iyon ang ilang napiga niyang detalye sa nurse tungkol kay Sean.

Sinulyapan ni Thera ang repleksiyon sa salamin na nakapatong sa sidetable. Pag-aari iyon ni Kai. Ipinahiram sa kanya nang i-insist niyang gusto niyang makita ang hitsura ngayong halos magte-treinta na siya. Ipinanganak siya ilang oras bago ipinanganak si Jesus Christ. Gabi ng Disyembre 24. Iyon ang pinakamasayang Pasko para sa mga magulang.

Inabot niya ang salamin. For the nth time, tinitigan niya ang sarili. She couldn’t get use to her older face even though she didn’t look like twenty-nine, sabi ni Kai. Sa bagay na iyon, agree siya sa nurse.

Sinalat niya ang pisngi. Banat ang kanyang mukha. Makinis at halos walang visible pores. Walang forehead lines at laugh lines. Ni hindi siya mukhang naaksidente, huwag lang titingnan ang kaunti niyang galos sa mukha.

Nagpa-botox ba siya? Nag-undergo ng kung ano-anong cosmetic surgeries manatili lang na maganda?

Umiling si Thera. Mukha namang natural siya. “Thirty, huh? Thera, wala ka bang ginawa sa nakalipas na mahigit isang dekada kundi magpaganda?” pagkausap niya sa sarili.

Binitawan niya ang salamin. Why was she taking her “amnesia” lightly? Paano kung sabihin ng doktor na hindi na babalik ang memorya niya? Paano niya ibabalik ang mga nawawalang alaala?

Tatanggapin na lang ba niyang kasal talaga siya kay Sean? As if may magagawa pa siya. Nasa harap na niya ang ebidensiya, hindi na mukhang teenager ang kanyang hitsura.

Speaking of her husband, hindi pa bumabalik ang lalaki mula nang umalis ito nang walang paalam kanina. Kung saan nagpunta, hindi niya alam. Ni “hi,” ni “hoy,” wala. Noon lang siya nakakita ng ganoong klase ng asawa.

Natuon ang tingin ni Thera sa cell phone ni Sean na nasa kandungan. Napailing siya. Iniwan nito ang cell phone sa kanya. Did he trust her that much? Gaano nito nasisigurong hindi niya ii-invade ang privacy nito?

Oh well, hindi naman kasi talaga siya interesado. Sabi ni Kisses, ang boyfriend na nag-iiwan ng personal na gamit sa girlfriend, walang itinatagong kalokohan o ibang babae.

Bahaw siyang napangiti. Iyong ganoong klase ng kaguwapuhan, kahit pader, magtatangka itong sundan. Pero siyempre, exempted siya. Mga tipo kasi ni Dao Ming Si ang type niya. Iyong napangasawa niya ay mukhang kasing-stiff and refined ni Hua Ze Lei, boring sa madaling salita.

Napapitlag si Thera nang tumunog ang cell phone. Kumunot ang noo niya nang makitang “Babe” ang pangalan ng tumatawag.

Napailing siya. Walang ibang babae pero may Babe.

Pumalatak siya at imbes na sagutin ay itinaob ang cell phone.

Ibinaba ni Sean ang telepono. Sumandal siya sa swivel chair. Nasa Sean and Tan’s Tea Caf siya. Doon siya dumeretso pagkatapos dumaan sa villa para maligo. Katatapos lang niyang makausap ang mga magulang na nag-aalala nang husto nang malaman ang tungkol sa aksidente ni Thera.

Noong isang araw, nakausap na niya ang neurologist nito. Thera could be suffering from partial amnesia at kailangan ang presensiya at tulong niya para i-determine iyon.

Dr. Gabriel would be using cognitive and diagnostic tests for Thera. Bukod pa iyon sa MRI, CT scan, blood tests, at ilan pang ira-run na test para ma-check kung may seizures ang asawa.

Nahilot ni Sean ang sentido. Walang kasiguruhan kung kailan makakaalala si Thera at halos dalawang buwan na lang bago ang anniversary ng kompanya.

“Kuya…”

He was awestruck nang marinig ang maliit at unsure na boses ni Thera nang tawagin siya nito kanina para hiramin ang cell phone niya.

He missed her soft voice though. Hinatak siya bigla pabalik sa nakalipas na isang dekada. Naalala niya ang ngiti ni Thera nang magtama ang mga mata nila kanina. May sumisingit na alaala sa isip niya sa saglit na pagtatama ng mga mata nila.

Ten years ago or so, her gaze used to look like that. Nakangiti hindi lang ang mga labi kundi pati ang mga mata.

Tumayo si Sean mula sa pagkakaupo. Nakapamulsang tinungo ang salaming dingding ng dating opisina. Kita roon ang tanawin mula sa labas. Just across Tea Caf was DM University. Doon nag-aaral ng kolehiyo si Thera bago ito pumasok sa mundo niya…

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status