Share

Kabanata 3

KINABUKASAN nang magising si Raquel ay agad niyang napansin ang isang basket na naglalaman ng pink roses sa ibabaw ng mesa. Awtomatikong napakunot ang noo niya habang iniisip kung sino ang maaaring nagdala niyon dahil sigurado siyang bago natulog kagabi’y wala pa ang mga bulaklak.

Marahan siyang bumangon. Medyo kumikirot pa ang sugat niya kapag nabibigla ang kanyang paggalaw. Pumasok siya sa banyo. Inayos niya at nilinis ang sarili. Pero habang nasa harap siya ng salamin at matamang nakatitig sa sariling repleksyon ay nakaramdam siya ng pag-aalala. Tatlong libong piso lang ang laman ng wallet niya. Paano kung kulang iyon para sa hospital bill niya? Ang perang ‘yon ay natirang allowance nila ng kapatid.

Nasapo niya ang sariling noo. Ang perang ‘yon ay pandagdag sana sa pambili ng gamot ng kanyang kapatid. Kung hindi pumayag ang ospital na paalisin siya kung hindi sapat ang kanyang pera para sa hospital bill ay iiwan niya ang kanyang gold necklace. Regalo iyon sa kanya ng ina noong eighteen birthday niya.

Paglabas ni Raquel ng hospital room ay diretso siya sa cashier.

“Miss, magkano ang babayaran ko?” parang dinadaga sa kaba ang dibdib na tanong niya. Mabilis na hinubad niya ang suot na kwintas.

“Ano ho ang pangalan?”

“R-Raquel Vargas.”

“Wala na ho kayong babayaran, ma’am. Binayaran na ho ni Mr. Arthur Morri ang bill n’yo.”

Natigilan si Raquel. Muli niyang isinuot ang kwintas.

“Pakipirmahan na lang ho rito, ma’am,” dagdag pa nito.

Mabilis na pinirmahan niya ang papel na inabot sa kanya ng kahera. Matapos ibalik iyon ay agad na siyang umalis ng ospital.

Halos kakaalis lang ni Raquel nang dumating si Arthur sa ospital. Pagpasok ng lalaki sa kuwarto ng dalaga’y wala na ito ro’n, sa halip ay isang hospital attendant ang nakitang nagliligpit ng kamang dating hinihigaan ni Raquel.

“Nasaan na ang pasyente?”

“Wala na ho, sir, lumabas na.”

May panghihinayang na nadama si Arthur sa narinig. Pinuntahan niya ang cashier. Bukod sa pirma ng dalaga’y wala nang ibang nakasulat sa papel na ipinakita sa kanya ng kahera. Hindi nito isinulat ang address o maski ang mobile number nito.

Nanlumo nang husto si Arthur. Saan kita hahanapin, Raquel Vargas?

“Sir!”

Napalingon si Arthur sa kanyang likuran. Ang hospital attendant na nakita niya kanina.

“Yes?” tanong niya rito nang makalapit sa kanya.

“May naiwan ho ang pasyente sa Room 24.” Ipinakita nito sa kanya ang kapirasong papel.

“Ano ‘to?” nakakunot ang noo na tanong niya sa babae at binistahan ang nakasulat sa kapirasong papel.

“Prescription, sir. Baka lang ho mahalaga ang nakasulat sa papel na ‘yan.”

“I see,” tumatangong sambit niya. “Thank you.”

BAKAS ang pag-aalala sa mukha ni Aling Lolita nang makita si Raquel matapos pagbuksan ng pinto ang dalaga.

“Raquel, ano ang nangyari sa ‘yo?”

Sunod-sunod na umiling ang dalaga sa kanyang kasera. Pumasok siya sa loob ng hospital room na kinaroroonan ng kapatid.

“May sugat ka sa noo.” Pinagmasdan nito ang kabuuan niya. “May galos at pasa ka pa sa magkabilang braso. Ano ba talaga ang nangyari sa ‘yo–”

“Ayos lang ho ako, Aling Lolita.” Umupo siya sa pahabang upuan na naroon. “Nahagip ako ng sasakyan pero ako naman ang may kasalanan.”

“Nasaan ang driver ng sasakyang nakahagip sa ‘yo?”

Humugot ng isang malalim na hininga si Raquel. “Hindi ko alam. Paggising ko kanina ay wala siya sa ospital.”

“Kaya pala hindi ka nakabalik dito sa ospital kahapon.”

Tumayo siya. Inilapag ng dalaga sa mesa ang basket ng bulaklak na nakita kanina sa mesa ng hospital room na pinanggalingan niya. Dinala niya ito para ipakita sa kapatid.

“K-kumusta na ho si Mark?” tanong niya habang masuyong hinahaplos ang noo ng kapatid. May nakatusok na karayom sa magkabilang pulsuhan nito. “Nagising na ho ba siya?”

“Kagabi nagising siya. Hinahanap ka niya pero sinabi kong may pinuntahan kang importante.”

“Aling Lolita, sinubukan kong tawagan si Mama…” Tuluyang tumulo ang luha niya sa mga mata. “Naririto na raw sa Pilipinas si Mama. Last year pa natapos ang kontrata niya sa Middle East.”

“Ano?” Halatang nagulat ang matanda sa narinig. “O, e, bakit hindi umuwi sa inuupahan n’yong apartment ang iyong ina?”

“May bago na ho siyang asawa at naninirahan sila sa Davao.” Nakita niyang kumurap ang talukap ng kapatid pero nanatili pa rin itong tulog. “Masakit man isipin, pero inabandona kami ni inay. Ano ngayon ang gagawin ko, Aling Lolita? Saan ako kukuha ng pera para sa pagpapagamot ni Mark?”

“May awa ang diyos, Raquel. Gagaling din ang kapatid mo.” Niyakap siya nito nang mahigpit. Naipikit naman niya ang mga mata. Mabuti na lang at mabait sa kanilang magkapatid ang kasera nila. “Hayaan mo’t hihingi ako ng tulong sa munisipyo at sa baranggay natin. Importanteng mabili natin ang mga gamot na kakailanganin ni Mark.”

Sabay silang napalingon sa pinto nang makarinig ng katok. Pumasok ang isang nurse.

“Sino ho ang pamilya ng pasyente?”

“A-ako.”

“Ma’am, may mahalagang sasabihin sa ‘yo si Doktora Sambere. Sumunod na lang ho kayo sa ‘kin.”

“S-sige…” Lihim siyang umusal ng dasal na sana'y hindi malala ang sakit ng kapatid.

Sa isang silid sila pumasok ng nurse. Lumabas din naman agad ito kaya naiwan silang dalawa ng doktor sa silid na ‘yon.

“We discovered that the patient had cancerous cells in his bone marrow. If we don't treat it early it will get worse.” Tinitigan siya sa mga mata ng doktor. “Masyadong mahal ang gamot na ginagamit sa pagsusuri ng ganitong uri ng sakit.”

“Diyos ko…” tanging nanulas sa kanyang bibig. Nanlalambot ang mga tuhod niya. Muntikan na siyang mabuwal sa kinatatayuan. Ngunit naging maagap ang manggagamot at nahawakan siya nito sa magkabilang braso. “Doktora, g-gawin n’yo ho ang lahat mailigtas lang ang kapatid ko.”

Napaiyak si Raquel sa kanyang mga palad. Napakabata pa ni Mark para mamatay. Labing isang taong gulang pa lang ang kanyang kapatid at marami pa siyang pangarap para rito.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status