Share

Kabanata 2

TITIG na titig si Arthur sa maamong mukha ng babaeng natutulog sa harapan niya. Maamo, napakaganda at kaakit-akit na mukha. Mistula itong isang anghel habang pinagmamasdan.

     Napabungtong hininga si Arthur bago kinumutan ang dalaga. Muli siyang napatitig sa mukha nito. Makapal ang kilay at matangos ang ilong. Makipot ang mapupulang mga labi.

     Lumabas si Arthur sa private hospital room na ‘yon. Kinausap niya ang nakatagalang doktor sa dalaga. Ayon naman sa manggagamot, ligtas sa kapahamakan ang pasyente.

     “May sugat siya sa ulo. Wala ho ba siyang brain damage, doctor?” Nasa tinig ni Arthur ang pag-aalala.

     “According to Dr. Sheryl Sambere–Specialization. Radiology. After the Head Ct (Computed Tomography, CAT Scan) was performed, no injury or blood clot was found in the patient's skull or brain.”

     “Thanks, God!” sambit ni Arthur. Gumaan ang pakiramdam ng lalaki sa kaalamang iyon.

     “What is your relationship with the patient?”

     Sandaling natahimik ang binata. Umubo muna siya bago magsalita. “A-ako po ang responsable sa nangyari sa pasyente.”

     Tinapik siya sa balikat ng doktor.

     “Sa susunod, mag-iingat ka na sa pagmamaneho. Pasalamat na lang tayo na hindi malubha ang tinamong sugat ng pasyente.”

     Tumango siya bilang pagsang-ayon sa sinabi nito. Hindi naman nagtagal ang pag-uusap nila ng manggagamot, nagpaalam ito sa kanya na sisilipin ang ibang pasyente na naroon din sa ospital.

MASAKIT na masakit ang ulo at katawan ni Raquel nang magkaroon ng malay. Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata. Napasinghap siya sa pagkabigla nang makita ang pares ng mga matang matamang nakatingin sa kanya.

     “I’m glad you’re awake now. Ang akala ko’y matatagalan pa bago ka magkamalay.”

     “N-nasaan ako?” Sinikap niyang bumangon pero hindi niya magawa. Saka pinipigilan siya ng lalaki.

     “Narito ka sa ospital. At huwag mo munang piliting tumayo dahil hindi mo pa kaya.”

     “S-sino ka? Doktor ka ba?”

     “Ako ang nagmamaneho ng sasakyang nakahagip sa iyo. Dinala kita rito sa ospital.”

     “So, Ikaw pala ang nakahagip sa akin? At sa tingin mo’y sapat na iyong dinala mo ako rito sa ospital? Huwag mong sabihin sa akin na naghihintay kang pasasalamatan pa kita? No way!” galit na wika ni Raquel. Pero nasapo niya ang kanyang ulo dahil biglang sumakit ito.

     “Ang mabuti pa’y mahiga ka na lang muna.” Tinulungan siyang mahiga ng lalaki at kinumutan pa siya nito. Kita niya sa mga mata nito ang pag-aalala. Sa tingin niya’y totoong nagmamalasakit ito sa kanya. “Ano ang nararamdaman mo? Gusto mo bang tawagin ko ang dok–”

     “Hindi na,” sansala niya sa sasabihin pa sana nito.

     “Sino ang pwede kong tawagan sa iyong pamilya para malaman nilang nasa ospital ka ngayon?”

     “Wala,” wala sa sariling sagot niya.

     Nagtaka ang lalaki sa isinagot niya.

     “Wala? Sigurado ka?”

     Napakurap siya nang maalala ang bunsong kapatid.

     “S-si Mark…”

     “Mark? Asawa mo ba siya?”

     “H-hindi…” nanginginig ang boses na sagot niya. “Kapatid ko siya.”

     Mabilis siyang pinigilan ng lalaki nang akmang babangon siya.

     “Hey,” anito. “Hindi ka pa magaling. Kailangan mo pang magpahinga.”

     “H-hindi ako pwedeng magtagal sa ospital na ito. Kailangan ako ng kapatid ko!” Nag-unahang tumulo ang luha sa magkabilang mata niya. “Ano ba? Bitiwan mo nga ako!”

     “Are you okay?” nagtatakang tanong ng lalaki sa kanya.

     “No, I’m not okay!” matapat niyang sagot saka inis na pinahid ang kanyang luha. “Hindi mo naiintindihan, e…”

     “Sabihin mo sa 'kin para maintindihan kita.”

     “N-nasa ospital ang kapatid ko. Ayon sa doktor na tumingin sa kanya… May leukemia siya. Kailangan niyang manatili sa ospital para sa series of test. At–God!”

     “What?”

     “Hindi ko alam ang gagawin ko. Kasalanan ko kung bakit nahagip ako ng iyong sasakyan. Marami akong iniisip habang tumatawid sa kalsada.”

     Niyakap siya ng lalaki na ikinagulat niya. Masuyo nitong hinaplos ang likod niya.

     “May awa ang diyos. Gagaling ang kapatid mo.”

     “How?”

     “What do you mean, how?” nababaghang tanong nito sa kanya.

     “Ulila na kami sa ama. Ngayon naman ay pinabayaan na kami ng aming ina. Ayokong mawala ang kapatid ko…” Umiyak siya nang umiyak sa balikat nito. “Ang sakit! Dahil ako ang panganay pero wala naman akong magawa para tulungan siya.”

     Inilayo ni Raquel ang katawan sa lalaki nang may kumatok sa pinto. Isang babae ang pumasok sa silid.

     “Oras na ho para kumain ang pasyente.” Inilapag ng babae ang dala nitong tray sa maliit na mesang naroon.

     Nang makalabas na ang babae ay dumating ang isang lalaki. May dala itong basket na puno ng prutas. Ang lalaking kasama niya sa loob ng silid ang tumanggap ng basket.

     “Kumain ka muna,” anang lalaki at inilapag sa ibabaw ng mesa ang basket. “Lalabas na muna ako.”

     Tumango lang siya bilang tugon.

KINAIN ni Raquel ang pagkaing dinala sa silid niya. Pagkatapos niyang kumain ay may pumasok na nurse sa silid niya.

     “Oras na ho para uminom ng gamot niyo, ma’am.”

     Tiningnan ni Raquel ang dextrose.

     “Papalitan mo pa ba ang dextrose ko?”

     “Hindi na ho, ma’am. Ang sabi naman ni doc bukas ng umaga ay pwede na kayong lumabas dito sa ospital.”

     Ininom niya ang gamot na binigay ng nurse. Antibiotic lang naman iyon dahil sa maliit na sugat na tinamo niya sa may ulo. Bukod do’n ay may galos pa siya sa kanan niyang braso. May pasa rin siya sa hita at binti niya. Kaya kanina ay may sinat siya. Pero ngayon ay okay na siya at lumabas na rin naman ang resulta ng x-ray sa skull niya at wala naman iyong problema.

     Matapos uminom ng gamot ay nakatulog si Raquel. Hindi na tuloy niya namalayan ang pagdating ng lalaking nakahagip at nagdala sa kanya rito sa ospital. Pero umalis din ito agad nang makitang tulog na siya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status