Share

Kabanata 4

NANG bumalik si Raquel sa hospital room ng kapatid ay nagulat siya nang makita ang isang pamilyar na mukha.

     “I-ikaw?” naisatinig niya nang isara ang dahon ng pinto. “A-anong ginagawa mo rito?”

     “Hi!” nakangiting bati sa kanya ng lalaki. Ito ang lalaki na nagdala sa kanya sa ospital.

     “Si Aling Lolita, b-bakit wala siya rito?”

     “Ang tinutukoy mo ba iyong matandang babae na may nunal sa kanang pisngi?”

     “Oo. Nasaan siya at bakit ikaw ang naririto sa silid ng kapatid ko? Sinusundan mo ba ako?”

     “Maaari ba kitang makausap ng masinsinan?” sa halip ay ito ang isinagot nito sa kanya.

     “Wala akong panahon para e-entertain ka lalaki,” matapat niyang sabi. Itinuro niya ang natutulog na kapatid. “May malubhang sakit ang kapatid ko–”

     “May sakit na leukemia ang kapatid mo,” mabilis na sansala nito sa sasabihin niya.

     Nangunot ang noo ni Raquel. Marahil ay nabanggit ni Aling Lolita sa lalaki ang tungkol sa sakit ng kapatid niya.

     “Ngayong alam mo na ay maaari ka nang umalis!” pagtataboy niya rito.

     “Ako pala si Arthur Morri,” pakilala nito sa sarili. “We didn't get a chance to get to know each other when you were in the hospital.”

     Hindi tinanggap ni Raquel ang nakalahad na kamay ng lalaki. “Ano ba’ng kailangan mo sa ‘kin?”

     “Narito ako para tulungan ka.”

     Patda sa narinig si Raquel. Tumikhim siya.

     “At ano’ng kapalit?” Sinalubong ng mga mata niya ang tingin nito.

     “Marry me,” walang gatol na sagot nito.

     “Ano?” Nabigla siya sa narinig. “Nahihibang ka na ba? Bakit ako magpapakasal sa ‘yo, we are strangers!”

     “Kaya nga ikaw ang inaalok ko ng kasal. Sasagutin ko ang lahat ng gastusin ng kapatid mo sa ospital. Hindi ko kayo pababayaan.”

     Pagak siyang tumawa. “Hindi pa ako nasisiraan ng ulo, lalaki. Bigla ka na lang dumating sa buhay ko tapos basta-basta ka na lang mag-aalok ng kasal. Maaring tama ka. Kailangan ko nga ng tulong pero hindi pa ako baliw para magpakasal sa isang lalaking estranghero!”

     “Makinig–”

     “Alis!” putol niya sa sasabihin pa sana nito. Itinuro niya ang pinto.

     “Here.” Inabot ng lalaki ang isang kamay niya. “In case you change your mind. I will leave my information card. And this one is an ATM card, it has money in it.”

     Dalawang card ang nakita niya sa kanyang kamay.

     “Binibili mo ako?” masama ang loob na tanong niya. 

     “I'm not buying you. I know you need money for your brother's treatment. Mahal mo ang iyong kapatid, 'di ba? If you want to save him from death, put down your pride and accept my offer.” Iyon lang at tinalikuran na siya nito.

     Napakurap ng mga mata si Raquel habang nakatitig sa nagsarang pinto. Ngunit agad din nabaling ang tingin niya sa kapatid nang marinig itong umubo.

     “Oh, my God!” agad na dinaluhan niya ang kapatid. May dugong lumabas sa ilong at bibig nito. Sa labis na takot, pakiramdam niya sa mga oras na ‘yon ay humiwalay ang kanyang kaluluwa sa katawan.

     “A-ate…” salitang nanulas sa bibig ni Mark. Napahagulhol ito ng iyak nang makita ang dugo sa kamay matapos punasan ang pulang likido sa ilong nito. “N-natatakot ako, ate. Ayoko pang mamatay. Gusto ko pang tuparin ang mga pangarap ko. Gusto ko pang makatulong sa inyo ni inay.”

     Nagtiim ang bagang ni Raquel nang banggitin ng kapatid ang kanilang ina. Hindi niya maamin sa kapatid na pinabayaan na sila ng ina. Lumuluhang niyakap niya ito nang mahigpit.

     “H-hindi ka mamamatay, Mark…” pampalubag loob niya sa kapatid. “Gagaling ka.”

     “Excuse me,” anang isang tinig sa likuran ni Raquel. Isang nurse na lalaki ang nakita niyang nakatayo sa bungad ng pintuan. “Ngayon po ang araw ng bone marrow biopsy test ng pasyente.”

     Napatango siya. Tigmak pa rin sa luha ang mga mata niya. Masuyong hinaplos niya ang mukha ng kapatid.

     “Mahal na mahal kita. Lagi mong tatandaan ‘yan, Mark. Gagawin ko ang lahat, gumaling ka lang.”

     Nang ilabas sa silid na ‘yon ang kapatid ay nakatitig si Raquel sa hawak na card.

NASA tapat si Raquel ng private office ni Arthur Morri. May lumabas na isang babae, tantiya niya ay lagpas bente lang ang edad. Maganda ang babae dahil moderno, maikli ang gupit ng buhok at seksi ang style ng bestidang suot na above the knee at pitis sa katawan.

     Tingin niya ay galit ang babae base sa pagkakasimangot nito. Kasunod ng babae ang isang lalaki. Moreno ito pero bumagay sa lalaki at nagbigay pa nga rito ng anyong macho. Sabagay ay guwapo naman ang lalaki. At tipong kagalang-galang sa suot na gray na business suit.

     Nang hubarin ng lalaki ang suot na eyeglasses, patda si Raquel nang makilala ito.

     Arthur!

     “Dianna, magkita na lang tayo mamaya sa conference room!” sabi ng lalaki sa babaeng kalalabas lang ng opisina nito.

     Sa halip na sumagot ng pamamaalam, isang irap ang ipinukol nito sa lalaki.

     Napangiti lamang ang lalaki saka umiling. Nang tumingin ito sa kanya ay higit na naging matamis ang ngiti nito.

     “Hi,” anito. “Sorry to keep you waiting.”

     Napalunok si Raquel. Nagdadalawang isip siya kung tatanggapin ang nakalahad na kamay ni Arthur.

     “R-Raquel.” Nakipagkamay siya sa lalaki.

     “Sumobra yata ang lamig ng aircon dito sa opisina,” biro ng lalaki. “Nanlalamig ka, Raquel.”

     “K-kinakabahan ako, e.” Nakagat niya ang ibabang labi.

     Binitiwan ng lalaki ang kamay niya saka niluwangan ang bukas ng pinto ng opisina. “Come in.”

     “S-salamat.” Pumasok siya.

     Maaliwalas ang loob ng opisina ni Arthur. Waring lahat ng bagay ay nasa tamang lugar.

     “Sit down,” ani Arthur habang patungo sa swivel chair nito.

     Umupo siya sa upholstered chair na nasa harapan ng mesa nito.

     “Pinag-isipan ko ang sinabi mo kahapon,” halos pabulong na wika niya. Tumikhim siya upang alisin ang kung ano man ang biglang bumara sa lalamunan niya. Ninenerbiyos siya kaya lalo pang kumuyom ang magkasalikop niyang mga kamay sa kanyang kandungan.

     “You're here in my office, does that mean you're accepting my offer?”

     Waring dumoble ang nerbiyos niya nang makitang bahagyang sumeryoso ang lalaki.

     Tumango si Raquel. Gipit siya. Katunayan ay nabawasan niya ang pera sa ATM card na iniwan nito sa kanya kahapon. Ginamit niya ang pera para sa biopsy test ng kanyang kapatid at sa mga gamot na kakailanganin pa nito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status