Share

CHAPTER 3 - SALUNGAT SA KAGUSTUHAN

YVONNE'S POV.

Mabilis na lumipas ang maraming buwan ng buhay mag-asawa naming dalawa ni Ervin. Masasabi kong naging masaya ako sa kaniya nang sobra pero habang tumatagal, unti-unti kong nakikita ang tunay niyang pagkatao.

Mabilis uminit ang ulo niya. Mabilis siyang mairita kapag tanong ako nang tanong sa kaniya at siya pa itong galit na galit kapag pinagsasabihan ko siya tungkol sa mga kalat niya.

"E, 'di ikaw ang magligpit! May mga kamay at paa ka naman para gumawa niyan, 'di ba?" asik niya.

Lalong nagdidilim ang paningin ko.

"Ikaw itong gumamit at nagkalat niyan! Dapat matuto kang itabi ang mga ginamit mo kasi ako, wala akong ibang ginawa kung hindi ang sundan lahat ng kalat mo. Linis ako nang linis tapos kalat ka naman nang kalat. Ervin, wala ka namang katulong sa bahay! Hindi ba pwedeng magkaroon ka ng sarili mong disiplina sa kalat mo? Napapagod na ako sa laki ng bahay na 'to na pinupuno mo ng dumi mo, e!" pagbubunganga ko.

Halos maghapon na akong walang pahinga. Alas kwatro na ng hapon ngayon. Sa sobrang laki nitong bahay namin, nakakapagod talaga linisin tapos itong asawa ko, nagkakalat pa! Nakita naman niyang kanina pa ako naglilinis.

"Napakadakdak mo! Hindi mo na lang gawin! Nakita mo namang on-game ako."

Lalong kumulo ang dugo ko at pakiramdam ko ay sasabog ako sa katwiran niya.

"Bwisit na laro na 'yan!" Kinuha ko ang cellphone niya at ibinalibag sa kung saan.

"Ano bang ginagawa mo, ha?"

"Puro ka laro! Imbis na tulungan mo ako sa gawaing bahay kahit na ngayon lang tutal ay day off mo naman, inaatupag mo 'yang laro mo! Naglalaro ka na nga lang, nagkakalat ka pa! Tignan mo iyang sofa at lamisita, punong-puno ng tapon-tapon mong chichiria! Kakalinis ko lang niyan kanina tapos ngayon lalanggamin na naman!"

"Pwede ba, Yvonne?! Tigil-tigilan mo ako sa kadakdakan mo at baka hiwalayan kita!"

Sinalubong ng mukha ko ang hindi inaasahang pagsampal niya nang malakas sa pisngi ko. Kulang na lang ay bumaligtad ang mukha ko sa lakas niyon. Napahawak ako sa pisngi ko na pakiramdam ko'y namumula. Tinignan ko siya bago siya umalis. Tinapunan muna niya ako nang masamang tingin bago siya umakyat sa itaas.

Hindi ko tuloy napigilan ang pagluha. Tinignan kong muli ang mga kalat niya sa sofa. May boxer pa rito. Dito niya rin pala nilagay 'yong pawis na pawis niyang t-shirt kanina na ngayon ay humahawa na ang mabahong amoy sa sofa. Napaupo na lang ako at naiyukom ko ang kamao ko.

Palagi na lang ganito ang asawa ko. Ano ba ang tingin niya sa akin? Katulong? FYI, asawa niya ako!

I sighed.

Kaysa punuin ko ng sama ng loob ang puso ko, iniligpit ko na lang ang kalat niya nang matapos na ako at makapagpahinga. May gagawin pa ako sa kwarto mamaya para sa mga report na pinapagawa ng asawa ko sa 'kin.

Nakakapagod naman.

Dalawang oras pa ang nagdaan nang matapos ako. Mahigit nang alas-sais ng gabi ngayon at pagluluto naman ang ginagawa ko. Hindi pa rin ako nakakaligo kaya naliligo pa rin ako ng malagkit kong pawis.

Inamoy-amoy ko ang sarili ko. Ang baho ko na pala.

"Honey, ano'ng ulam?" malakas na sigaw ng asawa ko habang bumababa ng hagdan.

Napabuntong hininga ako. Pagkatapos niyang maglaro sa computer ko sa kwarto ng laro niya, ayan! Pagkain ang hinahanap.

"Pork steak, honey," sagot ko naman na halata na ang pagod sa boses ko.

"Really? Masarap 'yan!" aniya.

Hindi ko na nagawa pang kumibo. Pakiramdam ko'y unti-unti nang namamanhid ang mga paa ko dahil kanina pa ako nakatayo.

Tinikman ko ang sarsa ng ulam. Masarap naman. Pwede na siguro ito at kanina pa kumukulo. Malambot na rin ang karne.

"'Di ba, pork steak ang ulam? Pero bakit ang baho rito? Amoy masangsang!" reklamo niyang ikinakunot ng noo ko nang lingunin ko siya.

Ipinatong ko sa lamesa ang pork steak at inamoy-amoy ang paligid.

"Wala namang amoy masangsang, ah? Okay ka lang ba?"

"Hindi. Meron, e. Ang baho talaga!" Hindi na maipinta ang mukha niya nang halos ay pagdikitin niya ang ilong at nguso niya kasabay ang mistulang pagkalamutak ng mukha niya dahil sa hindi niya maipaliwanag na masangsang na amoy.

"E, ano ba kasi 'yon?" nakapamewang ko nang tanong.

"Teka?"

Umamoy-amoy siya at parang sinusundan ng ilong niya ang naaamoy niyang mabaho. Nagsalubong ang kilay ko nang unti-unti siyang nakalapit sa akin nang umaamoy-amoy pa rin.

"E, ikaw pala ang umaamoy, e! Maligo ka nga ro'n! Napakabaho mo!" sigaw niya sabay tulak sa akin na nagpahiga sa akin sa semento.

Sa sobrang gulat ko ay halos makipaghalikan ako sa sahig nang sumubsob ang mukha ko roon. Mabilis na nanggihilid ang mga luha ko. Dumoble ang naramdaman kong pagod dahil sa ginawa niya.

"Nakakawalang-gana kainin ang pork steak na 'yan! Mabaho at marumi ang gumawa. Baka mamaya ay natapunan pa iyan ng pawis mo kanina o 'di kaya ay may dalang mikrobyo pa. Sarili mo nga hindi mo malinis, ang mga sangkap na ginamit mo pa kaya? Kakain na lang ako sa labas!" sigaw niyang muli sabay ang paglisan.

Hindi man lang niya ako tinulungang tumayo. Pagkatapos ko siyang ipaglinis at ipagluto ng masarap na pagkain, ako pa ang binastos niya!

Bumangon ako kahit na masakit ang kanang balakang ko na tumama sa matigas na semento. Tumakbo ako paakyat sa hagdan at kumuha ng malinis na damit sa drawer ko pagkatapos ay naligo sa banyo.

Kasabay nang pagtulo ng tubig sa katawan ko ay pagsabay din ng mga luha ko. Nakakapagod pero araw-araw ko siyang iniintindi. Ilang buwan pa lang kami simula nang ikasal pero parang sumusuko na agad ako sa mga ipinapakita niya.

Siya kaya ang maglinis ng dalawang palapag na bahay na may limang kwarto, isang guest room, dalawang CR at banyo, isang sala at isang malaking kusina na may garage pa sa labas, tignan lang natin kung hindi siya mag-aamoy pawis! Saka ang sagwa niya sa pagkakasabing ang sang-sang, ah? Ano ako? Isdang bilasa? Bwisit!

Magdamag kong hinintay ang asawa ko sa pag-uwi niya. Nauna na rin akong kumain. Sobrang tahimik sa bahay dahil ako lang mag-isa.

"Ano kaya ang kinain niya?" napapaisip kong tanong sa sarili ko.

Kibit-balikat na lang ako na nahiga sa sofa hanggang sa unti-unti ay nakatulog dahil sa matinding pagod.

MASAKIT na masakit ang ulo ko nang malingat ako. Muntik pa akong nahulog sa sofa. Binuksan ko ang cellphone ko at mag-aalas-kwatro na pala ng madaling araw. Tinignan ko ang paligid at mukhang wala pa rin siya. Napahinga na lang ako nang malalim hanggang sa magdesisyon na akong umakyat.

Sana ligtas na lang si Ervin kung saan man siya naroroon.

Pagpasok na pagpasok ko sa kwarto, halos atakihin ako sa puso nang makita kong nakabukaka siyang natutulog sa ibabaw ng kama.

"Juskong tao na ito! Ano'ng oras ba 'to umuwi?" Nilapitan ko siya at kaagad kong naamoy ang matapang na amoy ng alak sa kaniya.

Napabuntong hininga na naman ako.

Unti-unti ko na ring nakikita ang mga bisyo niya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status