Share

Chapter 2

Isang gabing madilim at tanging liwanag lamang ng buwan ang umiilaw sa berdeng kapaligiran. Madamo at masa-masa ang lupa dulot na din ng pag-uulan. Napuputikan na rin ang kanyang suot na sapatos nang kanya'y ito'y lingonin.

Unti-unti na rin na bumubuhos ang malakas na ulan, takbo at lakad ang ginagawang pag-hakbang ni Karina sa mausok at maulan na kadiliman. Nilalamig na rin ang dalaga at hindi niya alam kung saan paparoon at kung anong naghihintay sa kanyang paroroonan.

Kinakabahan man ang dalaga at natatakot, ipinagpatuloy niya ang kayang paglalakad. Hinaplos niya ang kan'yang braso ulang sa kahit papaano ay maibsan ang kan'yang nararamdamang ginaw. Nais na niyang makahanap ng masisilungan man lamang.

"Halika, pumarito ka sa akin." Bulong sa kanyang tainga. Nagtatakang umikot siya at hinanap kung nasaan ang bumulong sa kanya. Ipinilig niya ang kanyang ulo at hinanap kung saan ba talaga nanggaling ang boses na bumulong sa kanya.

Takot at pinaghalong kaba ang kanyang naramdaman nang walang makita ni kahit isang tao ang nagsalita sa kanyang paligid. Taimtim siyang pumikit nang matagal at napahawak sa kanyang dibdib. "Naku po, 'wag ho kayong ganyan, matagal na akong takot!" sa takot ay napamuwestra ng tanda ng krus si Karina habang naglalakad. Tahimik niyang dinadasal ng pabulong habang siya ay naglalakad.

Nang makakita ng isang kubong masisilungan ay nagpasya siya na magpatila muna, butas-butas ito at mukang masisira na kapag lumakas pa lalo ang ulan. "Sana'y tumila na ang ulan upang makahanap na ako ng aking mapapaghingahan. Pagod na rin ang aking mga paa kakalakad." reklamo sa sarili ng dalaga.

Nang tumila ang ulan ay nagsimula na ulit ang dalagang si Karina na maglakad. Ayaw niyang doon manatili sapagkat sa pakiramdam niya ay hindi iyon magandang panatilihan. Kailangan niya parin makahanao ng lugar na alam niyang hindi siya mapapahamak.

Sa kalalakad ay napansin niya ang isang malaking arko, nagpatoy siya sa paglalakad at sinubukang maghanap ng matinong mapagsisilungan at mapapagpapahingahan.

Sa kalalakad niya ay narating niya ang isang malaking itim na bakal na tarangkahan. Sa kanyang kuryosidad ay walang atubling binuksan niya ang tarangkahang iyon at tuluyang pumasok sa loob.

Isang napakagandang hardin ang sa kanya'y bumungad, dulot ng katatapos lamang na ulan at sa liwanag ng buwan, ang mga bulaklak at dahon ay mga nagkikislapan. Kahit gabi na ay kaaya-aya pa rin sa kan'yang paningin ang hardin.

"Anong lugar ito at tila ako'y nasa paraiso?" manghang tanong ni Karina sa sarili. Maingat niyang hinaplos ang mga halaman at pumitas siya ng isang bulaklak.

Sa pagtingin-tingin sa paligid ay isang kuwadradong sabunang batong daan ang kanyang napansin. Sinundan niya ang pagkakasunod-sunod nito.

"Napakagandang mga sabunang bato ng talko." manghang sambit ni Karina sa sarili. "Saan kaya ito patungo?"

Dinala siya ng mga bato patungo sa tagong malaking mansyon, isang luma ngunit mababakas mo ang katanyagan ng mansyon. Lumapit siya sa pinto at kumatok.

"Tao po?" tatlong beses niyang bigkas. Nang walang sumagot ay kusa niyang pinihit ang seradura. Tumambad sa kanya ang isang malaking sala, pula ang dingding at mga muwebles na gawa sa ginto ang kulay. Masasabing luma na ang mga kagamitan ngunit sumisigaw naman ito sa karangyaan.

Iginala niya ang kanyang paningin sa loob ng mansyon. Tila siya ay nasa panahon ng espanyol. Napagtantong ang may-ari ay mukhang mahilig magbasa kung kaya naman ang buong sala ay halos mapuno ng maraming aklat.

Napatingin si Karina sa isang malaking larawan ng isang babae. Bagaman luma na ang larawan, makikita parin ang taglay nitong kagandahan. Tila ito'y nangungusap at inaanyayahan siyang pumasok sa loob.

"Maligayang pagdating, kanina pa kita hinihintay." Muli niya na namang narinig. Ngunit wala siyang mahanap kung kanino o sino ang nagsalita.

Nang iikot niya ang kan'yang sarili, napako ang kan'yang paningin sa malaking larawan ng isang meztisong binata, na pormal na pormal sa suot nitong amerikana. Ang amo ng mukha nito at tila kay sarap pagmasdan ang mapupungay nitong mga mata. May matangos na ilong at mapupulang labi. Tila nakakatunaw ito kung makatingin. Waring inaarok ang kan'yang damdamin at tila may paro-parong nagliliparan sa kan'yang sikmura.

"Ikaw naman! Ba't ganyan ka naman makatingin!" Sambit niya sa larawan. "Marupok ako! Huwag mo 'kong tingnan ng ganyan!" Sabay takip ng kan'yang mga mata at nagmuwestra na animo'y kinikilig.

"Sabe ng 'wag mo 'kong tingnan ng ganyan e!" Sabay padyak pa ng kan'yang paa na animo'y nilagyan ng asin ang katawan at kikibot-kibot sa kilig.

"Ahahaha" Napatawa siya ng bigla ngunit nakaramdam ng pagkahiya ng mapagtantong nasa ibang bahay nga pala siya. Tinampal niya ang sariling bibig at tumayo ng ayos at maka-ilang beses inayos ang lalamunan.

Litrato lamang iyon, ngunit napakalakas ng dating. Tila nakalimutan niya na si Harvey nang iyo'y masilayan. Naisip niya na kung iyon ang magiging kasintahan niya ay siya na siguro ang pinakaswerte na babae sa buong mundo.

Tila naman pinamulahan siya ng mukha ng maisip iyon.

Nang inilipat niya ang paningin sa isa pa nitong larawan ay tila lalo siyang kinilig.

"Ay! ang mga mata ko!" Kinikilig niyang anas ng mapansin ang hubad baro nitong litrato. Tanging pantalon lamang ang suot nito.

"Saan ka naman rarampa? Grabe namang katawan 'yan! Ang macho! Diyos ko! Inaakit mo ba ako?" Kinikilig niya paring sambit.

Binilang niya ng paisa-isa ang pandesal nito sa tiyan.

"Isa, dalawa, tatlo, apat, lima... ay, anim! Wagi!" Sabay palakpak niya pa. Naging bading na ata siya sa pinaggaga-gawa niya.

Sinubukan niyang magtingin-tingin sa loob upang malaman kung may tao bang nakatira sa kanyang pinasok. At kung naroon ang lalakeng nasa larawan.

"Gagapangin kita! charot!" Sabay tawa niya ulit.

Mariing sinaway niya ang sarili ng mapagtantong tila nagkaroon siya ng pagkagusto sa lalake kahit sa litrato niya pa lamang itong nakikita.

Otimatikong siya'y napatingala sa taas. At waring siya'y pinapaakyat nang kung sino man. Wala sa loob na umakyat si Karina sa batong hagdanan at tinungo ang pang-anim na silid na may nakasulat sa pinto na "volver al pasado."

Nang makapasok ay napako ang kanyang paningin sa duguang sahig patungo sa tokador na may nakasabit na lumang kwintas na susi. Wari siyang hinihipnotismo nito na para bang nagsasabing "suotin mo ako, ako'y saiyo."

Humakbang palapit sa tokador si Karina at wala sa loob na dinampot at isinuot sa leeg ang kwintas na susi.

Nakaramdam na tila ba ay may dalawang pares ng mata ang sa kanya'y nagmamasid, kaya naman otomatikong napalingon si Karina sa kaliwa sa may bintana. Ngunit tanging kurtinang tila isinasayaw ng malakas na hangin lamang ang kanyang nakita.

Dahan-dahang umupo si Karina sa kama habang pinagmamasdan ang lumang kwintas na susi. "Saan kita magagamit? Anong hiwaga ang iyong dala?" tanong sa sarili ni Karina.

Isinuot niya ang kwintas at itinago sa ilalim ng kan'yang blusa. Nakaramdam ng pagod si Karina ng mapasulyap sa kamang nasa harapan.

Tila napakalambot ng kamang iyon at tila kay sarap humiga. Dahil sa wala naman tao ay nagpasya siyang umupo sa kama at maya-maya pa ay humiga. Sa ilang sandali ay napapikit na ang dalaga at mahimbing na nakatulog.

"Karina ! pssst, Iha ! gumising ka!" Gising sa kanya ni Mang Lando, ang supulturero ng sementeryo. "Tila na ang ulan, ika'y makakauwi na!"

"Salamat ho sa pagising, Mang Lando. Uuwi na po ako." papungas-pungas na nagmamadaling bumangon at nagligpit si Karina.

"Siya nga pala ! Masama ang matulog sa ganitong lugar, baka ikaw ay mapaglaruan." matalinhagang wika ni Mang Lando habang papalayo ng lakad sa kaniya.

Kinabahan naman ang dalaga at wala sa loob na napahawak sa dibdib. Nanlaki ang kanyang mata nang makapa niya ang lumang kwintas na susi sa dibdib. Madumi rin ang kanyang sapatos, senyales na naglakad siya sa maputik na daan.

"Tila ako nga'y napapaglaruan!" Kinikilabutang wika ng dalaga. Halos Hindi makapaniwala ang dalaga sa naranasan.

"Paano at bakit? Ibig sabihin totoo ang naranasan kong panaginip kagabi?" Hindi makapaniwalang sambit sa sarili ng dalagang si Karina. Bitbit ang mga gamit, wala sa sariling naglakad at sumakay ng kotse ang dalaga. Nagiisip at tulala parin ang dalaga dahil sa pangyayare.

"Ano kaya ang ibig sabihin ng aking panaginip?" tanong sa isip ng dalaga. Hindi rin mawala sa isip niya ang nakitang litrato ng gwapong lalake sa mansyon.

"Ano kayang pangalan niya? Totoo rin kaya siya?" Tanong niya sa sarili habang paalis sa lugar na iyon.

"Ano man ang iyong kahilingan, ito'y iyong makakamtan sa tamang panahon."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status